webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urbain
Pas assez d’évaluations
165 Chs

Shen Youran, Maghintay Ka Lang

Puno ng kahihiyan ang mukha ni Lin Che. Habang humahakbang ay naliligo sa kapulahan ang kanyang mukha at namamaluktok na para bang hipon na niluluto.

Tinawag ni Gu Jingze ang kanyang pangalan, "Lin Che, halika dito!"

Nag-alangan siya. Nagsisisi na talaga siya ngayon. Bakit ba kasi sinabi niya iyon nang hindi nag-iisip? Nakakainis.

Ganunpaman, ito ang landas na kailangan niyang piliin. Kailangan niyang lakbayin ito kahit na nakaluhod man siya. At dahil siya mismo ang nagsabi nun, hindi siya pwedeng huminto kahit na gusto man niyang umiyak…

Kinapalan niya ang balat at naglakad papunta sa kama. Napatingin siya sa dibdib ni Gu Jingze na bahagyang nakalantad at napatungo. Ayaw niyang tumitig sa mukha nito.

Habang nakatungo ang kanyang ulo at namumula ang mukha, naramdaman niya ang pagyakap sa kanya ni Gu Jingze. Hindi na siya nakatiis at napabulalas, "T-teka lang… Ano… Binabawi ko na ang sinabi ko kanina!"

Nagdilim naman ang mukha ni Gu Jingze, "Binabawi? Huli na ang lahat!"

Kung hindi siya nito tutulungan ngayon, siguradong makakain niya ito nang buhay!

Gabi na at nakahawak pa rin si Lin Che sa mga braso niyang sobrang sakit. Nainis siya lalo nang maalala ang kaibigan at galit na napasigaw sa isip na si Shen Youran ang may kasalanan ng lahat ng ito. Nababaliw na ba ito para padalhan siya ng mga ganung bagay? Pinagtitripan talaga siya nito!

Kinabukasan.

Maagang bumangon si Gu Jingze at masiglang umalis papuntang trabaho.

Samantala, dumiretso naman si Lin Che para hanapin si Shen Youran.

"Shen Youran, humanda ka. Papatayin talaga kita," nagmamadaling pumunta si Lin Che sa bahay nina Shen Youran at gustong sakalin ang kaibigan.

Itinulak niya ito sa kama at galit na pumaimbabaw. Agad naman itong humingi ng kapatawaran mula sa kanya, "Patawarin mo ako, pasensya na. Iniisip lang naman kita kaya ginawa ko yun. Hindi mo ba nakikita ang sarili mo? Nagliliwanag ka ngayon oh. Nayanig ba nang husto ang gabi ninyo?"

"Tumigil ka!" Mas lalong nagngitngit si Lin Che nang muli na namang maalala ang nangyari.

Hindi naman nagtagal at nagkaayos na sila at nagpasyang mag-shopping.

Bago sila magtapos noon, mahilig silang magshopping nang magkasama. Katulad ng ibang teenagers, lagi silang kumakain ng ice cream at namimili ng murang mga damit mula sa mga ukay-ukay.

Nakasuot siya ng malaking sunglasses para hindi siya makilala ng mga tao. Sa tabi niya ay kumakain pa rin ng ice cream si Shen Youran. Habang naglalakad ay sinabi nito, "Ang hina-hina niyo namang dalawa. Wala ba talagang nangyari kagabi? Pambihira. Hindi niyo ba alam kung magkano ang nagastos ko para sa lahat ng yun?"

Napaikot nalang ng mga mata si Lin Che at sa isip ay gustong patayin ang kaibigan. "Ipapadala ko sa'yo bukas ang mga iyon nang sa gayon ay magamit mo yung lahat!"

"Hmph, ano namang gagawin ko sa mga yun?"

Tumunog ang cellphone ni Lin Che. Nakita niya ang pangalan ng ama niyang si Lin Youcai at napasimangot muna bago sinagot ang tawag.

"Lin Che, may nangyari kay Lin Yu," bulalas ni Lin Youcai mula sa kabilang linya.

"Anong nangyari?" Tanong niya naman.

"Nakipagkita siya sa mga kliyente natin pero hindi naging maganda ang resulta. May nagalit sa kanya na isang mahalagang tao. Ngayon naman, ang pamilya na natin ang gusto nitong pabagsakin. Sabihin mo sa'kin, anong gagawin natin ngayon?"

Wala siyang matandaan na panahon na tinawagan siya ng mga ito tungkol sa kanilang pamilya, "Aba malay ko. Pano ko malalaman kung ano ang gagawin?"

"Kilala mo si Gu Jingze. Maaari mo bang… maaari mo ba siyang mapapayag na magpakita sa kanila?"

"Papa… Hindi tama iyan. Hindi pwedeng palagi nalang tayong mangdadamay ng ibang tao sa problema ng pamilya natin."

"Kapatid mo siya. Iisa lang kayo ng dugo. At isa pa, kayong dalawa ang mas malapit sa isa't-isa."

Oo. Noong mga bata pa sila, palaging ninanakaw ni Lin Yu ang mga projects niya at inaangkin na para bang kanya.

"Okay, Papa. Nakuha ko na ang gusto mong sabihin. Susubukan kong banggitin ito kay Gu Jingze kapag nakahanap ako ng tyempo."

"Mabuti. Mabuti kung ganun. Ikaw nalang talaga ang maaasahan ng pamilya ngayon."

Pinatay na niya ang cellphone. Hindi naman makapaniwala ang mukha ni Shen Youran habang nakatingin sa kanya. "Ay, ang galing naman! Nilalapitan ka na ng pamilya mo ngayon dahil may problema sila? Ano bang karapatan nila para gawin yan? Porket ba nalaman nilang may kaya ka ng gawin ngayon? Noon, kung tratuhin ka nila ay para ka lang isang basura na napulot nila mula sa kalsada. Kahit kailan ay hindi ka nila itinuring na pamilya. Hay naku, wag mo silang tulungan."

Sumagot naman siya, "Hindi rin mabuti kung babanggitin ko ito kay Gu Jingze. Wala siyang utang sa akin pero ako itong lagi nalang nagbibigay sa kanya ng problema."

"So, ano ng plano mo ngayon?"

"Aalamin ko muna kung sino ang nakagalitan ni Lin Yu at pagkatapos ay doon na natin iisipin kung ano ang gagawin. Oh siya, nawalan na ako ng ganang magshopping. Mauna ka ng umuwi. Uuwi na din naman na ako."

"Sige."

Hinintay na muna ni Shen Youran na makaalis si Lin Che bago siya lumabas ng shop na iyon. Noon din ay biglang tumunog ang alarm.

Naguguluhan naman si Shen Youran nang makita niyang papalapit sa kanya ang dalawangs ecurity guards.

"Anong ginagawa ninyo…"

"May isinuksok ka ba diyan na hindi mo pa nababayaran?"

"Wala! Nagbayad na ako," Naguguluhan pa rin si Shen Youran. Pinadaan ulit siya ng mga security guards sa harap ng sensor pero hindi tumunog ang alarm.

Nagsalita ang isang guard, "Tumawag nalang tayo ng pulis. Hindi na tayo nakaka-detect ng katawan ngayon kaya mas mabuti kung ang mga pulis na ang hahawak sa kasong 'to."

"Huh?"

Napabuntung-hininga nang malalim si Shen Youran. "Sige, ako na mismo ang maglalabas ng bulsa ko. Wala talaga akong ninakaw."

Pero, may nakapa siyang bagay sa kanyang bulsa. Sa bulsa niya ay may nakalagay na mga… condoms.

Namula nang husto ang mukha niya.

Nagtawanan ang dalawang guards, "Hahaha. Miss, pwede mo namang bayaran iyan kung talagang kailangan mo…"

Hindi pa rin makagalaw si Shen Youran. Mula sa likod niya ay may presko ang tono na nagsalita, "Tama! Pwedeng-pwede ka namang bumili kung talagang kailangan mo yan. Pero ganunpaman, hindi ko talaga inaasahan na kailangan mo pala ng ganyan."

Ang taong nagsalita ay walang iba kundi si Chen Yucheng.

Nanlulumong tiningnan ni Shen Youran si Chen Yucheng, "Bakit ka nandito?"

Sumagot naman ito, "Syempre, nasa tabi lang nito ang opisina ko. Ako ang dapat na nagtatanong sa'yo nyan. Bakit ka nandito?"

"Nandito ako para magshopping. Shopping mall ito, hindi ba?" Mataray na sagot niya.

Ang totoong dahilan ay si Lin Che lang naman talaga ang nagyaya sa kanya dito. Ang sabi kasi nito ay masaya raw dito, kaya sumama agad siya.

Nanlilisik ang matang tiningnan niya ang doktor.

Inihagis niya ang pakete ng mga condoms kay Chen Yucheng, "Hindi ko kailangan yan. Para sa'yo kasi talaga yan. Alam ko kasing mahilig ka sa mga babae at nag-aalala ako na baka makakuha ka ng sakit kaya ayan. Hmph!"

". . ."

Mabilis siyang tumakbo paalis pagkatapos niyang sabihin yun.

Samantala, nakatayo pa rin doon si Chen Yucheng habang hawak ang condoms. Nagdikit ang kanyang mga kilay habang sinusundan ng tingin ang direksyong tinahak ni shen Youran.

Si Shen Youran naman, nakalabas na siya ng mall pero hindi niya pa rin maintindihan kung paanong napunta ang mga condom na iyon sa kanyang bulsa.

Nang sandali ding iyon ay tumunog ang cellphone niya. Mula kay Lin Che ang mensahe.

"Natanggap mo na ba ang pasasalamat kong regalo para sa'yo?"

Napaawang ang kanyang bibig at napasigaw siya bigla.

Si Lin Che ang may kagagawan nun.

Walangy* kang Lin Che ka!

"Maghintay ka lang, Lin Che. Huwag na hwag kang magpapakita kita sa'kin…" Hiyang-hiya si Shen Youran. Okay lang sana kung walang nakakakilala sa kanya doon pero bakit kailangan pang magkataon na nandoon din ang doktor na yun! Naging katawa-tawa pa tuloy siya sa mokong na yun!

Tawa nang tawa si Lin Che habang binabasa ang reply ni Shen Youran sa kanya at sa isip niya'y nakikita niya ang kaibigan na nanggagalaiti sa galit dahil sa ginawa niya. Sa wakas ay nakapaghiganti rin siya. Sino ba kasing nag-utos dito na gawin ang ginawa nito sa kanya?

Hindi nagtagal ay nakauwi na siya. Pero bago paman siya makarating sa pinto ay may nakita siyang pamilyar na sasakyan na nakaparada sa labas.

Kabababa niya palang sa kotse ay may lumapit kaagad sa kanya mula sa likuran.

"Lin Che, hwag ka munang pumasok. Buong araw kaming naghintay sayo rito."

Pumihit siya at nakita niyang si Lin Youcai pala ang taong iyon.

Sa likuran nito ay nandoon si Lin Yu na matagal ding panahong hindi niya nakita.

Tumingin ito sa kanya at halata sa mukha na ayaw nitong lumapit. Lalo na nang tumitig ito sa kanya, may kung anong pandidiri sa mukha nito.

Pero, hinila agad ito ni Lin Youcai, "Lin Che, isinama ko rito ang kapatid para naman magkita kayo."