webnovel

CHAPTER 8

Nang mag-umpisa ang aming musika, ang Pas de Deux ni Tchaikovsky, ay sabay kaming nagpadausdos ni Frost sa yelo habang magkahawak ang aming mga kamay. Sabay ang aming mga galaw habang parang gumuguhit kami ng numero otso sa yelo. Pareho rin ang galaw ng aming mga kamay, tataas, bababa at sabay kaming umikot ng isang beses.

Pagkatapos ay ginawa namin ang mga natutunan niya sa ballet. Ginawa namin ang Plie. Nakaekis ang aming mga binti habang ibinabaluktot ang aming mga hita ng ilang ulit at ang mga kamay nami'y nasa tapat ng dibdib.

Sumunod ay ang Releve, nakataas ang aming mga kamay lagpas sa aming ulo habang nakadiretso ang aming mga tuhod. Binubuhat ng aming paa ang bigat ng aming katawan sa ganitong posisyon. Pagkatapos ay iaangat namin ang aming mga paa sabay lulundag.

Sumunod ay ang Balance, paroo't parito ang aming mga paa. Palikod, paharap at sa gilid kasabay ng pagkampay ng aming mga kamay na parang pakpak ng ibon, paulit-ulit lang 'yon. At mga talsik ng yelo ang halos makikita sa tuwing kami'y nagpapadulas.

Hinawakan niya ang aking beywang saka inalalayang umikot. Pagkatapos ay sabay uli kaming nagpadausdos, kumuha ng buwelo para makatalon at umikot sa ere ng dalawang beses.

Nakaunat ang kaliwa naming binti habang nagpapadulas. Pagkatapos ay hinila niya ang aking kamay saka ako'y binuhat, pasan niya ako sa kanyang balikat ngayon. Bakas sa mukha ni Frost ang saya. Ngayon ko lang napansin ang mababaw na biloy niya sa kaliwang pisngi. Nakangiti siya nang ako'y kanyang binuhat muli pababa.

Nasa likuran ko na siya ngayon, sabay ang pagpapadulas naming dalawa na tila ako'y kanyang hinahabol. Sabay kaming lumundag at umikot sa ere ng tatlong beses at muling nagpadulas.

Kakaiba rin ang nararamdaman ko. Napakasaya ko simula nang maging kapareha ko siya. Talaga nga ring ginagalingan niya. Syempre hindi rin ako magpapatalo, baka mamaya ay asarin na naman niya ako. Humawak muli ako sa kamay niya. Pagkatapos ay umupo kaming bahagya at nagpa-ikot na parang ako'y ititilapon niya. Unti-unti kaming tumayo habang nagpapaikot pa rin, pagkatapos ay hinatak niya ako't hinawakan ang aking hita nang ito'y aking iangat.

Nagkalapit ang mga mukha naming dalawa. Ramdam ko ang mainit niyang hininga sa aking pisngi.

''Hindi ka talaga nagpapatalo ha.'' Ngumisi na naman siya.

''Teritoryo ko ang yelo kaya't hindi kita susukuan.'' Nginisian ko rin siya.

''Gano'n ba, eh ang puso ko, pwede mo rin bang gawing teritoryo?'' Nakakaloko ang ngiting ipinakita niya sa akin kaya naman bahagya ko siyang itinulak at nagpadausdos malayo sa kanya. Lihim naman akong napangiti dahil sa sinabi niyang iyon.

Hinabol niya ako ngunit naghiwalay kami ng direksyon, nasa magkabilang dulo kami. Nagpadausdos kami nang pasalubong. Nang kami'y nasa gitna na ay hinawakan uli niya ako sa beywang at inangat, nakabaliktad naman ako't nakahawak sa kanyang balikat habang nakaunat ang aking mga binti sa ere.

Narinig ko ang mga palakpakan ng mga manonood. Nang ako'y kanyang ibaba ay sa likuran niya naman ako humawak. Nakakapit ako sa kanyang beywang habang mabilis na nagpapadulas. Hinatak niya ang aking kamay at muli kaming nagkaharap. Hinawakan niya ang aking mukha. Naghiwalay kami't sabay na inunat ang aming binti pagkatapos ay sabay uling umikot.

Bahagya kaming umupo habang nakapaekis ang aming mga binti. Mabilis na pag-ikot ang aming ginawa pagkatapos ay tumayo't nagpadulas muli. Magkahawak uli kami ng kamay, naghahanda para sa susunod naming gagawin. Hindi nga nagtagal, ako'y lumundag saka niya ako binuhat at ihinagis sa ere na parang turumpo at muling sinalo pagbagsak ko.

Nagpaulit ulit lang aming ginawa. Kung bibigyan ko siya ng grado, sa pasado o hindi, syempre pasado. Para kay Frost na kakaumpisa lang mag-ice skate, ang bilis niyang matuto. Malapit na matapos ang aming musika, hudyat na mag-aapat na minuto na.

Sa panghuli naming sayaw ay niyakap niya ako habang patuloy kaming nagpapadulas. Nagulat ako sa kanyang ginawa. Halos maipit ang leeg ko sa higpit no'n pero ayos lang. Naririnig ko naman ang mahinang tibok ng kanyang puso. Nang makarating kami sa gitna, mabagal na pag-ikot ang kanyang ginawa kung kaya awtomatiko ang naging pagsunod ng aking mga paa. Halos magwala ang puso ko. Napakakomportable nito sa kanya. Hindi ko tuloy maiwasang mapaisip. 'Sino ka ba talaga, Frost Noelle?'

Nakayakap pa rin siya hanggang sa matapos ang aming musika. Pagkahinto namin ay bumulong siya sa akin.

''Gusto kita, Holly at kahit anong mangyari ay hindi ako lalayo sa'yo. Hindi ko hahayaang muli kapang mawala sa paningin ko.'' Humiwalay siya at tiningan ako sa mata. Inilapit niya ang kanyang mukha. Sigurado akong balak niya akong halikan nang bigla ko na lang maalala ang kwento ng Snow Queen.

Hindi ko mawari kung bakit nagpapakita sa isipan ko ang eksenang 'yon sa libro.

Nang halikan ng Snow Queen ang kanyang iniibig ay naging yelo ito.

Siya ang naging dahilan ng kamatayan ng kanyang sinta. Kusang lumayo ang aking katawan kay Frost. Ngumiti lang siya at niyakap na lang akong muli. Habang yakap niya ako sa may beywang ay nilingon ko na lamang ang mga manonood, itinapat sa aking bibig ang aking palad saka pasimpleng umihip. Nagsiliparan naman ang maliliit na snowflakes sa paligid.

Narinig ko ang hiyawan ng mga manonood. Yumuko kaming dalawa tanda ng pasasalamat. Marami ang mga nagsipagbatuhan ng bulaklak sa amin. Pumulot kami ng tig-isang bulaklak na Snow drop, pagkatapos ay inabot niya naman sa akin ang malaking pulang rosas. Ngunit nang aabutin ko na ay muli niyang binawi ito't hinalikan. Inabot niya uli 'yon sa 'kin na agad ko namang kinuha. Nginitian ko nalang siya't nagpasalamat. Kumaway na kami sa mga manonood habang papunta sa likod ng malaking kurtina.

***

Nagbagsakan ang mga maliliit at makukulay na papel nang nasa ibabaw na kami ng entabladong yelo. Lahat kaming miyembro ng circus ay nagpaikot sa palibot ng entablado. Kumakaway kami sa mga manonood habang may naririnig pa akong mga sumisipol. Sabay-sabay kaming nagsayaw sa saliw ng musikang La Campanella ni Listz. Naiwan na si Frost sa likod ng kurtina, nakabalot na naman siya nang makapal na kumot para mapanatiling mainit ang kaniyang katawan.

Umihip uli ako kaya naman nagsiliparan ang mga mailiit na snowflakes sa buong circus house. Naging matagumpay naman ang pagtatanghal namin ngayong gabi rito sa Saxondale.

Nagulat si ama nang malaman na si Frost ang aking naging kapareha. Nangangamba siya na baka malaman ng kanilang pamilya, ngunit 'wag na raw siyang mag-alala sabi naman niya. Siya na raw ang bahala sa kanyang pamilya.

Inalalayan ni Frost si ama papunta sa silid nito. Ang hindi nila alam ay sumunod ako. Habang nakayapak ay palihim akong tumakbo't nagtago sa likod ng makapal nitong kurtina. Palihim akong nakinig at sumilip sa kanila.

''Ginoong Leopold, maaari ba akong makiusap sa inyo?'' si Jack iyong nagsalita.

''Sige hijo, ano ba ang iyong ipakikiusap, sana'y madali lamang 'yan.'' Natatawa pang sagot ni ama.

''Kung ganoon po, nais ko pa sanang manatili kayo rito sa Saxondale, gawin niyo ang gusto niyo... mamasyal at kung anu-ano pa.''

''Bakit naman hijo? Mayro'n ka bang nais ipahiwatig?''

''Tama po kayo. Gusto ko po ang anak ninyong si Holly. Gusto ko po siyang ligawan at nais kong makuha ang inyong basbas.'' Prangkang sabi niya kay ama. Napahawak ako sa aking dibdib. Nag-aalala ako sa kung anong isasagot niya.

''Alam mo hijo, hindi nakabubuti para sa 'yo ang anak kong si Holly. Alam nating hindi ka maaaring manatili sa malamig na lugar. Alam mo na ang anak ko'y may kakaibang kakayahan. Ano na lamang ang mangyayari sa 'yo kung...'' Nahinto sa pagsasalita si ama, tila nakalimutan ang sasabihin. ''Sigurado akong kamatayan ang kaparusahan no'n.'' May naramdaman akong konting kurot sa aking puso. Nakagat ko nang bahagya ang labi ko. Aminin ko man o sa hindi, aminado akong nagkaroon na ng puwang sa puso ko si Frost sa maiksing panahon.

''Wala po akong pakialam kung-''

''Patawad hijo, hindi ko hahayaang may mangyari sa 'yong masama at sa anak kong si Holly, at isa pa malayo ang agwat ng ating pamumuhay. Makahahanap ka rin ng mas nababagay para sa iyo.'' Bumagsak ang balikat ko sa sinabi ni ama. Tama rin naman siya.

''Marami pong salamat, Ginoong Leopold, mas lalo ninyo akong binigyan ng dahilan para hindi sukuan si Holly.'' Nanlaki ang mga mata ko sa narinig kong sagot mula sa kanya.

Nagulat, 'yan ang ekspresyon ng mukha ni ama ngayon. Kinamayan siya ni Frost pagkatapos ay lumabas ng silid kaya agad na naman akong nagtago.

'''Wag ka ng magtago r'yan aking binibini, alam kong kanina ka pa nakikinig sa aming usapan. Ikaw ha, mahilig ka pa lang makinig sa usapan ng iba.'' Nagulat ako. Paglingon ko'y, nakatayo't nakapamulsang nakangiti sa akin si Frost. Pagkatapos ay bigla niyang hinatak ang kamay ko.

''Sumama ka sa akin.'' Bulong niya.

Hinila niya ako't napatakbo kami. Hindi ko na nagawang magbihis at magsapatos dahil sa ginawa niya. Napalingon ako sa silid ni ama. Napanganga siya nang makita akong kasama ang binatang kausap lamang niya kanina. Pakiramdam ko tuloy ay bumagal ang oras pagkalampas namin sa kaniyang silid, nakita ko pa siyang lumabas mula ro'n.

''Holly! Bumalik kayo rito!'' Sigaw niya.

Tiningnan ko lang ang binata na patuloy sa pag-iwas sa mga bagay na madaanan namin makaalis lang dito. Hindi nga nagtagal ay nagtagumpay siyang makalabas kami ng circus house.

Bumabagsak na rito labas ang madami at maliliit na nyebe.

''Ano bang ginagawa mo, Frost? Mamaya niyan ay-''

'''Wag kang mag-alala aking binibini, walang mangyayaring masama sa akin, magtiwala ka. Sa ngayon ay may pupuntahan tayo.'' Pagkasabi niya no'n ay sumipol siya na parang may tinatawag. Ilang saglit pa'y mga paa ng kabayo na ang aking narinig. Papalapit na sa amin ang kanyang karuwahe na pinatatakbo ni Ginoong Maximus.

***

Ngayo'y nakatayo kami sa harap ng isang napakalaking bahay. Napansin ko ang dalawang chimeneya sa bubong na naglalabas ng usok. May dalawang maliit na bintana sa may bubong. May isang turret pa sa tuktok ng malaking tower na nagsisilbing poste ng bahay, gawa rin 'yon sa brick. Ang malalaking bintana ay may disenyong puting frame. Habang nababalutan naman ng nyebe ang bubong, 'yong porches at veranda.

'Napakagandang bahay.'

''Anong ginagawa natin dito, Frost? Kaninong bahay ba ito?'' Pag-uusisa ko sa kanya habang kinukuskos ng mga paa ko ang isa't isa. Wala kasi akong sapin sa paa at tiyak kong nakalimutan ata niya.

''Bahay namin ito, gusto kang makilala ng aking ina sapagkat gaya mo'y mahilig din siyang mag-ice skating, sa kanya nga ako nagpaturo no'ng nakaraan,'' sabi niya habang pakamot-kamot pa siya ng ulo. Napangiti na lang ako.

Inalalayan niya ako pagpasok. Nakaramdam lang ako ng takot at panliliit sa sarili. Mayaman sila mahirap lang ako, ang layo ng agwat. At isa pa, hindi rin maayos ang unang pagtatagpo namin ng kanyang Ate Matilde.

Habang naglalakad kami ay natanong ko siya. ''Saan nanggaling ang pangalan mong Frost? Kay ganda kasi at kakaiba.''

''Ah, ipinanganak kasi ako sa panahon ng tag-lamig at ang unang nakita raw ni ina bago siya manganak ay ang namuong hamog sa bintana na hugis fern.''

Tumango lang ako. Nangiti na rin dahil sa kwento niya.

Nang gabing iyon, nagnining-ning ang kanilang mga kagamitang yari sa ginto, nangnining-ning din ang mga kayabangan ng tatlo niyang nakatatandang kapatid. Sina Joserio, Henry at Vernon. Habang si Frost naman ang sentro ng kanilang kantiyawan dahil sa sakit nito. Kayang-kaya niyang sakyan 'yon kahit na ramdam kong nasasaktan siya.

Hindi rin ako nakaligtas sa mapanuring mga mata ng kaniyang Ate Matilde at ng kanilang ama na si Don Miguel. Masama ang tingin sa 'kin ng kanyang kapatid dahil na rin siguro sa maskarang suot ko. Hindi ko ba alam kung bakit pa ako sumama sa kanya. Sana'y umuwi na lang ako pagkatapos kong makilala ang kanyang ina. Napakaganda niya't napakabait, pati na rin ang bunsong kapatid niyang si Mariana. Hindi ko na sana tuloy nasaksihan kung anong klaseng tao ang mga pinakikisamahan ni Frost.

***