ikalawang araw ng Abril, 1903
Sabi nga nila kung ikaw ay umiibig ay kakayanin mong hamakin ang lahat. Ang sabi ko sa'yo noon gusto kong makilala ang iyong mga magulang at pormal ko sanang ipagpaalam sa kanila ang ating relasyon. Ikaw mismo ang pumigil sa akin, Manuela. Ayaw mong maulit ang ginawa ng mga kapatid mo sa akin at dahil alam mo kung ano ang gagawin ng iyong mga magulang kung nalaman nila ang nangyari ay hindi mo gugustuhing makilala ko sila.
Ang sabi mo, wala na sa'yo kahit itago natin ang relasyon natin. Ayos na sa iyo na hindi na ako aalis sa iyong tabi. Naniwala ako sa iyo dahil pati ako, ayaw ko ring mawala muli. Kaya kahit alam kong bawal, kahit gusto kitang ipagmalaki sa lahat ng kakilala ko, kahit na gusto ko nang malaman ng buong mundo, sinunod kita.
Nauna akong bumalik at hinintay kitang dumating. Hindi mo ikwinento ang naganap nang nagkita tayong muli kaya ikwekwento ko na lamang iyon bago ko ituloy ang pagkwekwento tungkol sa iba mo pang punto.
MALAWAK ang ngiti na binati ni Apolinario si Manuela. Agad niyang niyakap ang nobya at ginawaran ng mabilis na halik sa labi. Isang buwan niya ring hindi ito nakita kaya giliw na giliw siyang makita ang dalaga. Namula naman ito sa ginawa niya ngunit hindi nagreklamo. Sa halip, ibinalik lang nito ang ginawa niyang paghalik, ngunit sa halip na sa kanyang labi ay sa kanyang pisngi.
"Huwag dito, Pole," natatawang sabi ng dalaga nang makita nito ang pagkadismaya sa mukha niya. Nahihiyang napangiti siya sa inasta, hindi niya rin akalain na magiging ganito siya kasuyo rito. Nang unang naging sila ay ni hindi niya nga ito mahawakan. Kaya para bawasan ang pagkapahiya ay binitawan niya ito at inilahad ang kamay. "Maari ba kitang isayaw, Binibining Guevarra?"
Bakas sa mukha ng nobya ang gulat sa biglang pag-alok niya at napatitig lang ito sa nakalahad niyang kamay. Agad siyang inatake ng kaba dahil sa reaksyon nito at dahil na rin sa biglaan niyang pag-alok. Hindi niya alam kung magagawa niya bang isayaw ang nobya. Minsan na niyang sinubukang matuto ngunit dahil nahihiya siya sa mga babae ay wala siyang naging matinong kapareha. Sa halip, sinubukan niya lamang gawing kapareha ang isang upuan.
Nagpatalo siya sa kaba at babawiin na sana niya ang kamay nang marinig niya itong magsalita. "Wala namang musika, Pole. Paano tayo sasayaw?"
Bago siya sumagot ay pumailanlang ang isang musika sa lenggwahe ng mga Kastila na mukhang nagmula sa isang bahay sa plaza. Isa iyong awiting pag-ibig sa pagkakaintindi ni Pole kaya ngumiti na lamang siya. "Nariyan na ang musika, Manuela."
Ngumiti ang kanyang nobya at kinuha ang kanyang kamay. Siya ang nagsimula ng sayaw at sinubukan niyang alalahanin ang mga tinuro sa kanya ni Senyor Villanueva. Hindi niya rin nagawa iyong tapusin kaya hindi na nakapagtatakang nagkamali siya sa sumunod niyang galaw at nagawa niya pang apakan ang kaliwang paa ni Manuela.
Agad niya itong nabitawan at napaluhod siya sa harap nito para daluan ang napuruhang paa ng nobya. "A-Ayos ka lang ba, Manuela?" nag-aalalang tanong niya habang pinipilit na hilutin ito.
Hindi sumagot ang nobya kaya mas lalo siyang kinabahan na baka galit ito sa kanya. Sa loob-loob niya ay pinagalitan niya ang sarili. Alam naman niyang hindi na niya maalala ang mga tinuro sa kanya at ngayon lang naman siya sasayaw ngunit malakas pa rin ang loob niyang mag-aya. Ang hindi niya inaasahan ay ang pag-upo ng dalaga at ang pagyakap nito sa kanya. "Pole..."
Mabilis na humawak siya sa dalaga at inaayos ang kanyang sarili para makahilig ito sa kanyang katawan. Napapikit siya at inilagay ang ulo sa braso nito. "Manuela."
"Iniibig kita, Ginoong Apolinario Mabini," pabulong na wika nito sa kanya. Mukhang may gusto pa itong sabihin ngunit hindi na ito nagdagdag. Ibinaon na lang nito ang ulo sa kanyang balikat at huminga nang malalim. Nararamdaman naman niya ang pintig ng puso nito. Mabagal na parang paghinga. Pababa. Pataas. Hinga. Nabubuhay.
Hinarap niya ito at hinalikan ang sentido nito. "Mahal rin kita, Binibining Manuela Guevarra."
Nanatili sila sa ganoong ayos at nakinig na lamang sa kanta hanggang sa unti-unting natapos at hanggang sa ang pagpito na lamang ng hangin ang kanyang naririnig.
"Marunong akong sumayaw, Pole," natatawa wika ni Manuela makalipas ang ilang minuto. Ito na ang humiwalay sa kanya at ito pa ang naglahad ng kamay para tulungan siyang makatayo. Iba talaga ang lakas ng loob ng kanyang nobya at hindi niya napigilang mas humanga pa rito.
Kinuha niya ang kamay ni Manuela at nagsimula muli silang sumayaw. Dahan-dahan siyang iginagaya ng nobya hanggang sa makuha na niya kung paano gumalaw at nang nagawa niya iyon, nagsimula naman itong kumanta. At doon sa lugar na iyon, parang mas naging makahulugan sa kanya ang salitang, "kuntento".
Nang araw na iyon hindi ko pinansin ang panginginig mo ng yakap-yakap mo ako. Akala ko ang panginginig na iyon ay may ibang dahilan. Ngayon na marami nang nangyari at marami na ring taon ang nakalilipas, naiintindihan ko kung bakit mo ako niyakap at sinabihang mahal mo ako. Natakot ka na umalis sa iyong nakasanayan.
Alam mong malaki ang isasakripisyo mo nang nagdesisyon kang umalis para sundan ako sa Maynila. Alam mong hindi ka sigurado sa iyong naging desisyon dahil ang tanging nagtutulak sa'yo ay ang kaalaman na hindi ka na mahihiwalay sa akin. Natatakot rin ako ng araw na iyon, Manuela. Ang tanging nangingibabaw sa akin ay ang kasiyahang naroroon ka na at wala nang pipigil sa atin.
Subalit parehas nating alam na kahit tanggap natin ang isa't isa ay hindi tayo tanggap ng lipunan. Kaya nakuntento na lamang ako sa pagkikita natin tuwing Sabado at sa pagpunta natin sa misa tuwing Linggo. Iilan lang ang nakakakita sa ating magkasama at alam ko namang makakalimutan rin nila tayo dahil hindi nila tayo kilala.
Kaya kahit saglit para lamang tayong normal na magkasintahan. Kuntento na ako sa mga araw na iyon dahil ayoko rin namang pagkaguluhan tayo. Mas gusto ko na tahimik lamang, na parang katulad ng mga araw natin sa batis noon.
Nakakatulong sa akin ang mga pagkikita natin. Lalo na nang inalok mo akong turuan ka. Mas napadali kasi ang pag-intindi ko sa aking mga aralin. At isa ka namang masipag na estyudante dahil sa susunod na Sabado ay nagdala ka pa ng papel para isulat ang mga tinuturo ko.
Hindi ko nga alam kung bakit ka nagkaroon ng interes na aralin ang mga inaaral ko. Ngunit, hindi naman ako nagreklamo, makakatulong rin naman iyon sa iyo.
Ang mas nagpahapo lang sa akin ay nang binigyan mo ako ng pera. Hindi ko gustong humingi ng pera sa iyo, Manuela.
Para kasing pinapaalala mo ang estado ko sa buhay. Mas lalo pa akong nasaktan at nahiya nang sinabi mo kung saan mo iyon nakuha. Nagtrabaho ka para lamang sa akin gayong alam kong hindi ka pinalaking ganoon.
Napansin ko rin ang paggaspang ng iyong mga kamay na dati ay napakalambot at halatang 'di makabasag pinggan. Ngunit, hindi ka natinag at ibinigay mo lamang sa akin dahil ang sabi mo wala ka namang gagawin sa perang iyon. Mas makakatulong iyon sa akin.
Niyakap kita dahil gusto kong itago ang sakit na dumaan sa aking mukha. Nagpipigil akong umiyak habang hawak hawak kita dahil ayokong malaman mo ang nararamdaman ko sa ginawa mo. Ayokong makaabala sa'yo, mahal.
Ayoko sanang naghihirap ka ng dahil sa akin. Ang nais ko sana ay hindi mo na ako kailangan pang problemahin. Sapagkat, ayos lang sa akin ang simpleng presensya mo, mahal. Dahil sa'yo ay nagkakaroon ako ng lakas na magpatuloy at lumaban sa pang araw-araw.
Hindi ko naman mapigilang humanga sa'yo dahil hindi ko alam na kaya mong gawin iyon para sa akin. Kung ako ay hinangaan mo, mas hinangaan ko ang tatag ng loob mo. Kaya kahit na labag sa akin na tanggapin ang pera na pinaghirapan mo, kinuha ko iyon. Iniba ko na lamang ang ibig sabihin niyon at iniisip ko na lamang na gusto mo akong suportahan.
Hanggang sa isang linggo, bago tayo nagkita, nalaman ko kung ano talaga ang nangyayari sa'yo. Hindi ka nagsasabi sa akin, Manuela. Huli rin nang nalaman ko. Si Eustacio pa ang nagsabi sa akin. Ang sabi niya muntik ka nang masaktan ng isang manliligaw na pinapadala sa'yo ng mga magulang mo. Kung nahuli pa sila ng dating ay baka ikaw ay natuluyan at baka bigla ka pang maglaho ng hindi nagpapaalam.
Hindi ko mapatawad ang aking sarili nang malaman ko iyon. Gusto sana kitang komprontahin nang makita kita. Gusto kong tanungin kung wala ka bang tiwala sa akin kaya hindi ka nagsabi. Alam mo naman kung saan ako nakatira at maari mo lamang naman akong puntahan. At nang dumating ang Sabado, mas lalo lamang akong nahapo.
TINAKPAN ni Apolinario ang kanyang mga mata gamit ng kanyang braso. Nag-iisip siya kung ano ang sasabihin kay Manuela. Tahimik namang hinahaplos ng dalaga ang kanyang buhok, wari'y hindi nito alam na alam niya ang naganap.
Hindi na ito katulad nang dati na diretsahan lamang na nagtatanong kung may napapansin ito. Kaya mas nahirapan naman siyang sabihin ang nais na bigkasin.
May pasa sa pulsu-pulsuan ng kaliwang kamay ng dalaga na nakita niya nang bahagya nitong iniangat ang kamay. Nagmadali itong itago iyon at pinilit magkunwaring hindi niya nakita. Alam niya kung ano ang nangyari rito at mukhang ayaw nitong magsabi.
Nang dumating siya sa tagpuan nila ay plano niyang komprontahin sana ang dalaga ukol doon. Maraming salita ang pumasok sa kanyang isip subalit makita lamang itong masayang makita siya ay hindi niya alam kung tama bang may sabihin siya. Parehas lang sila.
Marami siyang iniinda na gustong sabihin sa nobya na hindi niya sinasabi dahil ayaw niyang makaabala. Alam niyang iyon ang gusto nitong gawin. At alam niyang parehas sila ng rason. Sabado at Linggo lamang sila nagkikita kaya natural sa kanyang maging masaya na lamang kapiling ito imbes na idawit ito sa sarili niyang mga problema.
Ayaw niyang mag-alala ito. Ayaw niyang kaawaan siya nito. Ayaw niyang problemahin siya nito.
Ang gusto lamang niya ay ang nakakakalmang yakap ni Manuela. Ang pakikinig sa pintig ng puso nitong buhay na buhay sa pagtibok. Ang masilayan ang simpleng gandang angkin nito. Ang titigan ang parang lupa nitong mga mata.
Ngunit, ngayon, masakit ang puso niya dahil hindi niya magawang ipagtanggol ang dalaga ng araw na iyon. Hindi siya bayolenteng tao subalit kapag nakita niya man ang lalaking nagtangka rito ay baka nagdilim ang kanyang paningin.
"Manuela," usal niya, sabay nang pagtaas niya sa kanyang braso. Maliit na ngiti ang ibinigay niya sa nobya. Tipid, natatakot, at kinakabahan. Magsasalita na siya.
[ - ]
"MAHAL na mahal kita. Hinding hindi kita iiwan," pangako ni Manuela kay Apolinario.
Mas nanghina siya sa sinabi ng nobya at ang tanging nagawa niya ay yakapin ito. Nagawa na lang niyang kumapit rito. At hindi niya napigilang umiyak. Sunod-sunod ang pagpatak ng kanyang luha. Isa. Dalawa. Tatlo. Hanggang sa hindi na niya mabilang.
Ang bigat ng kanyang pakiramdam at hindi niya alam kung kaya niya bang patawarin ang kanyang sarili. Hindi niya alam kung bakit minahal siya ng isang babaeng napakalaki ang puso para tanggapin lamang ang lahat-lahat kahit masakit. Doon niya lamang natanong sa kanyang isip, Bakit ako, Manuela?
Ngunit hindi niya iyon maisaboses. Ano naman ang sasabihin niya rito? Ano naman ang masasabi niya?
Pwede ba siyang magsalita na hindi niya magagawang mag-aalala ito sa kanya? May magagawa ba ang kanyang sasabihin?
Hindi niya alam. Ayaw niyang alamin.
Ang gusto niya lamang ay kumapit. Natatakot siya. Mahal na mahal niya ito at ayaw niya itong mawala. Hindi niya alam ang gagawin kung ito ay nawala.
Naramdaman naman niya ang pag-aalo nito sa kanya. Masuyo ang kamay ng nobyang marahang dumadaan sa kanyang likod. Tahimik na nagpapatawad. Tahimik na nagbibigay ng lakas.
"Tao ka rin, Pole... Huwag na huwag mong kakalimutan iyan."
Hindi ko nakalimutan iyon, mahal ko. Ayaw ko lamang maging pabigat sa iyo. Ang ginawa ko na lamang ay inalam ko lahat nang mangyayari sa'yo at ibinilin na rin kita kay Eustacio. Dahil ang alam ko ay sa ganoong paraan lamang kita matutulungan. Bukod sa hindi ako maaring manatili sa iyong tabi minu-minuto ay hindi ako maaring umalis sa paaralan.
Nakakatuwa tayo, ano, binibini?
Tama ang sinabi mo. Sa tuwing may iniinda ako at hindi ko na kakayanin, sa iyo ako humihingi ng lakas. Sinububukan kong magsalita. Sinusubukan kong sabihin. Ngunit namamatay ang mga salita sa aking bibig. Wala akong masabi kaya kumakapit na lamang ako sa'yo. Ang akala ko kasi mas malakas ka sa akin, Manuela. Umasa ako sa lakas na kaya mong ipakita.
Ngunit, mali ako. Nakalimutan kong parehas lang pala tayo.
Nagkukunwaring malakas. Nagkukunwaring laging masaya.
Ayaw makasakit. Ayaw maiwanan. Ayaw magsalita.
Ikaw ang tahanan ko ng panahong iyon, Manuela. Mas nagiging payapa ang aking pakiramdam kung kasama kita. Kung kasama kita ang nais ko lang isipin ay ang kasiyahan na nariyan ka. Na asa tabi kita. Na hindi mo ako iiwan dahil hindi rin kita iiwan.
Ayoko na ako ang iyong isipin gayong malaki na ang utang ko sa iyo, marami kang isinakripisyo para sa akin. Ginawa mo ang lahat para lang makasama mo ako. Ayoko ring dumagdag sa kung ano mang prinoproblema mo sa tuwing hindi tayo nagkikita.
Ang nais ko lamang sana ay pasayahin ka tulad nang pagpapasaya mo sa akin sa tuwing nagkikita tayo. Iyon lamang naman ang gusto kong gawin.
Ngunit, nakakatawa, hindi ba?
Sa kagustuhan nating 'wag maging pasakit sa isa't isa ay mas lalo lang tayong nasasaktan. Tama ka, patago kong iniiyakan ang mga oras na malalaman kong may nangyari sa'yo at wala akong nagawa. Masakit iyon, mahal ko. Napakasakit. Iyong ikaw dapat ang naroroon, ikaw dapat ang sumasagip.
Akala ko kung ako ay tahimik, akala ko kung ako ay masaya, masasagip kita. Ngunit, hindi, Manuela. Wala akong nagawa.
Hindi kita sinisisi, mahal. Subalit, hihingi rin ako ng tawad sa iyo. Hihingi ako ng tawad na sa mga oras na napapansin ko ang panghihina mo ay hindi rin ako nagsalita. Sa mga araw na may kapangyarihan akong kausapin ka ay hindi ko ginawa. Akala ko nagiging makasarili ako. Akala ko nakakatulong ako. Akala ko...
Pasensya na, Manuela. Patawarin mo sana ako.
Randam ko ang iyong pighati sa bawat letrang hindi ko na mabasa sa liham na ito. Sa mga talatang pilit ko na lamang inintindi. Kung naroroon ako ay yayakapin kita. Kung naroon ako ay may ginawa na ako para sa iyo.
Kung naroroon ako, hindi ako nangangako sa papel na hindi mo na muling mababasa pa. Kung naroon ako...
Ititigil ko na rin ang liham na ito rito at ipapaliwanag sa iyo kung ano talaga ang nangyari ng araw na iyon. Ni minsan hindi ko ginustong iwan ka noon, mahal ko. Kung ako ang papapiliin ay babalik ako sa gabing iyon. Babalik ako at sasabihin kong nagbibiro lamang ako.
Ngunit, tapos na ang mga araw na iyon at wala na akong babalikan.
Patuloy na nagmamahal,
Pole