Chapter Two Point One
Let us take a look back on how destiny played its part with the lives of the characters within the story:
Sa kabilang banda….
"Wala na namang trabaho ang isang ito. Ano ba 'yan, puro na lang tambay!" sabay bato ng tsinelas no'ng nanay ni Burwik sa kanya. "Mag-ambag ka nga!" Pahabol nitong sabi sabay talikod nito upang magluto ng kanilang makakain para sa kanilang hapunan.
Malungkot mang isipin pero hanggang ngayon ay wala pa ring trabaho si Burwik. Gradweyt na siya isang pampublikong paaralan dito sa Planetang Nirnyaw at nakatanggap siya nang pinakamataas na karangalan ngunit wala namang silbi 'yon, aniya.
"Para saan pa at nag-aral ako kung 'di ko naman magagamit?" Tanong nito sa kanyang sarili.
Nakahiga pa rin si Burwik sa kama at parang ayaw niyang humiwalay rito. Napakakomportable sa pakiramdam at tila bang may nagbubulong sa kan'ya na huwag umalis. Ngunit gano'n pa man, kailangan niyang mag-ambag para sa ikabubuti ng kanilang pamilya.
Ang kanyang pangarap ay magkaroon sila ng maginhawang buhay. Pangarap niya ring humiga sa limpak limpak na salapi ngunit sa tingin niya'y malayo pa 'yon sa katotohanan kaya't ang hangad niya ngayon ay makakain lamang ng tatlong beses sa isang araw ay sapat na. Sa susunod na lang 'yong iba niyang pangarap.
Inayos ni Burwik ang kaniyang pagkakahiga at dali-daling iniayon ito sa posisyong kumportable siya. Panahon na para matulog ulit!
Alam naman nating napakasarap talaga matulog kapag tanghali na katulad na lamang noong mga bata tayo. Mula kaninang tanghaling tapat hanggang ngayong maghahapunan na ay tulog lang ang gawa ni Burwik. Naalimpungatan na lamang siya kanina noong binato siya ng tsinelas ng kaniyang nanay.
---
"Anong plano mo ngayon sa buhay?" tanong no'ng nanay ni Burwik sa kanya habang ipinapasa 'yong plato na may lamang kanin.
Hindi nakasagot si Burwik kaagad. Nilagyan lamang niya ang kanyang plato ng kanin sabay abot sa nanay niya pabalik.
"pakipasa ho 'yong ulam," pakisuyo ni Burwik sa nanay nito na agad naming ipinasa papunta sa kanya.
"Baka lumuwas ho ako sa siyudad bukas upang humanap ng mapagkakakitaan," ani Burwik.
"Sasabay ho ako kay Jepoy, 'yong barkada ko sa kabilang kanto para naman makatipid sa pamasahe. Ang mamahal pa naman ng mga bilihin ngayon. Lahat na lang sila nagsisitaasan ng presyo, hindi naman tumataas 'yong sahod ng mamamayan." Sabi ni Burwik sa nanay niya sabay subo no'ng kinakain nila.
"Ganoon talaga ang buhay. Mabuti nga't may nakakain at natitirahan pa tayo kung hindi, magiging kagaya na lamang tayo no'ng mga nandoon sa bangketa – walang permanenteng matutuluyan at umaasa na lamang sa swerte para sa kanilang pagkain" Sabi no'ng nanay niya na may halong awa at simpatiya para sa mga taong nakakaranas ng ganoong pamumuhay.
"kaya ikaw— "habol nitong salita, "magsikap ka. Kahit hindi na para sa amin pero para na rin sa kapakanan mo. Mabuti nga't nandito pa ako, paano na lang kaya kung wala na?" sabay tingin kay Burwik.
"sige po." Mahinang tugon ni Burwik sa nanay nito sabay subo ulit no'ng kinakain nila. Hindi alam ni Burwik kung paano niya naitawid ang kanilang hapunan pero nagawa niya iyon.
Malalim na ang gabi ngunit hindi pa rin siya makatulog. Iniisip niya pa rin ang mga plano niya sa buhay. 'Di niya nga alam kung may makukuha siyang trabaho para bukas, pero kailangan niyang tumingin at magbakasakali.
Tapos 'yung mga alaga niya pang sisiw, ano kayang mangyayari doon bukas? Nasa isip na ni Burwik na lagyan muna ng pagkain 'yung lalagyanan nila tapos tubig saka ibibilin sa nanay niya pagkatapos.
Hindi pa rin siya makatulog.
Ano ba namang isip ito? Saka tumatakbo kapag gustong-gusto na niya matulog!
Dahan-dahan niyang pinikit ang kanyang mga magagandang mata. ang mga matang nakakakita ng katotohanan sa kabila ng mga kasinungalingan sa mundong ito!
Inaantok na siya! Ito na ang pagkakataon!
Kinalaunan ay napapappikit na siya at handing yakapin ang panaginip niyang 'di tukoy kung maganda ba o nakakatakot. Nang biglang—jusko! Ang utang niya nga pala bukas kay Jepoy! Wala pa siyang pambayad! Naku po!
Tiyak na bukol ang aabutin ko nito kay Jepoy bukas! Nagising ang diwa ni Burwik na gustong-gustong matulog! Anong ipambabayad ko sa kanya bukas? Tanong nito sa kanyang isipan!
Napasabunot na lamang siya sa kanyang mumunting mga buhok at pinilit na matulog! Kailangan niyang matulog!
~~~~
Kinabukasan..
Isang malamig na umaga na naman ang sumalubong kay Burwik. Ayaw na ayaw niya talagang nagigising ng maaga dahil aniya'y 'di naman siya ang magsasaing sa mga panahong iyon at hirit niya pa'y masarap kayang mamaluktot sa iyong higaan! Lalo na't ito'y araw-araw na ineengganyo kang matulog ng mahimbing at huwag na huwag bumangon!
Ngunit kailangan niyang bumangon! Para sa pang-ambag!
Kinusot-kusot niya pa ang kanyang mga mata upang matanggal ang kung anumang duming nasasagap nito at para na rin mahimasmasan siya kahit papaano.
"Magandang umaga ho, Inay." Bati ni Burwik sa Nanay niyang nagsasaing ng kanilang umagahan. "Aba'y ang aga mo naman ngayon! Handa ka na ba para mamaya? Nandiyan na ba ang mga kailangan mo?" pag-uusisa nito kay Burwik.
"Opo, 'nay. Nandito na po sa storage ang mga dokumento't papeles ko para sa paghahanap ng trabaho." Sagot ni Burwik sa tanong ng kanyang Nanay.
"o siya, humigop ka muna ng mainit na sabaw rito at hula ko'y nandito na 'yan si Jepoy maya-maya. Dalian mo!" sabay tapik sa balikat ng kanyang ina habang siya papaupo na sa kanilang upuan, malapit sa kalan.
Inihanda ng kanyang ina ang sabaw na niluto nito para sa kanyang anak. Sinahugan niya ito ng kakaunting karne dahil iyon na lamang ang natira sa kanilang lagayan. Pinasarap niya rin ito at natitiyak niyang mabubusog ang kanyang anak dahil aniya'y punong puno ito ng bitamina na sasapat para sa maghapong paghahanap ng trabaho!
Sinandok ang sabaw sa isang mangkok na may taas na 4 na pulgada. Ito'y ipinatong sa platitong siya namang ibinigay kay Burwik upang mainitan ang sikmura.
Ito'y agad namang hinigop ni Burwik at nagpapasalamat siyang may nanay siyang nagluluto para sa kanya.
Mga sampung minuo siyang humihigop ng sabaw na may kasamang tigil sa pagitan ng biglang may bumusina sa kanilang tapat.
"Anak, nariyan na ata si Jepoy! Halika na at ihahatid kita diyan sa labas at may ibibilin din ako sa kaibigan mo," pag-anyaya ng kanyang Ina kay Burwik na siya namang dali-dali nitong pagtayo.
"Maraming salamat po sa pagkain, 'Nay!" masayang pasasalamat ni Burwik sa kanyang Ina. "Naku, itong anak ko talaga, natututo nang magpasalamat! Huwag na huwag mong titigilan 'yang mga magagandang gawain ha?" nakangiting tugon ng kanyang nanay habang hawak-hawak siya palabas ng kanilang mumunting tahanan.
"Jepoy, pare!" tawag ni Burwik sa kanyang kaibigan.
--------
Hello, camsyyy here! *waves*
hindi ko po maipapangako kung kailan ako magre-release ng mga chapters dahil tinatamad ho akong mag-type. Haha!
ang hiling ko lang ay magtuloy-tuloy na ang ganitong sistema para naman ganado akong mag-update.
'yon lamang po, maraming salamat! :))