webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · perkotaan
Peringkat tidak cukup
165 Chs

Mga Bagay Na Dapat Kong Gawin Sa Aking Asawa

"Ano kasi… Iba kasi iyon!"

"Walang pinagkaiba iyon. Basta, iyon na iyon. Ito ang pinakainam na gawin at kapag may masamang nangyari sa'yo, madaling mahahanap ng mga tao kung sino ang tatawagan. Sa ganitong paraan, kung may mangyari man sa'yo na katulad ng kahapon, ako kaagad ang tatawagan nila. Naiintindihan mo na ba?"

"Pero…" Hindi pa rin sang-ayon si Lin Che. Pakiramdam niya kasi ay nagtataasan ang kanyang mga balahibo sa tuwing nababasa niya ang pangalang iyon. Lalo pa't si Gu Jingze ang tinutukoy ng pangalang iyon.

Dumilim ang anyo ng mukha ni Gu Jingze at hinila siya palapit, "Kapag nahuli kitang pinalitan mo ang pangalang iyan, ako mismo ang pupunta sa inyong kompanya para muli itong palitan pabalik."

". . ." Naku, ibang usapan na 'to.

Umaasa pa rin siya sa kompanya para makapaghanda sa kanyang kinabukasan. Isang simple at ordinaryong buhay-artista lang ang gusto niya at gusto niyang makarating sa tuktok sa pamamagitan ng sariling sipag at tiyaga. Kapag napasali na si Gu Jingze sa usapan, tiyak na hindi na magiging payapa ang kanyang pagiging artista.

Walang nagawa si Lin Che kundi lumabi na lang. "Pero pangalan ko lang din naman ang naka-save diyan sa cellphone mo!"

"So, ano naman ngayon?"

BIglang naging malikot ang mata ni Lin Che at hinanap ang cellphone nito. "Pahiram ako ng cellphone mo."

"Ano'ng ginagawa mo?" Gusto siyang itulak palayo ni Gu Jingze pero nang maalala nito ang kanyang mga sugat ay hindi ito masiyadong gumalaw.

Pagkatapos ng ilang minutong pakikipag-agawan ay nakuha niya ang cellphone mula sa bulsa nito.

"Uy, ano'ng balak mong gawin? Huwag ka ngang malikot," sinubukan siyang pahintuin ni Gu Jingze.

Iniunat lang ni Lin Che ang mga kamay habang kinukulikot ang cellphone ni Gu Jingze at patuloy pa rin sa pag-iwas dito. Nang makita na niya ang kanyang pangalan sa contacts, mabilis niya itong pinalitan sa 'Dearest Wifey'.

Noon din ay nahuli siya ni Gu Jingze. Medyo napalakas ang paghawak nito sa kanyang balikat dahilan para sabay silang matumba sa kama, habang ito'y nasa ibabaw niya.

Dahil sa pagiging pokus sa ginagawa ay hindi na niya napansin na nakatutok na pala ang mga mata ni Gu Jingze sa kanyang malalambot na dibdib.

Nang matapos na niyang mapalitan ang pangalan niya ay ngumisi siya dito na para bang sinasabing 'akala mo ikaw lang ang pwedeng gumawa nun'.

Kaagad namang hinablot ni Gu Jingze ang cellphone. Napatigil siya nang makita ang pangalan.

Bahagyang napataas ang gilid ng kanyang labi. Ilang sandali niya munang tinitigan iyon at nasisiyahang tumango.

Tinitigan niya ito sa mata at ngumiti, "Gusto ko itong ipinalit mo."

At noon lang pumasok sa isip ni Lin Che na siya mismo ang nagkanulo ng sarili. Nauutal na sinabi niya dito, "Ano… Palitan mo nalang kaya. Ibalik mo nalang sa pangalan ko."

Medyo nasasanay na siya sa ugali nito. Alam niyang kahit kailan ay hindi siya mananalo dito. Kung kaya, sumuko na lang siya.

Nakangiti pa rin si Gu Jingze at inilapit ang katawan nito sa kanya, "Pero dahil ikaw na mismo ang naglagay nito, hindi ko na ito papalitan pa. Pero…"

Bago ito magpatuloy sa pagsasalita ay inilapit ang mukha kay Lin Che. "Gustong gawin ni Dearest Hubby ang ilang bagay na dapat niyang gawin kay Dearest Wifey."

"Ano?" Nanlaki ang mata ni Lin Che.

Hinawakan ni Gu Jingze ang mukha ni Lin Che at dahan-dahang hinalikan sa labi.

"Ah…" pabiglang naitulak ni Lin Che si Gu Jingze.

Tawa nang tawa si Gu Jingze kaya nagmamadaling sumiksik sa gilid ng kama si Lin Che at ilang sandali pa ay patakbong pumasok sa banyo.

Hindi pa siya nagsisipilyo ng ngipin. Hindi ba iyon napansin ni Gu Jingze?

Tahimik lang na nakangiti si Gu Jingze habang pinapanood si Lin Che na tarantang pumasok sa loob.

Kinabukasan ay maagang pumasok si Lin Che sa trabaho.

Nakita siya ng mga katrabaho na pumasok at nasabing totoo nga na naaksidente siya. Naghintay ang mga ito sa kanya kagabi pero hindi siya sumipot.

Dati ay isa lang siyang pipitsuging artista na hinahamak ng ibang artista. Sino'ng mag-aakala na bigla nalang siyang magiging sikat ngayon?

Hindi naman maiiwasan na mayroong mga maiinggit sa kanya. Ganyan naman kasi talaga sa industriyang ito. Swerte na lang minsan kapag bigla kang sumikat. Ganoon pa man, sa kaso niya ay hindi lang ito basta swerte. At wala din namang nakakaalam kung sino ang susunod na gagawa ng pangalan sa industriya.

Ito ang nangyari sa kanya. Kasabay niyang nagsimula ang mga ito sa kompanya pero ngayon, malayo na ang narating niya sa kanila. Ang ilan ay nakakasama na sa mga kilalang palabas pero may iilan din naman na kuntento na sa maliliit na roles na ibinibigay sa kanila.

Nang makita niya si Yu Minmin ay humingi agad siya ng paumanhin dito. "Hindi ko talaga sinasadya ang nangyari kahapon."

"Okay lang iyon. Sinabi ko na sa mga bossing ang tungkol sa nangyari sa'yo at sinabi nila na mabuti na lang at maayos lang ang lagay mo. Mag-iingat ka na sa susunod na magmamaneho ka ulit," pinaupo siya ni Yu Minmin habang nagsasalita ito.

Malungkot siyang sumagot, "Hindi na ako ulit makakapagdrive."

"Bakit? Nasira din ba ang sasakyan?" Tanong ni Yu Minmin.

"Hindi. Pinagbawalan na ako ni Gu Jingze na magdrive ulit."

Ilang segundo munang tumahimik si Yu Minmin bago malakas na tumawa. "Ano ka ba, ginagawa lang ito sa'yo ni Gu Jingze para rin sa ikabubuti mo."

Sa isip ni Lin Che ay sinasabi niya na halos hindi nga niya mahawakan ang kotse tapos ngayon ay pinagbawalan na agad siya. Pambihira talaga…

Nagpatuloy si Yu Minmin, "Oo nga pala. Ang sunod nating target ngayon ay mga reality shows. May isang reality program na inalok kang mag-guest appearance sa kanila sa loob ng isang linggo. Gusto mo bang tanggapin iyon?"

Medyo nag-aalala ang tingin ni Yu MInmin nang tingnan nito ang kanyang paa.

Sumagot si Lin Che. "Wow, hindi ba't kilala ang programang iyan?"

"Oo," dagdag pa ni Yu Minmin, "Pero magkakaroon ng ilang mga laro pagkatapos ng ilang araw."

"Okay lang iyan. Gagaling din naman agad itong mga sugat ko."

"Sige. Kapag may mangyari sa susunod na araw, sasabihin nalang natin sa director na wag masiyadong gawing delikado para sa'yo ang mga activities. Siguraduhin mong magpapahinga ka sa mga susunod na araw. Isang linggo pa naman bago magsimula ang filming, kaya may panahon ka pa."

"Hmm, sige."

Nang hapon na ay pauwi na si Lin Che. Habang nasa biyahe ay tumunog ang kanyang cellphone at lumabas ang pangalang 'Dearest Hubby' sa kanyang screen. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman. Hindi pa rin siya komportable kapag nakikita niya ang pangalang iyon. Nang sagutin niya ang tawag ay narinig niyang nagsalita si Gu Jingze, "Sinabihan ko si Chen Yucheng na tingnan ang mga sugat mo. Anong oras ka uuwi?"

"Huh? Hindi ba't isa siyang psychologist?"

"Specialty niya lang ang psychology. Sige na, umuwi ka kaagad."

Nag-okay na lang si Lin Che. Maya-maya ay nakatanggap siya ng notification mula sa kanyang WeChat.

Nagchat si Youran, "Lin Che, nakabalik na ako. Bakit hindi mo ako sinundo sa airport? Hindi mo rin sinasagot ang mga tawag ko. May problema ba?"

Nakauwi na pala si Shen Youran.

Napuno ng tuwa ang puso ni Lin Che. Hindi niya inaasahan na babalik ito kaagad.

Si Youran ang kaibigan niya. Umalis ito ng bansa noong nakaraang taon para mag-aral sa ibang bansa at ngayon lang ulit bumalik.

Mabilis siyang nagreply sa WeChat, "Hintayin mo ako diyan sa airport. Susunduin kita ngayon diyan."

"Pupuntahan mo ako dito? Okay sige. Hihintayin kita sa isang coffee shop malapit dito sa airport."

Agad niyang sinabihan ang driver na lumiko papunta sa airport at tinawagan niya si Gu Jingze.

"Gu Jingze, hindi agad ako makakauwi ngayon. Kadarating lang ng kaibigan ko at susunduin ko siya ngayon sa airport."

"Ano? Sino?" Naghihinalang tanong ni Gu Jingze, pero hindi na siya binigyan nito ng panahon na magtanong dahil ibinaba na agad ang cellphone.

Galit na tiningnan ni Gu Jingze ang pangalang 'Dearest Wifey' sa kanyang screen.

Anong klaseng asawa ba ito…

"Alamin mo nga kung sino ang kakilala ng Madam na kadarating lang ngayon sa airport," utos niya kay Qin Hao.

Hindi naman nagtagal nang bumalik si Qin Hao na may dalang balita. Nag-aalangan ang mata nito na nakatingin kay Gu Jingze. "Sir… Ngayong araw po… Ang ikalawang anak ng mga Qin na si Qin Qing ay kadarating lang mula sa France…"

Ano?