webnovel

5 | Soulmates

Not all soulmates are the stuff of life-long romance.

Elise Montenegro

Siguro lusaw na si Kyle kung may laserbeam ang mata ko ngayon. Kanina pa kasi ako nakatingin sa kanya tapos parang nakaawang pa yata ang bibig ko sa sobrang gulat sa sinabi niya.

"Hindi mo talaga alam?" Tanong niya bago hinawakan ang kaliwang braso ko at nililis ang sleeve ko. Kumunot ang noo niya. "Asaan 'yung panga—eh? Bakit ang labo?"

Nang medyo matauhan na ako ay hinila ko ang braso ko pabalik. "Patay na ang soulmate ko."

Siya naman ang napatanga sa aming dalawa. "Paanong patay? Nakita ko 'yung pangalan mo kay Sir! Malinaw na malinaw."

Anong sinasabi nito? Paanong nangyari 'yon? Imposibleng magsinungaling sa 'kin ang nanay ko. At saka malay ko ba kung duling din 'tong si Kyle magbasa? Baka Montemayor 'yon hindi Montenegro.

"Baka nagkamali ka lang ng basa?"

Mabilis siyang umiling. "Hindi! Pangalan mo 'yon! Kaya nga lagi ko kayong tinitignan ni Sir tuwing klase niya. Akala ko awkward lang kayo sa isa't isa kaya hindi ako nagsasalita."

"Baka kapangalan ko lang din?" Suhestiyon ko sa kanya.

Pero sobra naman 'yung joke na 'yon kung magkapangalan nga kami ng soulmates niya.

"Wala ka talagang naramdaman nung nagkita kayong dalawa ni Sir? O nitong mga nakaraang linggo?"

"Wala."

Naguguluhang tumingin kami sa isa't isa. "Ang weird naman no'n? Gusto mo ba makausap si Sir? Do'n lang siya nakatira sa tabi namin, 'yung itim na gate."

Gusto ko rin malaman kung totoo nga 'yung sinasabi ni Kyle pero huwag muna ngayon. Ilang araw akong nagluksa sa soulmate ko tapos malalaman kong may posibilidad na soulmates nga kami ni Sir? Ang sakit sa ulo nitong nangyayari gusto ko na lang umuwi.

"Uwi muna tayo sumasakit 'yung ulo ko sa sinabi mo."

Parang nadismaya naman siya sa narinig. "Okay? Pero totoo talaga 'yung sinabi ko. Pangalan mo talaga 'yon."

---

Imbes na mag-isip ako tungkol sa nalaman ko ay nakatulog ako ng maaga. Nagising din ako ng maaga at nakita ko 'yung chats ni Kyle tungkol sa 'min ni Sir. Nag-suggest pa siya na mag-usap kaming dalawa sa chat. Kung tunay ngang kapangalan ko ang soulmate ni Sir at estudyante niya ako. May sense naman kung bakit hindi niya ako lalapitan ngayon kasi unang una; estudyante niya ako, pangalawa; teacher namin siya at lapitin siya ng issue. Malamang pag-piyestahan kami ng lahat kapag nalaman nilang soulmates kami ni Sir (kung totoo man 'yon).

Pero imposible rin talagang magsinungaling sa 'kin si Mama. Pwedeng nagkataon lang lahat 'yon, na kapangalan ko ang soulmate niya, at kapangalan niya ang namatay kong soulmate. Tapos malakas lang talaga tama ng diyos ng tadhana na si Oliphius kaya sa lahat ng pwedeng pasukan ni Sir na school, sa school pa namin kung saan may estudyanteng kapangalan ng soulmate niya.

Kyle Kendipot

| Mag-usap na kasi kayong dalawa para malaman mo na kung kapangalan nga lang.

Akala mo naman ang dali-daling makipagusap sa teacher namin. Hindi naman ako katulad niyang madaldal at mapagbiro sa teacher. Sa nanay ko nga takot akong mag-joke, iyon pa kayang may hawak sa grades ko?

At saka anong oras pa lang ngayon? 4:45 palang ng umaga pero gising pa rin siya? 8 ng umaga 'yung pasok namin.

Me

| Paano kami mag-uusap? Weird naman bigla ko siyang pupuntahan sa kanila.

Kung pupuntahan ko naman si Sir ng walang pasabi parang mas nakakahiya naman 'yon.

Kyle Kendipot

| Chat ko? Or ikaw?

Me

| Ikaw na, mas close kayo e.

Kyle Kendipot

| Na-chat ko na si Sir sabi ko kung pwede siya makausap.

Close na close nga sila ni Sir, ang bilis niyang mag-chat e. Kung ako siguro 'yon baka abutin ako ng isang linggo kakaisip ng opening line.

Kyle Kendipot

| Sabi ni Sir pwede raw siya bukas ng hapon. Sabi ko pala sa kanya magdadala ako ng meryenda. Di ko sinabi na gusto mong makipag-usap. Baka kasi di yon pumayag e. Pansin ko kaya iniiwasan ka non.

Huh? Ako pa ang iniiwasan ni Sir? Grabe naman. Pareho pala kaming ayaw makita ang isa't isa. Baka nga dapat hindi na lang kami mag-usap.

Me

| Sabihin mo kasama mo ko. Baka kung anong isipin non bigla akong nakikisama sayo di naman tayo close.

Kyle Kendipot

| Grabe sa hindi close. T__T

| Pero sige, sabihin ko na kasama ka tignan ko kung iiwas.

Akala ko nakatulog na siya nung umabot ng limang minuto na wala siyang reply. Iidlip na sana ako uli nang biglang tumunog ang notif ng chat niya sa 'kin.

Kyle Kendipot

| Oo daw, usap daw kayo.

Sa unang pagkakataon ay bigla akong kinabahan sa ideya na mag-uusap kami ni Sir.

Bigla akong napaisip kung anong meron kay Sir bukod sa mga naging issue niya simula nung pumasok siya sa school. Kung anong naramdaman ko nung una ko siyang nakita, kung nagwapuhan ba ako sa kanya o wala lang.

Hindi na tuloy ako nakatulog hanggang 6:30 kaya bumangon na lang ako at nagluto ng almusal namin ni Mama.

"Ang aga mo yata?" Salubong na tanong sa 'kin ni Mama nang makalabas siya ng kwarto.

Napahikab ako habang naglalapag ng plato sa mesa. "4:30 nga po ako nagising.."

"Bakit? May exam ka?"

Tumango na lang ako kahit wala pa naman kaming exam. Next week pa tapos titignan pa namin kung anong hihingin ng ibang teacher na para makapagpapirma ng clearance at maka-graduate kami.

Grabe ang bilis. Gagraduate na kami parang hindi naman ako sumaya sa hayzkul layp na sinasabi nila.

Pagkatapos namin mag-almusal ni Mama ay nauna na akong umalis sa kanya, nag-chat din si Kyle na sabay na kaming pumasok sa school.

Kyle Kendipot

| Hintayin mo ko sa may shed, sabay na tayo pasok.

Pumayag na rin akong maghintay, tutal baka maghintay pa kami sa labas ng classroom ngayon kasi late tuwing Friday 'yung Class Rep namin, siya pa naman may hawak ng susi.

Malayo-layo pa ako sa shed pero may natanaw na akong tao na nando'n. Pamilyar ang suot na uniform. Parang sa teacher ng school namin—teka—Si Sir yata 'yon? Medyo malabo kasi ang paningin ko sa malayo.

Lumakad pa ako palapit para makita kung sino. Kapareho ni Sir ng relo at braso—"Elise!"

Napalingon ako sa likuran kung saan galing 'yung boses ng tumawag.

Si Kyle yata 'yong patakbong papalapit sa 'kin kung tama 'yung pagkakatanda ko sa boses niya. Mukha siya naman 'yon kasi may dala ring atache case at mukhang laging mabigat 'yung dalang backpack.

Tumigil na ako sa paglalakad para hintayin siyang makalapit.

"Sir!" Biglang sigaw niya uli. "Sir lingon-lingon din pag may time!"

Napalingon naman ako sa shed kung nasaan si Sir, nakatingin na siya sa amin. Hindi malinaw kung nakangiti ba siya sa amin o nakasimangot kasi malabo pa rin ang tingin ko sa kanya.

"Ayan oh, pwede na kayong magkausap dalawa." Bulong sa 'kin ni Kyle habang papalapit kami sa shed.

Akala ko makakapagsalita ako kapag katabi na namin si Sir pero nakasakay na kami ng trike pero hindi man lang ako nakabati ng good morning.

Biglang napasma ang kamay ko nang kami ang pinagtabi ni Sir ang pinagtabi ni Kyle sa loob ng tricycle. Tapos 'yung elementary student pa ang umupo sa baby seat kaya wala talaga kaming choice kung hindi magtabing dalawa.

Puro simpleng tingin lang tuloy ang nagawa ko habang nakasakay kami sa trike.

Napansin ko na may butas 'yung tenga niya tapos may tattoo siyang maliit na dolphin sa leeg. Tapos parang puputok 'yung braso ng sleeve ng uniform niya dahil sa muscle niya—napababa ang tingin ko sa pulsuhan niya, pero tulad ng ibang teacher ay may metal band siya do'n na may tatak ng logo ng school. Minsan naka-long sleeve rin sila kaya imposible talagang makita namin 'yung pangalan ng soulmates nila ro'n.

Siguro para talaga maprotektahan ang tulad ni Sir na mukhang artistahin.

Iba pa naman panahon ngayon, baka biglang mapagdiskitahan 'yung soulmate nila.

Ngayon ko lang din napansin na ang bango pala ni—"Ako na magbabayad."

Ha? May sinasabi ba 'tong si Sir?

Tumaas ang tingin ko sa mukha ni Sir. "Ano po?" Tanong ko sa kanya.

"Ako na magbayad ng pamasahe nating tatlo." Nakangiting sabi niya, lumabas pa 'yung biloy niya sa kaliwang pisngi.

"Ah." Wala sa sariling napatango ako. "Okay po."

Ang gwapo nga pala talaga ni Sir?

Pagkababa namin sa school ay nauna na si Sir pumasok at magkasabay na uli kaming dalawa ni Kyle na naglakad papuntang classroom.

"Ano?" Ngiting-ngiting tanong ni Kyle. "Nagkausap kayo?"

Malungkot na umiling ako. "Wala tinignan ko lang siya." Bigla ko kasing na-appreciate 'yung kagwapuhan niya.

Mahina siyang natawa tapos tinapik niya pa ako ng mahina sa likod. "Okay lang 'yon, mamaya na lang kayo mag-usap."

Pero mukhang malabo rin kaming magkausap mamaya. Baka matulala lang uli ako.

"Sa graduation na lang kaya?" Suhestiyon ko kay Kyle.

"Kailangan patagalin? Eh sabi mo kapangalan ni Sir 'yung namatay mong soulmate?"

"Sabagay."

Pagkatapos ng usapan na 'yon ay napunta naman sa ibang topic ang usapan namin hanggang sa makarating kami ng classroom. Mali ako ng hinala na late si Class Rep kaya nakapasok kami agad sa classroom ni Kyle.

Tulad ng dati, may ibang mapanukso ang tingin sa amin. Pero mukhang natuto na si Kyle na huwag silang patulan at naupo na lang sa upuan niya.

Mukhang maaga rin si Ella pumasok kaya nakangiti siya ng wagas nang makita akong papasok kanina.

"Sabay na naman kayo ah?"

Isinabit ko ang bag ko sa likod ng upuan na katapat ko bago umupo. "Siya nag-aya."

Patay-malisyang ngumiti na naman siya. "May soulmate na siya kaya huwag niyo na siyang tuksuhin." Kwento ko kahit hindi ako sigurado kung meron nga. Ayaw ko lang talagang lagi siyang tinutukso sa 'kin kasi wala naman talaga siyang crush sa 'kin, mukhang kay Sir nga yata siya may crush.

"Ay gano'n?" Dismayadong sagot ni Ella. "Akala ko pa naman may time pa kayong mag-date."

Iyan ang isa sa mga hindi ko maintindihan.

Kung ginawa ang tao na may itinadhanang tao para sa kanila, hindi ba dapat hintayin na lang 'yung taong 'yun kaysa makipaglaro habang wala pa? Pero sino nga ba ako para manghusga sa gusto nilang gawin sa buhay.

Basta ako hihintayin ko na lang ang taong para sa 'kin.

---

Mabilis na lumakad ang oras. Lalo na at nakatulog ako ng lunch break kaya hindi ako nakakain ng tanghalian. Tapos si Ella uwian na ako ginising.

"Hindi tayo pinasukan ni Ma'am K, kaya hindi na kita ginising." Paliwanag pa ni Ella sa 'kin.

Sabay kami ni Ella at Juliano na lumabas ng classroom. Wala si Kyle kaya hindi ko na siya hinanap hanggang sa makasakay ako ng tricycle.

Chat ko na lang siya mamaya kung anong oras kami magkikita para mag meryenda.

Pagkauwi ko, chat ang bumungad pagkabukas ko ng phone.

Kyle Kendipot

| Red alert!

| May kasama si Sir kanina pauwi.

Me

| O? Di na tayo tuloy?

Kung hindi na kami tuloy edi maganda! Pwede pa akong matulog ng mas mahaba.

Kyle Kendipot sent a photo.

Screenshot ng usapan nila ni Sir ang sinend niyang picture. Mukhang hindi nga kami tuloy ngayon dahil may biglang bumisita kay Sir.

Nakahinga naman ako ng maluwag.

Sa totoo lang, mas gugustuhin ko na lang hintayin 'yung isa ko pang soulmate bago kausapin si Sir. Pero may parteng gusto ko rin malaman kung ilang Xerxes Zaragosa ang meron sa Pinas. O kung si Elise Montenegro na rin ba 'yung bisita niya ngayon.

Gusto ko lang din chumismis kung magkasing-ganda kami nung soulmate niya na kapangalan ko rin.

Kyle Kendipot

| News flash: Bukas na lang daw tayo mag foodtrip

| Kapatid niya yung bisita niya baka gusto mo lang malaman HAHAHAHAHA

| Hindi ka kumain ng lunch kanina diba? Tara kain?

Me

| Gusto ko na lang matulog.

Kyle Kendipot

| Gesi

| Pero may kwento ako sa 'yo mamaya ah? Chat mo ko

Me

| Chat mo na ngayon.

Ano naman kayang chismis 'to ngayon?

Kyle Kendipot

| Di ka pinagising kanina ni Sir sa time niya e. Tapos laging sumusulyap.

| Yiie

| Sana oil

Me

| Patay-malisya ka lang.

| Yun lang ba? Tulog na ko.

Ito talagang si Kyle akala niya talaga kami ang soulmates ni Sir. Kulang na lang siya na ang magplano sa kasal namin. Wingman na wingman ang dating. Ano kayang mangyayari kapag nalaman niyang hindi naman talaga kami ni Sir ang nakatadhana para sa isa't isa?

Mag-o-off na sana ako ng phone kaso biglang may nag-notif na bagong message.

Akala ko si Kyle na naman kaya hindi ko sana papansinin kaso—Xerxes Zaragosa sent you a message.

Bigla akong nagising sa nakita kong pangalan.

Nagtatlong-isip pa akong kung bubuksan ko ba agad o huwag muna. Kung masyado bang excited ang dating kung i-re-read ko agad o normal lang na mabilis kasi online naman ako ngayon? Pero sabi ko kay Kyle inaantok na ako?

Paano kung chinismis niya kay Sir na inaantok na ako?

Sa huli, binasa ko rin agad ang message ni Sir, tutal gising na rin naman ako. Tsaka bakit kailangan kong malisyahan?

Xerxes Zaragosa

| Hi Elise, sorry na-postpone ang foodtrip natin today. Promise, bukas na talaga.

Me

| Okay lang po.

| Gusto lang talaga kayo makita ni Kyle

| Hahahahha

Xerxes Zaragosa

| Hahaha

| Buti na lang gusto niya ako makita kaya wala kang choice kundi samahan siya at pigilan.

Medyo napangiti ako. Friendly pala si Sir sa chat kaya pala nahuhumaling sa kanya 'yung mga estudyante. Siguro laging puno ang inbox niya araw-araw.

Me

| Oo nga sir.

| Hahahaha

Handa na akong ma-seen dahil alam kong wala na talaga kaming ibang mapapagusapan. Tsaka alam kong busy siya.

Xerxes Zaragosa

| Hahaha

| May kailangan din akong sabihin sa 'yo kaya thankful din ako kay Kylito na inaya ka niya.

| See you tomorrow.

| Also, kapag tulog ka uli sa klase ko. Kakantahan ka namin ng happy birthday.

| Huwag ka na magpuyat.

Hindi ko alam kung matatawa ako o matatakot sa sinabi ni Sir.