webnovel

Chapter 59

Sabay-sabay silang napangiti. Maging si Milo ay nasasabik na ring makabalik sa kaniyang Lolo. Napakarami niyang ikukuwento sa matanda at maging sa mga kaibigan niya.

Nang tuluyan nang lumitaw sa harap nila ang lagusan ay dali-dali na rin silang pumasok sa loob nito.

Samantala, binabalot naman ng kakaibang pangamba ang buong Talusan dahil sa bantang pagsalakay ng mga bangkilan.

"Isko, hanggang kailan tayo mabubuhay ng ganito? Kakapanganak lang ni Agnes at ngayon nagbabanta na ang mga dem*nyong 'yon na pat*yin ang anak ko." puno ng pag-aalalang wika ni Rita.

"Huwag kang mangamba Rita, hindi tayo pababayaan ng Panginoon. Basta, manatili lang kayo sa loob ng bahay, hindi tayo basta-basta mapapasok ng mga aswang rito." saad naman ni Mang Isko na noo'y abala sa paglalagay ng mga pangontra sa mga dingding at bintana.

"Sana nga Isko, natatakot na ako para sa buhay ng anak at apo ko. Si Agnes, walang ibang bukambibig kun 'di ang ama ng kaniyang anak. Sabi niya, posibleng wala na si Gustavo kaya nandito na ang mga aswang upang kunin ang anak nila." Nababahalang wika pa ni Rita.

Sa pagkakataong iyon ay lalong namayani ang pag-aalala sa puso ni Mang Isko. Hindi niya maintindihan ngunit sa pagkakataong iyon ay tila ba nawawalan na sila ng pag-asang makaligtas. Ilang linggo na rin silang inaatake ng mga bangkilan at sa bawat pag-atakeng iyon ay dahan-dahan na ring nararamdaman ni Mang Isko na wala nang nagagawa ang kaniyang mga pangontra.

Isang hamak na albularyo lamang siya at wala siyang karampatang kakayahan upang makipaglaban sa mga matataas na uri ng mga aswang tulad ng bangkilan.

"Mahabaging Diyos, huwag niyo sana kaming pababayaan." Mahinang panalangin ni Mang Isko habang isinasabit ang huling pangontra sa likod ng pinto.

"Inay, nilalagnat na naman si Gino. Iyak na naman siya ng iyak, hindi ko na alam ang gagawin ko." Nag-aalalang wika ni Agnes habang inihehele ang sanggol sa kaniyang bisig. Bakas sa mukha ng babae ang labis na pag-aalala.

Agaran namang nilapitan ni Mang Isko si Agnes, sinipat niya ang bata at tahimik na napam*ra.

"Hindi talaga kayo titigilan ng mga aswamg Agnes. Malapit nang maubos ang langis na ibinigay ni Milo, at hindi na ako makakagawa ng panibagong langis dahil nakabantay sila sa niyogan." Salaysay ni Isko at kinuha ang bote ng langis na halos paubos na. Agad niyang hinaplos ang tiyan ng bata ng kamay niyang may langis habang nagdarasal.

"Agnes, huwag kang lalayo sa anak mo, may ibinigay na mutya at pangontra si Milo sa 'yo kaya hindi kayo malalapitan ng mga nilalang na iyon." Paalala ni Mang Isko at tumango naman si Agnes. Bahagyang tumahan ang bata at muli na itong nakatulog.

Naupo na si Agnes sa mahabang upuan doon sa sala ng bahay at agad naman siyang tinabihan ni Aling Rita. Muli pa sanang magsasalita si Mang Isko nang magsimula na namang umalulong ang mga aso. Nagsimula na ring humuni ang mga uwak sa paligid.

Naalerto si Mang Isko at lumapit sa bintana. Akmang sisilip siya ay nagulat pa sila nang may sumulpot na isang aswang doon na labis na ikinagulat ni Mang Isko. Halos mabutas ang bintanang gawa sa kahoy dahil sa paglusot ng isang kamay na may matutulis na kuko.

Napasigaw si Aling Rita at Agnes dahil sa pangyayaring iyon. Malakas na umatungal ang aswang na siyang nagpakilabot sa kanilang sistema. Wala nang nagawa si Mang Isko nang paulit-ulit na tinusok ng aswang ang bintana ng braso nito. Agad na dinampot ni Mang isko ang kaniyang itak at naghanda para sa nalalapit na pagpasok ng aswang sa loob ng bahay.

"Rita, madali kayo dalhin mo sa kwarto si Agnes. Nalint*kan na, hindi na kinaya ng mga pangontra, mapapasok na tayo ng mga aswang." Sigaw ni Mang Isko. Nagmamadaling hinatak naman ni Aling Rita si Agnes papasok sa kwarto nila.

"Diyos ko, huwag niyo po sanang pahintulutang makuha ng mga aswang ang aking apo. Napakabata pa po niya para danasin ang buhay ng mga aswang." Umiiyak na dasal ni Aling Rita habang hawak ang pangontrang bigay sa kanila ni Milo.

"Inay!" Impit na tili ni Agnes nang kumalampag ang kanilang bubong. Gawa sa yero amg bubong nila kaya ganoon na lamang ang takot ni Agnes nang makitang nayuyupi ito sa bawat hakbang ng nilalang sa taas. Napaka-agresibo ng mga aswang na iyon dahil na din kabilugan ng buwan nang gabing iyon.

Nagyakapan ang mag-ina at nasa gitna nila ang walang kamuwang-muwang na anak ni Agnes. Nakatulog na ito sa sobrang iyak kanina. Napasigaw sila pareho nang marinig nila ang pagpunit ng bubong nila at lumapag sa harapan nila ang isang nakakatakot na nilalang. Naglalaway at nanlilisik ang mapupula nitong mata, sa baboy-ramo ang wangis nito na may matatalim at nangingitim na pangil. Napakabilis nang mga pangyayari at natagpuan na lamang ni Agnes ang kaniyang ina na nakahandusay na sa sahig at wala nang malay.

"Inay!" Sigaw ni Agnes ngunit mabilis na humarang sa harapan niya ang nakakatakot na nilalang. Mahigpit na niyakap ni Agnes ang kaniyang anak at bahagyang inilayo iyon sa nilalang.

"Ibigay mo sa akin ang anak ni Gustavo kung ayaw mong matulad sa nanay mo!" Umaangil na wika ng nilalang.

"Hindi ko ibibigay sa'yo ang anak ko. Anong ginawa niyo kay Gustavo?" Umiiyak na tanong niya, natatakot man ay nilakasan niya ang loob na tanungin ito sa tunay na kalagayan ng kaniyang asawa.

"Wala na si Gustavo. Kaya wala nang magliligtas sa'yo, huwag ka nang umasang may darating pa para sagipin ka. Kaya kung ako sa'yo, ibibigay ko na nang walang reklamo ang hinihingi ko.

"Ayoko, akin ang anak ko, kailanman ay hindi ko ibibigay sa inyo ang anak ko." Bulalas ni Agnes. Sumigaw ng malakas ang nilalang dahil sa galit at akmang hahambalusin siya ng nilalang ay isnag pangyayari ang nagpagulantang sa kaniya.

Napapikit na lamang si Agnes nang makita ang matutulis na kuko ng nilalang na papalapit sa kaniya. Kung tunay ngang wala na si Gustavo ay mas nanaisin na rin lang niyang mamat*y kasama ang kaniyang anak. Mariin siyang napapikit at hinintay ang pagtama ng mga kuko nito sa kaniyang katawan ngunit sa halip na makaramdam mg sakit ay narinig niya ang nasasaktang sigaw ng nilalang na iyon.

Pagmulat ng kaniyang mata ay nakita niya ang nilalang na iyon na hawak-hawak pa ng isang mas nakakatakot na nilalang. Higit na mas malaki ang pangangatawan nito sa unang umatake sa kaniya. Ganoon na lamang ang pagkahindik ni Agnes nang makita niyang paghiwalayin ng aswang na iyon ang ulo sa katawan ng nilalang na umatake sa kaniya.

Walang kahirap-hirap at hindi man lang niya nakitang kumurap ito. Nang ibaling ng nilalang na iyon ang tingin sa kaniya ay nahigit niya ang kaniyang hininga. Akmang magmamakaawa na siya ay ganoon na lamang ang pagkagulat niya na sa halip na atakihin siya ay mahigpit na yakap ang ibinungad nito sa kaniya.

Nag-uunahang pumatak ang masasaganang luha sa kaniyang mga mata nang maramdaman ang pamilyar na init at presensya nito.

"G–Gustavo?" Nauutal pa niyang tawag sa pangalan nito. Hindi noya matukoy kung totoo ba ito o pinaglalaruan lamang siya ng kaniynag imahinasyon.

"Agnes, ako nga."

Nang marinig niya ang tugon nito sa malahalimaw nitong boses ay doon na pumalahaw ng iyak si Agnes. Tuwa at pagkasabik ang gumuhit sa kaniyang mukha nang mapagtanto niyang totoo ang lahat.

"Buhay ka? Ang sabi ng aswang kanina ay wala ka na. Akala ko talaga, habang-buhay na kitang hindi makikita. Gustavo, tinupad ko ang pangakong magsisilang ako ng malusog na anak para sayo. " Umiiyak pa rin na wika ni Agnes at napangiti si Gustavo. Tuluyan na rin nanumbalik sa pagiging tao ang anyo nito. Walang paglagyan ang kasiyahan sa puso mg dalawa lalo pa nang makita ni Gustavo ang napakaliit na sanggol sa bisig ng kaniyang asawa.