webnovel

Tulog

Alas diyes ng gabi ng makadama ng antok si Amihan. Naka-suot na siya ng kanyang damit pantulog. Lumabas siya ng silid patungo sa silid ng mga magulang.

Kumatok ng marahan si Amihan. Hindi niya tiyak kung tulog na ang mga magulang o gising pa. Nang may sumagot pa sa kabila ng pinto, pumasok siya loob ng silid.

"Mama, Papa, matutulog na po ako." Sabay upo sa kama at humalik sa pisngi ng mga magulang. Niyakap naman siya ng kanyang ama.

"Ngayon ka lang natapos sa iyong takdang aralin?" tanong ni Leo habang pinipisil ang mapupulang pisngi nito.

"Opo, medyo marami kasi. Sa susunod na linggo ay pagsusulit na namin."

"Bueno, sasabihan ko na ang ninang mo upang samahan ka." Tumayo si Carmen sa kama at nagsuot ng bata na kinuha niya mula sa ibabaw ng bangko sa may paanan ng malapad na kama.

"Tutuloy na po ako sa aking silid upang maghanda sa pagtulog." Bumaba na rin si Amihan mula sa kama at sumunod sa ina.

Isinisilid ni Amihan ang mga gamit sa loob ng kanyang bag nang bumukas ang pintuan ng kanyang silid. Pumasok si Carmen, sumunod naman si Miguel. Hindi na pumasok pa si Ditas, kumaway na lamang sa anak at bumaling kay Carmen na may tingin na nangungusap na ingatan ang anak. Tumango at ngumiti si Carmen sa kanya bago ipininid ang pinto.

"Handa ka nang matulog?" tanong ni Carmen kay Amihan.

"Inaantok na nga po ako." Biglang napahikab ang dalaga at napatawa sa inasal. Hindi na talaga maitago ang antok nito. Napatawa lang din si Carmen at Miguel.

Ipinatong ng buong ingat ni Miguel ang kamay nito sa ulo ni Amihan na naramdaman naman ng dalaga na tila balahibo lamang ang nakapatong doon. "Managinip ka sa tungkol sa akin." Malamlam ang mga mata nito.

Napahagikgik lamang si Amihan. Nahihiya siya sa asal sa kanya ni Miguel sapagkat naroroon ang ina nito na nagmamasid. "Sana nga panaginip hindi bang...." Hindi na tinapos pa ni Amihan ang sasabihing pambubuska kay Miguel nang masulyapan ang ina nito na nakataas ang dalawang kilay na tila bagang nagtataka sa paraan ng pakikipag-ugnayan ng dalawang ito.

"Bangungot?" Tinapos ni Miguel ang naputol na mga kataga mula sa labi ng dalaga. Pinisil ni Miguel ng marahan ang ilong ng dalaga. "Subukan mo lamang at makikita mo sa iyong panaginip kung paano kita parusahan."

"???" Namula ang mga pisngi ng dalaga. Tinakpan ang bibig ni Miguel ng kanyang maliit na palad.

'Kalalaking tao nito, napakadaldal.' Napapikit sandali si Amihan sa inis.

"Miguel, lumabas ka na at huwag nang gambalain pa si Amihan. Inaantok na ang kababata mo." Tila hindi nakatiis si Carmen sa matamis na turingan ng dalawa sa isa't isa. Natatakot siya na baka mawala ang antok ng dalaga at mahirapan itong makatulog na makakaapekto sa paggising nito sa umaga. Isa pa, kailangan niya ng resulta ngayon para makatulong sa mga susunod na hakbang na kanilang gagawin.

Nang mapag-isa na sina Amihan at Carmen sa silid, naupo si Carmen sa upuan sa harap ng mesang pang-aral ng dalaga. Hawak ang lapis sa ibabaw ng malinis na papel, nagsulat si Carmen sa lahat ng kanyang napapansin sa pagtulog ni Amihan. Mula sa posisyon ng dalaga, sa bilang ng paghinga tuwing 15 minutos, sa paggalaw ng mga talukap ng mata nito, sa ingay o tunog na maririnig.

Makalipas ang 15 minuto, mas mabilis na ang galaw ng mga talukap ng mata ni Amihan at sari-sari nang emosyon ang makikita sa mukha nito...

1896

Nasa ilalim ng malaking puno sa ibabaw ng burol si Amihan kasama ng kanyang Lolo Salvador. Malakas ang hangin sa lugar na iyon kaya gulong-gulo ang nakalugay na mahabang buhok ng dalagang. Tila itim na alon ang mga buhok na ito na humahampas sa magandang bilugang mukha ng dalaga.

"Amihan, may nababalitaan kaming may magaganap na himagsikan. Magtatago tayo sa loob ng kuweba. Hindi tayo dapat maiwan sa gitna ng dalawang malaking batong magsasalpukan." Malamlam na sabi ni Lolo Salvador habang nakatingin sa malayo.

"Lolo, nakatulong sa mga tao ang mga padala ni Tiyo Marcelo na mga pahayagan at mga babasahin upang mapukaw ang kanilang isip at damdamin. Ito naman ang inaasahan natin di ba?" tanong na may pagtataka ni Amihan. Bakit may kinatatakutan ang Lolo Salvador niya tungkol sa magaganap na himagsikan? May nalalaman ba ito na hindi niya isisiwalat sa kanya?

"Tama ka diyan. Subalit hindi ninyo kailangang masangkot sa himagsikang ito. Tama na na nakatulong kayo sa inyong maliit na paraan. Bukas na bukas din ay lilikas tayo ng mga tiyahin mo sa loob ng kuweba." Binaling niya ang tingin sa maamong mukha ng dalaga. Pinagmasdan niya ito na may kurot sa kanyang puso. Nakakaawa ang kanyang ulilang apo. Bakit kailangan niyang magdusa sa buhay na ito.

"Papaano ang mga tao? Hindi rin ba nila kailangang sumilong sa kuweba?" Nag-aalalang tanong ng dalaga nang maalala ang kanyang mga kaibigan na nakatira sa paanan ng burol.

"Nagtipon-tipon ang mga pinuno ng pamilya noong isang gabi at napagkasunduan na lumikas na muna. Alam na nila kung saan sila pupunta. Hindi tayo dapat mahuli ng mga Kastila sapagkat papatayin nila ang lahat na nababalitaang sumusuporta sa himagsikan."

"Lolo, si Dr. Jose Rizal, iba ang kanyang paniniwala, anong mangyayari sa kanya? Nabalitaan kong dadalhin daw siya sa Bagumbayan."

"Ikinalulungkot ko, Amihan, na totoo ang balita. Hindi na sila magkasundo ni Andres Bonifacio at ng mga katipunero. Tunay na magkalayo ang kanilang paniniwala. Ang isa ay nais ng dahas, ang isa ay sa mapayapang paraan. Pero sa ganang akin, pareho ang nararapat para sa ating bansa."

Nanahimik si Amihan.

Maaari nga kayang may magandang kahihinatnan ang dalawang magkasalungat na pamamaraan ng pagkamit ng kapayapaan at kalayaan?

Mahinang umuungol si Amihan na pabaling-baling ang ulo bago nito bahagyang naimulat ang kanyang mga mata. Nang masanay ang mga mata nito sa malamlam na ilaw na bumabalot sa kanyang silid mula sa maliit na ilawan sa kanyang aralang-mesa, napatingin ito sa dalawang matang nakatunghay sa kanya.

"Amihan, ayos ka lang ba?" Mahinang tanong ni Carmen.

Tumango ang dalaga at ininom ang isang basong tubig na nasa lamesita sa tabi ng kama niya. Mula nang managinip siya ng ganitong uri, lagi na siyang may pitsel at isang baso sa loob ng kanyang silid.

"Tita, hindi pa kayo natutulog? Anong oras na po ba?" tanong ni Amihan na napatingin sa isang orasan sa kanyang tabi. Alas dose pa lamang. Mahigit isang oras pa lamang siyang natutulog?

"Hindi pa ako inaantok. May jetlag pa ako at sa hapon ako natutulog. Nanaginip ka ba?"

"Opo. Ilang araw din akong walang panaginip tungkol sa nakalipas na panahon. Nito lang uli."

"Maaari mo bang ikuwento sa akin ang iyong panaginip?"

Isinalaysay ni Amihan ang kanyang panaginip. Tanging sila lamang ni Lolo Salvador ang mga tauhan sa panaginip na iyon at isang oras at kalahating oras lamang ang nakonsumo niya sa pagtulog sa panahong naroroon siya sa nakaraan.

"Lagi bang nagigising ka sa kalagitnaan ng gabi kapag natatapos na ang panaginip mo?"

"Opo. Nagigising agad ako at pakiramdam ko ay parang pagod na pagod ako. Kaya lagi akong may baso ng tubig." Napasulyap si Amihan sa labas ng bintana, nakakunot ang noo. "Minsan po kapag mahaba ang aking panaginip, matagal din po bago ako magising. Putol-putol po ang aking panaginip na parang nanonood lamang ng palabas. Bigla ring nababago ang panahon at ang aking mga kahalubilo doon. Ang nakapagtataka ay kung bakit naaalala ko ang lahat kahit sa aking paggising…klaro ang mga iyon sa aking isip at tila bagang naroroon ako…"

Hinimas ni Carmen ang mukha ng dalaga na may bahagyang ngiti sa kanyang mga labi. "Matulog ka na uli at may pasok ka pa bukas."

"Opo." At humiga na muli si Amihan. Ngunit hindi pa ito pumikit agad. Tila may malalim na iniisip na nakatitig lamang sa kisame. Hindi ito ginambala ni Carmen at pinagmasdan lamang.

Maya-maya ay tumagilid si Amihan, hinarap ang pader. Hindi naglaon ay naging pantay-pantay ang paghinga ng dalaga, nakatulog na ito ng mahimbing. Isinulat ni Carmen ang lahat ng kanyang napagmasdan ng gabing iyon pati ang mga isinalaysay ni Amihan sa kanya.

Kinabukasan, nang makapasok na si Amihan sa paaralan, saka pa lamang kumain ng agahan ang apat na magkakaibigan. Ipinabasa ni Carmen ang mga isinulat niya noong gabing iyon.

"Tulog ba si Miguel noong mga oras na nananaginip si Amihan?" tanong ni Leo.

"Nanonood ng telebisyon sa veranda. Magkasama kami kagabi." Sagot ni Nelson.

"Hmm. Kaya siguro wala siya sa panaginip sapagkat hindi pa rin siya natutulog." Pagpapalagay ni Leo.

-----

Apat na araw ang nakalipas nang tumunog ang telepono ni Leo. Nang masilayan niya ang pangalan ni Dr. Cruz, sinagot niya agad ito.

"G. Del Pilar, magandang umaga, si Dr. William Cruz ito." Nasa ospital nang tumawag si Dr. Cruz.

"Magandang umaga din po. May maganda ba kayong balita?" Biglang lumaks ang tibok ng puso ni Leo, tila may inaasahan mula sa manggagamot na ikinasiya niya.

"Maaari ko bang makausap si Amihan? Marami akong nais na itanong sa kanya upang mapabulaanan ang mga hinala ko." Inilihis ni Dr. Cruz ang tingin niya mula sa labas ng bintana patungo sa mga dokumento sa kanyang mesa.