webnovel

Win Over Mr. Perfect - Tagalog

Dahil sa kahirapan, nagsusumikap at nagtatiyaga si Sonny na makapagtapos ng pag-aaral. Hindi siya susuko kahit pa marami sa kaniyang mga kaklase ang binubully siya dahil sa estado ng kaniyang buhay. One time, ininsulto siya ng anak ng principal ng William University na si Ken. Sinabihan siya nito na hindi siya bagay sa paaralang iyon. Ken challenged her, kung matatalo niya si Ken sa academics aaminin nito na nagkamali siya at magso-sorry ito sa kaniya. Ngunit, kapag si Ken ang nanalo ay kusa siyang aalis sa William University at aaminin niya na hindi talaga siya bagay sa paaralan. Will she win or not? Magawa niya kayang matalo si Ken Krizian D. William na isang perpekto dahil sa taglay nitong kayamanan, kagwapuhan at higit sa lahat ay katalinuhan? O matatalo siya at kusang aalis sa sikat na paaralan?

Teacher_Anny · Urban
Zu wenig Bewertungen
9 Chs

First Day Last

This is my first day in college. I'm excited and also nervous dahil sa panibagong mga tao na aking makikita at makikilala.

Nilibot ko ng tingin ang kabuuhan ng William University, isa sa pinakakilalang unibersidad dito sa bayan namin. Hindi na ako nagtataka kung bakit ito kilala dahil pagpasok pa lamang ay malulula na ang titingin sa nagtataasan nitong gusali.

May pinturang puti ang matatayog na gusali. May iba't ibang bulaklak na nakatanim sa bawat gilid. May kulay pula, lila at kulay rosas. May mga malalagong halaman at buhay na buhay na puno na sumasayaw sa bawat paghampas ng hangin sa berdeng-berde nitong mga dahon.

Tumingala ako sa kulay asul na kalangitan. Napakabanayad ng panahong ito. Kalmado ang hanging tumatama sa aking balat. Nalalanghap ko ang sariwang hanging binibigay ng mga halaman at puno sa paligid. Malamig ngunit masarap sa pakiramdam.

Napadako ang aking paningin sa grupo ng mga estudyanteng nag-uusap at nagtatawanan habang nakaupo sa maliit na kubo na nilagay talaga roon upang mapagtambayan. Nakakainggit silang pagmasdan. Mabuti pa sila ay may kakilala rito. Samantalang ako ay wala. Karamihan kasi sa mga kaklase ko noong highschool ay hindi na nagpatuloy sa kolehiyo. Nanatili na lamang sila sa bukid upang magtanim at tumulong sa pamilya. Ang iba naman ay mas piniling mag-aral sa pinakamalapit na kolehiyo sa aming bayan.

Nagpatuloy ako sa paglalakad sa marmol na daan papunta sa entrance ng gusali. Maingat ang bawat paghakbang ng aking mga paa sa takot na madumihan at magasgasan ang aking maaapakan. Napakalinis at napakakintab kasi nito.

Tumingala ako at inayos ang tindig.

Nakakapanliit ang mga titig na binibigay sa akin ng mga estudyanteng nakasuot ng magagandang damit at napapalamutian ng mamahaling kwintas, purselas, hikaw, relo at iba pa. Umiwas ako ng tingin sa kanila saka tiningnan ang sarili.

Nakasuot lamang ako ng plain na t-shirt na pinarisan ng maong pants. Suot-suot ko rin ang nangingitim na puting sapatos na ibinigay lamang ng aming kapitbahay na si Aling Lordes. Ang tanging dala ko lamang ngayon ay ang notebook at ballpen na nakasilid sa maliit na paper bag.

Bakit nga ba ako narito? Ang isang tulad ko na mula sa mahirap na pamilya ay hindi kakayaning matustusan ang kamahalang tuition ng unibersidad. Subalit, salamat kay Ms. Solidad Xavier. Siya ay dati naming kapitbahay sa San Isidro na ngayon ay isa ng professor ng William University. Siya ang nagsabi sa akin na may scholarship sa paaralan. Tinulungan niya akong mag-apply at pinalad na maging isang scholar. 'Ang galing mo! Ang talino mo talaga Sonny!' iyan ang sabi sa akin ni Ms. Xavier matapos niyang malaman na nakapasa ako sa exam.

Kapalit ng pagtulong sa akin ng University ay ang pagtulong ko rin sa paaralan na maitaas ang pangalan nito. Kailangan kong pagbutihin ang aking pag-aaral. Hindi dapat ako makakuha ng mababa pa sa 1.5 dahil matatanggal ako bilang scholar.

Mahirap man ngunit kakayanin ko para kay Mama at Papa na nasa bukid. Kumakayod sila at nagtatanim para may maibigay sa akin kahit papano.

Pagpasok ng entrance ay sumalubong sa akin ang nakangiting si Ms. Xavier. Kumakaway ito habang naghihintay sa aking paglapit. Kumaway din ako pabalik sa kaniya pagkatapos ay binilisan ang aking paglalakad.

"Ms. Xavier, pasensya na po ngayon lang."

"Ano ka ba, kararating-rating ko lang din...at saka maaga pa naman. Tara sa faculty. Doon ka muna maghintay."

"Sige po...Ms. Xavier, salamat po talaga ng marami. Kung hindi po dahil sa'yo baka wala po ako ngayon dito. Baka nasa bukid na lang ako at nagtatanim doon."

"Sonny, masaya ako na nakakatulong...basta huwag mo akong bibiguin. Matalino kang bata...sayang ang talino mo kung hindi ka magtatapos sa pag-aaral." Hinawakan ni Ms. Xavier ang aking balikat. Ngumiti lang ako sa kaniya bilang pagtugon sa kaniyang sinabi.

Tama si Ms. Xavier. Kailangan kong magsikap. Kailangan kong pagbutihin ang aking pag-aaral upang hindi masayang ang binigay sa akin na pagkakataon. Kailangan maging handa ako sa anumang pagsubok na mararanasan ko sa kolehiyo. Sisiguraduhin kong magtatagumpay ako upang makabawi sa lahat ng mga taong tumulong sa akin. Kanila Mama, Papa at kay Ms. Xavier.

Unang subject namin ay Filipino. Nagpakilala sa amin ang professor. Makikita sa postura at awra ng aming propesora ang pagiging mahusay nito magdala ng damit. Maganda ang mukha ni Ma'am Aileen. May kasingkitan ang kaniyang mata at mapupula rin ang kaniyang labi dahil sa lipstick na nilagay niya. Maputi ang balat ni Ma'am Aileen, hindi maikakaila sa kaniyang kutis na siya ay nakakaluwag-luwag sa buhay.

Pinilig ko ang aking ulo. Kanina pa pala ako nakatitig kay Ma'am.

Natapos magpakilala si Ma'am kaya kami naman ang nais niyang makilala. Bawat isa sa amin ay pupunta sa harap upang ipakilala ang aming mga sarili.

Nasa likod ako nakaupo kaya malayo-layo pa ako. Umayos ako ng upo habang iniisip kung paano ko sisimulan ang pagpapakilala. Paano ko sisimulan ang sasabihin ko? Halos lahat ng mga nagpapakilala sa harap ay mga anak ng mga mayayamang tao. Mga anak ng abogado, artista, senador at iba pa.

Umayos ako ng upo. Inalis ko ang pagkakasandal ng aking likod sa upuan. Hindi dapat ako maapektuhan. Walang nakakahiya sa buhay ko. Dapat ko pa ngang ipagmalaki na anak ako ng mga masisipag na mambubukid na nagsakripisyo para mabuhay ako. Dapat ko pa ngang ipagmalaki na kahit wala kaming malaking pera ay masaya at maayos ang aming pamumuhay. At saka, dapat ko pa ngang ipagmalaki na isa akong scholar dahil sa totoo lang ay mahirap ipasa ang exam.

Tumayo ang classmate ko na nakaupo sa pinakaunahan ng aming row.

Napalunok ako dahil malapit na akong magpakilala. Normal lang naman siguro na kabahan ako. Pinahid ko ang aking pawisang palad sa maong na suot.

"Halatang kabado ka, " pang-aasar ng lalaking katabi ko. Nakangisi ito habang pinagmamasdan ang paa kong mahinang pumapadiyak sa sahig.

"Ahh...oo, pasensiya na. Di ko alam na kanina pa gumagalaw ang paa ko." Nginitian ko ang lalaki, ngunit sa halip na ngumiti siya pabalik ay sinamaan lang ako nito ng tingin.

"Hindi ang paggalaw ng paa mo ang tinitingnan ko. Your shoes. Tss...ang dumi ng sapatos mo. "

Tiningnan ko naman ang sapatos ko. Totoo na nangingitim ito, pero hindi dahil sa dumi kundi dahil sa kalumaan.

Hindi ko na lang pinansin ang sinabi ng lalaki dahil nagsalita si Ma'am Aileen.

"Sunod."

Ako na pala ang susunod kaya tumayo na ako.

Kasabay ng aking pagtayo ang mapanghusgang tingin sa akin ng aking mga kaklase. Halata sa bibig nila ang ngiting pinipigilan lamang dahil sa professor na makakakita.

"Mali ata ang napuntahan ni ate, hindi ka dapat sa Education, doon ka sa Agriculture," makahulugang pagbibiro ng isa sa lalaki kong kaklase na ikinatawa ng iba pa. Alam kong biro lang iyon kaya dapat hindi ako maapektuhan. Pero hindi ko mapigilang hindi masaktan lalo pa't alam ko ang nais nitong ipakahulugan.

Sa kabila ng tawanan ng iba ay matapang kong inangat ang aking ulo at pumunta sa harap.

Nang makarating sa harap, mas lalo kong nakita ang reaksiyon ng aking mga kaklase. Nasa akin lahat ng atensiyon nila. May mangilan-ngilan na nagbubulungan ngunit ang karamihan ay ay matalim na nakatitig sa akin at naghihintay sa mga salitang aking sasabihin.

Huminga ako ng malalim bago ako nagsimulang magpakilala.

"Magandang umaga sa inyong lahat. Ako nga pala si Sonny Mendez...Mula sa San Isidro, Rodriguez, Rizal... Hindi ako galing sa mayamang pamilya katulad ng iba sa inyo...Simple lamang ang aming pamilya. Ang mga magulang ko ay isang mambubukid at ako naman ay nagtapos sa publikong paaralan. Ngunit kahit wala kaming malaking pera ay hindi iyon naging hadlang upang kami ay maging masaya. Pinagmamalaki ko na anak ako ng isang mambubukid dahil iyon ang magiging dahilan ko para mas lalo pang magsumikap. Hindi ko sasayangin ang binigay sa aking pagkakataon ng William University. Magsusumikap ako at magtatapos. Iyon lang po salamat."

Ngumiti ako sa aming professor bago tuluyang bumalik sa aking puwesto. Hindi man naging maganda ang simula ng pakikitungo sa akin ng mga kaklase ko, hindi iyon magiging rason para ako sumuko.

Ang mahalaga, ay naging matapang ako sa araw na ito. Naging matapang ako na maihayag ang sarili sa kabila ng salitang aking narinig.

Gaya ng inaasahan, naging tahimik ang paligid. May mga pumalakpak kanina noong natapos ako magsalita. May nagbubulung-bulungan, may namumula ang mata na mukhang paiyak pa lamang, may nanahimik at may ibang walang pakialam. Katulad na lamang ng katabi kong lalaki na parang walang pakialam sa nangyari.

Nang makaupo ako ay tumayo ang lalaking katabi ko. Sa kaniyang pagtayo ay nagsimulang umingay ang klase na kanina lang ay tumahimik noong marinig ang sinabi ko.

"Siya na ba si Ken William? Yung anak ng may-ari ng William University? Yung galing sa Paris? Yung nakakuha ng pinakamataas na score sa entrance exam?"

"Oo, oo. Siya na nga!"

"Waah! Ang pogi niya!"

Rinig na rinig ko ang hagikgikan ng mga kaklase kong babae sa unahan. Mapababae o mapalalaki ay nakatingin na sa kaniya. Lahat ay nagkaroon ng interes na masilayan ang kaniyang mukha. Sino ba naman ang hindi? Anak ka ba naman ng may-ari ng paaralan. Tiyak na pagkakaguluhan ka. Bukod pa roon, napakaganda rin ng maamo nitong mukha. Maganda at perpekto ang hugis ng mukha niya. Kaya hindi malabong hangaan siya ng mga kababaihan. Nakasuot ang lalaki ng salamin ngunit kita pa rin ang singkit nitong mata. Perpekto rin ang malalago nitong kilay na bagay lang sa kaniya. Ang mga ngipin niya ay mapuputi ngunit bihira lang makita dahil bihira lang din itong ngumiti. Mukhang napakaseryoso niyang lalaki.

"Good Morning, some of you here is familiar about me. But for formality, I will introduce myself. I'm Ken Krizian D. William. Nag-aral ako sa US noong Elementary ako and sa Paris naman ako nag-highschool. My father is the owner of this University. Pero kahit anak niya ako, let us all be fair. Grades is grades, performance is performance and rules is rules. Katulad niyo rin ako na mag-aaral dito kaya kung ano man ang rules ng paaralan ay di ako exempted doon. Kailangan ko rin sumunod. I hope marami tayong maging memories sa paaralang ito. Masaya akong maging classmates kayo. Let's start our college life, begin to collect a remarkable and indelible moments. So good luck and God bless to all of us. That's all, thank you."

Matapos magpakilala ni Ken ay nagpalakpakan ang aming kaklase. Hindi ko na rin napigilan ang pagpalakpak ng mga kamay ko sa husay niyang magsalita. Halos lahat humanga sa mga sinabi niya. Patunay doon ang palakpakan ng lahat ng aking mga kaklase. Lahat pumalakpak hindi tulad noong ako ang magsalita. Mas malakas ang palakpakan ng sa kaniya kumpara sa akin. Sino ba naman kasi ako kumpara sa kaniya? Siya, mayaman, anak ng may-ari ng paaralan, maganda ang lahi at matalino. Lahat naman ng mga mag-aaral ng William University ay matalino dahil mahirap makapasa sa entrance exam. Kaya nga ito kilala hindi lang dahil sa maganda nitong sistema kundi dahil sa mga matatalinong mag-aaral. Napakataas ng expectations nila sa mga mag-aaral na papasok dito.

Base sa hinala ko, kung matalino ang mga mag-aaral dito. Mas malaki ang edge ng katalinuhan ni Ken sa lahat.

Bumalik si Ken sa upuan na katabi ng sa akin. Ngumiti ako sa kaniya ngunit sumimangot lang ito ng makita ako.

"Ang galing mo," papuri ko sa kaniya pero hindi niya pa rin ako pinansin.

Umayos na lang ako ng upo at nakinig na lang sa susunod na nagpakilala. Hindi ko na lang siya kukulitin tutal mukhang hindi naman niya ako gustong makausap.