Matapos ang kanilang pag-uusap ay agaran ding nagpaalam ang magkapatid sa kanila. Tahimik namang pumasok si Milo sa kaniyang silid at naabutan pa niya ang bantay niyang tikbalang na nakaupo sa kaniyang bintana. Nakapikit ang mga mata nito habang may mga alitaptap na nagliliparan sa palibot nito.
Marahang umupo si Milo at pinagmasdan itong mabuti. Ang mga alitaptap na paikot na lumilipad rito ay mga maliliit na nilalang na minsan na din niyang nasilayan doon sa bundok.
"Nandito na si Milo. Nandito na si Milo."
Sabay-sabay na wika ng mga nilalang at mabilis na lumapit sa kaniya. Animo'y nagkukumahog na lumipad ang mga ito patungo sa kaniya na ikinagulat naman ng binata. Nang makalapit naman ang mga ito ay doon niya nakita ng malinaw ang tunay na kaanyuan ng mga ito. Para silang maliliit na tao na may pakpak. Mahaba at patulis ang mga tainga nila at ang mga mata nila ay tila pasingkit na malalaki at nag-iiba-iba ang kulay nito. Nagkikinangan din ang mga balat nito na siya namang nagliliwanag sa bawat pagkumpas ng kanilang mga pakpak.
Nang maulinigan ni Karim ang mga nagkakagulong lambana ay nagmulat ito ng mata. Napaupo naman ng tuwid si Milo sa kaniyang higaan nang mapansin ang pagmulat ng mga mata ng nilalang.
"Magpahinga ka na. Wala kang dapat na ipag-alala dahil magbabantay ako rito hanggang sa pagsikat ng umaga," wika ni Karim. Natahimik naman si Milo at malalim na napaisip.
Nagtataka siya kung bakit ganoon na lamang ang ginagawang pagbabantay sa kaniya ng mga nilalang na ito. Minsan na din niyang narinig sa kaniyang lolo ang kuwento tungkol sa mga tikbalang.
Ayon pa sa lolo niya, likas daw na mapaglaro ang mga tikbalang at mahilig silang manligaw ng mga taong napapadpad sa teritoryo ng mga ito. Subalit, hindi niya makita sa bantay niyang tikbalang ang mga katangiang nabanggit ng kaniyang lolo.
"Bakit ba kailangan niyo akong bantayan?" hindi maiwasang itanong ni MIlo sa nilalang. Sa pagkakataong iyon ay napatingin ang nilalang sa kaniya. Napalunok naman si Milo dahil bigla siyang nakaramdam ng kilabot nang magtama ang kanilang mga mata.
"Hindi ako ang magsasabi sa iyo kung bakit. Napag-utusan lamang ako. Hindi lamang ako, marami kami. Malalaman mo rin sa takdang panahon. Mahina ka pa kaya mas maiging wala ka pang nalalaman." Tugon ng nilalang na lalong nagpagulo sa iniisip ni Milo. Lalo siyang naging interesado sa lihim na itinatago ng mga ito sa kaniya.
Hindi na lamang siya kumibo at tuluyan ng nahiga sa higaan para magpahinga.
Kinabukasan, naalimpungatan si Milo dahil sa gulat nang dumagundong ang isang malakas na tambol sa tabi ng tainga niya. Napabalikwas siya ng gising at halos tumalon siya sa higaan dahil sa pagkagulat.
"Ano ba! Bakit ka ba nanggugulat?" Paasik na singhal ni Milo sa dalaga. Sapo-sapo niya ang dibdib habang masama ang tingin ang ibinabato niya rito.
"Anong bakit ako nanggugulat? Tulog mantika ka kasi, kanina pa kita ginigising, ikaw itong ayaw magising." Iritableng tugon ni Maya habang nakapameywang. Bitbit pa rin nito ang kawaling ginamit niya para magising si Milo bago nagmartsa papalabas ng kwarto ng binata.
Wala namang nagawa si Milo kun 'di ang sumunod dito. Pagdating niya da kusina ay agag niyang nakita ang kaniyang lolo na nakangiting humihigop ng kape habang kaharap si Simon.
"Lo, bakit ho sila nandito?" tanong ni Milo habang kamot-kamot ang ulo.
"Para sanayin ka? Mag-almusal ka na dahil mahaba pa ang araw mo, hayaan mo na muna ang bukid at magsanay ka sa ilalim ni Maya at Simon." wika pa ni Lolo Ador habang nakangiti. Tila napakasaya ng araw nito, nakakunit ang noo ni Milo nang maupo siya sa tabi nito. Dumampot siya ng isang nilagang kamote at kinain iyon maging ang balat.
Ayaw niyang magalit sa kaniya ang kaniyang lolo kaya naman ay tahimik na lamang siyang kumain at naghanda. Matapos ng kanilang almusal ay agad na silang pumanhik sa gubat kung saan sila unang nagkakilala ni Maya.
Tahimik ang loobang ng gubat at wala siyang ibang nasisioat kun'di ang mga ligaw na hayop na malimit mong makikita sa kagubatan. Pagdating nila sa lawa ay doon muling nakita ni Milo ang natatangi nitong kagandahan.
Ang mga berdeng damo at ang buhay na buhay na puno ng Balete na nasa gitang parte ng lawa na siyang pinamamahayan umano ng mga lambana sa gubat.
"Anong gagawin natin dito?" tanong niya
"Wala, magninilay ka buong araw at subukan mong ikonekta sa isip mo nag kalikasan. Isang linggo mo itong gagawin hanggang sa tuluyan kayong mapag-isa." Sagot ni Simon bago naupo sa harap ng lawa.
Si Maya naman ay nasa taas ng puno at tinatanaw ang buong paligid.
"Paano ko malalaman na konektado na ako sa kalikasan. At paano ko ba gagawin ng tama ang pagninilay na iyan?"
Napatingin si Simon sa kaniya nang marinig nito amg kaniyang katanungan. Marahan niyang idinampi ang kaniyang daliri sa tubig at nagulat si Milo nnag biglang sumunod dito ang tubig sa lawa.
Pagkaangat ng daliri ni Simon at kusang gumalaw ang tubig at marahang umakyat iyon na animo'y isang ahas na patungo sa daliri ng binata.
"Kapag nagawa mong pasunudin ang kahit anong likas na yaman ng kalikasan, lahat ng elemento at mga hayop, doon mo masasabing iisa na kayo nito. Madali siyang sabihin, ngunit mahirap gawin. Subalit alam kong hindi ka mahihirapan dahil buhat pa lamang nang ika'y ipanganak ay iisa na kayo ng kalikasan," sagot ni Simon. Iwinaksi nito ang kamay at bumagsak ang tubig pabalik sa lawa, lumikha iyon ng matinis na tunog na siyang pumukaw sa nakatulalang si Milo.
Hindi maipagkakaila ni Milo ang sobrang pagkamangha niya sa ginawa ni Simon.
Sa isip-isip niya, posible kayang magawa niya rin ito?
"Ano ba'ng dapat kong gawin para magawa ko rin 'yan?" Tanong ni Milo at napangiti naman si Simon.
Gumuhit siya ng mga simbolo sa harapan nila at inutusan niya si Milo na maupo roon. Nagtataka man ay walang tanong-tanong na sinunod ito ni Milo. Umupo siya malapit sa mga simbolong ginuhit ni Simon at pinakatitigan ito ng maigi.
"Ano ang mga simbolong iyan,bakit hindi ko maintindihan?" Tanong ni Milo, habang nakatuon ang pansin sa mga simbolong nakaukit sa lupa.
"Malalaman mo mamaya, ipikit mo ang iyong mata at hayaan mong ang mga simbolo mismo ang magsabi sayo." Mahinahong tugon ni Simon na kaagarang din namang sinunod ni Milo.
Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at humugot ng malalim na hininga. Maigi niyang pinakiramdaman ang mga tunog sa kaniyang paligid. Nariya't naririnig niya ang mahihinang huni ng ibon at banayad na kaluskos ng mga ligaw na hayop na naglalakad sa kagubatan. Naririnig din niya ang mahinahong lagaslas ng tubig at ang mahinang ihip ng hangin na tila ba idinuduyan siya.
Sa paglipas pa ng mga oras na nasa ganoong estado siya ay hindi na niya malaman kung gaano na katagal iyon. Pakiramdam niya'y nahimbing siya habang nakaupo at napakagaan ng pakiramdam niya ng mga sandaling iyon.
Sa pagmulat ng kaniyang mga mata, nakita niyang nakaupo pa rin sa tabi niya si Simon, may kalong-kalong na itong maliit na kuneho habang marahan nitong hinahaplos ang balahibo nitong animo'y isang maputing ulap. Kakaiba rin ang kunehong iyon dahil meron itong asul na mga mata na hindi mo makikita sa ordinaryong mga kuneho.
"Kamusta ang pagninilay mo kasama ang kalikasan, MIlo?" Tanong ni Simon. Saglit niyang iniunat ang kaniyang mga kalamnan at nagtaka siyang hindi man lang siya nakaramdam ng pamamanhid o kung ano mang masakit sa kaniya, gawa ng matagal niya sa iisang posisyon.
"Ayos lang naman." Tugon niya.
"Bukas natin sisimulan ang iyong pagsasanay. Natapos mo ng walang kahirap-hirap ang paglilinis ng iyong kaluluwa at ang pakikipag-ugnayan mo sa kalikasan," Salaysay ni Simon at marahan nitong pinakawalan ang kunehong hawak. Sa pagkagulat ni Milo ay biglang naglaho ang kunehong iyon na parang isang usok.
"Engkanto ang nilalang na iyon na nag-anyo bilang isang kuneho. Sa ating pagsasanay ay isa-isa mong makikilala ang mga nilalang na iyon. Mula sa mga engkanto, laman-lupa, tamawo, duwende at iba pa."
"Totoo sila?" Gulat na tanong ni Milo at nakarinig sila ng mahinang palatak mula sa itaas ng puno. Doon lang naalala ni Milo na naroroon din pala si Maya.
"Hanggang ngayon ba ay hindi ka pa rin naminiwala?" Pambubuska ni Maya sabay talon pababa mula sa punong kinauupuan nito.
"Hindi pa naman ako nakakakita ng engkanto e', tikbalang at asawang,oo. Pero hanggat hindi pa ako nakakakita ay hindi pa rin ako maniniwalang tunay sila." Giit na wika ni Milo bago kinuha ang kaniyang bag mula sa kinaupuang lupa.
Papalubog na ang araw ng mga oras na iyon kaya mabailis na siyang nagligpit. Ayaw na din niyang maranasan ulit ang mga nangyari noon.
Mayamaya pa ay nakababa na rin sila sa bukana ng kagubatan. Nang muli itong lingunin ni Milo ay binalot na ng kadiliman ang looban nito na siyang nagpatayo naman ng kaniynag balahibo.
Nang marating na nila ang kubo ni Lolo Ador ay agad na nagpaalam ang magkapatid na babalik na lamang bukas. Hindi naman iyon tinutulan ni Lolo Ador dahil alam niyang may mga gampanin din ang mga ito.
Pagpasok naman ni Milo sa kubo ay doon niya nakita ang mapakaaliwalas ng buong kubo. May nakahain na din pagkain sa mesa na agad namang ipinagpasalamat ni Milo. Kahit papaano ay may mga taong maasahan si Lolo Ador kapag wala siya.