webnovel

PAANO MAGING TAO? (mga aral, leksyon, biro at sekreto ng buhay)

May isang dakilang nilalang ang sumagip sa'kin sa tiyak na kamatayan!.. Marahil utang ko sa kanya ang lahat-lahat!.. Magmula sa paghihirap hanggang sa kaginhawaan na muli n'ya sa'king pinaranas... "HINDI KO ALAM at KUNG PAPAANO!!??", na ang dati ng patay ay muli pang nabuhay. Isang malaking palaisipan o sabihin man nati'y maging isang "MISYON" man na gumugulo sa magulo kong isipan. O, sadyang "MASAMANG DAMO LANG!". ITO ANG AKING KWENTO, LASAPIN N'YO. At tulungan n'yo akong hanapin iyon... [ANG DAKILANG LUMIGTAS SA AKIN SA TIYAK NA KAMATAYAN]

Axl_Carbonell · Realistic
Not enough ratings
71 Chs

Vol. 4.0 "ANG PINAGMULAN!" ~ "ANG MAALAMAT NA LABAS-BAKOD!"

*ANG LABAS-BAKOD*

"MAS PINILI NI HESUS NA MAGING ISANG KARPINTERO KAYSA MAGBILANG NG GINTO!"

Febuary 18, 2020

Nagising na lang ako noong nasa Labas-Bakod na ako! 'Yon na ang mga malinaw kong naaalala bilang bata o musmos. Although, kwento pa ni mama at papa samin bago kami makarating sa Labas-Bakod ay tumira pa kami sa Pasig kung saan ako pinanganak. Ngunit hindi ko na talaga ito maalala! Kahit isip-isipin ko pa ng makailang ulit o kahit pagbali-baliktarin ko pa ang utak ko.

Napunta kami 'don noong late 80's, noong si papa ay nagtatrabaho pa sa dating "Sime Darby"na naging "Good Year" na. (Pagawaan ng mga gulong ng sasakyan) sa Fortune, Marikina. Ngunit ito ay wala na ngayon. (Hindi ko alam ang naging dahilan)

Ang pinaka unang taon na naaalala ko ay ang '89, iyon 'yung nasa Labas-Bakod na kami at nakikinuod ako dati ng palabas na "Voltron" sa kapitbahay namin. Ang tanging naiwan na lang din na picture ko ng kabataan ay ang litratong nag-iisa na may date na '89 sa likod. (nasa akin pa ngayon) Naaalala ko 'yon ng kinuhanan ako ng litrato sa likod ng halamanan sa mga pinsan ko at mga tiya sa Fairview. Nasa Labas-Bakod na din kami 'non.

Ang sabi-sabi sa amin ng mga matatanda doon na ang Labas-Bakod daw ay tambak lang ng ilog. O, sa pagdaan ng taon habang laging bumabaha sa lugar na iyon ay unti-unting nagkakalupa at lumalawak ito. Maaring tama nga! Dahil sa tuwing bumabaha sa amin ay laging may mga dalang putik ang baha na kapag hindi mo natanggal ay tumitigas at nagiging lupa. At naging tapunan din dati ito ng Sime Darby ng kanilang mga basura o waste materials. Ang mga lupa doon kapag binungkal mo ay may mga retaso ng mga goma na may mga nilon o tali sa loob. Sa parteng lugar nila Barang o kila pareng Rommel ay maraming nakausling mga goma-goma sa parteng pababa ng lupa nila. Ganon din kila kuya Gary at kila pareng Nestor, maging sa ibang parte ng kalupaan ng Labas-Bakod. Kaya rin nagkaroon ng mga lupa dahil na rin sa mga nakatambak noong mga waste materials ng pabrika na nababara doon ang mga putik sa tuwing bumabaha. At unti-unting nagiging parang isla sa pagdaan ng mga taon.

Kaya naman tinawag na Labas-Bakod ang aming lugar ay nasa pagitan ito ng dalawang bakod ng magkaibang lugar. Ang nasa likuran namin ay ang napakalaking lupain ng Boystown na ang bakod o pader ay nagtataasang pinagpatong-patong na mga hollow blocks na may barb wire pa sa taas. Ang isa naman ay sa tawid ilog o ang napakalaking Greenland Subdivision ng parteng Rizal na. Noon may nakikita pa akong mga bakod sa pagitan ng dulong lupa ng subdivision na iyon na mga nakatayong tinusok na kahoy na may mga barb wire din. Sa paglipas ng mga taon, kapag bumabaha ay unti-unting natatapyasan ang lupa nila at nahuhulog ito pababa sa ilog. Ang kanilang imburnal na nakalawit sa bangin ay nabawasan na din dahil sa mga pagguho ng kanilang lupa. Nasaksihan ko rin noon kung paano ang imburnal doon ay nahulog sa ilog gawa ng mga ulan at paglambot ng lupa. Maging ang mga bakod nito na may barb wire ay nawala na din sa paglipas ng panahon.

Sinabi noon ni Bayani Fernando o BF sa'min na wala sa mapa ng Marikina ang lugar ninyo. At kayo'y nasa danger zone. Kakatwang isipin na nagmistula itong isang misteryosong lugar na nag-e-exist. Kung tawagin kami nila ay mga nasa squatter area o taga Eskwater, o sa pinagandang salita ngayon na impormal settlers. (Urban poor!) Kakatwang isipin din na malayo na kami sa Baranggay Parang, ngunit inako na ng Baranggay Parang ang papanagutan sa'min gayong kung tutuusin ay dapat Baranggay Nangka na kami. Dahil halos ang mga nakapalibot na mga subdivision sa'min ay nasasakupan na ng Brgy. Nangka, kaya ang aming lumalabas na address ay Labas-Bakod Boystown Parang, Marikina City. Dahil naging parte na kami ng Parang o parang saling pusa lang.

Dito ako nanggaling! Dito nahubog ang pagkatao ko! Dito nagmula ang mga alaala ko ng kabataan hanggang pagkabinata. At dito n'yo maririnig ang aming mga kwento. Kwento ng mga bawat taong nanirahan dito o tumapak sa lupa na ito. Ang buong kasaysayan ng pinakamamahal kong Labas-Bakod ay maririnig n'yo.

*ANG MGA BAHAY AT PAMILYA DOON*

Base sa kalkulasyon ko, nasa 130 plus na pamilya ang naninirahan doon. Pwera pa ang mga naging sabit doon o mga nanirahan na din doon. Pero noong una ay kakaunti palang ang mga bahayan doon. Maliit pa ako noon ng naglalakad na ako sa lugar na iyon. Hindi naman kadamihan pa ang mga bahay 'don dati ngunit marami na din kung tutuusin. Nasa parteng pagitna nakapwesto ang aming bahay sa Labas-Bakod. Kami 'yung taga baba kung tawagin. Meron ding mga taga taas at meron ding mga taga dulo.

Naaalala ko rin noon ng una naming salta sa lugar na iyon ay nangungupahan palang kami dati doon. Ang unang bahay na tinirahan namin ay ang bahay noon nila Raffy o Nunong. Maliit palang dati 'yon at mga pinagtagpi-tagping mga kahoy palang. Hindi pa rin iyon dati up and down. At ang pangalawa naman ay ang naging bahay nila ate Rowena o ate Taba at kuya Mimo.

Nabili namin dati ang lupa't bahay nila ate Loreta at kanyang asawa na kapit bahay dati nila kuya Biloy. Pinagawa 'yon dati ni papa na may hagdaan at silong sa ilalim. Mataas-taas din ang bahay naming iyon, pangontra na din kapag bumabaha.

Ang tanging naaalala ko lang sa bahay dati nila Raffy ay noong may isang gabi na nag-iiyakan kaming magkakapatid at takot na takot habang nasa likod ni mama. May naririnig kasi kami 'don na mga huni ng hayop at insekto sa loob ng bahay na iyon at kalampag sa silong nito.

Marami akong alaala sa bahay namin dati o inuupahang bahay na naging bahay na nila ate Rowena. Nahulog dati ako doon sa hagdaan ng inutusan akong bumili ni mama sa tindahan ni ate Percy. Napalo pa ako ni mama sa pagkakahulog ko na 'yon. Naaalala ko din noon na may gabing kumakain kami sa lapag na ang ulam lang namin ay noodles na pinagparte-parte sa'min ni mama. Minsan naman ay sardinas at itlog. Wala pa rin noon kaming kuryente, gasera lang ang gamit namin o improvise na gasera kaya may kadiliman din sa gabi. Garapon na may takip at may nakalawit na tela na may kerosene sa loob ang tanging nagbibigay sa amin ng liwanag kapag tuwing maggagabi na. Doon ko din nakitang pinaglaruan ni Jing ang kanyang dumi ng iwan s'ya ni mama sa loob ng bahay ng mag-isa noong s'yay baby palang. Doon din namin pinagtripan ni Mandy ang mga manok ni papa na noo'y nakawala.

Madalas din ako dating lagnatin sa bahay na iyon. Naaalala ko pa na nagigising ako ng madaling araw. Gigisingin ko si papa at magpapalagay ako ng labakarang basa sa maligamgam na tubig sa aking noo. Madalas ko din marinig doon ang tunog ng trycle sa kabilang ibayo kapag hating gabi na o may kalaliman na ang gabi. Kung hindi man ako nasa labas ng bahay noon, tulog ako sa bahay na 'yon ng tanghali. At magigising na lang ako sa hapon na may meryendang tira sa akin na malaking pang de coco at biskwit. Nakapagluto din si mama noon 'don ng yellow corn. Dati meron pa akong boots na lagi kong sinusuot sa bahay na iyon. Maging sa labas ng bahay ay ginagamit ko din iyon.

Sa bahay na iyon din dati bumisita sa'min o nagbakasyon si ate Gina o ang aking pinsan. Naalala ko rin noon na lagi s'yang tinatanong sa'kin ni kuya Gary. "Asan si ate Gina mo?" Tanong sa'kin ni kuya Gary. Bumibisita din dati s'ya sa bahay na iyon at kinakausap 'don si ate Gina. Doon din dati tumira o nagbakasyon ang kapatid ni mama na si tiya Elsie. Naalala ko pa dati na nagsisipilyo s'ya ng ngipin sa bahay na iyon. Parang pustiso pa n'ya yata ang sinisipilyo n'ya noon. 😜 Sa bahay na iyon din dati madalas may kainuman si papa. Naaalala ko pa noong nagpapabili s'ya sa'kin ng sigarilyo sa tindahan at akin na raw ang sukli. (Champion cigarette)

Madalas din dati akong patulugin ni mama sa bahay na iyon. Natutulog kami sa sahig 'non tuwing siesta. 'Doon ko din unang naexperience ang baha sa bahay na 'yon. Naaalala ko pa noon na binigyan kami ng suman na gawa nila ate Nora at kuya Bot noong kasagsagan ng baha. Madalas din akong magpadrowing noon kay papa ng kung anu-anung mga bagay bilang pangungulit ko o paglalambing sa kanya.

Tuwing sabado lagi akong nakadungaw sa bintana ng bahay na iyon. Nanunuod dati ako ng sayawan sa aming lugar sa tapat dati ng bahay nila kuya Rosal. Pumupunta din ako doon kapag may sayawan at nakadungaw sa bakod na sanga o dahon ng niyog. Hindi pa dati sa plaza ang sayawan, sa tapat palang ng bahay dati nila kuya Rosal. Nagigising na lang ako noon sa lakas ng tugtugang iyon tuwing sabado.

Sa baba naman ng bahay na 'yon, naaalala ko rin na ginupitan dati ako ni papa. Umiyak ako noon dahil kating-kati ako at matagal maggupit ng buhok si papa. Uso pa noon ang long back. May buntot dati ako sa likod o pinahabang buhok. Ganun dati lagi ang gupit sa'kin ni papa. Ayon din ang nausong hair style noong 80's and early 90's. Nasaksihan ko din doon na nagtulong-tulong ang mga tatay at kalalakihan sa amin para mailagay ang dalawang imburnal doon. Ayon ung naging humps doon sa pagitan ng mga daanan ng tao. At naging daluyan ng tubig sa kanal. Nakadungaw dati ako sa bintana habang pinapanuod silang nilalagay ang mga imburnal sa daan. Nagkalat din dati sa bahay na iyon ang mga dyaryo at mga komiks, lagi ko 'yon binubulatlat at tinitingnan.

Bago pa naging bahay namin iyon. Nauna ng naging bahay 'yon ng kapatid ni kuya Mimo na si kuya Bart at kanyang pamilya. Nawala noon dati sila kuya Bart sa aming lugar dahil ang kanyang asawa noon ay nagkaroon ng sakit sa pag-iisip. Ang kanilang panganay na anak na ang pangalan ay Bergy at 'yung dalawang kapatid pa n'yang babae at lalaki ay limot ko na ang mga pangalan. Kami dati ang tumira noong nawala na sila doon. At noong mabili na namin ang bahay dati nila ate Loreta, sila ate Taba na ang pumalit sa amin. Hindi ko lang naitanong kila mama't papa kung gaano kami katagal na tumira doon. Wala pa noon si Grace o maging si Dan ay ipapanganak pa lang noong kami'y nasa bahay pa na 'yon.

Noong lumipat na kami sa nabiling bahay ni papa na dating pag-aari nila ate Loreta. Naging kapitbahay namin noon sila kuya Biloy at sila ate Ersing. Maging sila kuya Ruben din at ang pamilya nila ate Tineng at kuya Bating. Wala pa noon 'don sila ate Amy at kuya Pake o Paquito. Wala pa rin dati ang bahay nila kuya Teng doon. Ang bahay pa dati nila Kenneth o sila ate Maritess ay ang naging bahay na ng pamilya ni Margielyn o sila ate Nine. At ang bahay pa nila Joker o sila ate Marivic dati ay naging bahay na nila Neressa o sila ate Nora. Wala pa din dati doon ang bahay nila Joy o sila ate Nancy. Ngunit andoon na rin dati ang bahay ng kanyang lola o kila kuya Jun. Naging bahay pa muna 'yon ng mga magulang ni kuya Jong-jong o kila Rogelio at Inigo ang parteng padulong gilid bago naging bahay ni kuya Erick at ng kanyang pamilya. Madalas din dati ako sa bahay nila Rogelio.

Pinagawa ni papa o pinakumpuning muli ang nabiling bahay. Nagpalagay din s'ya ng balkunahe sa harap ng pintuaan namin. Napalitan n'ya rin ang mga ding-ding at sahig nito, maging ang mga bubong din. Mataas pa dati ang baba namin o ang aming silong. Malimit dati kaming maglaro noon sa aming silong. Doon kami naglalaro ng mga holen at mga text noon ng mga kalaro ko. Nasilayan ko din dati doon si Bane sa dati nilang bahay na iyon.

Sa paglipas ng panahon unti-unting bumababa ang aming silong dala ng bahang may kasamang putik na tumatabon sa ibabaw ng lupa. At syempre hindi na ako nagiging bata kaya nu'ng tumagal na, naging mababa na sa paningin ko ang aming silong. Doon sa bahay na 'yon, andon dati ang mga litrato ni Dandie ng s'yay binyagan. Kalong-kalong s'ya noon ng mga naging ninong n'ya na sila Kuya Biloy, Asawa ni ate Luding, kuya Tony o Bugrong at ilan pa. Buhat din dati ni mama at papa si Dandie sa harap ng aming pintuang iyon. Naaalala ko ang mga araw na iyon ng binyagan si Dandie. Maraming mga tao sa bahay namin at marami rin kaming mga pagkain o handa sa binyag. Sila papa rin noon ay nag-iinuman ng mga beer sa aming balkunahe kasama ang mga ninong ni Dandie at ilan pang bisita.