KINAKABAHAN SIYA. Pakiramdam niya na mas malakas ang tibok ng kanyang puso kaysa sa boses ng contestant na nagsasalita. Hinahanap ng paningin niya si Chloe. Ito lang kasi ang makakapagpakalma at makakapagbigay ng lakas ng loob sa kanya.
Tinawag na ang kanyang pangalan. Siya na ang susunod na contestant. Sumali siya sa school competition na oration. Gusto niya kasing ma-overcome ang stage fright kaya siya sumali sa contest.
Nasaan ka na Chloe? Baka magkamali ako.
Nanginginig ang kanyang tuhod habang naglalakad siya patungo sa gitna ng stage. Nanlalamig ang buo niyang katawan at bumibilis ang tibok ng kanyang puso.
"Si Zacharias 'yan 'di ba? Ang lakas naman ng loob niya na sumali sa oration contest."
"Nagpapatawa ba siya?"
"Anong ginagawa niya diyan?"
"Matalino sana siya kaso hindi marunong magsalita sa harapan ng maraming tao. Sayang."
Ang dami niyang narinig na hindi magagandang salita na lalong nakapagpadagdag ng kaba at nerbyos sa kanya. Gusto niyang umalis sa kinatatayuan ngunit hindi siya makagalaw.
"Zach magsimula ka na." sabi ng teacher na nagpa-facilitate ng contest.
"A-ako ay may a-alaga. A-asong ma-mataba."
Nagtawanan lahat ng mga nanunuod dahil sa kapalpakan niya. May sumigaw pa at sinabing loser siya. Hindi iyon ang piyesa na inaral niya. Hindi niya alam kung bakit biglang nablangko ang isip niya at iyon ang nabigkas niya.
"Sorry."
Tumakbo siya palayo mula sa mga taong nangungutya sa kanya. Nakakahiya ang kanyang ginawa.
"CHLOE NARINIG KO NA ITINANGGI MONG GIRLFRIEND KITA. Huwag kang mag-alala hindi naman ako galit. Naiintindihan kita."
Narinig niya ang usapan ng mga kaklase nito kanina. Nagtatanong ang mga kaklase nito kung may relasyon ba sila. Itinanggi ni Chloe na magkasinthan sila. Marahil nahihiya ito sa kapalpakan na ginawa niya.
"Matalino ka ba talaga?" sarkastikong tanong nito na ikinagulat niya. "Narinig mo ang sinabi ko pero hindi ka galit?"
"Hindi ako galit." Ulit niya. "Kahit itanggi mo na may relasyon tayo ay okay lang sa'kin."
"Nakakatawa ka talaga. Naniwala ka sa sinabi ko na tayo na? Hindi mo ba naisip na malabo akong magkagusto sa'yo?"
"Pero sabi mo-" pinutol nito ang sasabihin niya.
"Wake up Zacharias. Hinding-hindi ko magugustuhan ang isang katulad mo. Ayoko sa mahina at walang kwentang tao. Hindi tayo bagay. Matalino ka pero simpleng pagharap sa tao hindi mo kayang gawin. Paano kita magugustuhan? You're such a loser."
Para siyang paulit-ulit na sinaksak ng kutsilyo sa sinabi nito subalit sa kaibuturan ng kanyang puso ay may bumubulong na huwag siyang maniwala sa sinabi ng babae. "Hindi ako naniniwala sa sinabi mo."
"Hindi ko na problema 'yon."
"Chloe…"
"Simula ngayon, hindi na tayo magkakilala kaya huwag mo na akong tawagin sa pangalan ko."
Please leave a comment.
It's highly appreciated.
Thank you!