webnovel

CHAPTER 3

▪▪▪

Hindi ko na nagawang tulungan ang mga kasama kong mag-ayos ng mga gamit. Hindi ko na rin nakausap si Lucas dahil marami na siyang ginawa. Ang sabi ni ama ay maupo na lamang ako't hintayin si Ginoong Frost.

Madilim na nang matapos maikabit nina Lucas ang asul na tela ng circus house at maitayo ito, kasama nila ang ibang mga trabahador dito sa Saxondale kaya napabilis ang pagtatayo nito. Mga naglalagay nalang ng bakal dito sa loob ang ginagawa nila. May mga nagbubuhat at nagpupukpok. Samantalang ako'y nakaupo lang dito sa isang upuang pabilog para sa mga manonood.

''Nakamamangha...'' Muntikan na akong madulas sa aking kinauupan nang bigla siyang magsalita. Nilingon ko siya. Si Ginoong Frost pala. Hindi ako kaagad nakasagot. Tinitingnan ko lang siya na ngayo'y nakasuot ng kulay tsokolateng  panlamig na may malaking talukbong.

''Tititigan mo na lang ba ako binibini?'' Nagbalik lang ako sa wisyo nang magtanong uli siya. Tiningnan ko ang suot kong maliit na relo. Ala sais na nga. Tinupad niya ang sinabing dadalaw siya.

''Kay aga mo, ginoo...'' Hindi ko alam kung namamaos ba ako o sadyang ayaw lumabas ng boses ko. Para tuloy akong may sipon kung magsalita. Nakakahiya. Umupo siya sa isang upuang bakante, isang upuan lang naman ang layo niya sa akin.

''Sakto lang naman, hindi ba? Maaga ako dahil gusto kong masaksihan ang pagtatayo ng circus na ito. Snow...flakes,'' nakatingig ang ulo niyang binasa ang nakasulat sa malaking karatula. ''Kay gandang pangalan.'' Nakangiti siyang lumingon sa akin. Nakatago pa rin ang kanyang mukha sa malaking talukbong ng kanyang panlamig. Nakapamulsa pa rin siya kahit na nakagwantes naman.

''Siya nga pala, huwag mo na akong tawaging ginoo masyadong pormal, Frost na lang, Holly...''

''Pero, isa kang maharlika, kapag narinig nila akong tinawag ka sa 'yong pangalan ay baka...''

''Hindi mangyayari ang kung ano mang iniisip mo, akong bahala sa 'yo.'' Muli niya akong nginitian kaya naman nabulabog na naman ang dibdib ko. Pakiramdam ko talaga'y matagal ko na siyang kilala kahit na ngayon pa lamang kami nagkitang dalawa.

''Gusto mo bang makilala ang iba ko pang mga kasama?'' Tanong ko sa kanya. Tumango naman siya at inalalayan pa niya ako. Hindi ba't ako ang dapat at kailangang umalalay sa maharlikang tulad niya sapagkat ako'y walang-wala kumpara sa estado niya.

Ipinakilala ko siya sa mga kasama ko. Una ay kina Sofia at Alphonse, nagkakantahan at nagkakasiyahan sila habang nilalagyan ni Alphonse ng hangin ang malaki niyang bola. Si Sofia naman ay nilalagyan ng pakinang ang gagamiting damit.

Sumunod ay kay Kirstine na nakaharap sa salamin, nag-eensayo para sa magic niyang gagawin. Napadaan naman kami sa nagbubuhat ng bakal na si Lucas. Hindi niya gaanong pinansin si Frost. Hindi rin siya nakipagkamay sa kanya. Sumunod na pinuntahan namin si Laura, na itinutupi ang matalik niyang kaibigan, ang kulay pulang silk.

Nakarating kami kay ama na kasalukuyang nagmamando sa mga trabahador kung saan ilalagay ang mga dekorasyon.

"Ikaw naman, Holly, ano ang ginagawa mo sa inyong palabas?'' bigla niya akong tinanong habang naglalakad sa maalikabok pang pabilog na entablado.

''Ice skating ang sa akin, simula noong bata ako'y iyon na ang nakahiligan ko.''

''Aba, kakaibang hilig 'yan. Nakakainggit dahil maaari kang magtagal sa malamig na lugar.'' Ngayo'y ibinaba niya ang malaking talukbong sa ulo. May lungkot akong nakita sa mapupungay at asul niyang mga mata. Gusto ko sanang magtanong pa pero nahiya ako. Baka isipin niya na isa akong mausisang babae at interesado sa buhay-buhay ng kung sinuman.

Nakaisip ako ng paraan para mawala ang lungkot niya, kaso 'yong gusto kong ipahiram sa kanya ay malulungkot din pala sa huling parte nito. Niyaya ko siya sa likod ng circus house. Pipili na lang ako ng ibang ipapahiram sa kanya. Sa may karuwahe, kinuha ko ang mga gamit ko at kinuha ang ilang libro na aking dala.

''Snow Queen's last Kiss?'' Kinuha niya sa 'kin ang libro't tiningnan ang unang pahina at likod. Sa pagbuklat niya ay may lumabas na maliit na snowflake. Nakapagtataka.

''Paborito ko ang librong 'yan, gusto ko sanang ipahiram sa 'yo kaso malulungkot ka lang sa bandang huli.''

''Hindi ko pa ito nababasa, mukha namang maganda, pwede bang ito na lang ang hiramin ko?'' sabi niya.

''Pero...'' Hindi ko na naituloy pa ang sasabihin ko nang ilagay niya sa bulsa ng kanyang panlamig ang libro.

***

Nang gabi ring 'yon ay hindi ako nakatulog. Tapos na ang circus house, napakabilis, kadalasan ay inaabot ng mga dalawang araw 'yon para itayo dahil sa laki na rin. Katabi kong nakahiga si Sofia, na ngayo'y nahihimbing na. Hindi maalis sa isip ko si Frost, kahit na si Lucas naman parati ang madalas nitong isipin.

Kinabukasan ay maaga pa rin akong nagising kahit na hindi ako nakatulog nang maayos kagabi. Nag-almusal na kami at isa-isang nag-ensayo ang mga kasama ko pagkatapos. Anim na araw pa bago ang aming nakatakdang pagtatangahal sa kaarawan niya.

***

Maganda ang unang araw namin ngayon, kahit na malamig at bumubuhos ang nyebe sa labas ay hindi nito napigilan ang kagustuhan kong mag-ensayo sa namuong yelo sa malapit. Maliit itong lawa at napakalaya kong gamitin.

Naupo ako sa mahabang upuang kahoy na nabalutan ng nyebe. Isinuot ko ang ice skates ko, nag-umpisa akong maglakad papunta sa munti kong entablado. Nagpadausdos ako ngunit hindi pa ako nakalalayo ay...

''Mukhang masaya ang pagi- ice skating, hmmm.'' Nilingon ko ang nagsalita. Si Frost uli, kay aga naman niyang bumisita. Kumaway siya habang nakapamulsa ang kanang kamay. Nginitian ko siya, pinadausdos ko ang aking ice skate paikot para makaharap ako sa kanya.

Lumapit muna siya sa tatlong batang nanonood sa akin na nakaupo sa upuang kahoy. Tinapik ang mga balikat nila at tuwang-tuwa silang makita siya. Inaabot ng isang batang lalaki ang talukbong ng panlamig niya, ngunit hindi niya maabot kahit na tumalon talon pa siya. Nakabitin naman ang dalawang batang babae sa mga braso niya at gustung-gusto nila. Napangiti ako. Napakagiliw niya sa mga bata.

Meron siyang kinuha sa loob ng kanyang panlamig. Tatlong supot ng kending may makukulay na balot. Nagpasalamat ang mga bata sa kanya at mabilis na tumakbo sa iisang direksyon. Napagtatnto kong hindi siya gaya ng ibang mga maharlikang matapobre, iba siya... ibang-iba.

''Pasensya ka na, Holly, naaaliw lang talaga akong makakita ng mga bata,'' sabi niya habang papalapit sa akin.

'''Wag kang humingi ng pasensya, nakakatuwa ka nga, ang giliw mo sa kanila.''

''Psss... wala 'yon.'' Tumungo siya at sumipa nang kaunting nyebe. Nakita ko naman kung paano mamula ang kanyang pisngi. ''Maaari ba kitang samahan d'yan?'' Itinuturo niya ang nagyelong lawa.

''Hindi maaari! Baka mabasag ang yelo.'' Biro ko sa kanya.

''Hahaha!'' Tawa niya. ''Hindi mababasag ang yelo sapagkat may dala rin akong ice skate.'' Kung ganoon ay marunong din siya.

''Magpapaturo ako sayo, pinabili ko pa ang ice skate, teka...'' May dinukot uli siya sa loob ng kanyang panlamig.

''Ayan, pinabili ko pa kagabi ito kay Ginoong Maximus nang malaman kong ice skating ang hilig mo.'' Nakangiti pa siyang ipinapakita sa akin ang sapatos na may talim. Kulay asul iyon na may itim na sintas. Napangiwi naman ako dahil ang akala ko'y marunong siya, hindi naman pala. Nasobrahan ko ata ang pag-iisip. Hay, Holly.

Isinuot ni Frost ang ice skate niya. Hinihintay ko siyang tumayo pero...

''Tulong, hindi ako marunong maglakad gamit ito.'' Nakatingin siya sa 'kin, ang mga mata niya'y tila nagmamakaawa.

Oo nga pala, hindi siya marunong. Nakalimutan ko. Kaya naman naglakad ako na parang bibe palapit sa kanya. Inilahad ko ang mga palad sa kanya. Inabot naman niya ito at binuhat ang sarili para makatayo. Inalalayan ko siyang lumakad kahit pagewang-gewang siya habang papalapit kami sa nag-yelong lawa.

Binitawan ko siya para masubukan niyang makapagbalanse sa ibabaw ng yelo pero halos magkanda ekis-ekis ang mga paa niya. Ilang beses siyang natumba at tumayo. Pinilit kong hindi tumawa sa harap niya at baka maparusahan ako ng mga guardia sa 'di kalayuan.

''Ang hirap pala nito,'' sabi niya habang bahagyang nakayuko't nakahawak sa tuhod niya. Nagpadausdos ako palapit sa kanya.

''Madali lang kung kaya mong bumalanse... teka sumusuko ka na ba?'' Nakapameywang ako't napataas ang isang kilay.

''Ako, sumusuko? Sinong nagsabi?'' Ngumiti siya sa akin na parang nanunuya. Magsasalita pa sana ako nang makita ko ang isang babaeng papalapit sa amin kasama si Ginoong Maximus.

Maganda ang babae at mukhang mas matanda kay Frost. Medyo hapit sa katawan niya ang magarang panlamig na suot. Supistikada ang datingan niya. Napalunok ako. Mukha siyang masungit dahil sa kilay niyang napakataas.

Lumingon din ang lalaking nasa harap ko. Napansin niya sigurong mayro'n akong tinitingnan.

''Ate Matilde...'' Narinig kong sabi niya.

Nang makalapit ang babae.

''Hindi ako makapaniwalang nakikipag kaibigan ka sa isang mababang uri ng babae.'' Naramdaman ko ang pagbigat ng aking mukha, nasaktan ako sa sinabi niyang 'yon sa akin.

***