webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · perkotaan
Peringkat tidak cukup
165 Chs

At Umalis Nga Ito

Nang gabi na, pumasok si Lin Che sa kwarto at sinarhan ang pinto. Plano niya na hindi talaga patulugin doon sa gabing iyon si Gu Jingze.

Naghintay siya ng ilang sandali pero wala siyang narinig na kahit anong tunog mula sa labas.

Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto at narinig niya si Gu Jingze na kasalukuyang may kausap sa cellphone.

"Huiling, ano'ng problema?"

Nang marinig ang pangalan ni Mo Huiling, na-curious si Lin Che at nagpatuloy sa pakikinig.

Hawak ni Gu Jingze ang cellphone habang buong tiyagang pinakikinggan ang mga hinaing ni Mo Huiling.

"Jingze, nagkasagutan kami ng aking pamilya. Wala akong ibang mapupuntahan ngayon. Pwede ba akong makituloy lang muna diyan sa inyo nang ilang araw?"

Nag-isip nang malalim si Gu Jingze. "Bakit kayo nag-away ng iyong pamilya?"

"Dahil… Basta. Wala talaga akong ibang mapupuntahan ngayon. Ikinonfiscate ng aking mga magulang ang aking credit cards!"

"Okay, sige. Maghahanap ako ng matutuluyan mo at pupuntahan kita ngayon diyan."

"Sige. Maghihintay ako."

Nakatayo pa rin doon si Gu Jingze habang may idinial na ibang number at gumawa ng ilang arrangements para kay Mo Huiling. Tinawag naman niya si Qin Hao na nasa gilid. "Pakiayos ang villa sa may resort. Naghahanap si Huiling ng kanyang matutuluyan. Papunta na ako sa kanya ngayon."

"Yes, sir." Napansin ni Qin Hao ang seryosong mukha ni Gu Jingze kaya hindi na siya nagtanong pa.

Pagtalikod ni Qin Hao ay nahuli niya si Lin Che na sekretong nakikinig sa kanila. Hindi nito maiwasang maawa kay Lin Che. Mahirap talagang pakisamahan minsan ang ugali ni Gu Jingze.

Nakamasid lamang doon si Lin Che habang paalis si Gu Jingze. Malamig ang tingin niya sa nagsarang pinto at tahimik na minura ito. Ibang klase talaga itong Jingze na'to. May lakas na loob pa rin itong makipagkita sa ibang babae gayong may asawa na ito.

Nang matapos siya sa ginagawa ay nakaramdam siya ng kalungkutan sa kanyang puso.

Sa totoo lang, si Mo Huiling naman talaga ang tunay na gusto nito. Hindi ba't may kasabihan na sa isang third party, ang hindi tunay na mahal ay siya talagang sagabal sa pagmamahalan ng dalawa?

So siya ang tunay na panira ng relasyon ng dalawa.

Umalis nga si Gu Jingze at hindi umuwi nang gabing iyon.

Nang maalala ni Lin Che na may nabanggit si Gu Jingze tungkol sa villa, hindi niya maiwasang mag-imagine na kasalukuyan nitong kayakap si Mo Huiling.

Samantala, sa villa sa resort.

Ibinaba ni Mo Huiling ang mga luggage at masayang lumingon kay Gu Jingze. "Maraming salamat, Gu Jingze. Kung hindi dahil sa'yo, hindi ko talaga alam kung ano ang gagawin ko."

Inutusan ni Gu Jingze ang isang katulong na ipasok sa loob ang mga bagahe ni Mo Huiling habang silang dalawa'y umupo sa isang sofa.

"Huiling, ano ba talaga ang nangyari sa bahay ninyo?"

KInagat ni Mo Huiling ang ibabang labi. "Ah… hindi naman masiyadong malaking problema." Nakatitig lang ito sa sahig at mukhang kaawa-awa. "Tutol sila sa relasyon nating dalawa. Ngayong nalaman na nila na may asawa ka na, naghahanap na sila ng ibang lalaki na pwede kong maging boyfriend. Hindi ako pumayag, siyempre, kaya ayun nagkasagutan kami."

"Huiling…" Nalulungkot na sabi ni Gu Jingze.

Nagdurusa ito dahil sa kanya.

Iniangat ni Mo Huiling at ulo. "Hindi ako maghahanap ng boyfriend. Hihintayin lang kita. Hindi ako magiging masaya kung ipapakasal ako sa taong hindi ko naman mahal. Hindi ako papayag na habang buhay akong magdusa."

Ang tinutukoy nito ay ang sarili mismo ngunit maliban doon ay ipinapaalala niya kay Gu Jingze na hindi nito mahal ang babaeng kinakasama at nakikita araw-araw.

Napasimangot si Gu Jingze.

Pero, nang tingnan niyang muli si Mo Huiling, nagpasya siya na pigilan ang galit na nararamdaman.

Hindi maganda ang kanyang mood ngayon. Naiirita siya sa di niya malamang dahilan at parang may pumapaso sa kanyang puso.

Kahit si Mo Huiling ay napansin din iyon. Simula kanina ay napakalamig ng pakikitungo nito sa kanya at parang nanunusok ang tingin. Nakasimangot ito kanina pa.

Ngunit, natutuwa pa rin si Mo Huiling.

Marahil kaya mukha itong galit dahil sa pagtrato sa kanya ng kanyang pamilya.

Noon pa man ay kilala na niya si Gu Jingze na ma-prinsipyong lalaki. Naisip niya na baka nagseselos lang ito.

Lumapit si Mo Huling kay Gu Jingze. "Jingze, ano ba ang dapat kong gawin? Patuloy pa rin akong pipilitin ng aking mga magulang. Minsan nga ay parang ayaw ko ng umuwi sa bahay. Sino ba'ng makapagsasabi kung anong klase ng lalaki ang mahahanap nila para sa akin?"

Lumingon sa kanya si Gu Jingze at walang ekspresyon na nagsalita, "Pwede kang manirahan dito hanggang kailan mo gusto."

"Sasamahan mo ba ako rito…"

Walang pangingiming nagpakawala ng bunting-hininga si Gu Jingze. "Huiling, hindi pupuwede iyang gusto mo. May asawa akong tao."

"Pero natatakot akong mag-isa dito."

"Nagpadala na ako ng limang katulong dito. May tagapagluto sa kusina at nandiyan din ang aking mga security guards. Walang masamang mangyayari sa'yo dito. Hindi rin naman ako makapapayag. Makakaasa ka."

"Gaano pa man karami ang mga iyan, hindi sila makakapantay sa'yo. Ayokong maiwan dito. Hindi ako napapanatag."

Ngunit, hindi sumagot si Gu Jingze.

Hindi na nakapagpigil si Mo Huiling, "O baka naman gusto mo lang talagang bumalik doon sa bata at maganda mong asawa? Iyan ba ang dahilan kung bakit ayaw mong manatili rito?"

Bata at magandang asawa?

Muling nagtagpo ang mga kilay ni Gu Jingze at ilang ulit na ipinikit-bukas ang mata. "Bahala na nga. Sige na. Dito ako matutulog ngayon."

Hindi naman sa hindi niya pa naranasan na hindi umuwi ng bahay, pero hindi niya pa talaga naranasang matulog nang kasama ito. Dahil sa kanyang sakit ay hindi siya maaaring makatabi dito.

Napuno naman ng galak ang puso ni Mo Huiling. Kaagad siyang nag-utos na magluto ng kanilang pagkain. Nagliwanag ang maganda niyang mukha.

Nang makita kung gaano kasaya si Mo Huiling, nagpasya si Gu Jingze na pagbigyan ito at hindi na umalis sa gabing iyon. Malaki na ang utang niya kay Mo Huiling. Kaya, kung ang maliit na bagay na ito ay makapagsasaya sa kanya, nababawasan na din ang guilt na kanyang nadarama.

Maya-maya, pagkatapos kumain ay pumasok na sila sa kanya-kanyang silid. Wala talaga sa mood si Gu Jingze. Gusto siyang tanungin ni Mo Huiling kung papaya ba siyang doon sa kwarto nito matulog. Ngunit, hindi ito binigyan ng pagkakataon ni Gu Jingze na makapagtanong dahil mabilis na siyang pumasok sa sariling silid.

Padabog na pumasok na lang din sa silid si Mo Huiling.

Buong gabi talagang hindi umuwi si Gu Jingze sa bahay.

Kinabukasan, lumabas na si Lin Che upang mag-almusal. Iisang plato lang ang nakahanda sa napakalaking mesa. Parang bigla siyang nawalan ng gana.

Bagama't isang tao lang ang wala doon at napakaraming mga katulong ang paroo't parito, pakiramdam niya ay may kulang sa bahay na iyon.

Maya-maya ay tinawagan siya ng kanilang kompanya at masayang sinabi na may nag-offer sa kanya ng isang advertising job. Nagmamadali siyang pumunta doon.

Pagdating niya ay ibinahagi sa kanya ni Yu Minmin ang lahat ng detalye. Marami raw ang makakapanood nito. Sa endorsement na iyon ay tiyak daw na lalo pa siyang sisikat.

Ngunit, ang hindi niya alam na ang magandang pagkakataong ito ang magdadala sa kanya sa kanyang pinakaunang pagkasira…