webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Ciudad
Sin suficientes valoraciones
165 Chs

Nagkagusto Ka Ba Sakin?

Tumanggi naman si Lin Che. "Syempre hindi pwede! Ang ginagawa ko nalang talaga ay hindi sila pinapansin. Okay lang ako basta't iiwasan ko lang sila at tiyaking hindi sila makakalapit sa akin."

"Tutal ganito ka naman talaga kahina, tama ngang iwasan mo nalang sila kung maaari."

Sobrang pasasalamat ni Lin Che na tinutulungan siya ni Gu Jingze sa mga ganito. Pakiramdam niya'y sobra-sobra na ang ginagawa nito para sa kanya.

Sa kabilang ibayo naman, nang makauwi na si Lin Yu ay walang habas na minura at siniraan nito si Lin Che sa harap ng mga nandoon. Nasa loob lahat ng pamilya nila pati na rin si Qin Qing. Nanggagalaiting sinabi ni Lin Yu, "Sa wakas ay naging isa na siyang sikat na artista at sinwerteng makabingwit ng matabang isda. Kalimutan nalang natin na hindi man lang niya kami ng kapatid at ama niya, sinalubong nang maayos doon; pero alam niyo kung anong ginawa niya sa amin? Sinadya niya talagang ipahiya kami doon. Sinasabi ko na nga ba eh. Hindi na dapat tayo lumapit at humingi sa kanya ng tulong. Bakit naman niya tayo tutulungan? Plano lang talaga niya na pabagsakin ako. Pinapunta niya kami doon para kako tulungan kami, pero ang totoo ay gusto niya lang gamitin ang pagkakataong iyon para ipahiya kami. Hmmph."

Pagkatapos mailabas ang galit ay padabog na pumasok si Lin Yu sa kanyang kwarto.

Kinabukasan ay nagpunta si Lin Che sa kanilang filming venue. Nakasunod sa kanya si Yu Minmin at ang dalawa pang assistants na ipinadala ng kanilang kompanya. Sa katunayan ay pakiramdam ni Lin Che na hindi naman niya kailangan ng maraming alalay. Pero sinabi ni Yu MInmin na mainam na tanggapin nalang iyon tutal eh ang kompanya na ang nag-alok at bilang pagpapakita na rin ito ng suporta sa kanya. Iisipin nalang niya na tinutulungan niyang magkaroon ng karanasan ang mga baguhang assistants.

Ang isa sa dalawang assistants ay si Tao at ang isa naman ay si Xiao. Palagi silang nakasunod sa kanya saan man siya magpunta at paroo't-parito sa pag-asikaso ng mga kailangan niya. Dahil sa presensya ng dalawa ay hindi na niya kailangan pang gumawa ng kahit ano.

Sa loob ng site ay madali niyang nakapalagayang-loob ang lahat at maganda rin ang takbo ng kanilang filming. Mayroon din siyang sariling space sa waiting room. Ginawan siya ng maiinom ng kanyang mga alalay. Ayon sa mga ito, maganda raw sa balat ang tubig-lemonada at maganda rin daw sa katawan ang mga prutas. Sa hapon naman ay sinadya siyang lapitan ng mga assistants at tinanong kung ano ang gusto niyang kainin.

Nag-order siya ng makakain at inalok ang dalawa para kumain din kasabay niya.

Hindi makapaniwalang nakatingin si Tao sa napakaraming pagkain na mataas ang calories, "Miss Che, okay lang ba na kumain ka ng mga ito? Hindi ka ba tataba?"

Ngumiti lang siya. "Mas marami ang tubig sa katawan ko kaya hindi ako gaanong nadadagdagan ng timbang. Kung sakali mang bumigat ako o tumaba nang kunti, hindi nalang ako kakain nang dalawang araw tapos, payat na ulit ako."

Naiinggit naman nang sobra si Tao, "Papatayin mo na talaga sa inggit sa'yo ang lahat ng nandito."

Sa una ay natatakot sa kanya ang dalawang assistants. Pero hindi nagtagal ay napansin nila na hindi naman siya nakakailang at hindi katulad ng ibang artista na matipid at sensitibo sa pagkilos. Kung kaya dahan-dahan ay naging komportable at nagsimula na silang makipagkwentuhan sa kanya.

"Akala ko ay mahirap dito sa lugar ng filming. Pero mukhang okay naman ah," sabi ni Xiao.

Habang kumakain ay sumagot si Lin Che. "Ako din nung una. Nahirapan din ako. Pero ngayon, mas maganda na ang pag-aasikaso sa akin ng production team. Binigyan pa nga nila ako ng waiting room na ito. Pero noon, palagi lang akong nasa labas. Maghahanap lang ako ng isang sulok, maglalagay ng upuan, at maghihintay na tawagin ang pangalan ko kung eksena ko na."

Sabi naman ni Tao, "Syempre, ikaw na ang bida ngayon. Kung kaya, tama lang na may sarili kang waiting room. Maaliwalas din naman ang paligid dito."

"Miss Che, balita ko eh kailangan munang maging assistant nang ilang buwan kapag nagsisimula ka palang. Nagtrabaho ka din ba bilang isang assistant noon?"

"Oo. Kalahating taon akong naging assistant noon."

Pagkasabi niya nito ay mas nilakihan pa niya ang pagsubo ng mga pagkain at naalala kung gaanong hirap ang tiniis niya noon. Pero ganunpaman, masaya rin siya kapag naaalala niya ang mga iyon dahil okay na ang kalagayan niya ngayon.

Maya't-maya ang paglapit ng kanyang mga katrabaho para batiin siya. Simple lang ang takbo ng isip niya kaya madaling panahon lang ang kinailangan niya para makilala lahat ng kanyang katrabaho mapa-maliit man o malaking pangalan na mga artista. Hindi rin nagtagal ay natapos na ang kanyang mga eksena para sa araw na iyon. Alam na ni Yu Minmin ang gagawin kaya ito na mismo ang nag-order ng mga barbecue para pakainin ang lahat ng nandoon.

Nakaalis lang si Lin Che nang matapos nang kumain ang lahat. Dumiretso sila ni Yu Minmin sa mall para dumalo sa isang event doon. Pagkatapos ay nagmamadali din siyang umalis. Pero bago pa man siya tuluyang makalabas ay hindi inaasahang nakasalubong niya si Qin Qing.

Noon niya lang naalala na ang mga Qin pala ang may-ari ng mall na iyon.

Habang nakatingin kay Lin Che ay nanatili lang na nakatayo si Qin Qing. Nakangiti si Lin Che habang naglalakad palapit sa direksyon niya. Sa kabila ng nagsisiksikang mga tao, nangingibabaw ang payat at maliwanag nitong karisma.

Ngumiti rin si Qin Qing at humakbang palapit. "May dinaluhan kang event dito?"

"Oo. Nakalimutan ko na kayo pala ang may-ari ng mall na ito. Edi sana ay kinuha ko muna ang pabor mo nang sa gayon ay mas malaking pera ang naipon ko dito," pabirong sagot ni Lin Che.

Patuloy lang sa pagtitig si Qin Qing at sinabi, "Kailangan mo pa rin ng pera ngayon?"

"Syempre naman oo. Kailangan ko ng pera," sabi ni Lin Che habang naglalakad kasabay ni Qin Qing.

May naalala si Qin Qing kaya lumingon ito sa kanya. "Balita ko ay pinuntahan ka raw ng pamilya mo sa bahay ni Gu Jingze nitong nakaraan?"

Bago pa man mangyari iyon ay nahulaan na niya ang mangyayari. Alam niyang kapag nakauwi na ang mga ito ay gagawa ng kwento ang mga ito na malamang ay hindi pabor sa kanya.

"Oo. Ano na naman bang ginawa nila nang makarating sa bahay?" Tanong ni Lin Che habang nakatingin kay Qin Qing.

"So tama nga ang hinala ko na may hindi magandang ginawa ang kapatid mo."

"sa totoo lang, ayaw ko din namang gawin iyon sa kanya. Pero siya mismo ang gumawa nun sa sarili niya. Alam niya yun. At isa pa, wala akong sinabi na kahit ano at wala rin akong ginawa na kahit ano sa kanya. Sadyang hindi ko lang talaga sila kayang pigilan dahil sila mismo ang naghahanap ng sarili nilang kamatayan. Kaya, anuman ang gusto nilang sabihin tungkol sa akin ngayon, papakinggan ko lang sila. Wala na akong ibang magagawa pa."

Noon din ay tumunog ang kanyang cellphone.

Kinuha niya iyon at nakita niya sa kanyang screen ang mga katagang 'Dearest Hubby'.

Napahinto naman sa paglalakad si Qin Qing nang mabasa niya ang mga katagang iyon.

Pero, sa hindi niya malamang dahilan, ay biglang bumigat ang kanyang puso.

Nahihiyang nilingon ni Lin Che si Qin Qing. Sanay naman na siya kapag nababasa niya iyon pero medyo nakakahiya palang sagutin ang tawag na yun lalo na't katabi niya si Qin Qing ngayon.

Sinagot niya pa rin ang tawag. "Anong meron?"

"Tapos ka na ba? Hindi ba't mayroon tayong kasunduan na kakain tayo ngayon?" Tanong ni Gu Jingze.

"Ah, oo tapos na kami dito. Palabas na ako."

"Mabuti. Hintayin mo lang ako diyan at susunduin kita."

"Alam ko na, hindi mo na kailangang ulit-ulitin pa."

"Kung hindi ko uulit-ulitin na sabihin sa'yo, nag-aalala lang ako na baka hindi mahanap ng katulad mo ang lugar na pupuntahan natin."

"Ewan ko sa'yo!"

Pinatay na niya ang tawag at pagkatapos ay iniangat ang ulo. Sinundan niya ng tingin ang direksyong tinitingnan ni Qin Qing kaya hindi niya napigilan ang sarili na takpan ng kanyang buhok ang tainga kung saan nakalagay ang cellphone niya kanina. "Ano nga ulit yun? Sige, ipagpatuloy mo na ang sinasabi mo."

Nakatingin pa rin si Qin Qing sa cellphone ni Lin Che, at napatanong sa sarili, Si Gu Jingze ba ang kausap nito?

Si Gu Jingze ang 'Dearest Hubby' na tumawag dito?

Pero kung papakinggan ang tono ng kanilang pag-uusap, masasabi niyang walang espesyal sa pinag-uusapan ng dalawa. Natural lang iyon na para bang kaswal lang na pag-uusap sa araw-araw.

Nagsalita si Qin Qing, "Kayo ni Gu Jingze…"

"Bakit?"

"Ah, wala lang. Sadyang pakiramdam ko lang talaga ay hindi mabuting tao si Gu Jingze. At least para sa isang babae, sa tingin ko ay hindi siya ang pinaka-the best. Alam kong may lalaki diyan na mas higit sa kanya at mas nararapat sa'yo."

Ngumiti lang si Lin Che. "Kung ganun, ano ba dapat ang taglayin ng isang lalaki para masabing 'the best' na siya?"

"Iyong lalaking nababagay sa'yo," sagot ni Qin Qing.

"Ba't mo naman nasabi na hindi kami bagay ni Gu Jingze para sa isa't-isa?"

"Masalimuot at magulo ang buhay ng mga taong katulad niya," wika ni Qin Qing.

"Alam ko kung ano ang gusto mong sabihin. Hindi ako nababagay sa kanya dahil sa estado ng aking buhay, sa sitwasyon ko sa aking pamilya, at dahil magkaibang-magkaiba rin ang istilo ng aming pamumuhay. Hindi ako ang babaeng para sa kanya."

"Hindi…" Ang totoo ay ayaw lang talaga ni Qin Qing na makita silang dalawa ni Gu Jingze na magkasama. Bagamat alam niyang masamang mag-isip nang ganun, pero hindi niya lang talaga makontrol ang sariling isip. "I'm sorry. Hindi iyan ang ibig kong sabihin. Pakiramdam ko lang kasi ay… hindi ko gustong magkasama kayong dalawa."

Biglang napaangat ng ulo si Lin Che dahil sa narinig.

May kakaiba sa ekspresyon ng mukha ni Qin Qing.

"Lin Che, matagal na tayong magkakilala."

"Tama."

"Noong una, simpleng magkaklase lang tayong dalawa."

"Tapos…"

Tinitigan ni Qin Qing si Lin Che, "Kahit kaunti man lang... nagkagusto ka ba sa akin?"

Napaawang naman ang bibig ni Lin Che.