webnovel

Dr. Cruz

Kinabukasan naisipan ni Leo na dalawin si Dr. Cruz sa Mount Carmel Hospital.

Kailangan niya ng opinyon ng isang dalubhasa tungkol sa mga pasyenteng inilalagay sa malalim na estado ng pagkakatulog upang alamin ang nangyayari sa kanilang utak habang nasa lagay na iyon. Naalala niyang si Dr. Cruz ang duktor na tumingin kay Amihan noong ito ay nahimatay at nalagay sa "coma."

Ibig malaman ni Leo kung magagawa nila Amihan at Miguel ang kanilang misyon habang nasa mahaba at malalim na tulog at kung papaano ito magagawa at kung ito ay ligtas para sa dalawang kabataan.

Hindi niya man ibig experimentuhan ang dalawa ngunit ano pa ba ang magagawa niyang paghahanda upang magampanan ang misyon.

Mas madali pa siguro ang papuntahin ang dalawa sa buwan kaysa pabalikin sila sa nakaraan. Mas nalalagay ang kanilang buhay sa peligro sapagkat baka hindi na sila makabalik sa kasalukuyan.

Ang tanong: maniniwala kaya sa kanya si Dr. Cruz sa mga isisiwalat niyang mga di-pangkaraniwang nagaganap sa kanyang anak na si Amihan. Mapapaliwanag kaya ng siensiya ang mga nangyayari sa anak habang ito ay natutulog at nananaginip?

Paano kung matulog lang si Amihan at Miguel at hindi managinip, may magaganap bang pagtatagpo sa mga tauhan sa nakaraan? At kung magising muli, maghihintay na naman sila na sila ay muling matulog upang makabalik sa nakaraan. Gaano kahaba ang panahon na kailangan nila?

Ito ang mga bumabagabag sa isip ni Leo noong gabi. Hindi siya makatulog ng maayos. Nakahiga lamang siya sa kama na nakapatong ang ulo sa isa niyang braso habang nakatingin sa kisame at pinakikinggan ang mahinang paghinga ng asawa sa tabi niya.

Sumilip na ang araw sa likod ng namumulang ulap nang maisipan ni Leo na maligo na at magbihis. Nakapagpasiya na siyang kailangan niya ang isang dalubhasa at ang tulong nito. Makikipagsapalaran siya kay Dr. Cruz kahit pa isiping nawawala na siya sa katinuan. Mahal niya si Amihan at mahal niya ang kanyang mga ninuno at kanyang bansa upang ipaglaban ang kinabukasan ng mga ito.

Mahimbing pang natutulog si Ditas sa kama, nasa may tuhod na nito ang kumot na nasipa niya. Dahan-dahang hinila ni Leo pataas sa may dibdib ni Ditas ang kumot at inipit iyon sa magkabilang braso nito. Pinagmasdan niya ang magandang asawa. Sa kanya nga nagmana ang magandang mukha ni Amihan. Iniyuko ni Leo ang kanyang ulo saka hinalikan ang noo ng asawa.

Tulog pa ang mga katulong subalit ang si Mang Roger, ang tagapagmaneho ay gising na. Nagsimula na itong hugasan ang sasakyan na gagamitin ni Leo. Nagulat ito nang makitang nakatayo si Leo isang metro mula sa masabong sasakyan. "Sir, napakaaga niyo yatang gumising. Saan po ang lakad natin?"

"Masasamahan mo ba ako sa Mount Carmel Hospital?" Tanong ni Leo habang nakapamulsa ang mga kamay nito sa kanyang pantalon. Napatingala siya sa asul na langit, nakatago na ang mga bituin at ang buwan.

"Sige po. Ihahanda ko lang po ang sasakyan." Mabilis na pinunasan ni Mang Roger ang katawan ng sasakyan at hinugasan ang mga gulong nito.

Tumalikod na si Leo at pumasok sa kusina upang maghanda ng kape. Dalawang tasa ng kape ang inihanda niya. Lumabas siya muli ng kusina at naglakad papuntang garahe kung saan pinakikintab na ni Mang Roger ang makinis na katawan ng sasakyan.

Iniabot ni Leo ang isang tasa ng kape sa tagapagmaneho. "Kape muna tayo, Mang Roger. Pampainit ng sikmura."

Tinanggap ni Mang Roger ang kape na may ngiti sa kanyang mukha. 'Napakabuti talaga ni Sir Leo, at pati na rin si Madam Ditas.' Sabi nito sa kanyang sarili. Mahigit sampung taon na siyang nagmamaneho sa pamilya Del Pilar. Ni minsan ay hindi siya nakaranas na maltratuhin siya ng mga ito kaya naman hanggang sa ngayon ay naninilbihan pa rin siya. "Salamat po, Sir."

"Naka-duty si Dr. Cruz ngayon sa ospital. Bago man lang siya umuwi kailangan ko na siyang makausap." Sumandal si Leo sa may pintuan ng kotse habang pinapanood si Mang Roger na hinihigop ang mainit na kape.

Nang marinig iyon ni Mang Roger, inisip niya na baka nagmamadali si Leo kaya agad niyang ininom ang mainit na kape habang ramdam niyang pinapaso nito ang kanyang dila at lalamunan. Napaluha siya sa sakit at hapdi dulot ng pagkakapaso ng mainit na kape. Agad niyang pinunasan ang gilid ng kanyang mga mata. "Sakay na po, Sir Leo."

"Huh?" Nagtaka si Leo sapagkat pinasasakay na siya ni Mang Roger sa kotse gayong hindi niya pa nauubos ang kanyang kape. "Di pa ako tapos magkape. Ikaw, tapos ka na agad?"

Napakamot ng bumbunan si Mang Roger. Hindi niya masabi ang ginawang pagmamadali sa pag-inom ng mainit na kape sa pag-aakalang nagmamadali siya. "Opo. Hindi na po kasi masarap ang kape kapag malamig na."

"Oo nga. Subalit ang tamang pag-inom ng kape ay yung inaamoy ang halimuyak ng dinurog na buto ng kape habang mainit ito." Inilapag ni Leo ang tasa ng kanyang kape sa isang mesa at pumasok na sa loob ng sasakyan.

Pagdating nila sa ospital, binilinan ni Leo si Mang Roger na hintayin siya sa lugar paradahan na isang gusal sa tabi ng ospital. "Tawagan mo si Mam Ditas mo at ipaalam na nasa ospital pa tayo. Kung ano man ang lakad nila ngayon nila Carmen ay sa hapon na nila gawin." Tumango si Mang Roger na may pag-unawa.

Napagalaman ni Leo na nasa kanyang pribadong silid pa si Dr. Cruz. Agad itong kumatok sa silid nito at isang maliit na sekretarya ang nagbukas ng pintuan. Nagulat ito sa nasilayan. Isang may-edad na lalaking matangkad na matikas ang katawan at magandang tindig. May mangilan-ngilang kulay puti na buhok ang pumapalamuti sa may patilya nito na hindi nagpabawas sa magandang anyo nito. Nanlaki ang mga mata ng sekretarya. Bihira siyang makatanggap ng ganoong uri ng panauhin na may daladalang kakaibang damdamin na nagdudulot ng pagkamangha at paghanga. Agad nitong pinatuloy si Leo sa isang maliit na silid tanggapan bago ang opisina ng duktor.

"Ako si Leo del Pilar. Wala akong appointment kay Dr. Cruz, pasensya na." Pakilala ni Leo habang nakasilid sa bulsa ng kanyang pantalon ang mga kamay nito.

"Ipaaalam ko po kay Dr. Cruz ang inyong pagdating." Agad na tumalikod ang sekretarya at pumasok sa opisina ng duktor. Ilang sandali pa ay lumabas na ito at pinapapasok na sa loob.

Nagkamay si Dr. Cruz at si Leo matapos batiin ang isa't isa. Pinaupo ni Dr. Cruz si Leo sa sopa sa harap ng kanyang malapad na mesa. Sinundan niya rin ito ng upo sa harap ng panauhin.

"Naabala ko kayo Doc. Ngunit may mahalaga akong sadya nauukol kay Amihan." Seryoso ang mukha ni Leo na tiningnan ng maigi ang mukha ng duktor. Nagpang-abot ang kanilang tingin na tila pareho silang may malalim na sasabihin.

Ibubuka pa lamang ni Leo muli ang kanyang bibig ay muling pumasok ang sekretarya na may dalang dalawang basong tsaa. Matapos ilapag ang bandehado ng may lamang mga tasa ng tsaa, pinasalamatan ng dalawang lalaki ang sekretarya sa kanyang pag-aabala.

Halos magkasinggulang si Leo at si Dr. Cruz. Naging malapit sila sa isa't isa gawa ng madalas na pagdalaw ni Amihan sa duktor noong mga unang linggong hinimatay siya. Sa kanyang pagsusuri kay Amihan, may mga bagay na hindi niya maunawaan. Naniniwala siya na sadyang may nangyayaring milagro kahit sa isang taong nalagay na sa "coma" na nagising na at gumaling. Subalit ang dahilan din ng pagkakalagay nila sa sitwasyong iyon ay dahilan na rin sa isang medikal na kondisyon ng katawan, halimbawa, inatake sa puso o may bara sa utak. Subali't sa kalagayan ni Amihan, nahilo lamang ito at natulog na ng matagal.

Wala rin itong kondisyon sa kalusugan at wala rin namang nakitang anomaliya o deperensiya sa utak. Marahil may mga bagay na hindi lang din kayang ipaliwanag ng siyensiya.

Isinalaysay ni Leo ang mga kaganapan kay Amihan maging kay Miguel sa duktor. Nabigla ang duktor sapagkat totoo ngang may mga bagay na hindi kayang maunawaan ng isip. Hindi rin niya akalain na mararanasan ni Amihan na bumalik sa nakaraan. Ngunit marahil ay kailangan niya pang suriin si Amihan ng mabuti upang masigurong hindi ito gawa ng kathang isip lamang, o dumaranas siya ng isang delusyon. Hindi rin kayang tanggapin ng duktor sa ngayon ang nais na ipagawa ni Leo sa kanya, ang patulugin ang anak at si Miguel upang makabalik sa nakaraan.

"Inaasahan kong ililihim mo ito, Dr. Cruz para sa kapakanan ng aking pamilya." Sabi ni Leo. Hindi na niya inilahad ang mahabang kwento kung bakit nila dapat tuparin ang misyon.

"Makakaasa ka Leo. Ngunit kakailanganin ko pa rin ang kuro-kuro ng ibang mga dalubhasa sa larangan ng pag-iisip. Kung ang akin lamang na kaalaman ang aasahan, inaamin kong limitado pa rin ito." Pangako ni Dr. Cruz. Hindi na tumutol si Leo. Naniniwala siya sa katapatan at pagiging propesyonal ng duktor.

Noong araw ding iyon, nabahala si Dr. Cruz sa kalagayan ni Amihan. Hindi niya agad pinaniwalaan ang mga isinalaysay ni Leo ngunit papaano niya sasabihin iyon sa panauhin na hindi makakasakit ng loob. Subalit naintriga din siya sa mga sinabi nito tungkol sa paulit-ulit na panaginip ng dalaga. Dapat makausap si Amihan upang lalo siyang maliwanagan.

Matapos ang apat na oras na tulog, sinimulan na niya ang pagkakalap ng impormasyon tungkol sa kalagayan ni Amihan mula sa mga aklatan, sa internet. Humingi na rin siya ng kuro-kuro mula sa mga kakilala niyang mga dalubhasa. Lahat ng ito ay ginawa niya sa loob ng apat na araw.

Samantalang pinag-uusapan na nila Leo at Nelson ang tamang petsa upang ilagay ang dalawa sa pagtulog na mahaba sa pagsisimula ng misyon. Hindi na nila magagamit ang araw ng anibersaryo ng Sigaw sa Biak na Bato upang pabalikin ang dalawa sa nakaraan. Marahil ay mabuti rin ito sapagkat mapanganib para sa dalawa ang araw na iyon.

"Hindi kaya mainam na gamitin natin ang normal na oras ng tulog ng dalawa upang bumalik sa nakaraan. Ang nais kong malaman ay kung ano ang epekto kung ang isa ay tulog at ang isa ay gising." Pag-iisip ni Nelson. Wala pang kasagutan si Dr. Cruz sa kanilang mga katanungan at hindi pa ito nakikipagbalitaan sa kanila kaya susubukan muna nila ang natural na paraan bago ang opiniyon ng mga eksperto.

"Ano kaya kung mamayang gabi ay subukan natin. Kung ano ang mangyayari kung si Amihan lamang ang tulog at gising si Miguel." Mungkahi ni Leo. "Tutal may jetlag pa si Miguel at baka nahihirapan pa itong masanay sa oras sa bansa."

"Magandang mungkahi iyan. Kami ni Carmen ang magbabantay sa dalawa at isusulat namin ang resulta."

Noong gabing iyon, matapos kumain ng hapunan kinausap nila Leo at Nelson, Ditas at Carmen ang kanilang mga anak tungkol sa balak nilang ito.

"Wala ka bang gawaing bahay, Amihan?" tanong ni Ditas sa anak.

"Mayroon nga po. Subalit madali lamang iyon. Hindi na kakailanganin ang buong magdamag upang gawin ang mga asignatura ko. Kapag inantok ako, matutulog na ako kahit hindi ko pa tapos ang aking ginagawa." Sagot ni Amihan.

"Mabuti naman kung ganoon. Makakasama mo sa silid si Tita Carmen mo. Huwag kang matakot." Hinimas ni Ditas ang mahabang buhok ng anak saka hinalikan ang pisngi nito.

Tumango lamang ang dalaga.