webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urbain
Pas assez d’évaluations
165 Chs

Tiyak Na Mali Ang Pagkakaintindi Mo

"Ano?" Hindi makapaniwala si Mo Huiling na sasagutin siya nang ganoon ni Lin Che.

Sumagot muli si Lin Che, "Tama ka. Ako nga ang nagyaya sa kanya na lumabas at maglakad sa pauwi sa bahay kahit gabi na. Iyan ay dahil sa mga mata ko, hindi siya ang tipo ng lalaki na nasa peligro ang buhay. Siya ay isang lalaki na may karapatang i-enjoy ang buhay at may karapatang mamuhay bilang isang ordinaryong tao. Asawa ko siya at magkasama kaming natutulog sa iisang kama. Kung babasehan natin ang aming status at relasyon, wala namang mali kung gawin namin o hindi ang isang bagay. Tinulungan niya akong bitbitin ang gamit ko at sinamahan niya akong maglakad dahil mag-asawa kami!"

"Ano…"

"Kaya, hindi ko talaga maintindihan iyang sinasabi mong kadelikaduhan. Dahil sa aking mga mata, hindi siya ang taong kagaya ng iniisip mo. Siya ay asawa ko!"

Pulang-pula sa galit ang mukha ni Mo Huiling dahil sa mga narinig na sinabi ni Lin Che.

Ngumiti lang nang mapakla si Lin Che. "Kaya gaano man kababa ang tingin mo sa akin, asawa pa rin ako ni Gu Jingze. Kataas-taasang Miss Mo, hindi ko kailangan ang anumang sasabihin mo tungkol sa akin at kay Gu Jingze."

Nang matapos siyang magsalita ay tumalikod na siya at kaagad na umalis.

Nakahinga lang siya nang maluwag nang makalabas na siya sa café na iyon. Nakatayo siya sa may entrance at tumingin sa kalangitan na kasalukuyang nakukulayan ng buwan.

Nag-aalala din naman siya na baka nakakabigat lang siya kay Gu Jingze. Napakaraming mga bagay na hindi niya naiintindihan at naguguluhan pa rin siya hanggang ngayon dahil na rin sa laki ng pagkakaiba ng kanilang buhay.

Ipinikit niya ang mata at huminga nang malalim bago naglakad paalis.

Nang bumalik si Gu Jingze mula sa tawag ay si Mo Huiling nalang ang nandoon sa café.

Nang mapansin naman ni Mo Huiling na nakabalik na si Gu Jingze ay nagsimula itong umiyak sa table.

Napatigil naman sandali si Gu Jingze bago lumapit dito. "Ano'ng nangyari, Huiling?"

Inangat ni Mo Huiling ang ulo at ang mga mata'y puno ng luha. "Jingze, hindi ko talaga gusto na magkasama kayo sa iisang bahay ni Lin Che!"

Napakunot ang noo ni Gu Jingze habang nakatingin dito. "Ano'ng nangyari?"

Miserableng tiningnan ni Mo Huiling si Gu Jingze. "Alam mo ba kung ano ang ginawa sa'kin ng Lin Cheng iyon ngayon?"

Lalong kumunot ang noo ni Gu Jingze. "Ano'ng ginawa niya?"

"Sinabi niya sa akin na kayong dalawa ang mag-asawa. Lahat ng ginagawa niya ay tama at lahat naman ng ginagawa ko ay mali. Maganda raw ang relasyon ninyong dalawa. Ako… so ano ako? Jingze, ako ba ang third party dito? Hindi ba't tayong dalawa naman ang nagmamahalan? Bakit niya sinabi sa akin ang mga iyon? Bakit niya ako sinaktan nang ganito?"

Yumuko lamang si Gu Jingze para tingnan ang mukha nito. "Sinabi niya ba talaga ang mga iyan?"

"Oo." Sagot ni Mo Huiling. "Kung hindi ka naniniwala, pwede mo siyang puntahan at tanungin kung talaga bang sinabi niya na mag-asawa kayong dalawa. Kanina nang nandito ka, hindi man lang siya umiimik o nagsasalita. Pero paglabas na paglabas mo palang, marami na agad siyang sinabi sa akin. Ano ba talagang ibig niyang mangyari?"

"Tama na iyan, Huiling. Sa tingin ko'y mali lang ang pagkakaintindi mo sa sinabi niya." Sabi ni Gu Jingze.

"Imposible!" Giit ni Mo Huiling. "Hindi ako istupido. Malinaw kong narinig ang lahat ng sinabi niya, ang bawat salitang binitiwan niya. Bakit, Jingze? Dahil ba sa hindi ka naniniwala sa'kin?"

Huminga nang malalim si Gu Jingze. Umupo siya at tiningnan si Mo Huiling. "Hindi naman. Pakiramdam ko lang kasi ay hindi naman siya ganyang uri ng tao. Tiyak na na-misunderstand mo lang siya; kaya iba ang pagkakalahad mo ng sinabi niya. Sige na, Huiling. Huwag ka ng umiyak."

Pero, lalo lang nagalit si Mo Huiling at napakagat na lang ng labi.

Gu Jingze: "Tara na. Ipapahatid na kita sa inyo."

"Hindi mo ako sasamahan?" Nagmamakaawa ang ekspresyon ni Mo Huiling.

Hindi alam ni Gu Jingze kung nasaan na si Lin Che. Gustong-gusto na niyang malaman kung saan nagpunta si Lin Che at kung ano ba talaga ang nangyari. Medyo nag-aalala siya na baka galit ito kaya pagkatapos mag-isip ng ilang sandali, sinabi niya pa rin kay Mo Huiling, "Bukas na lang kita sasamahan. Sa ngayon ay may importanteng bagay muna akong aasikasuhin."

Naalala ni Mo Huiling na nagmamadali itong lumabas kanina para sagutin ang tawag. Naisip niya na baka nga may aasikasuhin pa talaga ito.

Sa isip niya ay hindi siya katulad ni Lin Che na walang pakialam sa abalang schedule ni Gu Jingze. Marahan niyang inilagay ang kamay sa braso nito. Nag-iingat siya sa pagdikit ng katawan nito dahil baka sumumpong na naman ang rashes nito. Ganoon pa man, nag-aasam pa rin siya na balang araw ay maramdaman ang init ng katawan nito. Tiningnan niya ang perpekto nitong mukha at malambing na sinabi, "Kung ganoon, sige mauna ka na at asikasuhin mo na muna ang dapat mong asikasuhin. Huwag mong pagurin masiyado ang iyong sarili. Hindi ako matutuwa. Alam ko namang busy ka kaya hindi na kita pipigilan pa."

Nagpakawala muli ng malalim na hininga si Gu Jingze. "Sige na. Umuwi ka na."

"Hmm. Huwag mong kalimutang hanapin ako bukas pag free ka na ha. Hihintayin kita."

"Oo sige." Mahinahong tugon ni Gu Jingze.

Nang makaalis na si Mo Huiling ay tinanong ni Gu Jingze ang mga kasama kung saan nagpunta si Lin Che. Kaagad naman siyang sinamahan ng mga ito papunta sa kinaroroonan ni Lin Che na kasalukuyang naglalakad mag-isa papunta sa bahay nila.

Hinabol niya si Lin Che at tinanong, "Ba't ka umalis nang ikaw lang?"

Naisip ni Lin Che na baka kailangan pa nitong suyuin si Mo Huiling nang matagal. Pero dahil sa nakarating ito kaagad sa kanya, walang interes na sumagot siya dito. "Bakit hindi mo muna sinamahan si Miss Mo at nakipag-usap sa kanya nang mas matagal?"

Nakita niya kanina kung gaano galit na galit ang ekspresyon ni Mo Huiling kaya natitiyak niya na wala itong magandang sasabihin tungkol sa kanya.

Itinaas ni Gu Jingze ang kilay at tiningnan siya. "Bakit? Gusto mo kaming mag-usap pa nang mas matagal?"

Sumagot si Lin Che, "Oo. Minsan lang naman kasi kayong magkita diba."

"Napaka-thoughtful mo talaga." Dapat niya ba itong purihin bilang isang maalalahaning asawa?

Tiningnan lang ni Lin Che si Gu Jingze. "Siyempre naman. Ako ay isang… ah, nakalimutan ko ang kasabihang iyon. Basta, ginagamit iyon para ilarawan ang isang taong mapagbigay."

"Ang nagpapaubaya ay higit na mas dakila?"

"Oo, tama. Ganyang-ganyan talaga ako."

Yumuko si Gu Jingze at mabilis na sinuyod ng tingin ang kanyang dibdib.

"Hmm. Malulusog na dibdib."

". . ." Yumuko rin si Lin Che at tinakpan ang dibdib. "Lumayas ka nga! Bastos!"

Napangiti naman si Gu Jingze. Tumigil lang ito nang makitang hindi natutuwa si Lin Che.

Pero, bigla rin niyang naalala ang sinabi ni Mo Huiling kaya muli siyang humarap at tinanong si Lin Che. "Sinabi mo ba talaga kay Mo Huiling na mag-asawa tayong dalawa at lahat ng ginagawa mo ay laging tama?"

Hindi nga siya nagkamali nang maisip niya na walang magandang sasabihin tungkol sa kanya si MO Huiling.

Sa pagkakaalam niya ay hindi naman ganoon ang eksaktong sinabi niya, pero hindi din naman masama ang pag-iiba nito ng kanyang mga salita.

"Oo, bakit, mali ba ang sinabi ko?" Sinadya niyang magmaang-maangan dito.

Nakatingin lang si Gu Jingze sa mukha ni Lin Che na inosenteng nagpakurap-kurap ng mata habang nakahilig ang ulo. Napaka-cute nitong tingnan kaya napailing nalang ng ulo si Gu Jingze.

"Hah, hindi, hindi. Tama naman ang sinabi mo."

"Siyempre. Asawa kita at asawa mo ako. Hindi ba't ikaw pa nga ang madalas magsabi sa'kin na mag-asawa tayo at tama lang na inaalagaan mo ako? Kaya, iyang mga bagay na sasamahan mo akong maglakad o di kaya'y dalhin ang gamit ko ay mga gawain ng isang asawa. Hindi ba't tama ako, Hubby?"

Mas lalo siyang naging matapang sa harap ni Gu Jingze. Hinila niya ang kamay nito at idinuyan-duyan nang ilang beses. "Sabihin mo sa'kin, Hubby. Tama ba ako?"

Pakiramdam naman ni Gu Jingze ay matutunaw na ang kanyang puso. Hindi niya mapigilang mapangiti at tingnan ang mukha nito. "Oo na, tama ka nga."

Noon lang din ngumiti si Lin Che. Napansin niya na malapit na pala sila sa villa kaya nagpatuloy na sila sa paglalakad papasok.

Nang makapasok na sa sila sa bahay, excited na kinuha ni Lin Che ang mga sabon na kanilang ginawa kanina.

Bagama't hindi gaanong kagandahan ang hugis ng mga iyon, magaganda naman ang mga kulay nito. Katunayan nga ay parang ayaw niyang gamitin ang mga iyon.

Mula sa likuran niya'y nakatingin lang si Gu Jingze. Itinuro nito ang mga sabon na ginawa ni Lin Che. "Ang papangit talaga ng mga iyon."

"Imposible! Sining ang tawag dito noh. Naiintindihan mo ba ito o hindi? Para bang obra ni Picasso. Ang tawag dito ay abstract art."

Napailing naman si Gu Jingze sa kanyang sinabi. "Wala talagang katalent-talent iyang mga paa't kamay mo. Ang masama pa ay ang gumawa lang ng dahilan ang alam mo."

Nilingon siya ni Lin Che at inirapan.

Samantala, nakamasid lang mula sa gilid ang isang katulong. Nang mapansin ang dalawa na mukhang nagkakatuwaan, hindi nito napigilang istorbohin at sabihin sa mga ito, "Madam, Sir, kayo po ba ang gumawa ng mga ito? Ang gaganda naman po nito."

Kaagad namang lumingon si Lin Che at mabilis na sumagot, "Oo. Ako ang gumawa niyang mga magagandang iyan. Iyang mga pangit naman ay si Gu Jingze ang gumawa."

Kinuha niya ang mga sabon na ginawa nila at tiningnan ang mga ito. "Ano ba'ng gagawin ko? Hindi ko kayang gamitin ang kahit alin sa mga ito."

Lumapit si Gu Jingze at sinabi, "Wala namang dahilan para hindi mo gamitin ang mga ito. Pwede naman tayong bumalik doon at gumawa muli ng mga tulad nito." Kumuha rin si Gu Jingze ng ilan at nilaro-laro sa mga kamay. Ngumiti siya at tiningnan ang kanyang pangalan na nakaukit doon at sinabi kay Lin Che, "Ikaw ang gagamit ng mga ginawa ko at gagamitin ko naman ang mga ginawa mo."

Pulang-pula ang mukha ni Lin Che nang marinig ang sinabi ni Gu Jingze.

Nagpatuloy si Gu Jingze sa paglapit kay Lin Che at sinabi, "Kapag ginagamit mo ang mga ito, hindi ba't para na ring hinahaplos ko ang buo mong katawan?"

". . ."