webnovel

Call Center Ghost Stories (Tagalog)

Mga Call Centers. Matao. Maliwanag. Maingay. Hindi mo iisipin na ang mga lugar na ito, na puno ng makabagong teknolohiya, ay pinamamahayan pala ng mga kaluluwa. Mga kaluluwang ligaw. Mga kaluluwang puno ng galit. Mga kaluluwang nais manakit. Halika at samahan ninyo ako at bisitahin ang mga call center at tuklasin ang hiwaga at misteryo ng mga lugar na ito. All characters appearing in this work are fictitious. Any resemblance to real persons, living or dead, is purely coincidental.

MT_See · Horreur
Pas assez d’évaluations
11 Chs

TL Leo

"What the hell is this?!" nang-gagalaiting tanong ni Leo kay Liza. Kasalukuyan silang nag-usap sa station ni Leo na nasa bandang dulo ng call center floor. Hawak-hawak niya ang QA report ni Liza habang galit na pinandidilatan niya ang babae na nakatungo lang at hindi makasagot.

Kilala si Leo bilang isang mahigpit na Team Leader. Palibhasa number one ang team niya sa rankings kaya kamay na bakal ang gamit niya sa pagpapalakad ng team. Mabilis siyang magalit at palamura. Kaunting pagkakamali lang at siguradong makakatikim ka sa kanya. Halos walang nagtatagal na CSR sa kanya at hindi rin naman siya nagdadalawang-isip na magsipa ng empleyado. Sa katunayan ay kilala siya sa tawag na Terminator.

Marami ng nagreklamo laban sa kanya pero sadyang malakas siya sa management. Ano nga naman ba ang laban ng isang hamak na CSR sa isang Team Leader? Sabi nga, madaling palitan ang mga CSR.

"I'm asking you a question! What the hell is this? 66% QA? My God! What were you thinking?!"

Hindi makakibo si Liza. Hindi niya alam ang sasabihin sa TL. Inaamin naman niya na nagkamali siya. Marahil dahil sa newly grad lang siya at wala pang ganoong kaalaman sa mundo ng call center.

"I – I'm sorry," mahinang sagot ni Liza na pinipigilan ang pagtulo ng luha.

"Sorry? I don't need your sorry! What I need from you is a 100% QA everytime!" Dinig na dinig ang boses ni Leo sa buong floor ngunit walang pumapansin sa kanya. Sanay na kasi sila sa ganitong eksena.

Mahinang hikbi lang ang sagot ni Liza.

"Are you crying?" tanong ni Leo. "If you want to cry, do it at home! We don't need crybabies here!"

Madaling pinunasan si Liza ang luhang namumuo sa kanyang mga mata.

"Listen, this team is the best. And if you want to be a part of this team, to be regularized, then you have to give your best. I don't need excuses. I need results. Okay?" galit na sabi ni Leo.

"Y – yes, I understand," sagot ni Liza na nanginginig ang boses.

"I hope you do. Coz this will be your last chance," sabi ni Leo sabay harap sa kanyang computer. Tumayo ng dahan-dahan si Liza at nakatungong naglakad patungo sa CR. Doon ay umiyak siya sa loob ng labinlimang minuto.

Mabilis na lumipas ang isang linggo at muling nagharap si Leo at Liza. Kinakabahan si Liza dahil walang kibo ang TL niya at nakatitig lang sa kanya. Lumipas ang ilang minuto bago nagsalita si Leo.

"How do you think you did last week?" tanong niya kay Liza.

Tinitigang mabuti ni Liza ang kanyang TL, pilit na binabasa ang mukha nito. "W – well, I'm not sure but I did my best."

Mula sa isang folder sa kanya lamesa ay kinuha ni Leo ang isang pirasong papel at inabot ito kay Liza.

Tiningnan ni Liza ang papel. Ang QA report niya.

"I – I got a 96!" Napangiti si Liza. Mataas na ang QA na iyon at isang maliit na pagkakamali lang ang nagawa niya. Isang pagkakamaling madaling itama. Nakahinga siya ng maluwag.

"That's not enough," kalmadong sabi ni Leo. Biglang nawala ang ngiti sa mukha ni Liza. Hindi niya sigurado kung tama ang narinig niya na sinabi ng kanyang TL.

"I – I'm sorry," mahinang sabi ni Liza.

"I said that's not enough!" biglang sigaw ni Leo. "I didn't ask you to give me a 96! I specifically told you to give me a 100% QA! Not 95! Not 99. I need 100%!"

Hindi makapaniwala si Liza sa narinig. Parang sampal sa mukha niya ang sinabi ng TL.

"B – but, it was just a minor mistake. For sure I'll get a hundred next week!" halos nagmamakaawang sabi ni Liza.

"It's a little late for that." Muling kumuha ng papel si Leo sa folder. "This is your termination paper. I'm sorry but you don't have what it takes."

Sa sinabi ng TL ay hindi na napigilan ni Liza ang mapaiyak. Bumalik sa ala-ala ang lahat ng hirap niya sa training, at ang lahat ng masasakit na salitang natanggap niya mula sa TL.

"Boss… Boss, please, I need this job…" hindi niya maituloy ang sasabihin. Walang tigil ang pagtulo ng kanyang luha.

Umiling lang si Leo. Hindi niya matingnan ang kausap. Para siyang nandidiri dito.

"You're the only one to blame. How many times have I told you that you need to get 100% QA everytime? How many times have I told you that you won't be regularized if you keep screwing up? I don't need your excuses."

Hindi na makapagsalita si Liza. Lalong lumalakas ang paghagulgol niya. Pinagtitinginan na sila ng mga CSR na nagca-calls malapit sa kanila.

"Stop crying!" sabi ng naiiritang si Leo. "Don't make a scene here! Crying won't change a thing anyway! It would be easier for the both of us if you just sign these goddamn papers!" Halos ihagis ni Leo kay Liza ang termination paper nito.

Ilang minutong walang kibo si Liza, tinititigan lang ang papel sa harap nito. Pagkatapos ay biglang tiningnan ng matalim ang TL.

"What? Do you have a problem?" mayabang na tanong ni Leo.

"Yes! You!" pagalit na sagot ni Liza. Padabog niyang binuksan ang dalang bag at kumuha ng ballpen. Mabilis niyang pinirmahan ang termination paper at pagkatapos ay tumayo at galit na naglakad palayo.

"Don't give me that attitude!" pahabol na sigaw ni Leo.

"Dude, mukhang may pinaiyak ka na naman ah."

Tumalikod si Leo at nakita niya si Vince, isa ring Team Leader.

"Nakita mo yun? Siya pa ang galit!" nanggigigil sa sabi ni Leo.

"Relax lang. Kaya dumadami ang wrinkles mo, eh," sabi ni Vince na natatawa lang.

Kinabukasan, maaga pa lang ay nasa trabaho na si Leo. Wala kasi siyang pamilya kaya bahay at trabaho lang ang buhay niya. Bago pa man dumating ang mga agents niya ay makikita na siyang nakaupo sa kanyang station, abala sa pag reply sa mga email at pagbabasa ng mga memo.

Naistorbo lang siya ng maramdamang may taong nakatayo sa likuran niya. Mabilis siyang lumingon at nagulat ng makita si Liza.

"Oh! What are you doing here?" pagalit na tanong ni Leo upang itago ang kanyang pagkagulat.

Hindi sumagot si Liza. Tahimik lang itong nakatingin sa kanya.

"Do you need something?"

Hindi kumibo ang babae. Walang mabasang anumang emosyon sa mukha nito.

"C'mon! I don't have all day!" Patayo na si Leo ngunit natigilan siya ng makitang ngumiti si Liza. Hindi alam ni Leo kung bakit ngunit bigla siyang nakaramdam ng takot.

"W–What!" pasigaw na tanong ni Leo ngunit dinig sa kanyang boses ang kaba.

Patuloy lang si Liza sa pag-ngiti sa kanya. Lumipas ang ilang minuto na wala silang kibo, pagkatapos ay dahan-dahang lumakad papalayo si Liza. Sinundan lang ni Leo ng tingin ang babae.

"Hey! What are you looking at?"

Nagulat si Leo sa boses na narinig. Nilingon niya ang pinanggalingan nito at nakita niya si Vince.

"Are you alright?" tanong ni Vince ng makita ang maputlang mukha ni Leo.

Huminga muna ng malalim si Leo bago sumagot. "I–I'm fine. It's nothing." Muli niyang hinarap ang kanyang computer at pilit na kinalma ang kanyang magulong isipan.

"I heard about one of your CSRs. I'm so sorry about what happened. It must be really hard for you," malumanay na sabi ni Vince.

"Who? Liza? It's nothing. She got exactly what she deserves!" may kayabangang sagot ni Leo.

"What! How could you say that?" hindi maalis ni Vince ang galit sa kanyang boses.

Nilingon ni Leo ang kanyang kausap, nagtataka sa reaksyon nito.

"What's the problem? You know how I work. If someone fails to meet my standards, then I have no reservations in kicking them out. And that's exactly what happened with Liza!" galit na sabi ni Leo.

"Oh I'm not talking about that," sabi ni Vince ngunit bigla siyang natigilan na para bang may biglang naisip. "Oh my God, no one told you yet!" Nakita ni Leo na biglang napalitan ang galit sa mukha ni Vince ng pag-aalala at, bagamat hindi siya sigurado, ng awa.

"What? No one told me about what?"

Hindi matingnan ni Vince sa mata si Leo. Halatang nagda-dalawang isip siya kung sasabihin ba ang nalalaman sa katrabaho.

"C'mon Vince, tell me!" halos sumigaw na si Leo sa galit.

"Well, I don't want to be the one to tell you this, but I guess I have no choice." Huminga ng malalim si Vince at pagkatapos at tinitigan sa mata si Leo. "Liza killed herself last night."

Parang tumigil ang oras sa narinig ni Leo. Pati paghinga niya ay natigil dahil sa sinabi ni Vince. Sinubukan niyang magsalita ngunit parang natuyo ang kanyang lalamunan at bumigat ang kanyang dila.

"They found her body in her room. She hanged herself," patuloy na kwento ni Vince ngunit hindi siya narinig ni Leo. Bumalik kasi sa isipan niya ang nangyari kanina. Nakita niya si Liza. Nginitian siya nito.

"Hey, are you alright?" may pag-aalalang tanong ni Vince.

Parang nagising si Leo ng marinig si Vince. Tinitigan niya ang kausap, hindi malaman kung ikukuwento ang nangyari kanina.

"Y – yeah. I'm fine. I just need to sit down," mahinang sabi ni Leo sabay pabagsak na naupo sa kanyang station.

"Relax ka lang, pare," sabi ni Vince. "It wasn't your fault." Tiningnan niya si Leo na halatang nanghina sa balita, pagkatapos ay dahan-dahang lumakad palayo.

Naiwan si Leo na nag-iisa, malalim ang iniisip. Hindi niya maintindihan ang nangyayari. Paanong nagpakamatay si Liza ganong nakita niya ito kani-kanina lang? Isa ba itong biro? Kung ganoon ay hindi magandang biro ito. Marahil ay pakana lang iyon ni Vince dahil--

Naputol ang kanyang pag-iisip ng may narinig siyang tawa mula sa ilalim ng kanyang lamesa. Dahan-dahan siyang tumungo at halos napasigaw siya ng makita na may taong nakaupo sa ilalim nito. Mabilis siyang napabalikwas at tumayo sa kanyang upuan. Hindi niya maalis ang kanyang nanlalaking mga mata sa taong nasa ilalim ng table niya.

Si Liza ito. Bagama't hindi niya makita ang mukha nito dahil natatakpan ng mahabang buhok, sigurado siya na si Liza ang nasa ilalim ng table niya. Patuloy lang ito sa pagtawa. Halos nanginginig ang buong katawan nito sa kakatawa.

"What the hell is this? Is this some kind of a joke!" naiiyak na sabi ni Leo.

Biglang tumigil sa pagtawa si Liza. Pagkatapos ay dahan-dahang itinaas ang dalawang kamay sa mukha at hinawi ang kanyang buhok.

Tumambad kay Leo ang walang buhay na mukha ni Liza. Nangangasul ang mukha nito at lawit ang dila. Kita rin ang marka ng lubid sa leeg nito. Tanging ang mga mata lamang niya ang may buhay. Punong-puno ito ng galit.

Tumakbo si Leo. Matinding takot ang bumalot sa kanya, takot na ngayon lang niya naramdaman. Tumakbo siya ng tumakbo at ng makita niyang bukas ang elevator ay mabilis siyang sumakay dito. Pagkabukas ng elevator ay muli siyang tumakbo. Tumigil lang siya ng makalabas na ng building.

Hingal na hingal siya at basing-basa ng pawis. Iginala niya ang kanyang paningin habang hinahabol ang kanyang hininga. Pilit niyang ni-relax ang nanginginig na kamay at pagkatapos ay dinukot ang yosi na nasa bulsa. Pagkasindi ay naramdaman niya ang pagkalma ng kanyang katawan. Mabilis niyang inubos ang sigarilyo at pagkatapos ay nag sindi pa ng isa. Pagkaubos ay muli siyang bumalik sa loob ng building.

Sa 11th floor, nakasalubong ni Leo si Vince paglabas niya sa elevator.

"Pare, okay ka na ba?" tanong ni Vince.

"O–Oo, pare. I just went down for a smoke." Biglang may naisip si Leo. "Vince, samahan mo naman ako sandali. I'll just get something from my station."

"Sure."

Sabay silang pumasok sa call center floor. Walang kibong tinungo ni Leo ang kanyang station habang nakasunod sa kanya si Vince. Pag dating doon ay natigilan si Leo.

Nasa ilalim pa rin ng lamesa niya si Liza.

"No… No…" mahinang nasabi ni Leo. Napahakbang siya paatras ngunit nabangga siya kay Vince na nasa likod lang niya.

"What's wrong, pare?" gulat na tanong ni Vince.

"P–Pare, can you see something under my station?" halos nagmamakaawang tanong ni Leo kay Vince.

Tiningnan mabuti ni Leo ang mukha ng katrabaho, pilit na binabasa ang reaksyon nito. Ngunit walang anumang reaksyon sa mukha ni Vince.

"What am I suppose to look for?" tanong ni Vince. Napanganga lang si Leo sa sinabi ni Vince.

He can't see her. I'm the only one who can see her! naisip ni Leo.

Muli niyang tiningnan ang ilalim ng kanyang lamesa.

Nandoon pa rin si Liza. Tumatawa ulit ito Mabilis na tumalikod si Leo.

"What's wrong pare?" muling tanong ni Vince.

Matagal nag-isip si Leo bago sumagot.

"You know, I'm suddenly not feeling well."

"Hey, you better take the day off," sagot ni Vince. "Don't worry, I'll tell Boss Alan that you went home when he gets here."

Mabilis na bumaba ng building si Leo.

Kinabukasan, hindi nakapasok si Leo. Hindi rin siya nakapasok sa sumunod na araw. Nagkulong lang siya buong araw sa kanyang kwarto, ilang beses din siyang tinawagan ni Vincent ngunit hindi niya sinasagot ang kanyang telepono.

Sa ikatlong araw ay nakita ni Vince si Leo sa ground floor ng building nila, papasok ng elevator. Madali niya itong hinabol at binati.

"Pare, anong nangyari sayo? Are you okay now?"

"Yes, pare. I'm perfectly fine. Na-stress lang siguro ako sa trabaho. Tapos nalaman ko pa yung nangyari kay Liza." Nakangiting sabi ni Leo.

Pagdating sa taas ay dumiretso kaagad si Leo sa kanyang station. Excited na siyang bumalik sa trabaho. Kung anuman ang nangyari sa kanya noong isang araw ay kinalimutan na niya. Sigurado siya na imahinasyon lang niya ang lahat. At ngayon na nakapahinga na siya ay babalik na sa normal ang lahat.

Nasa ilalim pa rin ng lamesa niya si Liza. Tumatawa pa rin ito.

Mabilis na tumalikod si Leo. Tinungo niya ang elevator at pinindot ang down button. Pagbukas ng elevator ay mabilis siyang pumasok sa loob. Pasara na ang pintuan ng makita siya ni Vince.

"Where are you going, pare?"

Hindi na siya narinig ni Leo. Nagsara na ang elevator.

Hindi na pumasok muli si Leo.