Tropang Past : Enchanted Adventure 7
"Naku Dama, may naisip na naman siyang paraan. Gumawa siya ng tulay na baraha.", alala ng prinsipe.
"Oo nga. Tuso talaga siya. May maiisip at maiisip talaga siyang paraan. Hindi ko to nagugustuhan."
"Ano'ng gagawin natin?"
"Kailangan na humangin ngayon din. Kailangang ko ito ngayon."
"Hangin?"
"Oo mahal na prinsipe. Kailangan ng hangin."
At biglang sumipol ang prinsipe. Maya maya ay dumarating ang hangin. May kaunting kalakasan iyon na nagawa nitong iangat ang buhangin.
Sinamantala iyon ng Dama. Ginamitan niya ng mahika ang hangin upang makalikha ng malakas na buhawi.
Sa isang banda ay malaki na ang ngiti ni Jomarie. Ang hindi nito batid ay may hinanda ng sasalubong na buhawi ang Dama na nang malapit na sa pampang ay pinakawalan niya. Tanging sigaw na lamang ang nagawa nito pagkat di na nakabwelo.
Muli namang kumilos palayo ang dalawa. Takbo lang nang takbo hanggang sa may makitang abandonang kampo. At doon ay huminto sila. Sa mga naglalakihang mga bato ay nagsisandal at pahinga.
Hindi naman nagpatinag si Melody sa kanyang layunin kahit may mga sumusunod at umaatakeng kalaban. Sa tuwing mapapatumba niya ang mga ito ay saka naman niya inaasinta ang mga nasa ereng Shokorot na may bitbit sa hari at reyna.
Makaminsan namang nagtangkang sundan ni Xerxes si Melody ngunit naagapan siya ni Jerald na nagpaulan ng maraming kutsilyo dahilan para mapukaw ang atensyon ng kalaban.
Samantala, hingal na hingal na ang magkapatid na Chona at Mary Anne pero tuloy pa rin sa pakikibaka. Nasugatan na nga sa kaliwang braso si Mary Anne habang si Chona ay nadaplisan ng isang Eklaboo sa kanyang hita. Ang mga natamo naman nilang sugat ang lalo pang nagpasidhi sa damdamin nila para lumaban pa.
Gayundin naman ang mga natitirang buhay na kawal ng sentrong kaharian ng lupain ng Postalex, ang Ventreo. Matatag pa rin sila para ipagtanggol ang kaharian.
At nang bumaba na nga ang bilang ng mga Eklaboo at Shokorot ay nagbigay na ng hudyat si Xerxes ng pag-alis. Sa paglisan ng mga ito ay saka nagtinginan ang mga taga Ventreo. Napahinga sila ng malalim at binagsak ang mga katawan sa lupa.
"Akala ko di na matatapos.", hawak sa noo ni Chona.