"Para siyang baliw kanina na bigla nalang tumakbo papunta sa akin. Iyan ang dahilan kung bakit natumba siya, okay? Hindi ko rin naman alam kung anong nangyari sa kanya. Bakit ba kasi umaasta nang ganyan iyang prinsesa ninyo…"
Bahagyang tumango si Gu Jingze, "Ang totoo niyan… parang kakaiba na nga ang ikinikilos niya nitong mga nakaraang araw."
"Ah, ewan ko sa inyo. Ano pa man iyan, mas mabuti kung idistansiya ko nalang ang sarili ko sa kanya simula ngayon dahil kung hindi, naku baka magkaproblema na naman ako."
Sumang-ayon si Gu Jingze. "Hmm. Isa pa, kapag nakauwi na tayo, hindi ka na din naman magkakaroon pa ng pagkakataon na makapag-drive nang ikaw lang. Kaya hindi mo na kailangan pang mag-alala dahil hindi na ulit mangyayari ang nangyari ngayon."
". . ."
Nakauwi na sila sa bahay. Pagkatapos maligo ay naghanda na si Lin Che para matulog. Nandoon na din si Gu Jingze sa kama at handa ng matulog.
Napatingin dito si Lin Che, "Uy, pwede bang sa labas ka na muna matulog ngayong gabi? Muntik na akong mamatay kanina tapos hindi mo man lang ako bibigyan ng space?"
Itinaas ni Gu Jingze ang kumot at nagmamadaling humiga. Patagilid itong humiga at humarap sa kanya. "Nakakatakot ang nangyari sa'yo kanina; baka magkaroon ka ng masamang panaginip kung mag-isa ka lang na matutulog ngayon."
"Imposible. Swerte nga ako ngayon eh, kung tutuusin. Nakatakas ako sa tiyak na kamatayan at talagang masaya ako dahil doon. Paanong magkakaroon ako ng ganyang mga panaginip?"
"Ang tawag diyan ay post-traumatic stress response. Pero dahil sa level ng utak mo, alam kong hindi mo alam ang ibig sabihin niyan. Nakaharap mo na ang kamatayan kanina kaya siguradong mararanasan mo 'to ngayon. Kapag medyo kumalma na iyang pakiramdam mo, maiintindihan mo rin ang sinasabi ko."
Nakatingin lang siya kay Gu Jingze, ayaw niyang maniwala dito.
Totoo ba ang sinasabi nito? Nahihirapan siyang paniwalaan ito dahil dahil nalang siya nitong pinagtitripan, pero parang may mali nga kasi eh.
Noon din ay niyakap siya ni Gu Jingze.
Nabigla siya at maya-maya lang ay naramdaman niyang nakahiga na siya sa tabi nito.
Mahigpit ang pagkakayakap nito sa kanya.
Nagpumiglas siya. "Ano na naman bang ginagawa mo, Gu Jingze?! Bitawan mo ako o ano, gusto mong sumigaw ako?"
Mas lalo lang humigpit ang hawak nito sa kanya. Bumulong ito sa may tainga niya, "Hsshh, wag kang malikot. Kapag niyakap kita nang ganito, makakatulong ito upang mabawasan ang iyong stress."
"Talaga?", tumigil si Lin Che.
"Oo naman, totoo ang sinasabi ko. Ginagawa ko ito para sa'yo,' tugon ni Gu Jingze.
Pinakalma ni Lin Che ang sarili. Gumaan ang kanyang pakiramdam. Para bang may kakaibang dala ang yakap nito na nanunuot sa bawat bahagi ng kanyang katawan.
Baka tama nga ang sinabi nito sa kanya, na ginagawa ito nito para sa ikabubuti niya.
Baka mali lang ang iniisip niya tungkol dito.
Hindi nagtagal ay nakatulog na siya habang nakayakap pa rin kay Gu Jingze.
Napangiti naman si Gu Jingze nang maramdamang natutulog na si Lin Che. Umayos na rin siya ng pagkakahiga hanggang sa tuluyan na rin siyang dinalaw ng antok.
Kinabukasan.
Nagising si Lin Che nang marinig niya ang mga yapak ni Gu Jingze habang naglalakad papasok sa kwarto.
"Nanaginip ba ako nang masama kagabi?" tanong ni Lin Che habang kinukuskos ang ulo.
"Oo."
"Talaga? Bakit wala akong maalala?" Pakiramdam niya kasi ay mahimbing ang kanyang tulog kagabi at parang wala naman siyang napanaginipan na tulad ng sinasabi nito.
"Siyempre, lahat naman yata ng tao ay nananaginip. Iyon nga lang, kadalasan ay nakakalimutan natin ang mahigit 97% ng ating mga masamang panaginip."
"Ganoon ba iyon?" Tinitigan ni Lin Che ang mukha ni Gu Jingze pero wala siyang makitang mali sa ekspresyon nito.
"Oo. Kasama sa sinasabi kong masamang panaginip mo kagabi ay ang paninipa at paninigaw mo sa akin. Ang hirap mong patahimikin. Grabe!"
"Huh…"
"Oh siya. Binilhan nga pala kita ng bagong cellphone," iniwasan ni Gu Jingze na maghinala pa ito at iniabot ang cellphone.
Tiningnan naman iyon ni Lin Che. Noon niya lang naalala na nawala nga pala ang kanyang cellphone.
Kaya agad niyang tinanggap iyon.
Habang nakatingin kay Gu Jingze ay naisip niya na ni minsan ay hindi niya inakala na may ganitong side pala ito. Tinandaan talaga nito kahit ang pahapyaw lang na sinabi niya.
"Maraming salamat," nagpapasalamat na sabi ni Lin Che.
"Okay. Akin na muna iyan. I-set ko muna."
Umupo ito sa tabi niya at pinanood siya habang kinakalikot ang bagong cellphone.
"Na-recover nga pala ang memorya ng dati mong cellphone. Pero, kalahati lang sa mga contacts mo ang narecover."
"Anong ibig mong sabihin na kalahati lang?" Napansin nga ni Lin Che na halos lahat ng contacts niya ay nawala.
Kaswal na sumagot si Gu Jingze, "Napansin ko kasi na napakaraming naka-save diyan na wala namang kwentang mga tao, kaya tinulungan na kitang magbura."
". . ." Napatigil si Lin Che. Napabulalas siya sa harap nito. "Gu Jingze, ano'ng ibig mong sabihin na binura mo ang mga contacts ko… Sinu-sino ang mga binura mo?!"
Tumuwid ng upo si Gu Jingze, nakatitig lang sa kanya. Ang ekspresyon ng mukha nito ay para bang nagsasabi na tama lang ang ginawa nito.
Nagpunta si Lin Che sa may contacts ng cellphone at noon niya lang narealize na malaki na pala ang pinagbago ng mga iyon.
Halos lahat ng mga contacts niya doon ay binura nito. Hindi na niya makita ang number ni Qin Qing, mga director, at ilan sa mga lalaking artista na kilala niya. Kahit ang number ni Gu Jingyu ay hindi rin nakaligtas dito.
"Gu. Jing. Ze. Ano ba'ng problema mo ha?!" Galit na bulalas ni Lin Che. "Mahahalagang contacts iyon sa trabaho ko! Bakit mo binura ang mga iyon?!"
"Hayaan mong ang manager mo ang humawak ng mga contacts na iyon. Dapat sa una palang ay nagkausap na kayo ng manager mo sa kung ano ang trabaho niya at kung ano lang ang dapat na gawin mo. Hindi mo naman kailangang problemahin pa ang ganitong mga bagay. Okay lang na naka-save ang mga iyon noon dahil wala ka pa namang pormal na manager. Ngayon, stable na ang status mo at hindi mo na kailangang itago ang mga numerong iyon sa cellphone mo," paliwanag ni Gu Jingze.
". . ." Sinabi ni Lin Che, "Iyong kay Qin Qing…"
Naging seryoso ang mata ni Gu Jingze. "Bakit ba may number ka pa rin ng fiancé ng ibang tao?"
". . ."
"Akin na iyan. Ilalagay ko diyan ang number ko; iseset ko ito sa speed dial one. Kapag may kailangan ka o may problema, pindutin mo lang iyan."
"Okay…" Dismayado ang mukhang tiningnan niya si Gu Jingze.
Ilang sandalling nag-isip si Gu Jingze bago nagsalita, "Hindi maganda kung Gu Jingze ang ilalagay mo diyan sa number ko. Kapag may nakakita niyan, malalaman kaagad nila ang relasyon nating dalawa."
"Ah, kung ganoon, ano nalang ang ilalagay ko?" Nag-isip din si Lin Che at saka sumang-ayon sa sinabi nito. Kapag kasi may ibang nakakita ng pangalan nito sa cellphone niya, tiyak na mag-uusisa ang mga ito sa kanilang dalawa.
Inagaw ni Gu Jingze ang cellphone mula sa kanya. "Ako na ang magpapalit."
Mabilis na pinalitan ni Gu Jingze ang pangalan. Ilang segundo muna nitong tiningnan iyon bago nasisiyahang tumango at pagkatapos ay ibinalik na sa kanya.
Tiningnan naman ni Lin Che ang nakalagay doon.
Kasinglinaw ng kristal ang kanyang nababasa. Pinalitan nito ang pangalan sa 'Dearest Hubby'.
". . ."
Napabulalas na naman si Lin Che. "Gu Jingze, nababaliw ka na ba?! Hindi ba't parang mas halata naman ito?!"
Balak sanang palitan iyon ni Lin Che pero kaagad siyang napigilan ni Gu Jingze. "Wala namang nakakaalam na number ko iyan. Basta ang pinakamahalaga ay malalaman nila na may boyfriend ka na. Hindi ba't uso naman ngayon na tawaging 'hubby' ang isang boyfriend?"
"Hindi! Ayoko! Nakakahiya!"
Tumigas ang mukha ni Gu Jingze. "Anong nakakahiya doon? Hindi ba't hubby mo naman talaga ako?"
"Ano kasi… Hindi iyan ang ibig kong sabihin. Hindi naman kasi tayo ganyan…"
"Ano ba tayo? Nasa marriage certificate ang pangalan nating dalawa. So anong klase ng hubby lang ba ako para sa'yo?"