webnovel

Sol at Luna

"Kaya simula ngayon... sa eclipse na 'yon oh!" turo niya sa langit. "Ako ang iyong Luna at ikaw ang aking Sol. Kaya na sa'yo ang buwan, at na sa'kin ang araw. Kasi balang araw-" "magkikita tayo muli..." 'Yan ang kanilang mga kataga bago sila maghiwalay. Kumakapit sa salita na kanilang binitiwan-na balang araw, magkikita sila muli. Ngunit, lumipas na ang ilang mga taon na magkahiwalay ang kanilang mga mundo ay patuloy pa rin nilang pinanghahawakan ang pangako nila sa isat-isa. 'Yon nga lang, pagtagpuin pa kaya sila ng tadhana? o baka umaasa lang pala sila sa wala?

silvermoonwrites · Realistis
Peringkat tidak cukup
24 Chs

Kabanata 17: Mavy's Story - Part 2

M A V Y

Nakarami ako ng strip saka sketches ngayong gabi. Kahit papaano, nahimasmasan, na-klaro ang utak sa trabaho. Pero, ang bigat pa rin sa dibdib na malamang patay na ang Tatay ko.

Naiinis ako sa sarili ko.

Buti na lang outlet ko rin ang pinagkakakitaan ko. Nakakapaghango ako ng mga bgong concept mula sa mga emosyon ko. Minsan nakaka-stress pero, kailangan kong gawin 'to.

Nakakatawa nga, e. Ang dark ng mga nasusulat kong banat ng characters ko ngayon.

Napatigil ako saglit at inisipang magpahinga muna. Sumandal ako sa upuan ko. Sumakit likod ko. Pero mas lalo 'yung ulo ko saka puso, durog na durog.

Hindi ko lang talaga akalain na uuwi lang si Mama para makipaglamay kay Tatay. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na, kung sakaling mamatay kami ni Ate, saka lang siya uuwi uli.

Parang hindi tama.

Naiinis ako. Naiinis ako sa nangyayari. Ang hirap huminahon lalo na't hindi mo matanggap ang lahat, mga kaganapan, pamilya mo, sarili mo. Ayoko muna sana kausapin si Carlos kasi baka galit din siya sa'kin matapos ko siyang sigawan kanina.

Ang hipokrito ko.

Ayaw kong sinisigawan ako pero, ako 'tong naninigaw. Hindi ko rin akalain na aasta ako nang gano'n sa harapan nila Ate. Isa pa yan sa mga dahilan kung bakit ayoko silang kausapin, tingin ko kasi, hindi nila ako maiintindihan.

Nawala ako sa pag - iisip ko nang may pumasok sa kwarto ko. May susi nga pala 'tong mga 'to. Nilingon ko siya.

"Musta?" Hi Carlos.

"Sakto lang," tipid kong sagot at bumuntong hininga ako. "Sorry."

Ngumiti siya. "Buti naman at bumalik ka na sa dati mong anyo. Hindi ka na si Super Saiyan."

"Gusto mo bang palayasin kita rito, Carlos?"

"Joke lang. 'To naman." natawa kami parehas, "May bisita ka."

"Ha?"

"Hatdog." Punyemas ka.

"Sino?" tanong ko at agad lumabas si Carlos.

Tumayo ako, susundan sana siya, kaso may isa pang pumasok sa pintuan.

"Sab..." bumilis ang tibok ng puso ko.

Tumingin sa aming dalawa si Carlos. Ang bigat ng mukha niya, halatang iniinda pa rin ang mga nangyari. Tinanguan niya 'ko nang may kasamang bitin na ngiti. "'Ge tol."

Nagkakatinginan lang kami ni Sabrina. Anong ginagawa niya rito? May problema ba siya? Kasi kung mayroon, sa tingin ko hindi ko siya kayang tulungan ngayon. Lugmok na lugmok pa 'ko at marami pang kailangang asikasuhin sa—

Niyakap niya 'ko.

Napatigil ako sa paghinga at ibinagsak ko ang ulo ko sa balikat niya. Agad ding bumuhos ang mga luha kong kanina ko pa pinipigil no'ng gumuguhit ako.

"Let it out, Mavy... Kaya mo 'yan."

Hinaplos-haplos niya ang buhok ko, "I'm here..."

Inangat niya ang mukha ko at hinawakan ang magkabilang pisngi ko, gaya ng ginagawa ko sa kaniya no'ng isang araw.

"Ampanget ko umiyak, sorry."

Natawa siya, "It's fine. Tara, upo tayo."

Umupo kami sa kama ko at hinawakan niya ang dalawang kamay ko. Nandito siya. Makikinig siya. Nakakatuwang isipin na, kani - kanina lang ako 'tong dinadamayan siya pero ngayon, binabalik niya sa'kin.

"Kumain ka na ba? Gusto mo ba ng tubig?" tanong niya.

"Wala akong gana." suminghot ako.

"Oh," nag-abot siya ng panyo sa'kin. "suminga ka nga."

Natawa ako at kinuha ang panyo niya. Nakakahiya. "Salamat. Lalabhan ko na lang bukas."

"Go lang." Nginitian niya 'ko.

Matapos kong magpunas ng luha at nakakahinga na'ko nang maluwag, hinarap ko siya. "Ba't ka pala nandito?"

"Ayaw mo? Alis na lang ako—"

"Huwag, dito ka lang. Nandito ka na e." Pinigilan ko ang pag-amba niyang tatayo. Natawa siya.

"Bakit?"

"Aasarin sana kita pero, nevermind na lang." sabi niya at napatingin ako sa kaniyang mukha.

May iba sa kaniya. Ayun.

"Nagpakulay ka ba?" Hinawakan ko ang buhok niya. Mula sa blonde, medyo pula na.

"Ganda ko ba?"

Oo.

"Panget mo." Inirapan niya 'ko. "Pero, bagay sa'yo."

"I just wanted to treat myself. For a change. Kaso, nag-worry ako nu'ng tinatawagan kita ta's walang sumasagot."

"Sorry, pinatay ko phone ko. Ayoko kasi ng kausap kanina pa."

"It's fine. I get it. Buti na nga lang at sinagot ako ni Carlos. Balak ko talagang pumunta rito."

Bakit? Alam na kaya niya na patay na si Tatay? "Ha? Ano sadya mo?"

"Nag-bake ako ng cake. I used to love it when I was in my teenage years. Also, parehas din pala kayo ni Carlos na adik sa blueberry cheescake." Ngumiti siya sa'kin. "Then, halos ngayon ko langnabalitaan, patay na pala Papa mo. Gusto ko lang sana bumawi sa inyo."

Yumuko siya at agad pinaglaruan mga daliri niya. Hindi ko akalain na may ganitong side pala si Sabrina. Nakakatuwa rin isipin na, mas nagpapakita na siya ng pake sa'min ni Carlos. Nag-effort pa siyang gumawa ng cake. Nakakapanibago. Hindi ganito ang mga iba naming tropa.

"Salamat, ha." Ginulo ko ang buhok niya.

"Mavy…"

Hinarap niya ang sarili niya sa'kin at hinawakan muli mga kamay ko. Kalat-kalat ang isipan ko ngayon. Iisa lang ang sigurado,

Ang lakas ng tibok ng puso ko.

"Nandito ako, ha? Bilang kaibigan mo. Alam ko, nagkatampuhan tayo kanina but, we're cool, right?" Tumango ako. "Also... I want you to know na, if you want to rant, to cry, o kaya mag-kuwento, I'll listen."

Napangisi ako, dahil sa sinabi niya, at dahil nakakatuwa siyang pagmasdan ngayon. Sobrang… nakakabighani lang makita siya.

Malalaki pa rin mga suot niyang damit pero, nag-effort siyang mag-lipstick at eyeliner. Nagpakulay pa siya.

Nadadala na uli niya ang kaniyang sarilj.

Hindi ko lang maintindihan bakit ginagawa niya sa'kin 'to. Hindi ba, mas close sila ni Carlos?

"Huy! Titig na titig?" asar niya.

Hindi ako kumibo. Ang dami na namang pumapasok sa utak ko, lito, pag-aalala, at napansin ata ni Sab na lumalalim nanaman ang pag-iisip ko.

"May... sinabi ba'kong masama?"

Tinanggal ko ang mga kamay niya, parang may mali. Ang dami na namang tanong sa utak ko.

"Kaya ka rin ba pumunta rito para kay Carlos?"

"Para sa inyong dalawa, bakit?"

"E bakit nandito ka lang sa kwarto ko?" Nanlaki mga mata niya, "May gusto ka ba kay Carlos at nakaayos ka rin?"

Teka, ano 'yun Mavy?? Patay. Mamamatay ako. Bakit ko pa sinabi 'yon?!

Hindi ko sinasadya. Tinaasan niya 'ko ng kilay.

"Ano?! 'Di porket nakaayos ako nagpapapansin na'ko para sa isang lalaki?! Gago ka ba, Mavy?!"

Hindi ako makasagot. Alam kong mali ako. Mali ang sinabi ko. Masyado lang ako nadadala sa emosyon ko. Jusko, ba't ka nagkakaganito, Mavy?! Hindi ka ganito. Kahit kailan, hindi isyu sa'yo ang pag - aayos ng isang babae. Alam mo 'yan. Tinuro 'yan sa'yo ni Ate.

Tumayo siya at humalukipkip. "For your fucking information, girls wear make-up to please themselves. To make themselves feel empowered. Kaya don't ever tell me na kaya ako nag-aayos ay para kay Carlos. Kasi first of all, hindi ko siya gusto. Second of all, paraan ko 'to ng self-care. And third—"

"I'm sorry. Hindi ko sadya." Yumuko ako ata napahilamos bigla ng mukha. "Alam kong nag-aayos ka ngayon para sa sarili mo. Hinahangad mong magbago at pagandahin ang takbo ng buhay mo. Alam ko. Sorry. Sadyang nadadala lang talaga ako sa nangyayari ngayon." Tumingala ako sa kaniya. Agad naman niyang binaba ang mga kamay niya pero nakataas pa rin ang kilay.

"Siguro kaya ko nasabi 'yon kasi nagseselos ako. Wala ako sa sarili ko. Siguro kaya ko nasabi 'yon kasi sobrang nahihiya ako sa pinaggagawa ko. Sorry, hindi ko na rin alam sinasabi ko sa'yo. Napapagod ako." Napahiga ako sa kama.

Sobrang nawawalan ako ng gana. Nagiging walang kuwenta na'ko.

"I'm sorry... Instead of helping you, pinapagalitan pa kita." Umupo siya muli sa tabi ko. "Sorry. Bothered lang kasi ako kapag pinopoint out 'yung mga bago sa'kin. Sinunod ko lang naman kasi 'yong sinabi mo na alagaan ko sarili ko. This is just my first attempt, Mavy."

"Alam ko, Sab. Sorry kung narinig mo 'yon galing sa'kin. Pramis, hindi ko sinasadya."

Wala talaga akong gana pero, alam kong, natamaan ko si Sabrina sa mga sinabi ko. Hindi ko talaga sinasadyang sabihin 'yon sa kaniya. Baka sa sinabi kong 'yon, magbabago na tingin niya sa'kin. Hindi na niya gustong maging kaibigan ko, ayaw na niya maniwala sa'kin. Wala na'kong nagagawang—

"Huy, huwag ka na mag-isip, please?" Hinawakan niya ang binti ko. "Hindi ko gusto si Carlos. Kaibigan ko kayo parehas. Dinamayan at kinausap ko na si Carlos and we both know na, you're the one who's in need of assistance."

Tinignan ko siya, parang ayoko maniwala sa sinasabi niya. "Besides, this is my decision. Kilala mo pinsan mo more than I do. We both know he handles losses better. No offense, ha."

Tama naman siya. Ako nga 'tong sobrang nagpapadala sa emosyon. Samantalang si Carlos, kayang - kaya niya kontrolin mga naiisip niya. Kaya niyang intindihin kami ni Ate. Ang bait nga niya kung tutuusin dahil kahit kailan, 'di ko pa siya nakitang nagalit sa'min. Naiinis minsan pero, hindi niya 'yon pinapairal. Kaya minsan, pakiramdam ko, hindi kami karapat-dapat sa mga ginagawa niya para sa'min.

"Alam ko. Malaki rin naman utang na loob ko kay Carlos. Siya kasa-kasama ko, bata pa lang kami, lalo na 'pag wala si Ate. Halos wala pang isang taon ang pagitan namin pero, sobrang matured niya kumpara sa'kin."

"Age has nothing to do with maturity. It comes with experience. As for you," hinawakan niya balikat ko, "I know you can handle the situation well. Nandito ako, labas mo lang."

Tinitignan ko lang siya. Hindi ako makapagsalita. Tingin ko, hindi ako 'tong Mavy na nakilala niya kahapon.

Biglang may tumunog na kumakalaykay sa labas ng pinto. Napatakip ako ng mukha.

"Hay, jusko, Potchi. Gasgas na gasgas mo na 'yang pinto."

Natawa si Sab. "You know what," tumayo siya at binuksan ang pinto, "you need her."

Agad tumalon sa kama ko si Potchi. Naiyak na naman ako nang yakapin niya ko. Ano ba 'tong aso kong 'to. Hindi nagsasawa kakayakap sa'kin.

"Hay, Potchi. Ang suwerte mo sa amo mo," haplos ni Sab sa balahibo niya.

Ngumiti lang ako dahil hindi ko pa rin alam ang sasabihin ko. Pakiramdam ko, kinuha na ni Sabrina lahat ng salita ko. Pero, mukhang ayos lang sa kaniya 'yon.

"Alam mo... galit daw Ate mo sa'kin." Agad akong napatingin kay Sab. "Sabi ni Carlos, tingin daw ni Ate, ako dahilan kung ba't kayo... ganiyan."

Kumunot ang noo ko, bakit maiisip ni Ate 'yon? Hindi ba, mas nauna nga silang nagkakilala ni Sabrina?

"Hayaan mo na, lilipas din 'yon. Alam mo naman na pare-parehas kaming mainit ngayon," sagot ko.

Aaminin ko, hindi ako sanay sa ganitong pakikitungo sa pamilya ko, nanahimik, nagkukulong, at hindi kumakausap ng tao. Kung tutuusin, ako 'tong laging tinatakbuhan. Ako 'tong laging tumutulong. Pero, sa palagay ko, ako yata ang may kailangan ng tulong ngayon.

"Okay lang, I get it. I'm always the bad influence." Natawa siya. "That's why I'm also here to prove na, hindi ako masamang tao."

Nakahiga lang si Potchi sa mga binti ko at parang nakakatulog siya. Naramdaman na niya siguro na medyo ayos na ang pakiramdam ko. Grabe, ganito pala ang nangyayari sa'yo 'pag namatayan ka. Nawawalan ka ng gana, napapaisip ka sa mga nagagawa mo, matamlay ka. 'Yong tipong, sa sobrang blangko ng utak mo. Hindi mo na talaga alam kung ano gagawin mo.

Tahimik lang kami ni Sabrina, wala na rin siguro siya masabi. Pero, mabuti na 'yong tahimik. Maramdaman ko lang na may taong nandiyan para sa'kin.

Minsan kasi, hindi naman natin kailangan ng taong nagsasalita o makikinig sa'tin. Minsan, sapat nang nandiyan sila, kahit walang usap.Ang importante ramdam mo na dinadamayan ka. Higit pa 'yon para gumaan ang loob mo.

"Sab... Salamat ulit, ha? Sorry kung wala ako masabi sa ngayon."

"It's my pleasure to be here. Besides, you don't need to tell me anything. I just want to be here, to make sure you're okay."

Bumuntong hininga ako, kailangan na rin niya malaman ano ang kuwento ko. Tutal, nasabi na rin naman niya 'yong tungkol sa Tatay niya. Tingin ko, maigi rin na malaman niya kung ano ba nangyari sa pamilya ko.

"Alam mo, maganda na lang din sigurong ilabas ko 'to. Para mas maunawaan mo 'ko." tinignan niya 'ko at inantay ang susunod kong sasabihin.

"Si Papa kasi... Laging galit 'yun dati." Lumapit pa sa'kin nang konti si Sabrina.

"Sabi ko nga sa'yo, lagi niyang sinasaktan si Mama. Uuwi siya na mainit ang ulo, hindi ko lang alam kung bakit o baka hindi ko lang maalala pa dahil matagal na panahon na 'yon—" tinignan ko si Sab saglit—"Pero, sa tuwing naririnig niya 'kong umiiyak, naiinis siya, minsan nasasaktan na din niya 'ko."

Napa-hinga ako nang malalim nang maalala ko lahat. Tandang-tanda ko pa na pinaluluhod niya kami ni Ate sa asin. Tapos, lagi rin siyang namamalo ng walis tingting.

"Pero kada umaga, kapag maayos ang pag-iisip niya. Lagi niya kaming binibilhan ni Ate ng pagkain. Softdrinks o kaya, fishball. Pero madalas, nagagalit siya sa'kin kasi..."

"Maarte ka sa madumi?" dugtong niya.

"Oo. Naiinis siya kasi pinipilit ko noon na maging maayos silang lahat sa katawan nila. Lagi akong nagwawalis ng bahay at naiirita si Tatay dahil araw-araw ko 'yon ginagawa at naiistorbo siya sa panonood kay FPJ. Minsan, pati sa linis ng katawan ko sobrang arte ko na. Madalas niyang sasabihin dun, babakla-bakla nanaman ako, at kung barako talaga ako, wala lang sa'kin 'yung mga ganun kasimpleng kaartehan."

"Ang babaw naman."

Nagkibit-balikat ako. "Malay ko ba kung bakit siya ganu'n. Hanggang sa, umabot sa punto na natutunan na niyang maglasing. Tapos, isang araw. Nagulat kami ang daming gamit sa bahay. Cellphone, wallet, mga credit card..."

"...nagnanakaw na pala siya. Naging drug pusher siya at binalaan niya kami nila Mama na huwag na huwag magsusumbong."

Napahawak si Sabrina sa kaniyang bibig, tila nagulat sa aking kinekuwento. Maski ako, hindi ko akalain na magagawa ni Tatay 'yon.

"Nabawasan ang pagiging mainitin niya. Palipat-lipat din kami ng bahay at sa puntong 'yon, hindi ko alam kung tama ba na ginagawa namin lahat ng 'yon. Umayos ang buhay namin dahil malaki ang pera na nakukuha ni Tatay. Sinasabi naman sa'min ni Mama na 'yon lang ang tanging kapit namin para mabuhay."

"Then? Ano nangyari?"

"Dahil, nakakapag - aral naman kami ni Ate. Alam naming mali 'yong ginagawa ni Tatay. Lahat kami mapapahamak kung sakaling, matyempuhan kami ng mga pulis. Hanggang sa..."

Nanginig ako sa pagbalik ng alaala sa aking isipan.

"What happened, Mavy?"

"Sinumbong ko siya."

Tinignan ko si Potchi na mahimbing na natutulog sa binti ko, hindi ko pinagsisihan ginawa ko noon pero—

"Oh my gosh."

Tumulo muli ang mga luha sa'king mga mata, "Kailangan kong gawin 'yon. Mali, Sab, e. Kahit na sabihin mo 'yon ang dahilan ba't pa kami nabubuhay. Isa pa, buntis si Mama no'ng mga panahon na 'yon at ayokong saktan siya ng Tatay ko."

"May kapatid ka pa?!"

"Dapat mayroon, Sab pero tangina, nakunan si Mama." tuluyan na'kong umiyak. Hindi ko kinakaya ang nararamdaman ko ngayon.

Agad na niyakap ako ni Sabrina, humagulgol ako lalo sa mga balikat niya. "Dumating ang mga pulis bago umuwi si Tatay, tumakas kami nila Mama dahil sinabi ko rin sa kanila ang ginawa ko. Kaso, nu'ng nakalayo-layo kami—"

Hinaplos muli ni Sabrina ang likod ng ulo ko—"Nahabol kami ni Papa, at akala niya si Mama ang nagsumbong sa kaniya. Siguro, naka-singhot siya nu'n. May hawak siyang itak. Sinubukan niyang tagain kami ni Ate. Pero... humarang si Mama at siya ang natamaan."

"Fuck." Humigpit ang hawak sa'kin ni Sabrina, bumilis ang paghaplos.

"Shh... tapos na 'yon. Kaya mo 'yan. I-iyak mo lang," tahan sa'kin ni Sab.

"Sobrang nagsisisi ako na si Mama ang natamaan, sana ako na lang. Sana ako na lang 'yong namatay!"

"Shh, tahan na, Mavy. Huwag mo i-sisi sa'yo ang mga ginawa ng Tatay mo. Wala kang kasalanan, ginawa mo lang kung ano 'yong tama." sabi ni Sab at iyak pa rin ako nang iyak sa balikat niya.

"Ang sakit, Sab. May ginawa ba kaming masama para maging ganu'n ang kahahatnan ng buhay namin? Bakit kailangan parehas silang mawala sa tabi namin? 'Yon lang ba talaga ang puwede nilang gawin para mabuhay kami?"

"Minsan iniisip ko, paano kung hindi ko na lang sinumbong Tatay ko. Nasaan kaya kami ngayon? Magkasama pa rin kaya kami? Mamamatay ba kaming lahat? Tangina, ang daming puwedeng nangyari. Hindi sana siya nakulong kung—"

"Mavy," inangat ni Sabrina ang ulo ko at pinunasan ang mga luha ko. Tinignan niya 'ko nang deretso. "Huwag. Mong. Sisihin. Sarili. Mo."

Hinawi niya ang buhok ko na tumatakip na sa mga kilay ko, "You only did what you think was right. You were a kid, Mavy. You knew nothing about their world. Kumapit ka lang sa alam mong tama. Don't blame yourself for doing the right thing."

"Pero—"

"Mavy..." titig na titig si Sabrina sa mga mata ko. Ang hirap kumawala sa mga tingin niya, "He's your father, I know that. I also get na ginawa niya 'yon to provide for your family but, no matter how good your intentions are... never nila maja-justify ang mga maling paraan. That's why we have the karma and consequences."

Huminga muna ako nang malalim at tumitig sa kawalan. Nararamdaman ko ang paghimas ni Sabrina sa likod ko. Nagpatuloy ako.

"Aalam mo tingin ko, napalala 'yung OCD ko dahil sa mga napagdaanan kong 'yan. Oo, sabi ng doktor, 'di pa raw kami nawawalay kay Papa, nagma-manifest na. Nabanggit ko na nga na nagmula siya sa takot na maging pabaya sa pag-aaral, mga responsibilidad, sarili. Pero, nakadagdag pa kasi lalo 'yung pag iisip na baka mamaya, 'pag di ako umayos, kahantungan ko 'yung kinahantungan ng tatay ko. At ayoko nun, Sab. Ayokong maging katulad ng tatay ko.

"Mavy, you're a good kid. The fact na nagsumbong ka already makes you better than him. He'll face his consequences at the eyes of the law. And 'di ba? Nangyari nga? As for you, with what you did, look where it got you..."

Tinuro niya ang working desk ko. "You've accomplished a lot of things. Your family loves you. You're exactly where you need to be." Pinisil niya ang mga pisngi ko, "You saved their lives more than you ever thought of nu'ng bata ka pa."

Mas lalo na naman akong naiyak sa mga sinabi ni Sabrina. Hindi ko alam na sa kaniya ko maririnig lahat ng 'yon. Grabe, bawing bawi siya ngayon.

"And wishing na sana ikaw na lang 'yong namatay, wala kang pinagkaiba sa'kin. Don't ever blame yourself, okay? Alam kong, hindi talaga naiiwasan 'yan. Oo, nakakapanghinayang pero, tingin mo ba, kung ganu'n pa rin takbo ng buhay niyo— ito ang buhay na mayroon ka? Hindi. It could be worse, Mavy."

Tumango ako dahil naiintindihan ko ang sinasabi ni Sabrina sa'kin. Minsan, hindi por que iniisip mo na sayang ang mga mali mong ginawa ay mas maganda ang magiging buhay mo. Kaya siguro nangyari lahat ng 'to dahil, itong buhay na 'to—itong mayroon kami ngayon, dito kami nararapat.

"Gaya nga ng sabi mo, everything happens for a reason. This is it. Nakulong Tatay mo, nag-abroad Nanay mo. Sure, namatay kapatid mo but, everything in this world has its price. Hindi lahat makukuha mo. Siguro, kapalit ng buhay ng kapatid mo ay ang buhay na mayroon kayo ngayon o 'di kaya, ang redemption ng Nanay mo as a parent—providing for you in a way that is somewhat legal."

Hindi ako makapagsalita dahil natumpak niya lahat ng iniisip ko. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at niyakap ko muli nang mahigpit si Sabrina. Tingin ko, sasabog ang puso ko sa damdamin na nararamdaman ko ngayon. Ang hirap ipaliwanag. Ang alam ko lang, masaya akong nandito siya.

"Salamat, Sab. Nahimasmasan ako sa lahat ng sinabi mo. Mas naiintindihan ko na ngayon. Hindi mo alam kung gaano ako nagpapasalamat at nakilala kita at nandito ka," bumitaw siya sa yakap ko.

"Wala 'yon." Umiwas siya ng tingin.

Anong mayroon?

"Ayos ka lang?"

"May... naalala lang ako." Tumingin siya sa'kin at bahagyang ngumiti.

Ako rin. May naalala. Pero, tama bang—"MAVY!"

Biglang pumasok sa loob ng kwarto si Carlos. "Ay wrong timing ba?"

"Nope," sagot sa kaniya ni Sabrina.

"Ano mayroon?"

"Tikman mo cheesecake ni Sab!" sabi niya at may dala-dala pala siyang platito. Panira talaga 'to.

Lumapit siya at inabot sa'kin ang platito. Sumubo ako "Huy, oo nga."

Natawa si Sabrina. "Weh? Talaga ba?"

Tumango kami parehas ni Carlos. "Cute niyong dalawa. Good to see na okay na kayo."

Tinignan ko si Carlos. Dahan-dahan kong binaba si Potchi na gising na rin.

"Sorry sa lahat p're." Niyakap ko si Carlos.

Natawa siya, "Tapos na 'yon. Ang importante, hindi ka na super saiyan."

Binatukan ko siya. "Adik!"

"Nga pala, pupunta rito bukas si Tita. D'on muna tayo titira saglit sa parang hotel na ewan sa probinsya. Mag-ayos ka na ng gamit mo."

Parang ayoko makita Tatay ko.

Napansin yata ni Sabrina ang biglang lungkot sa mga mukha ko. Tumayo siya at inakbayan ako. "Sama ako sa inyo."

"Ano?!" parehas na sigaw namin ni Carlos.

"Masakit sa tenga, guys." Umirap siya muli. "Legit, sama ako. Para na rin masiguro nating parehas na sasama 'tong isang 'to." Sinabunutan niya 'ko.

"Aray! Sadista ka nga!"

"Sasama ka, Mavy," pagbanta niya sa'kin.

Huminga ako nang malalim, mukhang ito yata talaga ang dapat kong gawin. "Matagal mo na rin hindi nakikita si Tito 'di ba? Mabuting makita mo siya ngayon," sabi sa'kin ni Carlos.

"Also, it's time to forgive... and forget." Ginulo rin ni Sabrina ang buhok ko at parehas silang lumabas ni Carlos sa kwarto ko.

Naiwan kaming dalawa ni Potchi. Binuhat ko muli siya at hinimas ang mga balahibo niya. Siguro nga, oras na para harapin si Tatay. Kahit patay na siya. Niyakap ko si Potchi at naramdaman ko na naman ang daloy ng luha sa mga mata ko. Pero ngayon, nakangiti na 'ko.

Kaya ko 'to. Alam kong ito ang nararapat gawin.

Nawa'y makapag-patawaran na kami, kahit mula sa kabilang buhay.