webnovel

Never Talk Back to a Gangster

TBYD BOOK 2 Book two of Talk Back and You're Dead! :)

AlesanaMarie · perkotaan
Peringkat tidak cukup
213 Chs

Chapter One Hundred Eleven

Miracle Samantha Perez

"Mommy, I miss Daddy," sabi sakin ni Angelo habang binibihisan ko siya ng pantulog niya.

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kay Angelo. Sasabihin ko ba na 'Baby kasi busy si Daddy mo sa ibang babae'? Huwag na lang.

"Mommy, I want to see Daddy," nag-pout na naman ang kapatid ko.

Binigyan niya na naman ako ng puppy dog eyes na hindi ko matanggihan.

"Maybe tomorrow baby," sabi ko nalang sa kanya.

"Promise Mommy?"

"Yes baby, I promise. Kaya matulog ka na ha? Huwag nang makulit," binuhat ko siya at inihiga sa kanyang kama.

"Yes, Mommy," nag-yawn siya at niyakap niya ang stuff toy na si SpongeBob.

Hinintay ko na makatulog siya. Sorry baby, baka hindi ko matupad ang promise ko. Hindi pa ako handang harapin ang Daddy mo. Naguguluhan pa rin ako sa nararamdaman ko. Hindi ko alam kung bakit nangyayari sakin 'to ngayon, kung bakit ako nakakaramdam ng selos.

Bakit nga ba ako nagseselos? Eh ano naman kung may iba siyang babae? Eh ano naman kung may iba siyang babae na kasama sa condo niya? Eh ano naman kung may iba siyang babae na kasama sa condo niya at suot ang damit na regalo ko sa kanya nung birthday niya?

WALA LANG NAMAN 'YUN DI'BA? Wala lang dapat sakin 'yon. Kung ganon, bakit ako nagseselos? Hindi naman siya nakatali sakin ah. Fiance ko lang naman siya pero alam naman namin na dahil lang sa mga magulang namin 'yon. Hindi naman namin ginusto na maging enagaged kami sa isa't isa. Hindi naman kami nagmamahalan kaya kami magpapakasal.

Kung ganon, bakit ako nagseselos? Dahil ba mahal ko siya? Pero pagmamahal lang 'yon para sa kaibigan. Hindi kaya mahal ko na siya? Mahal na katulad ng kay Timothy? Pero hindi 'yon pwede! Hindi 'yon pwedeng mangyari.

Posible ba talaga na pwede kang magmahal ng dalawang tao nang sabay?

Tumayo ako sa kama ni Angelo. Pinatay ko ang ilaw at iniwan na nakabukas ang lampshade sa bedside table. Isinara ko ang pinto.

"Miss Samantha, may bisita po kayo," ani ng isa sa mga kasambahay namin.

"Sino?" gulat na tanong ko.

Alas otso na ng gabi na pero may bisita pa?

"Si Sir Jared po," sagot niya.

Agad na bumilis ang tibok ng puso ko nang marinig ko ang pangalan niya. Ano'ng ginagawa niya rito?

"Nasaan siya?"

"Nasa may garden po."

"Okay, salamat."

Pupuntahan ko ba siya? Teka. Tumakbo ako sa kwarto ko at agad na humarap sa salamin. Okay, maganda pa rin naman ako. Inayos ko lang ng kaunti ang buhok ko at lumabas na. Pumunta ako sa garden at binati ako ng malamig na hangin.

Bakit kaya siya pumunta dito ng ganitong oras? Hindi ba siya makakapaghintay hanggang bukas?

Lumakad ako hanggang sa makarating ako sa garden. Medyo malayo rin ito sa bahay. Hindi kasi ito karaniwang bahay lang, isa itong estate kaya naman talagang napakalawak nito. Siguro kasing laki ng school ko dati, ang St. Celestine High.

Nakita ko siya na nakatayo sa may gazebo. Nakasandal siya sa isa sa mga malalaking marble pillars. Nakalagay sa bulsa ang kanyang mga kamay at nakatingin siya sa bilog na buwan.

Napatigil ako sa paglalakad nang makita ko siya. Mukha siyang fictional character na nilikha ng isang magaling na manunulat. Halos hindi makatotohanan sa sobrang ganda. Para akong si Alice na pumasok sa isang bagong mundo. Naramdaman ko na naman ang malamig na hangin kaya napayakap ako sa sarili ko.

Dahan-dahan akong lumapit sa kanya. Naramdaman siguro niya ang pagdating ko kaya naman umayos siya ng tayo at tumingin sa akin.

"Samantha."

"Jared. Ano'ng ginagawa mo rito?" halos pabulong na tanong ko.

Sa hindi ko malaman na dahilan, bigla na lang nawala ang pagkainis ko sa kanya at sa nakita ko kanina. At ngayon, nahihiya ako sa inasal ko kanina. Ano kaya ang iniisip niya tungkol sa'kin? Bakit nga ba ako umalis kanina?

Masyado ba akong affected?

"Yung tungkol kanina, wala lang 'yon. W-Walang nangyari samin, Samantha. At 'yung sa damit, hindi ko alam na gagamitin niya 'yon," paliwanag niya at napahawak siya sa kanyang noo.

Lumapit pa ako hanggang sa parehas na kaming nasa gazebo.

"Kung ganon bakit kayo magkasama sa condo mo?" tanong ko bago ko pa mapigilan ang sarili ko.

Nagulat ako sa tono ko, God! Nahahalata na yata na nagseselos ako! Kailangan ko na talagang pigilan ang sarili ko. Wait, nagseselos ako?!

"Tinulungan ko lang siya.." lumapit siya sa'kin.

Napaatras ako bigla at agad siyang tumigil sa paglapit sakin.

"Galit ka ba?" tanong niya sa'kin na may halong emosyon na nakapagpasakit sa dibdib ko.

Galit ba ako? Napakagat ako sa labi ko, tumingin ako sa kanya. Medyo madilim ang paligid kaya naman hindi ko masyadong makita expression niya. Iniisip ba niya na galit ako? Bakit niya iniisip na galit ako? Iniisip ba niya na nagseselos ako? Ganoon na ba ako kahalata?

Nahalata na ba niya? Alam na ba niya na mahal ko siya? Iniisip kaya niya na malandi ako dahil mahal ko na rin siya? Na mahal ko silang dalawa ni Timothy? Iniisip kaya niya na masama akong babae dahil makasarili ako? Dahil gusto ko silang dalawa? Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko.

Gusto ko silang dalawa. Mahal ko silang dalawa. At ngayong alam ko na, nahihiya ako sa sarili ko. Paano ko nagawa ito kay Timothy? Bakit ako nahulog sa kaibigan niya? At dahil sa'kin, baka masira ang pagkakaibigan nila. Bigla na lang akong naiyak dahil sa sobrang kahihiyan na nararamdaman ko.

Ang sama-sama ko. Ni hindi ko nga alam kung kailan ba 'to nagsimula. Habang nasa France ba kami? O habang nasa ospital? Gaano na ba katagal? Gaano ko na katagal na pinagtataksilan si Timothy?

Si Timothy, kapag nalaman niya 'to baka hindi na niya ako mapatawad pa. At kapag naiisip ko na mawawala siya sa'kin habangbuhay, alam ko na hindi ko kakayanin.

Naramdaman ko ang pagyakap sa akin ni Jared.

"Sshh, Samantha..." bulong niya habang hinahaplos ang buhok ko.

Napahikbi na lang ako at hinayaan na yakapin niya ako. Kahit idinidikta ng isip ko na hindi pwede, hindi ko naman magawang lumayo sa kanya. May kung anong humihila sa'kin palapit sa kanya.

"H-Hindi kasi p-pwede," umiiyak na sabi ko. "Hindi pwedeng m-mangyari 'yon."

"Alam ko…alam ko," mas humigpit ang yakap nya sa'kin.

Mas naiyak pa ako at niyakap ko na rin siya. Bakit hindi ko magawang lumayo sa kanya? At kung tatanungin niya ako, ano'ng isasagot ko? Sinabi niya sakin dati na mahal niya ako. Hindi ko alam kung naaalala pa niya, pero hindi ko magawang kalimutan ang sinabi niya sa'kin. Dahil ba sinabi niya 'yon bago niya isara ang mga mata niya? Na akala ko 'yon na ang huling salita na maririnig ko sa kanya? Pero bakit hindi na niya inungkat pa ang bagay na 'yon sa'kin? At kailan pa? Kailan pa niya ako mahal? Mas lalo akong napaiyak nang maisip ko na baka nasaktan ko rin siya. Alam niya na mahal ko si Timothy. Kaya ba hindi niya sinabi sakin ang nararamdaman niya?

O baka naman mahal niya lang ako na parang kapatid? Gusto kong hilingin na sana mahalin lang niya ako nang katulad sa isang kapatid. Pero bakit nasasaktan ako kapag naiisip ko 'yon? Pero kung ipagpapatuloy ko naman ang nararamdaman ko para sa kanya, ano ang mangyayari?

"A penny for your thoughts?" bulong niya.

Umiling ako. Medyo humiwalay ako para punasan ang luha ko.

"Jared, bakit ka nandito?" tanong ko.

Humiwalay na ako nang tuluyan sa kanya.

"Gusto kitang makita," diretsong sagot niya.

Tumaas ang isang kamay niya at hinaplos ang pisngi ko, pinunasan ang luha ko.

"Bakit?" mahinang tanong ko.

Naka-focus ako sa kamay niya na nasa pisngi ko.

"Hindi ako makakatulog kung galit ka sa'kin," inalis na niya ang kamay niya.

"Bakit?"

Ngumiti siya.

"Galit ka ba?" tanong niya ulit.

Umiling ako.

"Good."

"Bakit?" tanong ko uli.

"Lahat ba ng sasabihin ko, sasagutin mo ng bakit?" nakangiting sabi niya.

"Uhh." Umiwas ako ng tingin. "Umuwi ka na kaya? Gabi na."

"Alam ko, kaya nga may buwan sa itaas kanina pa," hinawi niya 'yung ilang hibla ng buhok ko at inilagay iyon sa likod ng tenga ko.

"Namimilosopo ka ba?"

"Hindi, nagpapa-cute lang."

Tiningnan ko lang siya at tinaasan ng isang kilay.

"Tss..." Inilagay niya ang kanyang dalawang kamay sa dalawang bulsa ng pantalon niya at bumunntong hininga.

Ngumiti ako.

"Umuwi ka na. Gabi na..." tinulak ko siya ng mahina.

Hinawakan niya 'yung dalawang kamay ko na tumutulak sa kanya.

"Gusto mo na ba talaga akong umalis?"

Bigla akong namula. Ang totoo, ayoko pa siyang umalis pero kasi... parang mali na nandito siya. Gabi na at wala nang tao sa paligid. Natatakot ba ako sa pwedeng mangyari kapag nagtagal siya dito?

Ngayon kasing alam ko na ang nararamdaman ko para sa kanya, hindi ko na alam kung paano ako kikilos sa harap niya. May isang malaking pagbabago sa pagitan namin ni Red. Siguro nararamdaman rin niya 'yon. Kung alam niya, bakit hindi pa siya umiiwas?

"Samantha..." bulong niya at lumapit siya sa'kin.

Napalunok ako nang hawakan niya ang magkabilang pisngi ko.

"Natatandaan mo ba ang sinabi ko sa'yo noon? Nung araw na nabaril ako, may sinabi ako sa'yo hindi ba?"

Hindi ako makapagsalita kaya tumango na lang ako. Ngumiti siya.

"Ano'ng sinabi ko sa'yo?" tanong niya habang pinag-aaralan ang mukha ko.

Sana nakikita ko rin ang mata niya. Nagkataon pa kasi na nakatalikod siya sa liwanag ng buwan.

"N-Na... Na mahal mo ako?" bulong ko.

Lumipat ang dalawang kamay niya sa waist ko at hinila niya ako palapit sa kanya.

"J-Jared..?" Itutulak ko sana siya palayo nang idikit niya sa noo ko ang noo niya at tinitigan ako.

"Hwag kang gumalaw baka mahalikan kita bigla," sabi niya habang nakangisi.

Hindi ako gumalaw. Ano ba ang ginagawa niya? Inilagay ko na lang ang kamay ko sa dibdib niya. Mukha tuloy kaming sumasayaw dito.

"Ano'ng tingin mo?"

"S-Saan?" napakurap ako.

"Sa sinabi ko. Naniniwala ka ba?"

Ang bilis ng tibok ng puso ko. Ang boses ni Red, husky. At sa lapit namin ngayon, nararamdaman ko ang mainit na paghinga niya. Naaamoy ko rin ang perfume niya. Hindi ba kami pwedeng mag-usap nang normal? 'Yung hindi ganito kalapit? Nahihirapan akong mag-isip ng kahit na ano kapag ganito siya kalapit eh.

"Dapat ba akong maniwala?"

"Hindi ka naniniwala?"

Napalunok ako. Parang hinahamon nya ako na sabihin kong 'hindi' at may gagawin siya sa'kin para malaman ko na totoo ang sinasabi niya.

"P-Pano kung hindi, ano'ng gagawin mo?" hamon ko sa kanya.

Tumawa siya ng mahina.

"Gusto mong patunayan ko sa'yo?" naka-smirk na tanong niya.

Napakagat ako sa labi ko. Ano ba 'tong ginagawa ko? Nakikipaglaro ba ako sa apoy? Narinig ko siyang nag-groan. Pagtingin ko sa mata niya, nakasara ito. Huminga siya ng malalim at muli niyang imunulat ang kanyang mga mata. Parang nahihirapan siya sa isang bagay. Ano kaya 'yon?

"Hindi mo dapat gawin 'yan sa harap ko," reklamo niya.

"Ang alin?"

"Kagatin ang labi mo nang ganyan. Lalo na at magkalapit tayo."

Pansin ko ang paghigpit ng yakap niya sa akin.

"Jared—"

"Nasabi ko na ba kung gaano ka-sexy ang pagtawag mo sa buong pangalan ko?" nakangiting sabi niya.

Ako lang ba o parang mas lumapit ang mukha niya sa mukha ko? Halos nagkakadikit na ang ilong namin. Kapag lumapit pa siya, baka mahalikan na niya ako. At hindi ko alam kung saan mapupunta 'yon. Noon palang iniisip ko na, ano ba ang pakiramdam nang mahalikan ng isang Red Dela Cruz? Mababaliw rin ba ako katulad ng mga babaeng humabol sa amin kanina? At habang iniisip ko 'yon, mas lumalapit ang mukha ko sa kanya.

Humigpit ang pagkakahawak niya sa waist ko. Tiningnan ko ang mata niya. Hindi siya nakatingin sa mata ko kundi sa labi ko.

"Samantha."

Napapikit ako nang marinig ko ang boses niya.

Hinihintay ko kung ano ang susunod na mangyayari.

"Mahal kita," sabi niya. "Hindi bilang kaibigan o kapatid. Mahal kita... nang higit pa sa dalawang 'yon."

Napangiti ako. "Alam ko," sagot ko.

Lumapit pa ako sa kanya. Inilagay ko ang dalawang kamay ko sa magkabilang balikat niya. At mas lumapit pa siya sa'kin. Sa oras na 'to, wala akong ibang maisip kundi ang pakiramdam ng yakap niya. Kung gaano kainit ang yakap niya. Kung gaano ako kakomportable sa yakap niya. Kung gaano kasarap sa pakiramdam ang marinig na mahal niya ako. Kung paano niya inilapit ang labi namin sa isa't isa. At kung ano ang pakiramdam ng mahalikan ni Red Dela Cruz.