webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urban
Zu wenig Bewertungen
165 Chs

Magaling Ako Sa Ganitong Eksena

Napatitig nalang si Lin Che sa kaibigan niyang walang prinsipyo sa sarili. Hindi ba nito naiisip na pwede niya itong balian ng mga buto dahil sa mga pinagsasabi nito kay Gu Jingze?

Ganunpaman, hindi niya rin alam kung sadyang maganda lang ang mood ngayon ni Gu Jingze o baka naman biglang nagbago ang ihip ng hangin at nagustuhan na nito ang katabilan ng kanyang kaibigan. Nagtanong pa nga ito ulit, "Naghahanap ka ba ng trabahong mapapasukan sa ngayon, Miss Shen?"

"Huh? Hindi pa naman. Pero, sinubukan ko minsan kaso nga lang eh pakiramdam ko hindi bagay sa'kin ang mga nahahanap ko kaya di ko na itinuloy muna."

Sumagot si Gu Jingze, "Bakit hindi mo nalang ipadala ang mga documents mo kay Lin Che? Papatingnan ko sa mga tao ko kung mayroon ba silang mairerekomendang posisyon na nababagay sa iyo, Miss Shen."

"Sa Gu Industries?" Mabilis namang nagliwanag ang mga mata ni Shen Youran.

Napakalaking kompanya ng Gu Industries. Ito ang nangununang kompanya sa kanilang bansa at mahirap makapasok doon ang mga katulad nilang ordinaryong tao.

Mabilis pa sa alas onse na sumagot si Shen Youran. "President Gu, napakabait mo talaga sobra! Kaninong buhay kaya ang nailigtas ni Lin Che sa kanyang huling buhay para swertehin siya nang ganito ngayon at nakakilala siya ng katulad mo?"

". . ." Hindi na talaga kaya pang tiisin ni Lin Che ang mga pinagsasabi ng kaibigan. Tinitigan niya nang mariin si Shen Youran at sinabi, "Ipagpapalit mo ba ang pagkakaibigan natin para lang sa trabaho?"

Naningkit naman ang mga mata ni Shen Youran kay Lin Che. "Bakit ko naman gagawin iyan? Masaya lang talaga ako kasi napatunayan ko na may perpektong lalaki pa pala sa mundo. Alam mo, Lin Che, sa tingin ko talaga ay hindi ako makakahanap ng katulad ni Mr. Gu na maalaga sa kanyang asawa. Ang masasabi ko lang ay wala ng ibang lalaki na makakahigit sa pagmamahal na ipinapakita ng asawa mo sa'yo."

". . ."

Sa gilid naman ay nakanganga't hindi rin makapaniwala si Chen Yucheng. Ngayon palang siya nakakita ng babaeng tulad nito na walang pangingimi at sobrang natural lang kahit na lantaran ang ginagawang pambobola.

Sa isip naman ni Lin Che ay naniniwala siya na mas magiging madali lang na malulutas ang problema ng kaibigan dahil si Gu Jingze na mismo ang nag-alok ng tulong.

Nang nakalabas na sila ay nagpasalamat si Lin Che kay Gu Jingze. "Maraming salamat sa pagtulong mo kay Shen Youran."

"Kung talagang nagpapasalamat ka, pwes, masahiin mo ang mga binti ko mamaya pag-uwi natin."

"Bakit…"

"Dahil kung hindi, ano ba ang halaga ng isang salamat lang?"

Napasimangot nalang si Lin Che. Negosyante nga talaga ito. Sa bawat gagawin nito ay kailangan nitong makakuha ng tubo! Hindi pwedeng libre lang lahat!

Nakauwi na silang dalawa sa kanilang bahay. Samantala, nakabalik na rin si Qin Hao mula sa Cambodia at agad itong inutusan ni Gu Jingze na mag-imbestiga kung aling Paaralan ba ang pinasukan ni Lin Che.

Nang makabalik si Qin Hao ay nagpasya siya na maging maingat na sa kanyang mga kilos. Hindi na siya nagbitiw pa ng ilang salita sa amo dahil baka may mali na naman siyang masabi at itapon pabalik sa Cambodia.

Habang palabas ay nakasalubong niya si Lin Che na kasalukuyang papasok sa loob. Agad-agad niyang iniyuko ang ulo at mabilis na lumabas.

Nabigla naman si Lin Che sa ikinilos ng assistant. Nang makapasok na siya ay agad siyang nagtanong, "Bakit parang nagmamadali yata kanina si Assistant Qin?"

"Hmm. May ipinapagawa lang ako sa kanya." Nang makita siyang nakapasok na ay ngumiti si Gu Jingze at itinaas ang mga paa. "Ano pa ang ginagawa mo diyan? Masahiin mo na ang mga binti ko."

Bagama't makikita sa pag-aalinlangan ang mukha ni Lin Che, nagsimula na siyang maglakad palapit dito. Bahagya siyang umupo sa tabi nito, ipinatong ang mga kamay sa paa ni Gu Jingze at sinimulan na ang pagmamasahe.

Napansin naman agad ni Gu Jingze ang isang script na nasa tabi. Naisip niya na marahil ay kay Lin Che ang script na iyon, kaya kinuha niya iyon at sinimulang basahin.

"Lakasan mo pa. Wala na bang mailalakas iyan?"

"Hindi ka pa ba kumakain?"

"Pwede na din naman. Okay na din naman ang ganyan. Hindi na masama, Lin Che. Mabuti naman at medyo mas naging marunong ka ng magmasahe ngayon."

Hindi malaman ni Lin Che kung ano ang sasabihin. Sa isip niya ay kaya lang naman nag-improve ang kanyang massaging skills dahil sa walang tigil nitong pagrereklamo.

Pero agad ding nabaling ang atensiyon niya sa script na hawak nito. Nakita niya na binabasa nito ang kanyang script, kaya ilang segundo muna siyang napatigil bago natatarantang inagaw iyon kay Gu Jingze. "Gu Jingze, bakit mo pinapakialaman ang gamit ko?"

Nabigla naman si Gu Jingze sa kanyang ginawa. Tinitigan nito si Lin Che at nagtanong, "Iyan ba ang palabas na ginagawa niyo ngayon?"

"Oo…"

Binigkas ni Gu Jingze ang isang linya, "Patawad, pero matagal na panahon ko ng itinigil ang pagmamahal ko sa'yo. Lahat ng mga ginawa ko, lahat ng iyon ay para lang gamitin ka. Ginamit lang kita para maihanda ko ang lahat para sa sarili ko bago kita tuluyang itakwil sa buhay ko. Hindi mo ako masisi kundi ang sarili mo lang mismo dahil naging tanga ka…"

Bakit parang kakaiba ang dating ng simpleng mga linya na iyon nang si Gu Jingze ang nagsasalita na?

"Saan ba nag-aral iyang screenwriter niyo na iyan? Bakit ang pangit pangit ng linyang iyan?"

"Tumigil ka nga! Kilala at ginagalang ng lahat ang screenwriter naming iyon, no! Ano bang alam mo ha?" Bahagya siyang lumapit para agawin ang papel mula kay Gu Jingze.

Tiningnan ni Gu Jingze ang ibabang parte ng script. May kissing scene pa doon.

Agad namang nagdilim ang mukha nito at tinitigan nang masama si Lin Che.

Hindi alam ni Lin Che kung ano ang binabasa nito kaya may pagtataka sa kanyang mukha. "Ano ba'ng ginagawa mo? Bakit ganyan ka makatitig sa akin?"

Nagpakawala ng mapaklang ubo si Gu Jingze at sumagot, "Wala naman. Kailangan mo bang praktisin ang mga eksena mo dito sa bahay?"

"Oo naman. Kaya nga dinala ko ang script na iyan para makapag-practice ako dito kapag may time ako."

Sumagot si Gu Jingze, "Pwede kitang tulungan na magpractice dito."

Hindi makapaniwalang tiningnan ni Lin Che si Gu Jingze. "Wag na. Ano ba ang alam mo? Kung babasehan natin ang paraan ng pagbasa mo kanina sa linyang iyon ay masasabi ko kaagad na baka pumalpak lang ako kung ikaw ang tutulong sa akin. Kaya wag mo ng balakin pa. Baka hindi pa ako makatiis at maalala ko ang hitsura mo na umaarte kapag nasa set na ako bukas."

"Kung hindi mo susubukan, paano mo masasabi na hindi ko nga talaga kaya?"

"Alam mo, napakahalaga rin sa pag-arte ang tamang pagbasa ng script. Kailangan iyan ng matinding talent. Kailangan mong pag-aralan nang napakatagal sa school. At nang marinig kita kanina na binibigkas ang linya na iyon, sigurado talaga ako na wala kang talent dito."

HAbang nakangiti ay itinaas ni Gu Jingze ang script gamit lang ang isang kamay at bahagyang lumapit kay Lin Che. "Okay, sige. Hindi na muna natin ipa-practice ang bahaging iyan. Ibang eksena nalang muna ang unahin natin."

"Hmm. Ang alin naman?"

Hindi pa rin nauunawaan ni Lin Che ang ikinikilos ni Gu Jingze. Ano pa ba ang nasa script maliban sa eksenang binasa nito kanina?

Pero mabilis na'ng itinulak ni Gu Jingze si Lin Che pababa. Hinawakan niya ang leeg niyo gamit ang isang kamay at inilapit ang mukha sa kanya. Ang kanyang mga daliri'y naglakbay sa malambot nitong buhok at buong init na sinunggaban ang labi nito't nagbigay ng isang malalim na halik.

Kaya naman ay halos hindi makahinga si Lin Che dahil sa bilis ng pangyayari. Hindi niya kaagad naintindihan ang nangyayari.

Hindi niya alam kung kailan, o kung gaano katagal bago siya nagkaroon ng lakas na itulak ito palayo habang siya ay humihingal.

Hinawakan niya ang at mapula at basang labi. "Gu Jingze!"

"Tanggap ko na na hindi talaga ako gaanong magaling sa pagbabasa ng mga linya, pero sa tingin ko ay mas magaling pa rin ako sa'yo pagdating sa ganitong eksena."

Noon lang din naalala ni Lin Che na ang eksenang binasa pala nito ay may bahagi na kung saan pilit at sadyang hinalikan ng bidang lalaki ang bidang babae sa kwento.

Pulang-pula ang kanyang mukha. Alam niya na pinagtatawanan na naman siya nito.

"Imposible naman na sasadyain nila na ipakita sa TV ang kissing scene na may dila pang inilalabas ano! At isa pa, may tinitignang anggulo lang ang mga cameraman kapag nagso-shoot ng mga kissing scene! Hindi ganyan, hindi katulad ng ginagawa mo!" Nakasinghal siya pero mapula pa rin ang kanyang mukha. "Bastos!"

Lalo lang namang natawa si Gu Jingze.

Hindi naman sa gusto niya talagang makialam sa trabaho nito lalo na sa mga ganitong eksena.

Pero, hindi niya rin naman maikakaila na talagang hindi niya kayang makita ito nang personal na isinasagawa ang bahaging iyon ng script.

Nirerespeto niya ang trabaho nito at ayaw niyang maapektuhan ang pagtatatrabaho nito. Pero yun nga, hindi niya gustong makita iyon nang harapan. At kung sakali mang makita niya iyon, natitiyak niya na hindi niya kakayanin.

Suminghal ulit si Lin Che habang nakatingin kay Gu Jingze. Sa loob ng puso niya ay nararamdaman niyang tama naman ang sinabi nito. Totoo naman kasi talaga, na magaling itong humalik.

Hindi niya maisip kung saan ba nito natutunan ang ganoong kakayanan.

Kasi kung iisipin, malabong nagkaroon na ito ng karanasan na makahalik sa ibang babae dahil nga sa sakit nito.

Tama nga kaya ang sinabi nito? Na nakadepende lang talaga sa human instinct ng isang tao ang ganitong mga bagay?

Kung totoo man iyon, ibig sabihin ay napakalakas naman pala talaga ng human instinct nito.

Hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin niya ang pamamanhid ng bibig dahil sa ginawa nitong paghigop ng halos lahat niyang hininga. Padabog na kinuha niya ang script at dali-daling tumakbo palabas ng kwarto.

Samantala, wala naman sa sarili na hinawakan ni Gu Jingze ang labi.

Hindi pa rin nawawala ang kanina'y pagnanasa na nararamdaman niya dito. Mas lumalala pa nga.

Humugot siya ng malalalim na paghinga sa pag-asang mawaglit ang kanina pang nag-iinit na takbo ng kanyang isip.

Ang totoo kasi niyan ay gusto niya lang talagang subukan ang sarili niya kanina. Gusto niyang malaman kung may pagbabago ba sa kanyang nararamdamang pagnanasa dito. Pero ngayong nagawa na niya ang gusto, hindi na niya alam kung matatawa ba siya o maiiyak na lang dahil sa hindi malamang emosyon.

Kung pagkakamali man na maituturing ang nangyari noong gabi habang inaapoy siya ng lagnat, marahil ay kaya pang malusutan ang pangalawang pangyayaring ganito. Ano naman kaya ang mangyayari kung hindi na naman niya mapigilan ang sarili sa ikatlong pagkakataon?