webnovel

Pagsisiwalat

"Carmen, bago ka mag-isip ng kung anu-ano, bakit hindi muna natin tanungin ang ating anak kung may kaugnayan ang kanyang bangungot sa plano nila Rizal at Bonifacio." Hinawakan ni Nelson ang dalawang kamay ng asawa at pinisil ito tanda ng kanyang pang-unawa sa kanyang mga alalahanin. "Mabuti pa at mag-"midnight snack" tayo upang mawala sa iyong isipan pansamantala ang mga saloobing iyan."

Hinila ni Nelson ang asawa palabas ng silid-tulugan at habang pababa ng hagdan ay nangako itong igagawa siya ng paborito niyang "chicken clubhouse sandwich."

Tamang-tama na bumaba rin si Miguel mula sa kanyang silid patungo sa kusina upang uminom ng tubig. Sa likod ng kanyang isip ay nagbabalak na siyang humanap ng tiyempo upang sabihin sa kanyang mga magulang ang napagpasiyahan nila ni Amihan na isiwalat na ang lahat ng mga nangyari sa kanila tuwing sila ay natutulog.

Habang umiinom ng tubig ay naramdaman ni Miguel na may mga yabag ng paa na papasok ng kusina. Kilala niya kung sino ang may-ari ng mga yabag na iyon. Lumunok siya at kumakabog ang dibdib na hinintay ang pagpasok ng kanyang mga magulang sa kusina. Hindi na siya pwedeng magtago pa o umiwas sa nakatakdang oras ng pagsisiwalat.

"O, Miguel, hindi ka pa natutulog?" tanong ng kanyang ina habang hinihila ang isang mataas na upuan sa ilalim ng mesa sa kusina. Umupo ito ng maayos habang binubuhos ang maligamgam na tubig mula sa pitsel sa kanyang baso. Parang may hinihintay siyang dapat sabihin ni Miguel kaya nakatingin ito sa anak habang iniinom ang tubig sa baso.

Si Nelson naman ay abalang naghahanda ng "sandwich" para sa kanilang tatlo. Kahit alas onse na ng gabi ay hindi pa sila inaatok. Tila ang bawat isa sa kanila ay may kanya-kanyang malalim na iniisip.

"Mama, Papa…may sasabihin po ako sa inyo." Bungad ni Miguel. Umupo na rin ito sa tapat ng kanyang ina. Hindi niya alam kung paano niya sisimulan ang kanyang nais na iparating sa mga magulang, yumuko ito habang pinagugulong-gulong niya ang baso sa dalawa niyang kamay.

Napahinto si Nelson sa kanyang ginagawa at lumapit sa kanyang asawa na nakapamaywang. Nakatingin sa anak na mas mataas na sa kanya ng anim na sentimetro. Mas malapad na rin ang balikat nito sa kanya at mas matipuno. Kahit napanatili ni Nelson ang isang maayos at malusog na pangangatawan sa patuloy na pagehersisyo, kita ang malaking pagkakaiba ng tindig at ganda ng katawan ni Miguel.

"Ma…Pa…matagal na akong nananaginip na namumuhay ako sa nakaraan…sa panahon nila Rizal at Bonifacio…pati si Amihan ay ganoon din. Ang panaginip namin ay parang totoo, parang naroroon kami sa lugar na iyon. Nararamdaman, nahahawakan, naamoy, natitikman, mga pakiramdam sa kasalukuyan na nararanasan din namin sa panaginip…." Pinagmasdan ni Miguel ang mukha ng mga magulang. Hinanda na niya ang sarili sa maaaring maging reaksiyon nila sa kanyang mga bibitawang mga salita. Subalit siya ang nagulat sa epekto nito sa kanyang mga magulang.

"Kung ano ang nangyayari sa amin sa kasalukuyan ay nangyayari din sa amin sa panaginip…katulad ng damdamin ko kay Amihan, yun din ang damdamin ng Miguel kay Amihan sa nakaraan…" Pagpapatuloy ng binata.

Nakatingin lang kay Miguel, na walang anumang bahid ng emosyon sa mukha, sina Nelson at Carol maliban sa pangungurap ng mga mata nila na tila may inililihim na kaalaman sa anak. Ngumiti ang mag-asawa sa binata. Matamis na ngiti, na tila nauunawaan nila ang mga sinasabi ni Miguel, ang isinukli nila dito. Subalit sa kanilang mga mata ay may bahid ng pag-alala.

"Siguro iniisip niyo na nababaliw na ako, ano? Hindi ako baliw!" Tumaas bigla ang boses ni Miguel nang walang matanggap na anumang mga salita mula sa mga magulang-nababaliw na marahil siya at hindi nila alam kung papaano nila ito tatanggapin at sasabihin sa kanya.

"Tanungin niyo pa si Amihan…pareho kami ng kalagayan. Sa katunayan ay siya ang unang nanaginip ng mga ito…" Napahimas ang isang kamay ni Miguel sa kanyang batok saka ginulo niya ang kanyang buhok sa pagkasiphayo.

Ilang sandaling katahimikan at narinig ni Miguel ang paghinga ng malalim ng kanyang ama. Napatingin siya sa lalaking kahawig niya ngunit mas matanda ang mukha. Tunay na hindi maipagkakaila na mag-ama sila liban sa kulay ng kanyang balat at sa hugis ng kanyang mga mata na nakuha niya sa magandang ina.

"Miguel, iho. Alam namin ang nadarama mo. Naniniwala kami sa iyo." Ipinatong ni Nelson ang isang kamay niya sa balikat ng binata nang makalapit na ito sa kanya.

Napakunot ang noo ng binata, may pagtataka sa kanyang tingin sa ama. Hindi makapaniwala sa narinig. "Talaga po…pe..pero…paano?"

"Patawarin mo kami, Miguel. Alam naming mangyayari iyan. Simula noong magkaroon kayo ng relasyon ni Amihan na higit pa sa magkababata, higit pa sa relasyon na inaanak namin siya at kinakapatid mo siya, alam naming mangyayari ito."

Hindi maunawaan ni Miguel ang ibig sabihin ng ama.

Ibig bang sabihin nito na hindi sila tutol sa relasyon nila ngayon ni Amihan at inaasahan nilang mangyari ito?

Ibig bang sabihin may alam din sila sa kalagayan ni Amihan? Na nananaginip ito katulad niya tungkol sa mga nakalipas na panahon at naroon sila na namumuhay doon na may ibang personalidad?

Ibig bang sabihin alam din nila ang ugnayan nila kay Rizal at kay Andres Bonifacio, maging sa Katipunan?

Subalit ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito? Bakit nangyayari ito sa kanila sa kasalukuyan-ang sabay na mamuhay sa nakaraan?

Kung susuriin, hindi ito katulad ng tinatawag ng iba na muling pagkakatawang-tao o "reincarnation." Hindi naman sila namatay ni Amihan noon at muling nabuhay sa ibang panahon. Sa panaginip nila sila muling namumuhay sa nakaraan. May kinalaman kaya ito sa kanilang kamalayan? Kapag nasa anyong tulog sila, doon sila namumuhay sa nakaraan? Paano kong hindi na sila magising, maiiwan ba sila sa nakaraan?

Habang pinagninilayan ni Miguel ang mga bagay na iyon, hindi lang siya nalito at natakot, kinabahan pa siya. Paano nga naman kung hindi na sila magising, makukulong silang dalawa sa nakaraan. Paano na ang mga mahal nila sa buhay sa kasalukuyan? Paano na ang mga pangarap nila, ang hinaharap?

"Miguel, hindi ko alam kung paano ko ipagtatapat ito sa iyo…" Napatigil si Nelson sa pagsasalita, parang may biglang pumasok sa kanyang isip na pumutol sa takbo ng kanyang pag-iisip. Napatingin ito sa asawa na mahinanon ang kalagayan ngunit may pag-alala sa kanyang mukha, tila humihingi ng saklolo. Alam niyang magagalit ang anak sa kanya sa mga susunod na mga katagang lalabas sa kanyang mga labi.

"…May mga dokumento kaming natuklasan mula sa aming mga ninuno. Nakasaad doon sa mga dokumentong iyon, sa henerasyon ninyo ni Amihan, may gagawin kayong isang malaking hakbang sa nakaraan upang baguhin ang takbo ng kasalukuyan." Si Carmen na ang nagpatuloy ng mga dapat sabihin ni Nelson. Natakot ang ama na baka magalit sa kanya ang anak, na para bang ipinagkakanulo niya ito lalo pa't buhay nito ang nakataya-buhay ng kanyang anak.

"Hindi ko talaga kayo maintindihan…" napapailing si Miguel, kulubot ang noo at kilay sa kalituhan.

"Miguel, kapag isiniwalat namin ito sa iyo, mauunawaan mo ba kami kung bakit namin inilihim ito sa iyo? Mapapatawad mo ba kami?" Hinawakan ni Carmen ang kamay ng anak at tinitigan ito na tila may bahid ng pagmamakaawa sa mga mata nito.

"Susubukan ko pong maunawaan upang matapos na ang lahat ng ito. Hindi ko na rin kayang dalhin ang bigat ng pasanin na mag-isa. Ipaunawa po ninyo ito sa akin sapagkat may kaugnayan din ito kay Amihan." Huminga ng malalim si Miguel, naghihintay sa sasabihin ng mga magulang.

"Tandaan mo sana ang kahalagahan nito - maaaring mabago ang takbo ng kasaysayan kung hindi natin gagawin ang ipinagagawa ng mga dokumento…" Napakagat ng labi si Carmen, kinakabahan.

"Ayon sa dokumento, kung walang babalik sa nakaraan, magiging mas madugo ang himagsikan. Hindi magkasundo si Bonifacio at Rizal sa paraan nang pagbabago sa lipunan sa ilalim ng mga Kastila. Lahat ay ibig nang mag-aklas, sumanib sa Katipunan. Dahil sa mga lathalain ng La Solidaridad ay napukaw ang isipan ng mga Pilipino sa mas mahinahong paraan. Hindi maiiwasan ang tadhana subalit maaaring maiwasan ang mas malaking pinsala. At dito kayo pumasok ni Amihan sa larawan."

"Kung iyong mapapansin, may dalawang taong nakahimlay sa loob ng kweba sa baba ng bahay sa burol. Mga magulang iyon ni Amihan sa nakaraan panahon. Sa isang eksperimento at imbensiyon, nakarating sila sa kasalukuyang panahon. Nakita nila ang naging dulot ng pakikipaglaban para sa kalayaan ng mga Pilipino-umuunlad na bansa. Subalit marami rin silang nakitang hindi maganda. Kaya sinulat nila ang mga dokumentong natuklasan namin. Naroroon ang mga dapat gawin sa nakaraan upang mabago ang kasalukuyan."

Tumigil sandali si Carmen sa pagsasalaysay sa mga nabasa niya mula sa mga dokumento. Sa katunayan ang mga iyon ay nasa kamay ng mga magulang ni Amihan. Dahil sa habilin ng mga ninuno nila, kinailangan nilang tuparin iyon. Sabagay, ayon sa mga nakasulat sa dokumento, kung magiging matagumpay sila, mas lalong magiging maganda ang kinabukasan ng bansa.

Nakasalalay ba sa kamay ni Amihan at Miguel ang kinabukasan ng bansa? Hindi ba isang malaking pananagutan ang ipinatong ng nilalaman ng dokumentong iyon sa balikat ng dalawang kabataan? Makakaya ba nila iyon? Ang mga bagay na ito ang biglang nagpahina sa kalooban ni Carmen. Noong una ay nais niya lamang sundin iyon ayon sa habilin, sa kalaunan nang makita niya ang tunay na mga pangyayari at nakita rin niya ang paghihirap sa kalooban ng anak, nagdadalawang isip siya kung ipagpapatuloy pa iyon.

Tila nababasa ni Nelson ang pag-aalangan ni Carmen nang makita nito ang mukha ng asawa. Mahinahon pa rin ito ngunit may kakaiba sa pahiwatig ng mukha nito na tanging siya lamang ang nakakabasa. Bilang asawa niya ng labing pitong taon, kabisado na niya ang pahiwatig ng bawat guhit, kilos at kulay na ipinapakita ng mukha ng asawa. Walang kamalay-malay si Miguel sa nababasa ng ama sa mukha ng ina.