webnovel

Lasinggero

• Fhay's POV •

*Ringgg..*

Hays, sa wakas lunch break na. Gusto ko nang maidlip. Napuyat ako para maayos kagabi yung mga assigned task sa'kin bilang secretary ngayong term. Pero di naman talaga dapat eh, kaso, may kinailangan pa akong ihatid na lasinggero sa mismong bahay niya. Kung di lang sya regular customer pinabayaan ko na yun.

Inilagay ko ang mga gamit ko sa loob ng bag ko, habang papikit-pikit ang mga mata sa antok. Napahikab pa ako habang sinasara ang zipper nito.

Naramdaman kong nag-vibrate ang cellphone ko. At alam ko na agad na nagsisimula na sila. Ano nanaman kayang napansin nila? Yung hikab ko? O dahil mukha akong puyat?

"Fhay, di kita masasamahan mag-lunch, pinapapunta ako ni Prof. sa kanya para kuhain mga materials mamaya sa klase nya eh, sorry," malungkot na sabi ng kaibigan kong si Pia.

"Ayos lang, Pia. Kakain lang naman ako ng magaan sa tiyan tapos matutulog sa library," sabi ko pabalik.

Isang oras ang lunch break, at may dalawang oras pang pagitan ang susunod kong subject pagkatapos ng break.

"Gisingin mo nalang ako pagdating mo sa library at tulog pa ko ha? Bye," sabi ko sabay kuha ng gamit ko at umalis.

Maraming tao sa labas, iba-iba ang usapan nila. Pero kahit halo-halo ang ingay ng mga tawanan at kwentuhan nila para sa ibang dumadaan sa hallway na kasabay ko, para sa'kin, malinaw na malinaw ang usapan nila. Naririnig ko kasi ng malinaw, kasi hindi normal ang pandinig ko.

Yung mga babae sa kaliwa, parang mga inasinang uod kasi pinapanood nila si...Gio Maranta, sikat na sikat sa kanila yung basketball player na iyon.

"Ahhh! Ang galing niya mag three points!" Sabi nung isa.

"Hintayin mo lang ako, baby. Lilipat talaga ako sa department nyo."

Ahhh! Filter, filter. Hindi lahat dapat pinapakinggan. Kaso, kasalukuyang siksikan ang hallway dahil sa dami ng estudyante, kaya wala akong magawa. Naiwan ko pa sa bahay ang earbuds ko, kaya normal na earphone ang gamit-gamit ko. Bangag ko talaga ngayon.

Ngayon ko lang ulit naranasan makipag-unahan. Gusto ko lang naman kasi matulog.

Lumuwag nang bahagya ang hallway, yun pala dahil may malaking ulupong ng estudyante ang tumambay sa gitna at ngayon lang nag si-alisan.

Sila yon. Yung grupo na walang ibang mapag-usapan kundi, ako.

Mula rito rinig na rinig ko. Pero magkukunwari akong hindi ko alam, tulad ng araw-araw kong ginagawa.

"Yan ba yung Ms. Bato?" bulong ng isang estudyante.

Mukhang may bago silang miyembro.

"Oo. Wag kang maingay, may ala-pusa yung tenga nyan hahaha," sagot ng kausap nito.

Kahit na umalis sila sa pwesto nila, napapabagal pa rin ang galaw sa hallway. Kung di lang talaga ako desperada ngayon na maka-kain na at maidlip, di ako mag titiis dito.

Nagvibrate nanaman ng sunod-sunod ang phone ko na kasalukuyang nasa bulsa ko. Galing yun sa forum kung san nila ako pinag-uusapan. Sumali ako, hindi para ipagtanggol ang sarili ko, pero para malaman ko kung sinu-sino ang kalaban ko. Kung anong mga nadidiskubre nila, in short, para maki-marites sa mga marites.

Narinig ko ang boses ni Pia.

"Fhay!"

Napalingon ako agad-agad. Pero may pamilyar na mukha ang una kong nakita, nakatingin din siya. Kung di ko lang alam na si Pia ang tumawag sa akin, baka maisip ko na siya yung sumigaw, tunog babae naman iyak niya kagabi eh.

Yung lasinggero. Bakit sya lasinggero? kasi pub yung business namin pero kung uminom sya parang nasa bar. Ilan lang yung nakikita kong nana-knock out sa pub, at yung mga katulad nya yon.

Nang makarating sakin si Pia, hinahabol niya ang hininga niya sabay sabing "Naiwan mo,"

"Salamat, bangag na talaga ako..." sagot ko naman sa kanya.

Nakikita ko sa peripheral view ko na naglalakad papalapit yung lasinggero, pero pinipilit kong magpaka-walang alam. Ba't bigla naman akong na-conscious.

"Halata nga, di ka naman nag-iiwan ng gamit kahit anong mangyari eh," sabi ni Pia gamit ang 'kilalalang-kilala talaga kita' na tono.

Lumingon si Pia sa direksyon ng lalaki, baka iniisip niya nakaharang kami. Pero di ako lumilingon, hanggang nagsalita sya,

"Excuse me. Fhay? Pwede ba kitang...makausap saglit?" sabi niya kasabay ng paghingal.

Kinurot ako ng palihim ni Pia at nagpaalam siya ng may pagka-awkward.

"Ahh haha...una na ko Fhay,"

Nakaharap pa rin ang katawan nya sa'kin habang naglalakad papalayo. Basang-basa ko sa titig niya na,

'kawawang lalaki, rejection number twelve.'

Kinunot ko lang ang noo ko sa kanya, para iparating na 'hindi sya magcoconfess'.

Palagi niya kong pinapagalitan kasi wala akong reaksyon na pinapakita sa mga nag-koconfess sa akin. At iniisip nila rejection ang ibig sabihin non.

Normal bang isipin na nareject ka sa titig palang, o ganun ba nila i-interpret ang titig ko? Sila nag-isip ng lahat ng ibig sabihin ng ginagawa ko. Kaya kung ganun nila ako intindihin, mas nakikita kong hindi tatagal at susuko rin sila sa gitna ng relationship. Kailangan ko pa nga bang magsalita?

Tinitigan ko lang yung lasinggero. Tumitig lang din sya pabalik. Ganun kami ng ilang minuto.

Unti-unti, naririnig ko ang mga bulungan ng mga tao sa paligid. Paingay nang paingay din ang forum, ramdam na ramdam ko ang vibration ng phone ko. Sabagay lunch break, wala siguro silang masyadong mapagkaabalahan.

Edi kung ganon, bibigyan ko sila ng mapag-uusapan.

Binuksan ko ang pencil case ko at kumuha ng panulat.

Kung sino ka man kuyang lasinggero, pasensya na.

Binuka ko ang isang palad ko sa harap niya para hingin ang kamay nya.

Kitang-kita sa mukha niyang nawirduhan siya sa kamay ko. Nilagay niya ang kamay niya sa ibabaw at itinagilid ng bahagya para mai-shake hands. Nagulat ako sa ginawa nya. Sa loob loob ko, natatawa na ako pero normal pag nakita mo.

Kahit kailan di ako nakarinig ng 'gusto kita' sa lahat ng mga nag-confess sa akin. Yung mga linyahan nila, palaging tunog na ako pa yung ginagawan nila ng pabor--'tutal marami tayong pagkakaparehas', 'diba tipo mo yung mga matatalino?', 'parehas tayong may business ang parents, 'marami akong kuneksyon'. Halatang may pattern. Kaya, mas pinipili ko nalang na hindi mapagod sa pagsasalita, at tumititig ng hindi binibigay ang gusto nila.

Inialis ko ang nakahawak na kamay sa lalaking lasinggero at ibinalik ito sa pagkabukang-palad at ipinatong ang isang kamay na nakabungad din sa kanya, sabay turo sa kamay niya para i-akto ang ibig kong sabihin.

Isiningkit niya ang mata niya at halatang nagiisip.

Itinaas niya ang kamay niya kasabay ng pagtaas ng dalawa niyang kilay na para bang nagtatanong

'ito?'

Ibinuka ko ulit ang kanang palad ko sa harap niya para sabihing 'oo, akin na'

Nakita ko naman sa ekspresyon niya na naintindihan niya ang ibig kong sabihin, kaya kahit may pag-aalangan siya ay inilagay niya ito.

Sinabi ko sa kaibigan niyang wag sabihin kung sino ako, pero wala naman na kong magagawa ngayon, nandito naman na eh. At tyaka alam kong yun ang dahilan ng pinunta niya at hindi kung anumang confession. Halata ring di siya katulad ng mga lalaking lumalapit sa akin. Kahit na isang gabi ko lang siya nakita at narinig, alam kong hindi niya sila kauri.

Sa nakikita at naririnig ko lang ako naniniwala.

Dali-dali kong isinulat ang number ko sa palad niya, may kasamang note na 'call me instead'.

Ibinalik ko sa pencil case ang panulat at ipinasok sa bag ko.

Gustong-gusto ko nang maidlip.

Patalikod na sana ako pero, nawala ang pag-iisip ko sa pagtulog nang marinig ko siya sa likod ko na bumubulong.

"Artista ba siya? Parang autograph yung binigay niya tsshh...haha" bulong niya sa sarili.

Muntikan na kong matawa ng malakas, buti nalang at napigilan ko ang sarili ko.

Pumunta na ko agad sa cafeteria para bumili ng light snacks.

"Uyyy, may chika ako! si Wein diba ka-department mo yun? May klase ako kanina sa business building tas maraming naka-kita, naghawak kamay sila ni Fhay sa hallway! nakakakilig amp,"

Nagkukwentuhan ang ilang babae sa bandang kanan sa likod ko. Kasalukuyan akong nakaupo at nginunguya ang pagkain ko.

Holding hands, ha ha.

Kung sa hallway at holding hands, ibig sabihin yung pangalan pala nung lasinggero ay Wein.

"Tss, yan ka nanaman sa pagka-kilig sa lovelife ng iba, tignan mo yung iyo bola ang score," sagot ng isa pang babae.

"Eh bakit ba? Ganda ng chemistry nila ganun yung mga bagay na bagay, no need for words. Ganon din ang mga hinahanap ko sa loveteams na ini-stan noh," sabi ulit nung unang babae.

"Uy, wag ka ngang magsasalita ng ibang branch ng science dito, magagalit si Ms. Bio AHAHAH," pagputol ng isa pang kasama sa grupo nila.

"Ay, sorry sorry. Loyal pala ko sa'yo hahaha," paghingi ng tawad ng unang babae.

Kinain ko ang huling subo ng sandwich ko, at sinipsip ng maiigi ang inumin ko.

Chemistry? Hay nako.

Antok na antok na ko para isipin pa ang formula nila sa pag-iisip na meron kami nung Wein na yun.

Dumiretso ako sa library para dun matulog. Nang marating ko ang sulok na table kung san ako normal na natutulog, inilagay ko ang sandamakmak na libro sa gawing kanan ko bilang panakip sa bintana. Ipinatong ko ang ulo sa lamesa ng komportableng pwesto, at ipinikit ang mga mata ko.

"Excuse me. Fhay, gising na. Fhay?"

Pamilyar na boses ang narinig ko.

Iminulat ko ang mga mata ko. Pero mga libro lang ang bumungad sa akin.

Panaginip.

Inilingon ko ang ulo ko sa kabilang banda para tignan ang orasan sa pader pero...nakita ko ang lalaking may-ari ng boses kanina.

Gaya ng iniisip ko, siya nga talaga.

Ngumiti lang siya, at tumitig naman ako pabalik ng may blankong ekspresyon.