Nang gabing iyon, hindi mapakali si Miguel sa kanyang pagtulog. Nakabukas naman ang "aircon" sa kanyang silid-tulugan ngunit pinagpapawisan siya. Nagsalubong ang kanyang mga kilay at may paninikip siyang naramdaman sa kanyang dibdib. Pabaling-baling ang kanyang ulo na tila nais niyang magising sa kanyang pagkakabangungot. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa gilid ng kutson ng kanyang kama. Umuungol na siya ng malakas na ikinagising ng kanyang ina.
Tumakbo si Carmen sa silid ng nag-iisang anak. Tinapik nito ang pisngi ng binata upang magising. "Miguel! Miguel! Gumising ka!"
Napamulat ang mga mata ni Miguel sa narinig na tinig mula sa ina at sa naramdamang tapik sa mukha nito. Napatingin ang nanlalaking mga mata nito sa mukha ng nag-aalalang ina.
"Binabangungot ka." Hinimas ng ina ang noo ni Miguel at pinahid ng kanyang palad ang mga butil ng pawis mula sa noo nito.
Napalunok si Miguel, tuyo ang kanyang lalamunan kaya napangiwi siya sa sakit. Napansin iyon ng kanyang ina. "Ikukuha kita ng maiinom. Samantala, magpalit ka muna ng iyong suot. Basang-basa ka ng pawis." May kinuhang isang kamiseta sa cabinet ang ina at iniabot iyon kay Miguel.
Nang makalabas na ang ina niya sa silid, saka umupo si Miguel at nagpalit ng kanyang pang-itaas. Ipinunas niya ang hinubad na pantaas ng kanyang pantulog sa kanyang pawisang mukha saka inihagis iyon sa basket ng mga maruruming damit. Napahinga ng malalim si Miguel.
Ang buong akala niya hindi siya apektado sa mga nangyayari kay Amihan kapag ang dalaga ay nananaginip. Ang buong akala niya si Amihan lang ang makakaranas niyon. Habang tumatagal at lumalalim ang kanyang pagkakasangkot sa buhay nang Amihan sa panahon ni Rizal ay lalong dumadalas din ang kanyang panaginip na katulad na katulad ng panaginip ni Amihan na kanyang kababata. Napapikit siya ng mata dahil sa kagilagilalas na sitwasyon niya. Hindi siya makapaniwala.
Muling pumasok si Carmen sa silid ni Miguel na may dalang isang basong tubig. Iniabot niya iyon kay Miguel at pinanood ang anak habang linalagok ang lahat ng laman ng baso. Tila uhaw na uhaw ang binata.
"Kumusta ang pakiramdam mo? Ayos ka lang?" May pag-alala sa tinig ng ina. Hinagod nito ang buhok ng anak at muling pinahiga sa kama. Inayos nito ang pagkakapatong ng kumot sa katawan ng binata.
"Ayos na ako, Mama. Salamat po." Ngumiti ang binata sa kanyang ina. "Magpahinga na po kayong muli."
Nang masiguro na maayos na nga ang kalagayan ng anak, lumabas na si Carmen sa silid at pinatay ang ilaw nito. Tanging ang ilaw sa lamparang nasa tabi ng kama ni Miguel ang nakasindi.
Nakatingin si Miguel sa kisame. Madilim ang silid ngunit ang mga anino sa kisame na gawa ng ilaw sa lampara ang tanging nakikita ni Miguel. Iba't ibang hugis iyon, tulad ng mga aninong nakita niya sa kuweba kung saan nakahimlay ang mga magulang ni Amihan.
'Ano ba itong napasukan ko? Bakit ba nasasangkot kami sa mga gawain ng La Solidaridad at ng mga katipunero samantalang nababasa ko lang sila sa aklat ng kasaysayan ng Pilipinas noon? Bakit kami lamang ni Amihan?' Napabuntonghininga si Miguel. Ano ba ang hiwaga sa pagkakahimatay ni Amihan? Ano ba ang hiwaga ng dalawang panahon kung saan sila umiiral?
Hindi malaman ni Miguel kung saan hahanguin ang kasagutan sa kanyang mga katanungan. Tila hindi naaapektuhan si Amihan sa kanyang mga panaginip. Tanging siya lamang ang nagtatanong sa sarili tungkol dito. Ni hindi nagsusumbong sa kanya si Amihan, kaya naitanong niya rin sa sarili kung nananaginip pa rin ba ito?
Nang mapagod si Miguel sa kaiisip ng mga bagay na ito, nakatulog rin siya sa bandang huli. Nang magising siya ay alas diyes na ng umaga. Mabuti na lamang at sa hapon pa ang kanyang mga klase. Agad siyang naligo, kumain at tumuloy sa paaralan gamit ang kanyang bisikleta.
Sa paaralan, may isang malaking grupo doon na mga mag-aaral na ang mga magulang ay mga dayong Filipino at mga tubong Canada na may lahing Filipino na nag-uumpukan sa malawak na damuhan. Nakaupo ang lahat sa damuhan maliban sa isang kayumanggi ang kulay na binata sa gitna ng mga nakapalibot na mga kabataan. Nakasuot ito ng kamiseta na kulay pula at may tatlong KKK na nakatatak sa harap nito. Tila nagsasadula ito ng buhay ni Andres Bonifacio at ng KKK. Paminsan-minsan may limang taong aarte sa gitna nila na nagpapahiwatig na mga katipunero sila.
Nagusyoso si Miguel sa nakakaaliw na pagsasadula ng mga iyon. Nakatayo siya sa ilalim ng isang punongkahoy na may limang metro mula sa mga nag-uumpukang mga kabataan. Habang nakikinig at nanonood siya, napansin niyang may ilang humihiyaw sa mga nakatutuwang galaw ng mga umaarte. Minsan naman ay katahimikan kapag nakakaantig ang inilalarawan ng mga nagsasadula. Doon niya narinig sa bibig ng mga umaarte ang petsa ng himagsikan nila Andres Bonifacio sa Pugad Lawin, Agosto 23, 1896.
Napatingin si Miguel sa kanyang relo at nabasa doon ang petsa, ika-12 ng Agosto. Limang araw na lamang ay anibersaryo na ng himagsikan. Kaya pala gumawa ng biglaang dula ang mga may lahing Filipino na mga mag-aaral. Isinasariwa nila ang bahaging ito ng kasaysayan ukol sa mahabang proseso ng pagkakaroon ng kalayaan ng Pilipinas. Ang himagsikan ang isa sa mga naging daan upang mapukaw ang damdamin ng mga mamamayang inaapi.
Limang araw. Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit halos gabi-gabi ay napapanaginipan niya ang mga tauhan sa bahay sa burol? Anong kinalaman nila ni Amihan sa petsang ito?
Pinilit ni Miguel na ituon ang kanyang isipan sa mga leksiyon. Saka na niya proproblemahin ang ibang mga bagay. Kailangang mag-usap sila ni Amihan. Nag-aalala siya na kung siya ay balisa dahil sa mga nangyayari sa kanila marahil ay mas balisa ang dalaga. Hindi nila ipinaaalam sa kanilang mga magulang ang kanilang mga panaginip kaya alam niyang walang magmamalasakit sa dalaga liban sa kanya.
Matapos ang kanyang mga klase sa hapon at nasisiguro niyang sa kabilang panig ng mundo ay gising pa si Amihan, nag-'chat' sila sa kanilang 'computer'.
Miguel: "Gaano ka kadalas managinip ngayon?"
Amihan: "Mas madalas kaysa noon. Para akong binabangungot tuwing nasa nakaraang panahon ako."
Miguel: "Nag-aalala ako sa iyo. Ano kayang kung sabihin na natin sa ating mga magulang ang mga bagay na ito bago may masamang mangyari sa atin?"
Amihan: "Natatakot ako baka isipin nila na nababaliw na ako."
Miguel: "Hindi ka ba natatakot na mamatay sa nerbiyos o bangungot? Katulad sa nangyari sa akin kagabi. Buti ginising ako ni Mama."
Amihan: "Hindi ako binabangungot, kaba ang naghahari sa akin. Tila hinihigop ako ng nakaraan. Pakiramdam ko buhay na buhay ang nakaraan na parang naroroon talaga ako, na iisa lang ang pagkatao namin ng Amihan sa panahong iyon."
Miguel: "Kaya nga nag-aalala ako. Paano kung isang araw ay makita na lamang natin ang ating mga sarili na namumuhay na sa nakalipas at hindi na tayo makabalik sa nakaraan?"
Amihan: Ganyan ba talaga ang pakiramdam mo, na ikaw si Miguel Ponce sa panahong 1896?"
Miguel: "Oo…."
Hindi na nakapagtipa si Amihan sa "keyboard" sa mga sinulat ni Miguel. Napaisip siya. Kailan ba nangyari na tila buhay na buhay sila sa lumang panahon? Lumilipad ang kanyang isipan.
Miguel: "Amihan, nariyan ka pa ba?"
Amihan: "Oo. Nagpasiya na ako. Sasabihin ko kila Papa at Mama. Ikaw?"
Miguel: "Sasabihin ko na rin."
Pinatay ni Miguel ang "computer" niya. Inayos niya sa kanyang isipan kung paano niya sasabihin ito sa mga magulang. Dalangin niya na sana ay hindi siya ituring na nasisiraan na ng isip bagkus ay maunawaan siya lalo pa't hindi lamang siya ang nakararanas ng ganito, maging si Amihan rin.
Sa kabilang panig ng Canada, alas dose y media na nang patayin ni Amihan ang kanyang "computer". Bukas na niya sasabihin sa kanyang mga magulang ang tungkol sa kanyang panaginip at ang kaugnayan nito sa kanyang pagkakawalang-malay ilang buwan na ang nakakaraan.
Napabuntonghininga si Amihan. Hindi madali ang kanyang gagawin. Ayaw na niyang bumalik pa sa ospital at kabitan ng iba't ibang mga aparato. Ngunit paano kung hindi sila maniwala sa kanya?
Noong gabing iyon, sa loob ng silid nina Nestor at Carmen Ponce, hindi mapakali ang dalawa. Habang nakaupo sa sopa sa loob ng kanilang maluwag na silid-tulugan, hawak ni Carmen ang kamay ni Nestor ng mahigpit. May pag-aalala sa mukha nito at nanlalamig ang kanyang mga kamay. Matagal na nakatanaw sa labas ng bintana ang babae saka dahan-dahang nilingon ang asawa na matagal na nakatitig sa kanya at naghihintay ng kanyang sasabihin.
"Nestor, kagabi, kinabahan ako nang bangungutin si Miguel. Hindi naman talaga binabangungot ang anak natin kahit kailan, hindi ba? Subalit kita ko sa mukha niya ang takot at pag-aalala. Hindi kaya oras na?" May bahid ng lungkot ang mga mata ng babae.
"Nalalapit na naman ang anibersaryo ng himagsikan, oras na. Malaki na si Miguel, disiotso na siya. Ito ang itinakdang gulang upang siya ay makatulong sa ating bayan." Niyakap niya ang asawa at hinalikan ang noo nito.
"Bakit siya? Bakit si Amihan?" May nginig sa tinig ni Carol na tila biglang babagsak ang luha na nangingilid sa kanyang mga mata. "Wala na bang iba?"
"Kung hindi lang sana mga ninuno natin si Mariano Ponce, at hindi ninuno ni Amihan si Marcelo del Pilar, malamang iba ang tutugon sa mga plano ni Rizal."
"Ngunit matagal na silang patay, matagal nang pinatay si Rizal sa Bagumbayan….kailangan bang tayo ang magpatuloy ng plano nila…ang mga bata? Si Miguel at Amihan?"
Ipagpaumanhin ninyo kung may mga pagkakamali ako. Mas ninais kong maglabas ng bagong kabanata agad sapagkat may ilang araw ding napuputol ang kuryente sa aming lugar.
Salamat sa pagsubaybay!