webnovel

Call Center Ghost Stories (Tagalog)

Mga Call Centers. Matao. Maliwanag. Maingay. Hindi mo iisipin na ang mga lugar na ito, na puno ng makabagong teknolohiya, ay pinamamahayan pala ng mga kaluluwa. Mga kaluluwang ligaw. Mga kaluluwang puno ng galit. Mga kaluluwang nais manakit. Halika at samahan ninyo ako at bisitahin ang mga call center at tuklasin ang hiwaga at misteryo ng mga lugar na ito. All characters appearing in this work are fictitious. Any resemblance to real persons, living or dead, is purely coincidental.

MT_See · Horror
Not enough ratings
11 Chs

Ang Babae sa Training Room

"I don't know how to say this guys," ang malungkot na sabi ni Emmy, ang trainer ng Batch 348. Last day na ng training nila at ngayon na magkakaalaman kung papasa sila bilang mga call center agents.

Bakas ang kaba sa mukha ng mga trainee, lahat ay tahimik na nag-iintay sa susunod na sasabihin ni Emmy.

"You all passed!" ang sabi ni Emmy sabay tawa.

Malakas na sigawan at tawanan ang pumuno sa training room. May mga nag-apiran, nagyakapan, at may ilan ding napaiyak sa tuwa. Hindi birong hirap din ang pinagdaanan nila sa loob ng limang linggong training. Marami silang kinailangang matutunan at sauluhin sa loob lamang ng maikling panahon. Napakahigpit pa ng trainer nila. "All work and no play" ang istilo nito at hindi nagdadalawang-isip na magbagsak at magpatalsik kapag mahina ang tinuturuan. Sa katunayan, dalawamput apat silang nagsimula ng training ngunit ngayon ay labing-isa na lamang silang nakapasa.

"Settle down guys," sabi ni Emmy makalipas ang ilang minutong pagdiriwang ng kanyang klase. Isa-isang nagbalik sa kani-kanilang upuan ang Batch 348.

"I know I've been hard on you guys, but I want you to know that I did that for your benefit. Once you go out to your respective teams, you'll find that life in the call center floor is extremely fast-paced, stressful, and competitive. You have to deal with your callers, your team leaders, and your teammates. And you have to do all of those with minimal supervision. That's why I trained you really hard."

Tahimik ang buong klase. Hindi alam kung ano ang sasabihin.

"But that's all over now. Now is the time to celebrate. I've ordered some pizza for us!"

Isang malakas na hiyawan ang sumalubong sa sinabi ni Emmy. Hindi nagtagal ay masayang nagkakainan na ang buong klase.

Ilang minuto lang at wala nang laman ang tatlong kahon ng pizza na inorder ni Emmy. Nabusog silang lahat at tahimik na nagkukuwentuhan. Mayroong biglang tatawa ng malakas, mayroong biglang mauubo, at mayroong mapapahikab. Ngunit nagulat ang lahat ng malakas na napasigaw si Mandy.

"Oh my God! Totoo ba ito?"

Natigilan ang lahat at napatingin kay Mandy, na nakatitig sa computer sa harapan niya.

"What's wrong Mandy?" tanong ni Emmy.

Humarap si Mandy sa trainer, na bahagyang napangiti at halatang namumula ang mukha.

"S-Sorry. I was just browsing the folders in this PC when I found these pictures. And, well…" sabi ng natigilang si Mandy sabay turo sa mga litrato sa kanyang monitor.

Sabay-sabay na nagtayuan ang mga batchmates ni Mandy at mabilis na lumapit sa kanya. Lahat sila ay nagulat ng makita ang mga litrato.

Nakaupo at tahimik lang na pinagmasdan ni Emmy ang mga trainees. Tulad ng ibang batches na hinawakan niya, gulat at pagtataka ang nasa mukha nila habang tinitingnan ang mga larawan sa computer. Hindi na siya nagulat. Ganito rin kasi ang reaksyon niya noong unang nakita niya ang mga litrato.

"Emmy," tanong ni Eric na nakatayo sa likod ni Mandy. "Is this for real?"

Dahan-dahang tumayo si Emmy mula sa pagkakaupo. Lumapit siya sa umpukan ng mga trainees na lahat ay nakatingin sa kanya, nag-aabang sa kanyang sasabihin.

"Well, why don't you guys take a seat," nakangiting sabi ni Emmy. Nagkatinginan ang mga trainees at pagkatapos ay dahan-dahang nagsibalik sa kani-kanilang mga upuan.

"Okay, ano ba ang gusto niyong malaman?"

Mabilis na nagtaas ng kamay si Tony. "Hey, I thought that we're not allowed to speak in Tagalog?" nakangiting sabi niya.

"Well, classes are over kaya pwede na. And besides, graduates na naman kayo." Mahina silang nagtawanan.

"Emmy, yung mga pictures ba na nasa PC ay mga pictures ng mga previous batches?" tanong ni Mandy.

"Yes. Pictures yan ng mga previous batches noong graduation day nila.

"And the girl?" mabilis na tanong ni Eric.

"Well, that's the mystery. Nung matanggap ako dito, naka-save na yang mga pictures na yan. Nobody seems to know who started collecting those pictures. Parang existing custom dito yan kaya ipinagpatuloy na lang namin," malumanay na sagot ni Emmy.

"But who is the girl?" pag-uulit ni Eric.

Napatingin si Emmy sa bintana. Naging malayo ang tingin niya. Tahimik lang ang buong klase.

"Well…" Dahan-dahang lumapit si Emmy sa PC at tiningnan ang mga litrato. Gumapang ang kilabot sa kanyang katawan kahit na ilang beses na niya itong nakita.

Sa mga litrato, makikita ang mga dating batches na nakangiti at naka-pose sa camera. Graduation day nila kaya lahat sila ay masaya. Tiningnan niya ang unang litrato, sa ilalim nito ay nakasulat ang Batch 42. Tiningnan niya ang mga masasayang mukha ng mga trainees. Tiningnan din niya ang training room na halos walang ipinagbago sa paglipas ng mga taon. Ang tanging kapansin-pansin lang ay ang isang babaeng nakatayo sa bandang likod ng training room na nakasuot ng pulang blouse at maong pants. Siya lang ang hindi nakangiti sa grupo.

Tiningnan naman ni Emmy ang kasunod na litrato. Batch 43 ang nakasulat sa ilalim nito. Katulad ng naunang litrato, makikita ang masasayang mukha ng mga tao. At sa bandang likod ng training room ay nakatayo ang isang babaeng nakapulang blouse.

Mabilis tiningnan ni Emmy ang bawat litrato. Karamihan sa mga ito ay makikita ang babaeng nakapula, malungkot na nakatayo sa bandang likuran. Nang mapunta ang kanyang mata sa huling litrato ay nakaramdam siya ng kaunting lungkot.

Batch 347. Ito ang huling batch na kaka-graduate lang noong isang buwan. Siya rin ang humawak sa batch na ito. Tiningnan niya ang mga mukha ng mga dati niyang mga estudyante. Tiningnan niya ang mga matatalino, ang mga makukulit, at ang mga tahimik. At katulad ng ibang mga litrato, sa likuran nila ay makikita ang babae.

"Walang nakakakilala sa babaeng yan," mahinang sabi ni Emmy. Dahan-dahan niyang ibinaling ang kanyang tingin sa klase. "Hindi naman siya trainee noong panahong kinuha ang mga picture na iyan. Walang empleyado o trainer ang nakakakilala sa kanya. Basta sumulpot na lang siya sa mga pictures."

Nagtinginan lang ang mga trainees.

"Sabi nila multo daw iyan ng isang trainee noon na hindi nakapasa. Ayon sa kuwento, bumagsak daw kaya nagpakamatay. Simula noon nagpapakita na raw yung babae dito sa training room."

Halatang kinilabutan ang buong klase.

"Don't worry guys. Sa picture lang naman nagpapakita yung girl. At hindi lang basta-basta picture. Sa graduation picture lang siya lumalabas," mabilis na sabi ni Emmy na halatang pinipigil ang tawa.

"Pero graduation day namin ngayon di ba?" kinakabahang tanong ni Tony.

Napangiti si Emmy. "Exactly! And since today is your graduation day, why don't we take your graduation picture! So, who's got a camera?"

"Uy, wala namang ganyanan!" biglang sabi ni Francine. "Huwag mo naman kaming takutin ng ganyan."

Isang malakas na tawa ang nanggaling sa bandang likod. "C'mon! I know you're just trying to scare us. I mean, who believes in these stuff anyways?" nakangiting tanong ni Alec na nakaupo sa likod.

"But the pictures…" sabi ni Mandy.

"…are fake." sabat ni Alec. "I'm sure na-Photoshop lang yan. Kahit ako kaya kong gawin yan. Tinatakot lang tayo ng mga trainers natin."

Naging parang perya ang ingay sa loob ng training room dahil sa pagtatalo nila. May mga naniniwala sa litrato, mayroon din namang hindi.

Paglipas ng ilang minuto ay sumabat na si Emmy.

"Settle down guys. There's no need to argue."

Saglit na nagpatuloy ang pagtatalo ngunit unti-unti rin namang tumahimik ang klase. Lahat sila ay nakatingin kay Emmy.

"I know it's hard to believe. I'm a skeptic myself. Gaya nga ng sabi ko, kuwento-kuwento lang yan. Kung totoo man ang mga pictures na yan ay hindi ko masasagot."

"Alam ko kung paano masasagot yan," sabi ni Alec sabay tayo. "Let's take our graduation picture. I'm sure no ghost will show up." Mabilis niyang binuksan ang kanyang bag at naglabas ng isang digital camera.

"Shall we?" nakangiting tanong ni Alec.

May ilang nagsabi na hindi magandang ideya na magpicture-taking sila ngunit karamihan ay mabilis na nagsipagtayuan, excited na magpakuha ng litrato. Ibinigay ni Alec ang kanyang camera kay Emmy na halatang excited din.

"Okay guys, say cheese!" malakas na sabi ni Emmy.

Halos nakakabulag ang liwanag na nagmula sa flash ng camera. Tahimik ang lahat pagkakuha ni Emmy ng litrato, walang gumagalaw. Si Emmy naman ay nakatitig lang sa LCD screen ng camera, nakakunot ang noo na para bang may hindi maintindihan.

"What?" tanong ni Mandy.

Hindi sumagot si Emmy. Dahan-dahan lang niyang inabot ang camera na mabilis namang kinuha ni Mandy.

Walang babaeng nakatayo sa likuran ng training room.

"Why you!" natatawang sabi ni Mandy. Tumawa rin si Emmy sa reaksiyon ni Mandy. "Kinabahan ako dun ah."

Ipinasa ni Mandy ang camera sa mga kasamahan na isa-isa ring nagtawanan. Nagbiruan sila at nagtuksuhan. Naging maingay muli ang loob ng training room.

"Sabi ko sa inyo walang multong magpapakita eh. Gawa-gawa lang nila yan para takutin ang mga trainees," malakas na sabi ni Alec. "Phinotoshop lang 'yang mga pictures na yan. I'm sure sa susunod na training batch ipapakita nila itong picture natin na may babaeng nakatayo sa likod. Kunwari may multo."

Tumingin ang ilan kay Emmy ngunit ngumiti lang ito sa sinabi ni Alec. Pagkatapos ay tumingin siya sa orasan at tumayo.

"Guys, once again I congratulate you. Tomorrow you will be deployed to your new teams. Sana huwag niyong kalimutan ang mga natutunan niyo dito. Bukas lagi ang pinto namin. If you have any questions, feel free to visit us."

Masayang nagtayuan ang klase, binitbit ang kanilang mga bag at folders at isa-isang lumabas ng training room. Nagkayayaan sila na uminom muna sa labas at magcelebrate bago umuwi. Sabay-sabay silang sumakay ng elevator habang tuloy pa rin ang maingay na tuksuhan.

"Oh shit!" sabi ni Alec.

"O bakit?" tanong ni Tony.

"Nakalimutan ko yung camera ko sa training room."

Natawa lang ang mga kasamahan niya sa kanya.

"Yan kasi nakarinig lang ng inuman, nawala na sa sarili," pangangantiyaw ni Mandy.

Pagbukas ng elevator ay naglabasan silang lahat maliban kay Alec.

"I'll just go back upstairs."

"Sige pare, we'll wait for you outside," sabi ni Tony.

Pinindot ni Alec ang 17th floor at nagsara na muli ang elevator. Pagdating sa taas ay dumiretso kaagad siya sa training room. Buti na lang at bukas pa ito. Dali-dali siyang pumasok sa loob ngunit bahagya siyang nagulat ng makita ang isang babaeng nakaupo sa bandang likod at nagco-computer.

"Excuse me," nakangiting sabi ni Alec. Nilingon siya ng babae na halatang nagulat din sa kanya. "Sorry, I just forgot something."

"Are you from Batch 348?" tanong sa kanya ng babae.

"Yes," masayang sagot ni Alec. Ngayon lang niya nakita ang babae ngunit maganda ito at maputi. Siguro isa sa mga managers o kaya ay supervisors.

"Oh! Congratulations! You all passed, right?"

"Yeah, we did," nakangiting sagot ni Alec.

"You said that you left something here?" tanong ng babae sabay tayo.

"Oh yeah! I left my camera here 'coz we took some pictures a while ago." Sinimulang hanapin ni Alec ang kanyang nawawalang camera.

"You took some pictures? So, did she appear in any of them?" mahinang tanong ng babae ngunit narinig siya ni Alec.

"Are you talking about the girl in the pictures? C'mon! I know they're fake. There's no ghost here. Although the story about the trainee who killed herself was really creepy," natatawang sabi ni Alec. Tumalikod ang babae at naglakad patungo sa dulo ng kuwarto.

"I wasn't a trainee, you know," mahiwagang sabi ng babae. Napatingin si Alec sa babae at nakita niya itong nakatayo sa dulo ng training room, nakatalikod sa kanya. Narinig niya na mahinang tumawa ang babae at pagkatapos ay dahan-dahan itong humarap sa kanya.

"And I certainly didn't kill myself," nakangiting sabi nito.

Dito napansin ni Alec ang suot ng babae: pulang blouse at maong pants. Napansin niya rin na nakatayo ang babae sa eksaktong puwesto kung saan nakatayo ang multo sa mga larawan. At ngayong nakaharap sa kanya ang babae, nakita niya na kamukha nito ang babaeng nagpapakita sa mga larawan.

"I was a trainer, just like Emmy. And those trainees…" dito ay parang nagbago ang mukha ng babae. Napuno ito ng galit. Halos nanginginig ang mukha nito sa galit.

"Trainees like you!" nanlalaki ang mga mata ng babae.

"What the hell is this?" napaatras na sabi ni Alec.

Ngumiti lang ang babae sa sinabi ni Alec. Isang ngiting puno ng poot. Pagkatapos ay itinaas niya ang kanyang kanang kamay at nakita ni Alec kung ano ang hawak nito.

Ang kanyang digital camera.

"Are you looking for this?" pasigaw na tanong ng babae. Nang hindi sumagot si Alec ay dahan-dahang humakbang papalapit ang babae patungo sa kanya. Napansin niya na nakayapak lamang ang babae at ang mga paa nito ay madumi, parang inilakad sa putik. Nakita rin niya na dumudugo ang mga mata nito, at isang patak ng dugo ang gumuhit sa pisngi nito.

Dito ay parang nagising si Alec at mabilis na tumalikod at tumakbo ng matulin. Hindi niya naiintindihan kung ano ang nangyari. Hindi niya alam kung bakit nakita niya ang babaeng nagpapakita sa larawan. Ang tanging alam lang niya ay ang matinding takot na bumalot sa kanyang buong pagkatao.

Hindi pa siya nakakalayo ng biglang nabangga siya sa isang tao.

"Sir, okay lang ba kayo?"

Tiningnan ni Alec ang taong nabangga niya. Ang security guard pala.

"Um… yeah," mahinang sabi ni Alec.

"May hinahanap ba kayo sir?"

Hindi niya alam kung sasabihin ba sa guard ang nangyari sa loob ng training room. Sigurado hindi naman siya paniniwalaan nito. Bigla niyang naalala ang kanyang naiwang camera. Naisip niya na magpasama sa guwardiya para kuhanin ito.

"Manong guard, puwede niyo ba akong samahan sa training room? May nakalimutan lang kasi ako eh," tanong ni Alec na pilit kinakalma ang boses.

"Sa training room po? Naka-lock na po iyon, eh. Ano po bang naiwan niyo?" tanong ng guwardiya.

"Hah? Kagagaling ko lang dun, ngayon lang. Bukas naman siya."

"Hah!" gulat na sabi ng guwardiya. "Ni-lock ko yun kanina paglabas nung mga trainees, eh. Mabuti pa i-check natin."

Magkasama silang bumalik at ng makita ni Alec ang training room, lalo siyang naguluhan. Patay ang mga ilaw nito at nakasara ang pinto. Sinubukang buksan ng guwardiya ang pinto ngunit mahigpit itong naka-lock.

"Sarado po, sir. Ni-lock ko nga po ito kanina paglabas nung klase ni Ma'am Emmy."

Hindi makasagot si Alec. Hindi niya maintindihan ang mga nangyayari.

"Ano po ba ang naiwan niyo sa loob?" tanong ng guwardiya.

"Yung digi…" biglang natigilan si Alec ng may maramdamang kung anong mabigat sa bulsa ng kanyang pantalon. Tiningnan niya ito at nakitang may isang bagay ang nakasuksok doon. Dahan-dahan niyang ipinasok ang kanang kamay na nanginginig sa kanyang bulsa. Nang mahawakan niya ang bagay na nasa bulsa ay hindi siya makapaniwala. Nanlaki ang mga mata niya at natigilan ang kanyang paghinga.

Imposible!

Dahan-dahan niyang inilabas ang bagay na nasa kanyang bulsa at nakita ang kanyang digicam.

"Sir, ano nga ba yung naiwan niyo sa loob?"

Parang walang narinig si Alec. Mabilis niyang nilabas ang camera sa pouch nito at binuksan ang camera. Bagamat nanginginig ang mga kamay ay tiningnan niya ang mga litratong kinuha nila kanina ng mga batchmates niya sa loob ng training room.

Sa dulo ng kuwarto ay nakatayo ang isang babae. Nakasuot ito ng pulang blouse at maong pants. Nakatingin ito sa camera. Nakangiti.

Bumalik sa isipan niya ang nangyari sa loob ng training room. Muli niyang nakita galit na galit na mukha ng babae. Ang dugong tumulo mula sa mga mata nito.

"Sir, okay lang ba kayo?"

Hindi na narinig ni Alec ang sinabi ng guard. Hindi rin niya namalayan na nabitawan niya ang kanyang camera. Hindi na rin niya nalaman na halos kasabay niyang bumagsak sa sahig ang camera.