webnovel

ISANG KAWANGGAWA

Éditeur: LiberReverieGroup

 Maaari ding bigyan ni Tianxin si Xinghe ng pera kung hinihingi ng sitwasyon.

Ang isipin na makikita niya si Xinghe na nagmamakaawa para humingi ng tulong sa kanya ang nagpaganda ng kanyang araw habang papunta sila sa ospital.

Mabilis nilang narating ang ospital. Gamit ang kanyang mga koneksiyon, agad na natunton ni Mubai kung saan ang silid ni Chengwu.

Habang nagmamadali sila na makita si Xinghe, si Chengwu ay inihahanda para sa operasyon.

Nawisikan na ng disinfectant ang katawan nito, at ang amoy nito ay nanatili sa loob ng silid.

Ayaw na ayaw malalanghap ni Xinghe ang ganitong amoy kung kaya lumabas siya ng silid at nanatili sa koridor.

Pinagsalop niya ang kanyang mga kamay at nagdasal na maging matagumpay ang operasyon.

Nangako ang doktor na 80 porsyento ng tagumpay sa operasyon pero hindi pa din niya maiwasan ang hindi mag-alala.

"Ate, kumusta ka na?" nag-aalalang tanong ni Xia Zhi sa kanya.

Nakaidlip si Xinghe ng ilang oras; nangangamba siyang kulang ang pahinga na iyon.

Umiling si Xinghe at nagsalita, "Ayos lang ako, puntahan mo si tiyo."

"Ayos lang, katutulog lang ulit ni tatay." Narinig ni Xia Zhi ang mga yabag. Tumingin siya sa pinanggalingan ng ingay at nakita ang grupo ni Mubai. Sumeryoso ang mukha nito.

Sinundan ni Xinghe ang tinitingnan ng pinsan at sa isang sulyap niya, nakita niya si Xi Mubai.

Pagkatapos noon ay agad din niyang napansin si Chu Tianxin na bumubuntot dito.

Pakiramdam ni Xinghe ay nablangko ang utak niya ng mga sandaling iyon.

Ngunit agad niyang nakolekta ang sarili. Inayos niya ang sarili, at hindi mababasa ang nilalaman ng isipan niya sa ekspresyon ng kanyang mukha.

Habang tinitingnan ng magpinsan ang paparating na grupo, ang grupo ni Mubai ay ganoon din ang ginawa.

Tinitigan ng maigi ni Tianxin si Xinghe, hindi pinalampas gaano man kaliit ang ekspresyon o galaw nito sa kanyang paningin.

Pero sa kanyang pagkagulat at pagkabigo, nanatiling tila estatwa si Xinghe.

Tinitigan sila nito na parang mga estranghero.

Nawala na ang pag-iwas, pagkamuhi at kahihiyan sa mukha nito.

Mababakas sa mga mata nito ang pagwawalang-bahala, dahil mukhang hindi sila dapat pang pag-aksayahan ng panahon.

Hindi lamang si Tianxin ang nakapansin sa pagbabago nito, maging si Mubai din.

Tumigil si Mubai sa harap nito at nagtanong sa mababang tinig, "Nabalitaan kong maysakit ang iyong tiyo."

Ito ang una nilang pag-uusap pagkatapos ng kanilang diborsyo tatlong taon na ang nakakaraan, huwag isama ang nakaraang pagkikita nila dahil hindi naman maikukunsiderang pag-uusap ang nangyari noon.

Tahimik si Xinghe, mukhang walang balak sumagot. Tahimik at kalmado na tiningnan lamang niya ang mga ito.

Lumapit si Chang An para magpaliwanag, "Ms. Xia, nagagalak akong makita ka ulit. Nalaman ni CEO Xi mula sa kapitbahay ninyo na nagkasakit si Mr. Xia Chengwu kaya narito kami para bisitahin siya."

Paismid na sumagot si Xia Zhi, "Kailan pa naging malapit ang mga pamilya natin? Wala ng relasyon ang ate ko sa boss mo pati na rin ang pamilya ko. Kaya Mr. Xi, pakiusap lang, umalis ka na. Hindi tumatanggap ng bisita mula sa mga estranghero ang tatay ko."

Ang kawalang-respeto ni Xia Zhi ang nakapagpainis kay Tianxin. Dahil mukhang wala namang balak magsalita si Mubai, tingin niya ay dapat niyang ipagtanggol ito.

Sinimangutan niya si Xinghe habang tinititigan ito, "Xinghe, kahit ano pa ang mangyari, ikaw pa din ang ina ni Lin Lin kaya hindi ka namin pwedeng pabayaan na lamang basta-basta. Dahil kay Lin Lin kaya ka namin tutulungan dahil baka nangangailangan ka ng pambayad para sa medical bills ng tiyo mo. Iyon ang dahilan kung bakit narito kami ni Mubai."