webnovel

Chapter 16

Nakatungo ang ulo ni Milo habang dahan-dahan silang naglalakad pabalik sa kubo. Malamig ang simoy ng hangin subalit namamawis ang buong katawan ni Milo. Kumakabog ang kaniyang dibdib na para ba itong sasabog sa sakit. Paulit-ulit na bumabalik sa alaala ang mga iyak ni Aling Lina at ang itsura ng sanggol nitong nabiktima ng aswang. 

"Milo, hindi mo kailangan sisihin ang sarili mo. Wala kang kasalanan," wika ng isang lambana na umupo sa kaniyang balikat. Muling napabuntong-hininga si Milo at nag-angat ng mukha, doon sumilay sa mga nilalang ang mamasa-masang mata ni Milo. 

"Kasalanan ko, naging pabaya ako! Kahit anong sabihin niyo, dahil sa akin namatay ang walang muwang na batang iyon. Dahil sa akin, isang buhay na naman ang nawala." Buong pagsisising wika ni Milo. Nagtatangis ang binata at wala nang nagawa ang mga nilalang kun'di hintaying matapos si Milo sa kanyang pagluluksa.

Alam nilang wala silang magagawa dahil natural na busilak ang puso ni Milo. Ay hindi malayong sa bawat masasawi ay sisisihin nito ang kaniyang sarili.

Nang tuluyan nang huminahon ang damdamin ni Milo ay nagpatuloy na sila sa pagbaybay ng daan pabalik sa kubo. Halos madaling araw na nang marating nila ang kubo ni Lolo Ador.

Nakaabang na ito sa harap ng kubo habang ang ibang mga engkanto ay matiyaga ring naghihintay sa kanila. Nang makita ng matanda ang madilim na mukha ng kaniyang apo ay agad niyang naunawaan kung ano ang nangyari. Hindi siya nagsalita at marahang niyakap si Milo.

Nang maramdaman naman ni Milo ang mainit na yakap ng kaniyang lolo ay bigla siyang napahagulgol. Lahat ng sama ng loob at sakit na nararamdaman niya ay biglang bumuhos nang walang sabi-sabi. Patuloy lamang sa pagyakap si Lolo Ador sa kaniyabg apo habang marahang hinahaplos ang likod nito na animo'y isang bata lang si Milo.

Kinaumagahan ay nagising si Milo na nakahiga na siya sa kaniyang kwarto. Mataas na rin ang sikat ng araw nang siya ay bumangon. Agad siyang bumalikwas ng bangon at tumungo sa labas. Naabutan niyang nagsisibak ng kahoy si Lolo Ador habang may isang tasa ng kape ang umuusok sa tabi nito.

"Ayos ka na ba, apo?" tanong ng matanda, subalit hindi ito lumilingon sa kaniya.

"Opo, lo, ayos na po ako. Pero, may balita na po ba kayo kay Aling Lina?" Tanong niya. Umupo ito sa tabi ng matanda at kinuha rito ang itak para ipagpatuloy na ang pagsisibak. 

"Hindi ka naman sinisisi ni Lina. Nagpapasalamat din siya kahit papaano. Kasalanan ito ng mga halimaw na pumaslang sa bata. Kung meron kang dapat sisihin, ibunton mo iyon lahat sa mga aswang na umatake kagabi. Pagbutihin mo ang pagsasanay mo, bumalik ka rito nang higit na mas malakas. Nalalapit na ang alis mo, kaya doon mo ituon ang iyong huwisyo. Huwag mong alalahanin ang baryong ito." Wika pa ng matanda.

"Pero, lolo. Kung hindi ako naging pabaya, buhay pa sana ang batang iyon. Naging kampante ako na okay na ang lahat." 

"Tapos na iyon Milo, hindi mo na maibabalik pa ang buhay na nawala, subalit maari ka pang magligtas ng marami," tugon ng matanda.

Natahimik naman si Milo at napahinto saglit bago sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Tama nga naman ang lolo niya. Hindi man niya maibalik ang buhay na nawala, sisikapin niyang hindi na kailanman mangyayari ulit 'yon. Sa paglipas pa ng oras ay bigla namang dumating si Nardo at Ben. 

"Milo, okay ka na ba? bigla ka na lang umalis kagabi, hindi tuloy kami nakapagpasalamat sayo. 'Yong mga kababaryo natin pinapahatid ang pasasalamat nila. Siyanga pala, pinabibigay ito ni Aling Lina, huwag mo na daw isipin ang nangyari sa anak niya, wala ka namang kasalanan doon." Wika ni Ben habang inaabot sa kaniya ang isang bracelet na halatang pagmamay-ari ng sanggol. 

Mahigpit na ikinuyom ni Milo sa loob ng palad niya ang bracelet na iyon bago niya ito itago sa kaniyang bulsa. Iyon ang magsisilbing paalala sa una niyang kabiguan. 

"Pakisabi kay Aling Lina salamat. Ayos na ako. Siyanga pala Ben, Nardo, kapag wala na ako sa baryo maari niyo bang samahan si Lolo Ador dito pansamantala hanggang sa makabalik ako?" Tanong ni Milo at nagkatinginan ang dalawa.

"Oo naman! Bakit aalis ka ba? Malayo ba yang pupuntahan mo?" Tanong ni Nardo.

"Sa ngayon hindi ko pa alam kung saan ang punta ko pero malayo daw iyon sabi ni Lolo Ador, baka matagalan bago ako makabalik. Kaya kapag wala ako, samahan niyo naman si Lolo kahit sa gabi lang. Alam niyo naman matanda na si Lolo, tapos may kung anu-ano pang nangyayarinsa baryo natin." Paliwanag ni Milo na ikinatawa lang ng dalawa niyang kaibigan.

"Huwag kang mag-alala, kami na ang bahala sa lolo mo. Alam mo namang hindi na rin iba sa amin si Lolo Ador." sabi pa ni Ben na ikinangiti naman ni Milo. Dali-dali siyang nagpasalamat sa mga kaibigan at nagpatuloy na sila sa trabaho nila sa bukid.

Kinahapunan, ay muli nang nasilayan ni Milo ang magkapatid na nakatayo sa harap ng balete. Nakamasid ang mga ito sa puno na animo'y may kinakausap. Nang makalapit na siya sa mga ito ay lumingon din naman ang mga ito.

"Nakabalik na kayo? Kanina pa ba kayo?" Tanong ni Milo at napangiti ng makahulugan si Simon.

"Kanina pa kami, nalaman din namin ang mga nangyari dito sa mga kaibigan mong engkanto. Handa ka na ba? Kailangan na nating magsimulang maglakbay dahil nalalapit na rin ang takdang oras. Sa paglalakbay na natin ipagpapatuloy ang iyong pagsasanay," wika naman ni Simon. Napatango naman si Milo at kitang -kita sa mga mata ng binata ang determinasyon nito. 

Nang gabing iyon ay ginugol ni Milo ang kaniyang oras sa pag-iimpake ng kaniyang mga dadalhin. Gamit ang isang bag na gawa sa abaca, isa-isa niyang isinilid doon ang mga dadalhin niyang damit at mga libretang pamana sa kaniya ng kaniyang mga magulang.

Dinala din niya ang tabak na bigay ng magkapatid, maging ang tabak na pagmamay-ari naman ng kaniyang ama. Itinali naman niya sa tabak na galing sa magkapatid ang bracelet ng sanggol.

"Apo, mag-iingat kayo, lagi mong tatandaan na sa kahit anong laban, ang pananalig mo sa panginoon ang iyong magiging malakas na pananggalang. Huwag mong kakalimutan ang magdasal sa nakatakdang oras na ating nakagawian," wika ni Lolo Ador pagkapasok nito sa kaniyang kwarto.

"Opo, Lo, hindi ko po kakalimutan ang lahat ng bilin niyo. Mag-iingat din kayo rito, nasabihan ko na si Nardo at Ben na samahan ka muna rito habang wala ako. Para mapanatag naman ang loob ko habang nasa malayo ako," malungkot na wika ni Milo. Ito kasi ang unang pagkakataon na mahihiwalay siya ng matagal sa kaniyang nakagisnang magulang.

"Kung iyan ang ikakapanatag ng loob mo, walang problema. Basta, lahat ng sasabihin ni Simon at Maya sayo susundin mo, sila ang higit na mas nakakaalam ng lahat. Pagkaingatan mo sana ang buhay mo Milo. Tandaan mo, andito lang akong maghihintay sa muli mong pagbabalik. Ano man ang matuklasan mo, panatilihin mo ang mag-isip ng tama at palaging kabutihan ang piliin mo." emosyonal na wika ni Lolo Ador sa binata. 

Tumango naman si Milo at niyakap ang matanda. Lahat ng pangaral at mga payo nito simula pagkabata ay isinasapuso niya. Maging mabuti, iyon ang palaging paalala ni Lolo Ador sa kaniya. Sa paglalim pa ng gabi ay tuluyan na ngang nagpahinga ang mag-lolo. Payapang nakatulog si Milo sa tulong na rin ng diwata ng hangin na palaging nakabantay sa kaniya. Ito ang nagbibigay sa kaniya ng komportableng pahingahan. Sa kanyang paggising, naabutan pa niya ang tikbalang na tahimik lang na nakamasid sa labas. 

Dali-dali na siyang bumangon at kinuha ang bag niya na nasa tabi ng kaniyang higaan at dinala ito sa sala. Nagkakape si Lolo Ador ng maabutan niya ito. Ngumiti ang matanda at inalok siya ng kape.

"Magkape ka muna apo." Alok ni Lolo Ador na pinaunlakan naman ni Milo. Tamang-tama, hindi pa naman dumarating si Maya at Simon kaya may oras pa siya para mag-almusal. Matapos magtimplang kape ay agad din siyang umupo sa tabi ng kaniyang lolo. Doon ay tahimik nilang pinagsaluhan ang huling agahan na magkasama sila. Walang pag-uusap na naganap, bagkus ay pareho silang tahimik na sinusulit ang presensya ng bawat isa. 

Ilang sandali pa ay dumating na nga ang magkapatid. Agad namang nagtaka si Milo dahil hindi kalakihan ang mga bitbit na bag ng mga ito na animo'y kakaunti lamang ang kanilang mga bibit. Sa kanyang pagtataka ay agad na din siyang napatanong.

"Bakit 'yan lang ang bitbit niyo? Hindi ba't malayo ang pupuntahan natin?" Tanong ni Milo at nagkatinginan ang magkapatid.

"Marami kaming dala, sadyang maliit lamang itong iyong nakikita," sagot ni Maya at lalong napakunot ang noo ni Milo sa tinuran ng dalaga. Maya-maya pa nga ay pormal na silang nagpaalam sa matanda. Yumakap ng mahigpit si Milo sa huling sandali at humalik sa pisngi ng kaniyang lolo. Panay din ang bilin niya rito na mag-iingat at huwag masyadong magpapagod sa bukid. Kaya naman nang makalayo na sila sa bukid ay panay ang tawa ng magkapatid sa kaniya.

"Bakit ba kayo tumatawa?" KUnot-noong tanong niya sa mga ito.

"Para ka kasing si Mama, daig mo pa ang ina namin sa pagbibilin," natatawang wika ni Maya at natawa na naman si Simon. Napakamot naman si Milo dahil hindi niya inaasahan ang maikumpara sa isang babae. Nang araw ngang iyon ay nagsimula na ang paglalakbay ni Milo.