webnovel

Nasusunog ng Matagal na Panahon na

Editor: LiberReverieGroup

Nakasuot ito ng isang simpleng camouflage na kamiseta, military slacks at bota. Mukha talaga itong tunay na sundalo. Nang pumasok ito, ang buong silid ay napuno ng makapangyarihang presensiya nito. Binago nito ang anyo para sa operasyon.

Sa kanilang pagkagulat, mas mukha siyang sundalo sa suot na ito, malakas at matipuno. Kung pumasok ito sa militar at hindi sa negosyo, marahil ay isang importanteng tao na ito na tulad ni Philip. Nakikita ito sa natural na galaw niya habang pinamumunuan ang mga hukbo ng araw na iyon.

Kahit ang grupo ni Sam ay nasorpresa sa kakayahan nito. Sa isip nila ay walang habas ang kanilang reklamo, Pwede bang bigyan naman kaming mga ordinaryong tao ng karapatang mabuhay ng lalaking ito? Kailangan pa ba niyang maging mahusay sa parehong larangan ng negosyo at militar?

Tanging si Xinghe lamang ang nakakaalam na ang talento nito ay nagmula sa impluwensiya ng pamilya nito. Dahil si Elder Xi ay isang heneral ng militar na may mataas na katungkulan.

Isa pa, kailangan niyang aminin na mas makisig ito sa suot na ito ngayon.

"Sumunod ka sa akin," hindi nakita ni Mubai ang panandaliang paghanga sa mga mata ni Xinghe at sinabi dito pagpasok na pagpasok niya.

Hindi na nagtanong ng kahit ano pa si Xinghe ngunit tumayo na ito para sundan ito. Mayroong armored car na nakaparada sa labas. Tinulungan siya ni Mubai na makasakay dito at umalis na sila sa bahay ni Philip.

"Saan tayo pupunta?" Sa wakas ay tanong ni Xinghe.

Si Mubai na nagmamaneho ay sumagot, "Pupunta tayo sa kuta ng IV Syndicate; may nakita akong bagay."

"Ano?"

"Isang enerhiyang kristal."

Nagulat si Xinghe. Bakit magkakaroon ng ganoon ang IV Syndicate? Ito ba ang dahilan kung bakit alam ni Saohuang ang tungkol sa mga enerhiyang kristal?

Nasabik si Xinghe dahil mukhang may malalaman silang isang malaking sikreto.

Ang kuta ay tuluyan na nilang nasakop. Maraming sundalo ang nakatayo na nagbabantay sa pasukan nito. Binati nila si Mubai at pinayagan silang makapasok. Nang personal na narating ni Xinghe ang kuta, doon niya napagtanto kung gaano ito kalaki.

Naglalaman ito ng mga pinakamahuhusay na kagamitan, tulad ng isang set sa pelikula. Kahit na ang lugar na ito ay naging eksena sa maraming barilan, ang mga pader sa loob ay hindi nasira. Ang tanging bagay na naging bakas ay mga dugo na nakikita sa ibabaw…

Ang mga katawan ay naialis na doon.

Kalmadong sumunod sa likuran ni Mubai si Xinghe. Hindi nagtagal at pumasok sila sa isang lab.

Pagpasok nila, nakita ni Xinghe sa gitna ng silid ang isang malaking transparent enclosure. Sa loob nito, isang bola ng apoy ang tila sumasayaw. Nasusunog sa loob ng apoy ay isang itim na enerhiyang kristal!

Iginiya siya palapit ni Mubai at inobserbahan habag nakatitig sa kristal. "Tinanong ko na ang mga bihag. Sabi nila, ang bagay na ito ay matagal nang nasusunog."

Nagtaka si Xinghe. "Gaano katagal?"

"Hindi bababa ng ilang buwan."

Muli ay nagulat si Xinghe.

Tinitigan niyang maigi ang enerhiyang kristal na nasa loob ng enclosure at nakita na ang laki nito ay tila hindi nababawasan. Ano'ng klaseng substansiya ba ito na makakapagpatuloy na masunog ng ilang buwan?

Kaya naman, ang metal na ito ay talaga namang kakaiba.

"Kinukumpirma nito na ang metal na ito ay isa talagang energy source, pero hindi ko inisip na ang energy source na ito ay walang katapusan," komento ni Mubai.

Nahulaan na nila na isa itong kakaibang energy source, pero hindi nila inasahan na ito ay walang katulad sa mundo.

Kung ikukumpara, ang iba pang pagkukuhanan ng enerhiya tulad ng natural na langis o fuel, ay tila basura.

Kung mayroong ganitong klase ng pagkukunan ng enerhiya sa mundo na makapagbibigay ng maraming enerhiya nang hindi nauubos, malalaman nila sana ang tungkol dito, pero wala pa silang naririnig tungkol sa kakaibang metal na ito.

"Paano napunta sa mga kamay ng IV Syndicate ang bagay na ito?" Nagtatakang tanong ni Xinghe.

Umiling si Mubai. "Wala akong alam at hindi din ako sinagot ng mga bihag. Ang tanging bagay na alam nila ay ang bagay na ito ay importante at mayroon pang iba nito sa buong mundo. Kaya naman ganoon na lamang ang paghahanap nila para sa mga ito. Ang nakakalungkot lamang, nagawang makatakas ng pinuno nila, kung hindi ay madami pa sana tayong malalaman tungkol dito."