webnovel

Chapter 6

Sabay na kumain ang mag-lolo at tulad ng dati ay si Milo pa rin ang nagligpit ng kanilang pinagkainan. Matapos ang nakagawiang gawain ay nagpahinga na si Milo.

Kinabukasan maaga pa lamang ay nagising na si Milo at naghanda ng agahan. Naglaga siya ng kamote at saging na paborito naman nila ng kaniyang Lolo Ador.

Habang abala nga siya sa pagluluto ay dumating na sina Maya at Simon bitbit ang isang bayong na puno ng mga halamang gamot. Maingat na inilapag iyon ni Maya sa mesa bago inirapan si Milo.

"Si Lolo Ador ba ay gising na?" agap na tanong ni Simon habang nakangiti.

"Oo, nasa likod ng bahay, nagdidilog ng mga halaman niya," sagot naman ni Milo sa binata.

"O', andito na pala kayo. Magandang umaga sa inyo." bati ni Lolo Ador na kakapasok lamang galing sa ikurang pinto ng kubo.

"Lo, pinabibigay nga pala ni Ina sa inyo. Nagpapasalamat ho siya sa pagpapatuloy at pagpapakain niyo sa amin," nakangiting wika ni Simon.

"Aysus, nag-abala pa si Mina. Pero maraming salamat dito. Kakaiba talaga ang mga halamang galing sa hardin ng inyong ina. Siyanga pala, ikamusta niyo na rin ako kay Gani." Masayang sabi pa ng matanda.

"Lo, mag-almusal na muna tayo, mamaya niyo na pagkaabalahan iyang mga dala nina Simon at Maya." Untag na aya ni Milo habang naghahain ng almusal.

Matapos nilang kumain ay muli nang binaybay ng tatlo ang daan patungo sa kabundukan ng Tawilis. Pagdating naman doon ay muli nang sinimulan ni Milo ang kaniynag pagninilay. Hindi tulad kahapon ay mabilis lamang niya itong ginawa ang ang sumunod na pinagawa sa kaniya ni Simon ay ang pagkakabisa ng mga nakasulat sa libretang galing kay Lolo Ador.

Ayon pa sa matandan, ang ninuno pa mismo ng ina ni Milo ang sumulat ng libretang iyon. Iba rito ay tungkol sa panggagamot at ang iilan naman ay tungkol sa iba't-ibang uri ng sakit at mga dahilan nito. Nariyan ang tungkol sa kulam, barang, namatanda, nabati, naengkanto at mga senyales kapag naaswang ang isang tao.

May mga dasal rin na napapaloob sa libretang iyon na maingat na nakasulat sa papel na animo'y gawa sa balat ng isang uri ng kahoy. Mababakas na din ang kalumaan ng libretang iyon na kasinglaki lamang ng buong palad ni Milo.

Marahang binuklat iyon ni Milo at maiging binasa at tinandaan ang mga simbolong napapaloob doon at ang kanilang mga gamit. Bukod pa sa mga dasal ay nakalathala rin doon ang iba't ibang uri ng halamang gamot na kalimitan niyang nakikita sa kaniyang Lolo Ador.

Napakalamig ng simoy ng hangin habang nagbabasa si Milo at napakakomportable ng kaniyang pakiramdam. Tahimik din at ang tangin naririnig niya ay ang banayad na lagaslas ng tubig na dumadaloy mula sa puno ng balete patungo sa lawa na nasa harapan niya.

Nahinto siya sa pagbabasa at napatda ang tingin sa malaking puno  ng balete. Napakunot ang noo niya nang mapansin ang kakaibang awra na inilalabas nito. Noon lang din niya nasipat ang maliit na tila uka sa gitna ng katawan ng balete na siyang nilalabasan ng tubig na umaagos sa lawa.

Napakahiwaga ng parteng iyn dahil tila kumikislap ang tubig na nanggagaling roon at animo'y nanggaling pa sa ibang dimensyon.

"Nakakamangha, hindi ba," wika ni Simon. Napukaw nito ang atensyon ni Milo at doon lang niya napagtantong halos pasubsob na siya sa lawa nang mga sandaling iyon.

"Wala 'yan dati, 'di ba?" nagtatakang tanong pa niya sa binata.

"Hindi dahil hindi mo nakikita ay hindi na ito umiiral. Hindi pa man tayo naipapanganak ay umiiral na ang lugar na ito at ang punong 'yan. Matagal kang nabulag sa katotohanan at ngayo pa lamang unti-unting nabubuksan ang iyong kamalayan. Normal lang na magulat ka sa mga bagay na iyan Milo, pero sana tulad nang matagal nang sinasabi sayo ni Lolo Ador ay pahalagahan mo ang lahat ng ito." Mahabang paliwanag ni Simon at natahimik lang si Milo.

Muli niyang ibinalik ang atensyon niya sa binabasang libreta. Kinahapunan ay muli na silang bumaba ng bundok. Sa pagkakataong iyon ay may baboy ramo na silang bitbit dahil habang nag-aaral si Milo ay naglilibot naman si Maya upang mangaso.

"Sigurado ka bang babae ang kapatid mo Simon?" palihim na tanong ni Milo, natawa naman si Simon at napakamot ng ulo, bitbit nila sa magkabilang kamay ang nahuling baboy ramo ni Maya.

"Sigurado ako, sadyang malakas lang si Maya kung ikukumpara mo sa akin. Sabihin na natin siya ang nakakuha ng angking lakas na pisikal ng aming amang gabunan. Habang ako naman ang nakakuha ng kalakasang espiritual ng aming inang babaylan." Sagot ni Simon. Tumango-tango naman si Milo at muling napatingin sa baboy ramong hawak nila ni Simon.

"Gano'n ba, kaya pala." sambit ni Milo.

Pagdating nila sa palayan ni Lolo Ador ay nakasalubong pa nila sina Ben at Nardo na kakagaling lang din sa pag-aararo ng lupang sakahan para sa susunod na taniman.

"Uy, Milo, wala diyan si Lolo Ador, nagpunta ng bayan at pinatawag ni Kapitan Tyago. Mukhang may gagamuting pasyente." Bungad na wika ni Nardo.

"Gano'n ba? Maari bang kayo na lang muna ang bahala dito sa nahuli namin. Hatiin niyo na rin at ipamahagi sa ating mga ka nayon. Katulad pa rin ng dati ang hatian." Maagap na wika ni Milo bago inilapag ang baboy ramo sa lupa.

"Sige kami na ang bahala. Kung ako sayo, magdala ka ng damit na pamalit, baka matagalan si Lolo Ador, balita ko ginagambala ng aswang ang pamilya ni kapitan." Sagot naman ni Ben.

Tumango naman si Milo at dali-daling pumasok sa bahay at kumuha ng damit na pamalit niya. Nagdala na rin siya ng mga pangontra na kalimitang ginagamit ng kaniyang lolo at hinugot na din niya ang tabak na nasa likuran ng pintuan nila. Yari sa tanso ang tabak na iyon na pagmamay-ari naman ng tatay niya noong nabubuhay pa ito.

Matalas at hindi kinakalawang kahit pa hindi iyon hinahasa ng kaniyang lolo. Nagkatinginan naman si Simon at Maya bago sumunod sa likuran ni Milo nang walang tanong-tanong.

Pagdating ni Milo sa bahay ng kapitan ay agaran din naman siyang pinapasok ng mga tanod nito.

Agad niyang nasipat ang kaniyang lolo na animo'y hinihilot ang asawa ng kapitan. Buntis nga pala ang asawa nito at normal na sa mga buntis sa kanilang lugar na ginagambala ng mga aswang.

"Milo, buti naman at nagpang-abot kayo nina Ben. Nagdala ka ba ng mga kakailanganin?" Tanong ng matanda. Agad namang inilapag ni Milo ang dalang supot na naglalaman ng mga pangontra at langis na kailangan ng matanda. Maging ang tabak na gawa sa tanso ay inilapag din niya sa harapan nito.

"Nadala ko po lahat Lo, kasama ko din pala si Simon at Maya," sagot ni Milo. Tumango naman ito bago binalikan amg kaniyang pasyente. Bukod sa paghilot ay may mga inilalapat din si Lolo Ador na mga ugat-ugat sa tiyan ng babae. Hindi naman malaman ni Milo kung para saan ang gamit noon dahil hindi pa ganoon kalawak ang kaalaman niya sa larangan ng panggagamot.

Ilang minuto pa ang lumipas at tuluyan na ding natapos si Lolo Ador sa ginagawa nito.

"Isarado niyo ang lahat ng bintana. Siguraduhin niyong nakalagay ang lahat ng pangontra sa bawat sulok ng bahay. Kapitan, huwag muna ninyong iiwan ng mag-isa ang inyong asawa. Sa ngayon ay okay na siya ngunit paniguradong babalik ang mga iyon para isakatuparan ang kanilang masamang balak sa inyong asawa at anak." mahabang wika ni Lolo Ador sa nakatayong si Kapitang Tyago.

Bakas sa mukha nito ang matinding pag-aalala para sa kaniyang mag-ina.

"Huwag kang mag-alala, hanggat hindi pa naisisilang ang bata ay didito muna kami ng apo ko. May mga kaibigan din kaming makakatulong para puksain ang mga dem*nyong iyon. Ipanatag mo ang loob mo." dagdag pa ng matanda.

Bahagyang sumilay naman ang ngiti sa labi mg batang kapitan ng kanilang baryo. Anak ito ng isang mayamang hasyendero na nagmamay-ari ng pinakamalawak na lupain sa buong Talisay.

"Maraming salamat po Mang Ador. Ang totoo po niyan ay hindi talaga ako naniniwala sa aswang noon. Akala ko ay panakot lamang sila sa mga kabataan. Kasalanan ko rin po kung bakit nagkaganito ang asawa ko. Napaaway po kasi kami kamakailan sa kabilang baryo, naging mainit ang diskusyon, hindi ko naman alam na may kakilalang aswang ang mga iyon." Salaysay ng kapitan.

Ayon pa rito, pauwi na sila nang harangjn sila ng apat ma lalaking nakaitim. Wala namang ginawa ang mga ito sa kanila. Hinaramg lamang sila at tinitigan ng masama. Matapos 'yon ay kusa ring umalis ang mga ito. Ang hindi niya alam ay matagumpay na palang namarakahan ng mga dem*nyong iyon ang asawa niya.

"Wala kang kasalanan. Sadyang may mga nilalamg lamang na hindi natatakot gumawa ng masama. O' siya, magpahinga na kayo at kami ay doon lamang sa labas ng bahay mo tutuloy ngayong gabi." Wika ng matanda na ikinagulat naman ni Kapitan Tyago.

"Dito na po kayo sa loob, malaki naman ang bahay ko. Nakakahiya naman po sa inyo kung sa labas kayo magpapahinga. " Nag-aalalang wika ng kapitan.

Ngumiti naman ang matanda at tinapik ang balik ng kapitan.

"Magtiwala ka lang Kapitan Tyago. Ang pananatili namin sa labas ay higit na mas mainam." Nakangiting wika ng matanda at lumabas na sila. Wala nang nagawa si Kapitan Tyago kun'di ang ipaubaya sa mga ito ang desisyon.