*ANG KAWAWANG KARITON*
Maraming pangyayari ang naging karanasan ko sa bahay na iyon. Dati, ang naging bahay nila ate Amy ay nabakante bago pa 'yon nila tirahan. Madalas ako sa silong ng bahay na 'yon. Hindi ko na din alam kung sinong tumira 'don na nawala na. Wala pa kaming telebisyon noon kaya malimit ako sa mga kapitbahay namin para makinuod ng t.v. Mangilan-ngilan pa lang din ang may kuryente noon. Sa bahay nila ate Ersing malimit din dati ako. Nakakasama ko 'don manuod ng t.v si Nonoy na bunsong anak ni ate Ersing. Minsan naman, sila ate Perlita. Ang mga t.v pa noon ay de baterya pa lang, kaya kapag mauubos na ang karga ng batery nito ay unti-unti ng lumiliit ang picture o ang pinapanuod naming palabas. Mapa-umaga man o gabi malimit akong nandoon sa kanila.
Naalala ko pa dati na inaabot ako sa kanila ng alas nuebe ng gabi sa panunuod ng mga palabas na pelikulang pilipino sa channel 2 tuwing alas siete hanggang alas nuebe ng gabi. Noon, kapag ganung oras ay may kalaliman na ang gabi dahil tahimik na sa aming lugar at may kadiliman na din sa paligid. Umuuwi ako 'non mag-isa sa bahay pagkatapos ng palabas sa gabi. At hindi pa yata ako 'non nag-aaral bilang elementary. Sa tanghali naman mga pelikula din. Maliit pa noon si Angelie noong lagi akong nakikinuod ng t.v sa kanila.
'Yung bahay naman na pinagtayuan ng bahay nila kuya Teng ay dati lang 'yon kamalig. Madalas dati kaming maglaro noon doon nila Mandy at Tano. May tumira din dati doon at naging bakante din. Doon din dati sa mismong puwesto na iyon ay may nasaksak na lalaki na kamag-anak nila kuya Biloy. Nakita ko noon ang kanyang patay na katawan na nakahandusay sa lapag ng tinayuang bahay nila kuya Teng. Ilang oras pa 'yon nanatili 'don bago may pumuntang mga pulis at taga purinarya.
Kila Mandy o sa kanilang bahay ay sobrang limit din ako. Madalas din akong makinuod sa kanila ng mga pambatang palabas dati at mga cartoons tulad ng Batibot, Cedie (Ang munting prinsipe) at iba pa. Lagi noon wala si kuya Bating sa kanilang bahay, gawa ng kanyang trabaho kaya malaya ako noong nagpapabalik-balik sa kanila. Si Mandy o Erwin talaga ang malimit ko noong nakakasama sa kanilang mga magkakapatid. Lagi kaming naglalaro sa kanila noon, nagtatago-taguan kami sa loob ng bahay nila. Malaki rin ang kanilang bahay noon at may mga kwarto na magandang pagtaguan.
Si ate Tening noon, madalas akong pakainin sa kanilang bahay kapag inaabot ako ng tanghali sa kanila. Naaalala ko rin noon na ang kanilang bahay ay may mga nakadisplay na pinatigas na mga ibon o parang mumiefied. May puno din dati ng mangga sa gilid ng kanilang bahay at namumunga din iyon. Wala pa din noon si Derwin. Ang kanilang bunsong kapatid ay si Esmaldo pa lang na baby pa noon. Si Elma bilang panganay nila ang pinakamalaki sa kanila dati. Sa paglipas ng panahon s'ya na ang naging pinakamaliit sa magkakapatid. Si Eillen na aking kaedaran sa kanila na sumunod kay Erwin, habang si Emily at Edwin naman ang naging kaedaran ni Jing. Puntahan din talaga ng mga kabataan noon ang bahay nila ate Tining at masayang maglaro sa kanilang bahay. Mabait kasi si ate Tening at wala 'yon pakialam sa'min kaya maraming bata ang pumupunta sa kanila.
Ang kanilang bahagi ng bahay sa ibaba na inuupahan dati nila kuya Boy ay silong pa lang dati nila. Marami dating mga malalaking bulate doon o mga earth worm na gumagapang, malamig kasi ang lupa doon at mataba. Dati, kinuha namin ang mga malalaking bulate 'don, tinusok namin ng stick ni Mandy at inihaw namin. Nagalit noon ang kanyang nanay at si Mandy ay napalo. Sigaw ng sigaw noon si Mandy habang pinapalo ng kanyang ina.
Malimit ko rin noon makalaro si Nunong o si Raffy. Lagi kaming magkasama noon at kasakasama din kami kila kuya Ejie at nila kuya Rommel Rosal noong sila'y mga binata pa lang. Si Raffy noon malimit nakapaa at kahit na s'yay may tsinelas pa sa kanila, mas komportable s'ya kung s'yay naka paa lang. May kalakihan din dati ang kanyang tiyan. Lagi s'ya noong tinatakot ng matatanda na maraming ng bulate ang kanyang tiyan dahil lagi s'yang nakapaa. Madalas din kaming pumuntang Anatasia Village para mangalkal sa kanilang tapunan noon ng mga basura sa bangin malapit sa kanilang basketball court. Naglilibot-libot din dati kami sa mga bahayan doon para alukin sila ng "tapon basura" kapalit ng ilang barya.
Mga early 90's, hindi ko rin noon makakalimutan ng isama kaming dalawa nila kuya Ejie sa kanilang kalokohan. Marami sila noon, andon din yata sila Bugoy, Nunoy Ida o Rene, Tatang, kasama rin noon si Joey, 'yung iba pang mga kasama hindi ko na matandaan. Natatawa na lang ako ngayon kapag naaalala ko 'yon. 🤣Kinuha nila noon ang nakaparadang kariton nila kuya Biloy sa bukana ng Anastacia Village na nakatali sa puno. Katanghaliang tapat 'non ng mapasama kami ni Raffy sa kanila. Sila kuya Biloy at ang kanyang asawa ay nananghalian noon sa kanila o kanilang break time. Sinakay nila kami ni Raffy sa Kariton at kami'y gumala kung saan-saan. Nagtatawanan pa sila noon habang hinihila nila ang kariton. May mga lamang bote at garapa pa ang kariton na iyon. Winalanghiya talaga nila dati ang kariton nila kuya Biloy! Hahaha. Minsan, halos maibangga na nila 'yon sa mga trycle na nakakasalubong namin. Binibigatan din nila ang dulo 'non para umangat ang unahan, tapos itutulak ng mabilis. Halos matanggal na ang mga gulong ng kawawang kariton.
Ilang oras din kaming nagpagala-gala noon. Umabot kami noon sa Annex o sa bukana ng Parang High School. At noong ibabalik na namin ito sa kanyang garahe, sa Anactacia pa lang sinalubong na kami ng asawa ni kuya Biloy na galit na galit at may dala itong kahoy na pamalo. Nagmumura ito at nagsisisigaw habang sila kuya Ejie ay kanya-kanya ng pulasan sa pagtakbo. Kami ni Raffy noon napagalitan ng kanyang asawa. At isusumbong daw kami sa aming mga magulang. Sobrang galit na galit talaga si Ate noon sa'min! 😬Ha! Ha! Ha!
Meron din sila noong napulot na sirang scooter. Napasama din dati kami sa galaan nila, at isinasakay din nila kami sa scooter na de hila. Kami noon ni Raffy ang kanilang saling pusa pagdating sa galaan.
Mga early 90's din ng mapasama kami ni Raffy sa kanila ng sila'y mapa-riot sa mga taga Marikina Village. Nakaaway nila noon ang mga kabataan doon na sila Kabute at kuya ni Batibot at ilan pang mga taga doon. Sinugod dati 'yon nila kuya Ejie at Nunoy Ida, kasama sila Tatang, Ente, Jun na kapatid ni Tatang, pati rin yata ang kuya nilang si Eking nakasama rin namin. Sila Eson, kuting, Rolly, Rommel Rosal, Kuya Paloyloy at ilan pa. Nagliliparan noon ang mga bato sa Arayat St. na dati'y lupa palang. Naaalala ko pa noon ng sabihin sa'min ni kuya Ejie na isakay n'yo na ang dalawang bata sa bike at umalis na kayo dito. (Kaming dalawa ni Raffy) Nagliliparan talaga ang mga bato noon.
Nasundan pa 'yon ng mga 1 on 1 na suntukan sa bakanteng lote ng Marikina Village. Isa laban sa isa at pagkatapos 'non may nakasalang na naman. Basagan talaga ng mukha noon ang mga taga sa'min laban sa mga taga Marikina Village. Si Batibot noon at Raffy ang sinalang nila ngunit nangayaw si Raffy. Hindi sila nakapagsuntukan noon ni Batibot. Kami ni Raffy noon, taga panuod lang sa mga suntukan nila. Si Tatang, si Jun na kuya n'ya ay sumalang din. Maging sila Rene at Eking ay nakipagsuntukan din .At sila Ente at Eson din. Halos silang lahat yata ay mga sumalang sa 1 on 1 fight battle. At meron din dalawahan o tulungan. (Tag-team)
Napasama din kami sa kanila ng sugudin ni Ente at Eson sa loob ng class room sa St. Mary. si Kabute. May dala noong kutsilyo si Eson at sasaksakin n'ya sana si Kabute. Naawat na lang 'yon ng may dumating na teacher sa loob ng kwarto ngunit nasuntok nila noon si Kabute.
Sa bahay nila ate Santa, malimit din kaming pumunta nila mama para mamili sa mga paninda nila noong mga gulay. Hindi ko rin noon malilimutan ng bumili si mama sa kanila ng mga kamatis. Ang ilang kamatis na binili namin ay kinain ko ng hilaw. Pumupunta din dati ako sa kanilang silong para manguha ng mga holen na nahuhulog sa loob. Marami akong nakukuhang mga holen sa kanilang silong. Naging magkumare din noon si aleng Santa at mama.
Sila Buboy o Nestor noon hindi ko pa masyadong nakakalaro. Si Kimburt o si Nonoy tuklat noon ay malimit kong makaaway. Madalas n'ya akong paiyakin noon, kaya tinatraydor ko s'ya ng suntok tapos takbo deretso sa bahay. Hindi ko makakalimutan noon ng suntukin ko s'ya sa tiyan at hindi s'ya nakahinga. Natumba s'ya 'non sa paghabol sa akin. Nakita n'ya ako isang hapon sa gilid ng bahay nila ate Ida. Sinapa n'ya noon ang sugat ko at dumugo ito bilang kanyang ganti. Iyak ako ng iyak noon sa hagdaan nila ate Precy. Ang naging mga barkada n'ya noon ay sila Barugie o si Buboy Botor habang ako'y si Mandy at Andong ang mga nakakasama ko. Lagi ko rin noon nakakaway si Yani na ate ni Joker.
Nakakasama din dati ako kay kuya Biloy sa paliligo n'ya sa ilog. Sa Manggahan malapit-lapit na sa pabrika ng Fortune, madalas n'ya akong isama noon 'don. Sa bakuran nila ate Sara noon malimit din akong pumunta tuwing umaga. Madalas akong gumuhit sa kanilang lupa na mamasa-masa. At 'yong sementadong tuntungan kila Rolly o ginawa na nilang bahagi ng kanilang bahay ay naabutan ko din. Madalas kaming tumayo 'don ni mama tuwing umaga. Doon ang paarawan ng mga nanay sa kanilang mga sanggol tuwing umaga. May kuha rin kami ni Nestor ng litrato kasama ang kanyang ate Nilda sa sementadong entablado na iyon.
Ang plaza noon talahiban palang at tapunan ng mga basura. Ang kalahati 'non ay naging Garden ni ate Paz na nanay ni Kenny. Maraming mga tanim na tubo at mga saging noon 'don. Ang naging tambayan noon ay ang bakuran nila mang Rosal, 'yon din dati ang naunang plaza. Tuwing umaga, laging may mga nakalatag na mga isda doon na paninda ni kuya Dick na tatay ni Rolly. Madalas noon bumili si papa ng isda sa kanya. Naging paborito namin ni ate ang noo'y "isdang hubad" na piniprito ni mama.
Ang tapat ng bahay nila ate Pilar sa gawing daanan sa may baba ng ilog ay may maganda dati doong bukal. Ginawan 'yon ng balon at ang ibang mga nanay dati ay 'don naglalaba. Naging Garden ng tatay ni Nestor ang katabi noon habang ang sa kabila ay kay ate Percy. Tandang-tanda ko pa rin noon ng igawa ako ng saranggola ni papa. Sumabit 'yon 'don sa bakod ng garden ni 'te Percy at nasira iyon. Doon din sa balon, nakita ko noon sila kuya Erwin anak nila kuya Roger, Barok Avila, at ilan pang naglalaro sa lugar na iyon. Mga binata pa sila noon, nagtitirahan sila noon ng mga sumpak at nagtatakbuhan habang ako'y nanunuod lang sa kanila. Wala pa rin noon ang pamilya nila ate Pilar o sila Melvin sa Labas-Bakod. Maging ang pamilya nila Nugs o Tawi ay wala pa rin sa aming lugar noon.
Ang naging daanan namin dati papuntang Anastacia Village ay ang gilid ng bahay nila Dennis at Nugs na noo'y wala pa. May mga hagdan-hagdan pa noon 'don na gawa sa hollow blocks. Makitid pa 'yon dati. At wala pa rin noon ang bahay 'don ni mang Popoy. May puno pa dati na mababa 'don sa ginawang daanan ng mga taga sa amin katabi ng pader. At ang pader ng Anastacia Village ay mistulang tinibag para maging daan ng mga taga sa amin.
May daan din papuntang Boystown o sa labasan ng Boystown. Matagal na ang daan na iyon! Medyo matagal-tagal nga lang na lakarin doon bago ka pa makarating sa sakayan ng mga bumabyaheng jeep. Madalas dati kaming maghatid ng pagkain dati kay papa tuwing lunch time sa Goodrich. Ako ang malimit dating kasama ni mama sa paghahatid ng pagkain. Ang madalas sinusuot sa'kin ni mama na damit sa tuwing pumupunta kami kay papa ay ang jumper ko na kulay brown. May sticht 'yon na bus sa harapan. Malimit dati akong magreklamo noon dahil sa pagod sa paglalakad papuntang trabaho ni papa at dahil sa init na rin ng katanghaliang tapat.
Madalas din akong isama ni papa doon. Sa tapat ng kanyang trabaho makatawid ng kalsada, may naging katrabaho s'ya 'don na may bahay doon. 'Yung katrabaho ni papa madalas akong kuhanan ng tanim nilang alateres sa kanilang bakuran. Inuuyog n'ya lang ang puno nito at maglalaglagan na ang mga alateres na aking dinadampot. At nilalagay sa tabo na may tubig. Parang si kuya Patosa yata ang pangalan ng naging kumpare n'ya doon. Matagal na panahon na 'yon! Hindi pa ako nag-aaral noon ngunit malinaw ko pa rin itong naaalala magpahanggang sa ngayon.