webnovel

6 | Siblings

The person you both want to annoy and protect at the same time.

Elise Montenegro

Minsan talaga may isang araw na gusto mo na lang bumagal 'yung oras at ma-stuck sa isang moment. Tulad ngayon, gusto ko na lang habang-buhay na mag-hoodie at tumingin sa labas ng bintana habang umiinom ng kape.

Ang hindi ko lang talaga gusto ngayong araw ay hindi matutuyo kaagad 'yung uniform namin ni Mama kasi umuulan. At medyo nanghihinayang din ako kasi mukhang hindi na naman kami matutuloy nila Sir.

Feeling ko tuloy pinagtitripan uli kami ni Universe. Parang ayaw naman niya kaming magkausap.

"Anak, mag-grocery muna ako. Wala na pala tayong ilulutong baon next week." Paalam ni Mama sa 'kin.

Saglit akong lumingon sa kanya bago binalik ang tingin sa labas. "Medyo hindi na nga po masyadong maulan sa labas." Sabi ko bago ibinalik ang tingin kay Mama na nasa main door na at handa ng lumabas ng bahay.

Agad kong inilapag ang mug ng kape sa coffee table namin at sinundan si Mama palabas ng pinto.

"Kung lalabas ka ngayon, isarado mo ng ayos 'yung pinto ha? Kapag kailangan mo ng pera, may pera do'n sa ibabaw ng ref."

Bago pa ako makatango ay nagbukas na si Mama ng payong at lumakad palabas ng gate.

Bumalik na lang ako sa pag-senti sa may bintana pagkasarado ko ng pinto. Magsasoundtrip sana ako para mas malinaw ang imaginary alteranate self ko sa ibang mundo bilang sirena kaso biglang nag-message si Kyle.

Kyle Kendipot

| May kwek-kwek kami ngayorn

| Tuloy tayo ngayon kaya sana naligo ka na

Hindi ko alam kung saan ako biglang na-excite. Kung sa kwek-kwek ba o sa part na tuloy kami kahit maulan.

Me

| Libre mo ko kwek-kwek?

Kyle Kendipot

| Ge lang. Singilin ko na lang si Sir

| Tsaka ano pala, pwede ba ikaw na mauna pumunta?

| Nagluluto pa ko bananacue e

Magtatanong sana ako kung bakit siya nagluluto ng bananacue kaso bigla kong naaalala na nagtitinda nga pala sila ng meryenda ng nanay niya at tumutulong siya sa pagluluto tuwing walang pasok.

Me

| Hintayin na lang kita matapos.

Kyle Kendipot

| Sige na nga.

Nagbihis na ako kaagad pagkatapos no'n at lumabas ng bahay para pumunta kila Kyle. Naabutan ko naman siyang nasa labas ng bahay nila at may hawak na plastic cup na may lamang kwek-kwek.

Lagpas hanggang tenga ang ngiti ko nang iabot niya sa 'kin ang baso.

Wala ng mas sasarap pa sa libreng pagkain.

Isusubo ko na sana 'yung kwek-kwek kaso naibalik ko kaagad sa cup nang makita kong may nagbukas ng main door ng bahay nila Sir.

Saglit akong napadasal na sana hindi si Sir ang lumabas pero s'yempre, kelan ba natupad ang hiling ko ngayong buwan?

"Grabe hindi ako hinintay."

"Bagal mo kasi Sir!" Natatawang sabi ni Kyle bago kumagat sa bananacue.

Napaiwas naman ako ng tingin kay Sir at nagsimula na lang lantakan 'yung kwek-kwek kahit nahihiya pa rin akong kumain sa harap ng ibang tao. Mas mabuti na 'yon para may dahilan ako na huwag magsalita.

---

Sa tapat kami ng bahay ni Sir umupo ni Kyle kasi may round table na semento at may bubong naman 'yung garahe kaya saktong-saktong tambayan. Mababa rin ang pader na naghihiwalay sa bahay nila kaya kita pa rin ang garahe nila Kyle.

Madalas na silang dalawa lang ni Sir ang magkausap kapag tinatanong nila ako saka lang ako sumasagot. Puro sports pa ang topic nila kay medyo hindi ako maka-relate. Halos isang oras din silang magkausap ni Kyle bago lumabas ang nanay niya at tinawag siya para maghugas ng pinggan.

"Panira ka ng usapan Mama!" Reklamo ni Kyle, simangot siyang tumingin sa nanay niya.

"Aba hindi maghuhugas ang plato ng sarili niya!" Nilingon ng nanay ni Kyle si Sir. "Mamaya niyo na lang siya uli kausapin ha?" Tumingin din sa akin ang nanay ni Kyle bago tipid na ngumiti. "Kayo muna ni Sir mag-usap Neng ha?"

Ngumiti rin ako bago tumango. "Okay po."

"Kausapin Elise ha? Hindi titigan." Bulong sa 'kin ni Kyle bago lumakad palabas ng gate ni Sir.

Pagkaalis na pagkaalis ni Kyle ay parang naririnig ko na 'yung mga kuliglig at kokak ng palaka sa sobrang tahimik. Medyo madilim na rin dahil hapon na at maulan kaya tanging ilaw na lang sa loob ng bahay ni Sir ang nagsisilbing ilaw para maaninag ang mukha niya.

"Buksan ko muna 'yung ilaw." Paalam ni Sir bago tumayo.

Tumango ako kahit hindi ako sigurado kung nakita niya ba dahil mabilis siyang tumalikod.

Akala ko hindi na lalabas si Sir at kinain na siya ng switch ng ilaw nang hindi siya kaagad lumabas.

Pero may hawak siyang dalawang cup pagkalabas niya. Balikat ang pinangtulak niya ng screendoor kaya napatayo ako para sana hawakan 'yon kaso umiling siya. "Upo ka lang d'yan."

Sumunod naman ako kay Sir at umupo na lang uli.

"So.." Panimula niya bago inilapag ang cup sa tapat ko at umupo. "Iyong sasabihin ko pala." Mahina pa siyang napatawa. "Akala mo nakalimutan ko na?"

Wala pa rin ang tingin ko sa kanya. Iyong baso na lang ang tinitigan ko kahit gusto kong tumingin sa kanya.

Hindi naman ako matatakutin na tao lalo na kapag alam kong wala akong ginagawang masama pero hindi ko alam bakit bigla akong kinabahan. Ayaw ko namang isipin na nahihiya ako kay Sir kasi lalo lang akong mahihiya pero—"Pwedeng tumingin ka sa 'kin saglit?"

Tumingin naman ako sa kanya pero saglit lang talaga bago binalik ang tingin sa baso.

"Okay, sige." Medyo natatawa ang boses niya. "Sasabihin ko na."

Hindi ako sumagot at hinintay na lang si Sir magsalita uli.

"Ako nga ang soulmate mo."

Parang biglang lumipat ang puso ko sa pareho kong tenga nang marinig 'yon.

At sa pangatlong pagkakataon ngayong araw ay napatingin ako kay Sir. Pero hindi tulad ng kanina, imbes na saglit lang ay matagal akong napatitig sa kanya, hinintay kong magsabi siya ng joke pero tumitig lang din siya sa akin pabalik.