Maya-maya, sa loob ng dressing room…
Tahimik na nakapasok ang maliit na pigura ng assistant.
Sa harapan naman ay katatapos palang magmake-up ni Lin Che. May narinig siyang ingay mula sa labas pero hindi niya makita kung nasaan si Yu Minmin. Tinanong niya nalang ang make-up artist kung ano ang nangyari. Sumagot naman ito sa kanya, "Malamang ganito talaga ang sitwasyon dahil dumating na si Gu Jingyu."
Pagkatapos magsalita ng make-up artist ay siya namang pagpasok ni Gu Jingyu sa loob ng dressing room.
Ito ang unang pagkakataon na makita ng make-up artist si Gu Jingyu na pumasok sa isang common dressing room. Lubos namang napuno ng kasiyahan ang puso nito.
At kaagad din namang tumabi si Gu Jingyu kay Lin Che. Umupo ito, ngumiti at sinabi, "Hoy, mukhang pumayat ka ah? Dahil ba sa hindi mo na ako araw-araw nakikita simula nang matapos ang ating filming kaya masiyado kang naapektuhan at namimiss mo ako nang sobra?"
". . ." Walang masabi si Lin Che.
Samantala, nag-eenjoy naman sa pakikinig sa gilid ang mga make-up artists na nandoon. Hindi makapaniwala ang mga ito na marunong palang magbiro si Gu Jingyu. Kasalungat talaga ang Gu Jingyu na nakilala noon kaysa sa nakikita nila ngayon. Isa pa, siya ang tipo ng artista na laging may kasamang personal stylist kahit saan man ito magpunta. Hindi basta-bastang nakakalapit dito ang mga katulad nilang make-up artists. Kaya ganoon nalang sila kasaya na makita nang ganoon kalapit si Gu Jingyu.
Maya-maya pa ay nag-utos na ang director para sabihin sa kanilang magmadali na dahil magsisimula na ang recording.
Nagmamadali namang inayos ni Lin Che ang finishing touches ng kanyang make-up. Pagkatapos ay isinuot na niya ang damit na personal niyang dinala kanina.
Nakasuot siya ng isang maikling off-shoulder na dress na may bulaklaking burda. Pares nito ay isang stiletto kaya nagmukha siyang presko sa kanyang suot. Bagay na bagay para sa ganitong variety show na kanyang sasalihan.
Tinapik siya sa balikat ni Gu Jingyu. "Galingan mo."
Medyo kinakabahan pa rin si Lin Che. Humugot muna siya ng isang malalim na hininga bago naglakad papasok sa loob.
Hindi nagtagal ay nagsimula na ang programa kasabay ng ilang mga tugtugin.
Dahil nandoon si Gu Jingyu, hindi na nangahas pa ang production team na patagalin ang mga segments. Kakaunti lang ang mga game segments at nagsagawa rin sila ng interview na kung saan si Gu Jingyu ang focal point.
Mula sa gilid ay napansin ni Lin Che na lumabas din si Lin Li.
Sinulyapan siya nito at sabay na umirap. Nakataas pa rin ang noo na naglakad lampas sa kanya.
Maya-maya ay nagsilabasan na rin sa stage ang main production members. Nakatayo si Lin Che sa stage habang pinagmamasdan ang mga fans at mga audience na nandoon. Masayang-masaya ang mga ito at excited na nagchi-cheer para sa kani-kanilang mga idolo. Nakatutok ang nagsisilakihang mga ilaw kay Lin Che kaya nakaramdam siya ng pag-iinit ng mukha.
Balak niya sanang umatras nang kaunti para makaiwas sa ilaw, ngunit bago pa man niya iyon magawa ay kaagad na nakakilos si Lin Li at itinulak siya nito papunta sa harapan.
Nabigla naman si Lin Che. Hindi pa siya gaanong sanay sa stage kaya pansamantala siyang na-blangko at hindi malaman kung ano ang gagawin para mailigtas ang sarili.
Nang mga sandalling iyon, naramdaman niya ang paglapit ng kamay ni Gu Jingyu at hinablot siya nito patayo sa tabi nito.
At siyempre, hindi nakaligtas ang pangyayaring iyon sa maliksi at alertong mga mata ng host. Ngumiti ito habang nakatingin sa mga artistang nakahilera sa stage. Ang mga tingin nito'y huminto sa kinaroroonan nina Lin Che at Gu Jingyu.
"Ilang sandali pa lamang ang nakakalipas ay napansin namin si Gu Jingyu na nang marealize nitong walang mapwestuhan si Lin Che, ay kaagad nitong hinila si Lin Che papunta sa space upang makatabi nito."
Dahil sa sinabi ng host ay kaagad namang naging usap-usapan sa loob ng venue sina Gu Jingyu at Lin Che.
Sa likod ay masama ang tingin ni Lin Li kay Lin Che na nakatayo sa tabi ni Gu JIngyu. Hindi maipinta ang ekspresyon sa mukha nito.
Samantala, mapapansin naman ang pagkahiya sa mukha ni Lin Che. Kaya, magalang na sumagot si Gu Jingyu, "First time ito ni Lin Che sa stage. Wala pa siyang gaanong experience. Kaya bilang senior niya, natural lang na tulungan ko siya."
Mabilis namang sumagot ang host, "Aiyooo, ang thoughtful naman ni Jingyu. Ano naman ang masasabi mo, Lin Che? Ano ba ang pakiramdam ng inaalagaan ng isang Gu Jingyu?"
Ngumiti naman si Lin Che at sumagot, "Ang nararamdaman ko… Actually pagkatapos ng filming namin, ang naisip ko lang ay baka patayin ako sa sampal ng kanyang mga fans. Mahigpit ba ang security ninyo sa programang 'to? Pananagutan niyo ba kung may mangyari sa'kin mamaya dito?"
Nagsitawanan naman ang mga nandoon nang marinig nila ang kanyang sagot.
Maya-maya ay medyo nasasanay na rin si Lin Che. Dahil karaniwan sa mga tanong ay nakapokus kay Gu Jingyu, madalas din siyang nasasali sa usapan. Sa katunayan nga ay halos para sa kanya ang lahat ng mga tanong ng mga host.
Samantala, kakaunti lang ang exposure na natanggap ni Lin Li. Nabanggit lang ang pangalan nito sa introduction at tinanong nang ilang sandali tungkol sa engagement nito kay Qin Qing. Maliban doon ay hindi na siya muling nakita pa sa screen.
Lalo lang nagdilim ang anyo ni Lin Li dahil sa galit. Masama ang tingin niya kay Lin Che na masayang nakikipagtawanan at nakikipagbiruan sa harap. Kapag sumasagot si Lin Che, napakagaan nitong magsalita at walang halong pangingimi. Dahil dito ay naging komportable rin sa kanya ang mga taong nandoon. Habang nakikita niyang maganda ang pinatutunguhan ng interview nito, mas lalong hindi mapigilan ni Lin Li na isiping 'ganito lang 'to dahil tinutulungan siya ni Gu Jingyu. Hmph.'
Patuloy na sabi ni Lin Li sa sarili 'Pero sandali mo lang itong maeenjoy.'
Habang iniisip iyon ay pangiting tiningnan niya ang suot na stiletto ni Lin Che.
Ngayon naman ay sinabi ng host sa lahat ng mga main members ng production team na kunin ang mga candies sa baskets at ipamigay ang mga ito sa mga audience na nasa ibaba ng stage.
Kaagad namang nagkagulo ang mga audience. Panay ang sigaw ng mga ito sa paghingi ng candies lalo na nang makita nila ang direksiyon ni Gu Jingyu.
Kumuha naman si Lin Che ng mga candies na kasya sa kanyang dalawang palad. Nang ihagis na niya ang mga ito, naramdaman niya na may mali sa kanyang sandals. Napasimangot siya at naisip na suriin muna ito pero hindi maaari dahil nasa stage pa siya. Nang kumuha siyang muli ng mga candies, doon niya na narinig ang biglang paghihiwalay ng kanyang sandal at heels.
Natapilok ang paa ni Lin Che kaya tiyak na babagsak siya sa sahig.
Napasigaw naman ang isang artista na nasa likod niya.
Mabuti na lang at mabilis na nakalapit si Gu JIngyu at napigilan ang pagbagsak ni Lin Che.
Nabali ang heels ng sandal ni Lin Che.
Mula sa likuran ay napatulala ang host. "Oh no, sira na ang iyong sandals. Magpalit ka nalang muna."
Namula ang mukha ni Lin Che sa hiya. Napansin din niya na nakatutok pa rin sa kanya ang camera. Kaya, itinaas niya pa rin ang mukha, ngumiti at sabay sinabing, "Hindi kaya bumigat na akong lalo ngayon? Kahit ang aking sandals ay hindi na kinaya ang timbang ko."
Nagtawanan ang lahat nang marinig ang kanyang sinabi. Nakapagpasya na si Lin Che ng mga oras na iyon at hinubad ang kanyang sandals. Binali niya ang nakausli pang heels sa kanyang sandals at hinubad din ang kabilang pares nito. Ipinukpok niya ito sa may hagdanan dahilan para mabali rin ang kabilang takong. Itinapon niya sa gilid ang mga nabaling takong at muling isinuot ang kanyang sandals. Hindi makapaniwala ang mga nandoon habang sinasabi niyang, "All done."
Nakanganga naman ang host habang nakatingin sa kanya. Ganoon pa man, naging mabilis pa rin ang sagot nito, "Lin Che, ibang klase ka talaga."
Sa tabi niya ay nakisabay din si Gu Jingyu. "Totoo iyan. Walang sinuman sa production team ang itinuring siyang isang babae."
Itinaas ni Lin Che ang ulo, tumingin sa camera lens at ngumiti.
Ang lahat ng mga nangyari sa stage ay kumpletong nairecord ng camera.
Sa ibaba naman ay nakangiti ang director at nakatango habang pinanonood ang mga nangyari. Hindi nito nakalimutang paalalahanan ang assistant, "Huwag mong ipabura ang scene na ito. Mukhang maganda naman 'to at mayroon ding effect. Magagamit natin ito para sa preview."
Hindi rin mapigilan ng mga tao sa ibaba na mamangha kay Lin Che. Salungat sa inaasahan ay ibang klase pala talaga ang artistang ito.
Nakairap naman sa likod si Lin Li. Medyo gumaan na ang pakiramdam nito habang pinapanood si Lin Che na pinapahiya ang sarili sa harap ng mga tao.
Sadyang hindi niya lang inaasahan na mananatiling kalmado si Lin Che sa gitna ng nangyari at mahusay na nakaiwas sa kahihiyan. Sayang talaga at hindi ito bumagsak sa sahig.
Bumalik na sa filming si Lin Che. Tumingin siya sa likod at hindi sinasadyang napansin ang nagmamataas na mga mata ni Lin Li. Kaagad namang may pumasok sa kanyang isip.
Naging maayos naman na ang program hanggang sa ending nito.
Nang makababa na sa stage si GU Jingyu, tinanong niya kaagad si Lin Che, "Okay lang ba ang paa mo?"
Ngumiti lang si Lin Che at sumagot, "Okay lang ako. Salamat talaga sa mga ginawa mo ngayong araw." Sobra sobra talaga ang kanyang pasasalamat kay Gu Jingyu dahil sa lagi nitong pagtulong sa kanya.
Sabi naman ni Gu JIngyu, "Ano naman ang magagawa ng salamat mong iyan? Next time, ilibre mo nalang ako."
Kaagad namang pumayag si Lin Che. "Sure. Sige ba."
Ilang sandali pa ay nakita niya si Lin Li na naglalakad sa gilid habang nakataas ang noo. Biglang nawala ang ngiti ni Lin Che nang makita niya si Lin Li.
Sa oras na iyon ay dumating na si Yu Minmin.
"Ano ba talaga ang nangyari kanina?" Nabigla rin si Yu Minmin nang makita ang nakakakabang pangyayaring iyon kanina mula sa ibaba.
Kinuha ni Lin Che ang kanyang high heels. "Hindi ko rin alam kung ano ang nagyari. Kung tutuusin, mamahalin naman ang mga sandals na 'to ah."
Kinuha ni Yu Minmin ang sandals upang suriin ito nang ilang segundo. Pagkatapos ay sinabi nito, "Halatang may nagsadya itong sirain. Tingnan mo, may mga marka ng pagputol gamit ang kutsilyo dito."
Nagtagpo ang mga kilay ni Lin Che, umirap at sinabing, "Alam ko kung sino ang may kagagawan nito."
Lin Li. Sino pa nga ba?