1 Serbidora

Nakatanggap ako ng magkasunod na text mula sa kaibigan ko na iniwan ko sa party. Hindi ko binuksan ang message pero nababasa ko sa notification ang laman nito.

'Pre, pumunta siya sa lamesa nila Jimmy pagkaalis mo.'

Inihain ng isang serbidora ang mga inorder kong inumin at pagkain. Kumain ako ng nakatulala. Matapos ang mahigit kumulang tatlong-pu't limang minuto, dumating ang pangalawang text.

'Wein, sumama si Lia kay Jimmy pauwi.'

Umalis ako sa party nung nakita kong masaya ang gabi ng ex ko. Ex bang maituturing yon? Lumipat ako sa isang pub malapit sa amin para dito uminom.

Kain at inom habang nakatulala lang ang ginawa ko na may kasamang maraming buntong hininga, walang kamalay-malay sa oras.

"Isa pa pong beer at bucket ng chicken, please," sabi ko ng tunog lasing na. Lasing? Sinong lasing? Nakatayo ang limang bote ng beer sa harap ko. Ngayon lang ako uminom ng ganito karami. Kadalasan hanggang tatlo lang at tulog na ko. Siguro ganun nalang ako kawala sa sarili.

"Sir, malapit na kaming magsara kaya hindi na po namin maibibigay yung order niyo. Kung gusto nyo po ibalot ko nalang para maiuwi niyo," walang ka ganang-ganang sabi ng isang babaeng trabahador na mukhang kasing-edad ko lang.

"Okay. Pero pwede bang ubusin ko muna 'tong huling 'to?" sagot ko naman sa kanya sabay taas ng beer na hawak-hawak ko.

Tumango naman siya bilang pag sang-ayon.

Biglang lumabo ang paningin ko, na pinilit ko namang ipikit-mulat para luminaw ulit.

"Sa tingin ko sir mas maganda na magbayad na rin kayo habang nasa ulirat pa kayo, at hindi pa tuluyang nalalasing. Tatlong daan po lahat," patuloy na pagsasalita ng babae.

Hindi pa pala siya umaalis.

Hindi na ko umimik sa sinabi nya at naghanap ng tatlong daan sa wallet ko. Tinignan kong mabuti kung tamang halaga ang nabunot ko. Sa unang hugot, singkwenta; sa pangalawa, bente; sa pangatlo, limang daan. Habang hinuhugot ko ang pera, may kung anong malamig ang tumulo sa kamay ko, at bigla akong sinipon.

Pag-angat ko ng ulo ko, may naka-abang nang tissue sa kamay ng serbidora. Kinuha ko ito sabay lapag ng pera sa kamay niya.

"Salamat," ang sabi ko habang di tumitingin sa kanya.

Umalis siya nang tahimik, at uminom ako nang uminom hangga't maubusan ng maiinom.

"Sir, ito yung sukli nyo. Tyaka ubos na po yung inumin nyo," rinig kong sabi ng serbidora pagkabalik.

Sinubukan kong tumingin sa kanya, gumigewang-gewang na ang paningin ko. Lasing na kong talaga. Niyuko ko sandali ang ulo ko, at nang iangat ko ito ulit,

Lia.. nakita ko si Lia…

Huh? Nagpagupit ka na pala ng buhok? Kailan ka pa nagsalamin? Malabo na ba mata mo? Kaka-edit mo yan ng vlog mo eh, diba tinutulungan ka naman ni Cleo?

"Lia," nasabi kong pabulong pagkakita ko sa kanya.

"Pwede bang...wag ka munang umalis? Dito ka lang muna," mga salitang di ko nabigkas noon sa kanya ang lumabas sa bibig ko.

Nang papikit na ang mata ko, ipinilit kong idilat 'to ulit, at nakita kong ang serbidora pala ang kaharap ko.

Tumitig lang sya ng walang pinapakitang emosyon.

Yun ang huling naaalala ko bago ko ipikit nang tuluyan ang mga mata ko.

Nang imulat ko ang mga mata ko, nasa kwarto na ko at sinalubong ng kupal kong kaibigan na si Cleo.

"Magandang umaga, kamahalan! Kamusta naman ang iyong gabi?" bungad niya sa'kin.

Umupo ako mula sa pagkakahiga.

"Salamat sa inuwi mong pagkain kagabi ha, di kasi ako nakakain nang maayos dahil sa mga chicks don sa party eh," dagdag nya pa.

Nag-uwi ako ng pagkain?

Inialis ko ang kumot na nakapatong sa akin at tumayo na. Dumiretso ako sa kusina para kumuha ng maiinom na tubig. Sinundan naman ako ni Cleo.

"Pa'no ako nakauwi kagabi?" tanong ko sabay inom ng tubig.

"Ha? wag mo sabihing di mo naaalala?" gulat na gulat niyang tanong.

"Mas maganda sana kung naaalala mo, para di na mang-galing sa'kin," pagka-dismaya niya.

Naintriga ako bilang wala akong maalala. Binaba ko ang basong hawak ko at tumuon kay Cleo.

"Bakit? Di naman siguro ako...nag-uwi ng er...babae?" paniniguro ko.

"Hindi, hindi. Kamo, may babaeng nag-uwi sa'yo," sabi niya sabay dampot ng isang ubas sa lamesa.

"At alam mo ba kung sino? hmm!" tinakpan niya ng mabilis ang bibig, sabay bulong sa sarili ng,

"Bawal ko palang sabihin, sabi niya wag kong sabibin," ewan ko ba kung sinadya niyang marinig ko yun.

"Anong nalang itsura niya?" pagtatanong ko.

Nag-aalangan siyang sabihin. Tss, anong problema neto?

"Sabihin mo na, pano ako magpapasalamat kung di ko siya kilala kahit sa itsura?" sabi ko pabalik.

"Hay nakoo…nakasalamin tas maikli buhok," sabi niya na may kasamang sama ng loob.

Naka-salamin na maikli buhok? Inisip kong mabuti kung may naka-usap ba akong ganun ang style kagabi. At nang naalala ko yung serbidora, lumaki ang mata ko. Nakakatakot siya tumingin, hindi kaya?

"Anong problema? Ba't ayaw mong sabihin? Bakit? Anong meron sa kanya? Pinagbantaan ka ba niya? Hah?" pangungulit ko kay Cleo.

"Heh! Bala na nga, sasabihin ko na! napaka-interesante rin naman kasi ng kwento eh, pangit kung ako lang nakaka-alam hihihi" sabi niya na may ngiting nang-e-enganyo.

Napakabilis magbago ng mood netong kaibigan ko, minsan nakakatakot na.

"Schoolmate natin siya," pasimula niya.

"Talaga?" gulat kong tanong.

"Teka teka, wala pa nga yung mismong kwento eh ahaha. Di mo alam kasi si Lia lang lagi mong tinitignan. Maki-chismis ka rin kasi minsan," panenermon nya.

"Oo na, Mr. Chismoso. Sige tuloy mo na," ganting pang-aasar ko naman.

"Eto na nga, kilala siya sa school bilang, 'Ms. Bato'. Alam mo kung bakit?"

Nagkibit-balikat lang ako bilang sagot sa tanong niya.

"Kasi, eto na nga, kahit ilang lalaki na ang magpapansin at nagpaparamdam sa kanya--mapa-sikat, gwapo, pinakamayaman, pinakamatalino--iisa lang ang emosyong pinapakita niya, alam mo kung ano? wala. As in walang emosyon na parang bato," kwento ni Cleo.

Ahhh...bigla kong naalala ang nakita kong reaksyon nya bago ako makatulog.

Pero hindi ba,

"Parang ang rahas naman na tawagin syang Ms. Bato. Pano kung ganon talaga sya tumingin?" pagtuloy ko ng iniisip ko gamit ang boses ko.

"Hays...ewan ko rin ehh, pakiramdam ko ganti nalang yon ng mga lalaking di nya binigyan kahit ngiti nya. Pero alam mo nakaka-curious yung ngiti ng mga ganong tao eh, tas alam mo ba…" daldal ni Cleo habang may patango-tango pa.

Di ko na napakinggan ang maraming kwento ni Cleo dahil pumasok na ko sa kwarto ko para maghanda papuntang school.

"Salamat, pre. Ligo muna ko, may pasok pa ko eh," sabi ko kay Cleo na may kasamang pagkaway habang nakatalikod sa kanya papuntang kwarto ko.

"Ahh, sige sige. Saka ko nalang kukwento yung iba," sabi nya na tunog may pang hihinayang.

"Ah akin nalang din pala yung beer na kasama nung chicken kagabi ah! Gusto ko ng drinks eh ehehe," pahabol nya pa.

"Gege, ge" sabi ko lang bilang pagsang-ayon.

Makalipas ang halos isang oras naka-handa na akong umalis.

Wala na si Cleo paglabas ko. Baka pumunta nang kuwarto niya. Malamang nag-eedit yon ng vlog ni Lia. Nagpresinta siyang maging editor nya kahit di naman siya binabayaran, tunay na kaibigan talaga.

Nilock ko lang ang bahay at umalis na. Nakarating ako ng school pagkatapos ng humigit tatlong-pung minuto sa LRT.

Tinignan ko ang kopya ko ng class schedule para tignan na rin kung ano ang room number ng unang subject ko.

Subject: Business Statistics

Professor: Dr. Dan Jimenez

Time: 9:00-11:30 am

Room 204, BM-Bldg.

Nasa ikalawang baitang ng Business and Management Building ang una kong klase.Buti nalang malapit lang.

Pagkarating ko, sinalubong ako ng mga naging classmate ko nung nakaraang taon, na kasama ko ngayon sa Business Stats class.

"Uy Wein! Nandito ka?" salubong sa'kin ni Troy, na tropa namin ni Cleo.

"Pre," sagot ko habang papalapit sa kanya.

Unang linggo ko ngayon sa ikalawang taon ng kursong Bachelor of Science in Information Technology o BSIT.  Sa totoo lang, di ko alam ba't nandito ako--ah, hindi. Alam ko pala, pero mas gugustuhin ko nalang magpanggap na hindi ko alam kaysa naman paulit-ulit kong pagsisihan ang pinili ko. Hindi ito ang panahon para manghinayang. Kahit na wala na kami ni Lia, nandito na ko eh, at wala akong choice kundi panindigan 'to hanggang dulo. Isa pa, masaya naman din ang experience base sa nagdaang taon. Ayoko ring mag-alala si Daddy. Masyado na siyang maraming iniisip.

Di na kami nakapagkwentuhan ni Troy, at naupo na dahil dumating na si Dr. Jimenez at nagsimula ng klase.

*Ringgg…*

Natapos ang klase ko sa loob ng dalawang oras at kalahati. Lunch break na namin.

Saktong pagkalabas na ko ng room, nang nakita ko siya, yung serbidora. Taga-business department kaya siya?

Tatakbo na sana ako papunta sa kanya kaso may ilang babaeng classmate ko ang humarang sa'kin.

"Wein, ah wait lang" pagpigil sa'kin ni Frans, "may sasabihin lang kami,"

Napalongon ako kay Frans at nalipat ang atensyon sa isa ko pang classmate nang magsalita sya.

"Gusto mo sabay na tayong mag-lunch tapos pag-usapan na rin natin yung presentation?" pag-aaya ni Cheska.

Tinutukoy nila yung spreadsheet na pinapa-organize and interpret sa amin ni Prof. Jimenez na kailangan i-present sa klase.

Madalas sinasabi ang pangalan ng dalawang classmate ko na 'to ng isang bigkasan as in, 'FranCheska', dahil katulad ng pagiging magkasunod ng pangalan nila, pag sumulpot si Frans, siguradong darating si Cheska.

"Ahh, pasensya na. Pwede bang mamayang sunod nalang na break? May kailangan kasi akong kausapin ngayon eh," aligaga kong sabi, habang pasulyap sulyap sa babaeng sinusundan ko ng tingin na kasalukuyang papalayo nang papalayo.

"Thanks, bye," sabi ko sa dalawa habang patakbo na hinabol ang serbidora.

"Ah sandali, Wein!" sigaw ni Frans and Cheska ng sabay. Pero di ko sila pinansin.

Nagmadali na kong habulin siya. Buti nalang at mabagal ang galaw ng mga tao dahil siksikan sa bandang grupo ng estudyante kung nasaan siya.

Ba't nga ba di ko tinanong pangalan niya kay Cleo? Di ko tuloy sya matawag. Pagka-inis ko sa sarili habang pilit na sumisilip sa pagitan ng mga nakakasalubong kong estudyante.

Nang halos tatlong yarda nalang ang pagitan namin, biglang...

"Fhay!"

May sumigaw na babae sa likod ko. Huminto ang serbidora sa paglalakad at napa-lingon sa direksyon ko.

Nagkatitigan kami saglit.

May lumagpas na babae sa akin at lumapit sa kanya. May inabot itong pencil case na pink.

"Naiwan mo," ang sabi nito.

Fhay.

Pag-ulit ko ng pangalan niya sa isip ko habang naglalakad nang dahan-dahan hanggang makalapit sa kanya.

"Salamat, bangag na talaga ako..." sagot ni Fhay sa babaeng naghahabol ng hininga.

"Halata nga, di ka naman nag-iiwan ng gamit kahit anong mangyari eh," sabi ng kausap niya na napalingon sa akin nang napansin nyang nakahinto ako sa tapat nila.

"Excuse me...Fhay? Pwede ba kitang...makausap saglit?" sabi ko habang hinahabol din ang hininga ko.

Biglang nagpaalam ang babaeng kausap ni Fhay matapos ang sinabi ko.

"Ahh haha...una na ko Fhay," sabi nito.

Tumitig lang sa babae si Fhay na may kunot sa noo.

Nilipat niya nang dahan-dahan ang tuon niya sa akin, at nagtitigan kami ng ilang mga minuto bago sya may gawin.

avataravatar
Next chapter