That someone you're afraid to lose.
Elise Montenegro
Hindi ko alam kung anong una kong dapat maramdaman nang marinig 'yon. Kung tatawa ba ako para mabawasan ang kaba. Kung matatakot dahil sa pwedeng prank lang pala nila ni Kyle 'to kahit na may pangalan nga ako sa pulsuhan ni Sir.
O magagalit kasi kung totoo man 'yon, bakit faded na ang soulmate mark ko? Bakit hindi pa siya patay?
Mukhang nabasa naman agad ni Sir ang nasa isip ko.
"I'm cursed." Aniya. "Sinumpa ako ni Oliphius. Every time na lilitaw ang pangalan ko sa balat ng soulmate ko, namamatay ako. That way, hindi na ako hihintayin pa ng soulmate ko."
"Pero buhay ka." Hindi makapaniwalang sabi ko. "Ibig bang sabihin no'n zombie ka?"
Parang matatawa sana siya pero pinigilan niya. "Hindi ako zombie."
Nakahinga ako ng maluwag.
Ibig bang sabihin no'n siya lang ang nag-iisang Xerxes Zaragosa sa mu—"Nasubukan mo na bang titigan ng matagal 'yang mark mo?" Usisa niya.
Umiling ako. "Tuwing tinitignan ko nalulungkot lang ako kaya hindi ko na tinignan uli."
Hindi ko alam saan galing ang lakas ng loob ko para tignan siya ng mas matagal ngayon pero salamat nama kasi mukhang hindi naman siya nagsisinungaling sa 'kin. Anong klaseng teacher siya kung magsisinungaling siya sa 'kin tapos tungkol pa sa soulmate ko? Baka isumpa ko rin siya.
"Subukan mong titigan, makikita mo na nagbabago parati ang pangalan d'yan. Pero bumabalik din sa Xerxes na pangalan ko ngayon."
Pinigilan kong tumaas ang kilay ko sa sinabi niya. "Pag hindi nagbago ibig sabihin hindi kita soulmate?"
"Saksakin mo na lang ako kung gano'n nga."
Pareho kaming natawa kahit walang nakakatawa dapat sa sinabi niya.
Napatingin ako sa kaliwang braso ko bago hinila ang sleeve ng suot kong hoodie at tinignan ang malabong marka na nando'n. Kailangan ko pang titigan ng mas matagal para makita ang saglit na pagbabago ng mga letra.
Napabalik ang tingin ko sa kanya. "Nagbabago nga. Bakit nagbabago?"
"Kapag matagal ka nang naglalakad sa mundo, hindi pwedeng iisang pangalan lang ang gamit mo." Mabilis na sagot niya. "Pero ngayon ko lang nakita ang soulmate ko ng malapitan uli. Usually, malayo kami sa isa't isa. Akala ko nga nung una kapangalan mo lang, pero nung lumitaw na rin 'yung pangalan ko sa 'yo at nakita kita, alam kong ikaw 'yon."
"Bakit hindi mo ako agad nilapitan?" Tanong ko kahit alam kong may punto naman 'yung hindi niya paglapit sa 'kin.
Kung totoo ngang namamatay siya tuwing lumilitaw ang pangalan niya sa balat ng soulmate niya, ibig sabihin nakasumpang hindi sila magkita. At kung ngayon lang niya nalapitan ang soulmate niya ibig sabihin pwedeng may mangyaring hindi maganda.
"Natakot ako." Napabuntong-hininga siya. "Hindi pa uli nangyayari na nakita ko ang soulmate ko ng personal kaya dumistansiya ako. At saka, estudyante kita, Elise."
Ako naman ang napahinga ng malalim. Parang ayaw kong maniwala sa lahat ng naririnig ko ngayon pero at the same time gusto kong matuwa na buhay siya.
Buhay ang soulmate ko.
Hindi ako mag-isa.
Sandali akong napasulyap ng tingin sa bahay nila Kyle bago binalik ang tingin kay Sir. "Sa totoo lang Sir, handa na akong tanggapin na wala ka na kaso biglang chinismis sa 'kin ni Kyle na nakita niya 'yang soulmate mark mo." Tumuro pa ako sa kaliwang braso niyang nakapatong sa mesa.
Kung hindi dahil kay Kyle hindi kami magkakausap ngayon. Pero kung hindi rin dahil sa kanya, baka hindi na rin ako tuluyang kinausap ni Sir dahil sa sumpa. Pero bakit niya ako nilapitan ngayon kung alam niyang pwedeng may masamang mangyari?
At saka kung imortal siya, ibig bang sabihin reincarnation ako ng soulmate niya?
Kung itatanong ko lahat ng gusto kong itanong sa kanya ngayon baka abutin kami ng isang taon.
"Sa totoo lang din hindi ko alam kung tama bang kinausap kita."
Nanatili naman akong nakatingin sa kanya. Kahit ako natatakot na rin, Hindi ko alam na may katulad ni Sir na sinusumpa ni Oliphius. Kung sabagay, marami ring galit sa diyos ng tadhana dahil sa ginawa niya. Marami ring may ayaw sa soilmate mark at dalawang soulmates. Kung lahat sila isusumpa ni Oliphius, baka hindi lang si Sir ang imortal sa buong mundo.
"Anong gagawin natin ngayon Sir?" Tanong ko sa kanya.
Kung meron mang may alam sa aming dalawa ng dapat gawin, siya na 'yon.
Kita kong napalunok muna siya bago ibinaba ang tingin sa kamay niyang nakapatong sa mesa pero binalik niya uli ang tingin sa akin at nilahad ang kamay. "Pwedeng pahiram muna ng kamay mo?"
"Ibabalik niyo ba agad?" Biro ko sa kanya.
Tipid siyang ngumiti at tumango. "Yes, ibabalik ko agad."
Dahan-dahan kong inabot ang kamay ko sa nakalahad na kamay niya. Hinawakan niya naman pareho ang kamay ko.
Ramdam na ramdam ko naman ang puso ko na gustong tumakbo palabas ng ribcage ko ngayon. Imagine, iyong gwapo mong teacher ang may hawak ng kamay mo tapos soulmate mo pa siya. Hindi ko alam kung tama bang dapat akong matuwa ngayon. Lalo na alam kong pwedeng nasa paligid lang si Oliphius at may masama na naman siyang balak dahil nagkita kami ni Sir.
Pero kung talagang siya ang diyos ng tadhana, pwedeng itinadhana niya rin ang scenario na 'to.
Pero bakit?
Tatanggalin niya na ba ang sumpa? Mamumuhay na ba ng normal si Sir?
Nasagot naman ang tanong ko nang biglang mapabitaw si Sir sa kamay ko at napaubo.
"Sir! Okay ka lang?" Tanong ko bago napatayo at napalapit sa kanya.
Nang matigil siya sa pag-ubo ay napatingin siya sa kamay niyang ginamit niya pantakip sa bibig niya kanina.
May dugo ro'n.