webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urban
Zu wenig Bewertungen
165 Chs

Kami Ang Nagpalaki Sayo. Hindi Ba't Tama Lang Na Tulungan Mo Rin Kami?

"Ikaw..." Halos sumabog ang baga ni Han Caiying sa sobrang galit. Nang paalis na si Lin Che, hinila niya ito sa balikat pabalik at ibinagsak sa sahig. "Hindi mo ba nakikita ang sarili mo? Inalagaan at pinalaki ka namin nang maayos sa loob ng mahabang panahon. Anong karapatan mong sumagot sa akin ngayon ha? Kung hindi dahil sa'min, baka namatay ka na sa lansangan kasama ang baliw mong nanay! Ano naman ngayon kung saktan kita huh?"

Tumambad sa mga mata ni Han Caiying ang mga pasa sa leeg ni Lin Che. Kasinglinaw ng araw ang mga ito dahil talagang agaw-pansin.

Para bang may nalamang napakalaking sekreto, lalong naging arogante si Han Caiying at patuloy na nagsalita, "Well, well, Lin Che. Alam ko namang may masama kang binabalak sa pamilyang ito. Wala kang pinagkaiba sa'yong ina na ang tanging alam lang ay ang maghanap ng taong mabibiktima. Kung 'yan ang binabalak mo, wag ka dito. Wag mong ilagay ang sarili mo sa kahihiyan sa loob ng pamamahay na ito. Si Qin Qing ang tagapagmana ng kayamanan ng mga Qin. Sa tingin mo ba, nababagay ang isang mababang tulad mo sa kanya? Kahit isang sulyap man lang ay hinding-hindi niya maibibigay 'yon sayo!"

Gaano man kalakas ang sampal na ibinigay ni Han Caiying sa kanya, hindi siya nakaramdam ng kahit kaunting lungkot. Ngunit, ang simpleng pahayag na ito ay sapat na upang mabiyak ang puso ni Lin Che sa sakit.

Kahit ganoon pa man, nagbitiw pa rin ng isang mapaklang tawa si Lin Che. Ngumisi siya habang inaayos ang nagusot niyang damit at hindi nagpatinag sa ginang, "Kung sa palagay mo ay hindi ako nababagay sa kanya, na kahit isang sulyap man lang ay imposibleng maibigay sa akin, bakit parang natatakot ka na mangyari nga?"

May narinig na ingay mula sa labas si Han Caiying; mula sa labas ay masayang nagkikwentuhan sina Lin Li at Qin Qing. Dahil dito, nakaramdam siya ng kaba. Takot na madiskubre sa kanyang ginagawa, binabaan niya ang kanyang boses at lumapit kay Lin Che. Binalaan niya ito, "Wag na wag kang gumawa ng kahit na ano." Pagkatapos mag-isip, nagpatuloy siya sa pagsasalita, "Maya-maya ay darating na ang mga Cheng kasama ang pangalawa nilang anak na si Cheng Tianyu. Wag mong sabihin na wala akong pakialam sayo. Ihaharap kita sa kanila mamaya. Kilala ang mga Cheng na may magandang reputasyon at imahe sa bansang ito. Kung magpapakasal ka sa anak nila, makakasama ka na rin sa kayamanan nila."

Bahagyang nanginig sa kanyang kinatatayuan si Lin Che.

Malamang, kilala niya kung sino ang ikalawang anak ng mga Cheng.

"Gusto mo akong ipakasal sa isang disabled?" At para daw sa ikabubuti niya 'yon? Napalakas ang boses ni Lin Che sa pagkadismaya.

"Bakit, ayaw mo?"

"Pakasalan mo siya kung gusto mo! Hindi mo ako tau-tauhan para kontrolin!" Dali-dali niyang hinaltak ang pintuan.

Nang makita ni Han Caiying ang balak niyang gawin, buong lakas niya itong pinigilan uli.

Pansamantalang kinalimutan ni Lin Che ang lahat ng kanyang mga iniisip sa mga oras na iyon. Pumihit siya at buong lakas na itinulak si Han Caiying.

Galit na nakahandusay sa sahig si Han Caiying at sumigaw, "Lin Che, sa oras na umalis ka sa bahay na ito, sisiguraduhin kong itatapon ng Papa mo ang abo ng nanay mo. Tandaan mo yan!"

Patakbong umalis si Lin Che.

Samantala...

Ipinatawag sa kanilang mansiyon si Gu Jingze.

Ano pa't kaagad na naiparating ang insidente sa kanyang lolo na si Gu Xiande, na siyang pinuno ng kanilang sambahayan.

Walang balak na magpatinag si Gu Jingze. Tinitigan niya si Gu Xiande at nagsalita, "Lolo, hindi naiintindihan ni Mama ang sitwasyon. Kapwa namin hindi ginusto ng babaeng iyon na magsama sa buong gabe. Aksidente lang iyon."

"Jingze, bakit ba kailangan mo pang magmatigas, iho? Mag-isip ka nga. Hindi mo ba talaga kayang pakasalan siya? May nangyari sa inyong dalawa. Hindi mo man lang ba nami-miss ang ganoong pakiramdam?"

"Hindi!" sagot ni Gu Jingze.

"Jingze, I'm extremely disappointed in you." malungkot na saad ng mahinahon at kalmadong si Gu Xiande.

Masama ang tingin na nilingon ni Gu Jingze si Mu Wanquing na nasa kanyang likuran. Ngunit nanatili itong nakataas-noo.

"Papanagutan ng Pamilyang Gu kung ano man ang nangyari. Isa pa, hindi lang siya basta importante sa iyo para magkaroon ng normal na buhay may asawa. Siya rin ang sagot para mabigyang-lunas iyang sakit mo. Kailangan mong maging praktikal. Sa isang banda, may ginawa ka sa kanya. Hindi maaari na basta mo lang siyang ginamit pagkatapos ay kakalimutan mo nalang ang lahat," ang sabi ni Gu Xiande.

Tumingin si Gu Jingze sa kanyang lolo at sinabing, "Pero hindi ko siya kilala. Lolo, bakit ako magpapakasal sa isang babaeng hindi ko man lang kilala?"

"Paano kung sabihin ko sayo na kung hindi mo siya papakasalan, may gagawin ako sa nobya mo... ano nga ulit ang kanyang pangalan? Ah, Mo Huiling. Sisirain ko ang kanyang career nang sa gayon ay maramdaman niya na mabuti pang mamatay nalang kaysa ang mabuhay?" Ang mga mata ni Gu Xiangde ay katulad ng kay Gu Jingze. Bagaman mahinahon tingnan ang kanyang mga titig, hindi maitatago ang kalupitan nito.

Sagot naman ni Jingze, "Alam mong hindi kita hahayaang gawin iyan."

"Batid kong matibay na ang iyong pakpak at hindi na kita kayang kontrolin pa. Isa-isa, kayong tatlo ay natuto ng sumuway. Ang isa ay naging Pangulo, ang isa ay nag-artista, at ikaw naman... You have always been mature but rebellious. Pero kahit hindi man kita makontrol, sigurado akong kaya kong pahirapan ang isang babae na mahalaga sa'yo. Pwede mo akong subukan", mariing tugon ni Gu Xiande.

Nagpakita ng pagkapoot sa kanyang mga mata si Gu Jingze na kalaunan ay mas naging matalas ang pagtitig sa kanyang lolo.

----

Ilang hakbang lamang ang nagawa ni Lin Che nang makita niya ang iilang mga kotseng papalapit sa kanya.

Mga tauhan ng mga Lin...

Gustong tumakas ni Lin Che pero talagang mahigpit ang mga Lin sa mga oras na iyon. Halos lahat sa mga ito ay nakabantay at pinalibutan si Lin Che.

"Ikaw, ginagawa ko lang ito para sa ikabubuti mo. Pero, nagtangka ka pa ring tumakas. Hawakan niyo siya at dalhin pabalik dito sa akin."

Mariing tinitigan ni Lin Che si Han Caiying, nagpipigil na sunggaban ito at sampalin.

Subalit, mag-isa lang siya at hindi niya kayang labanan ang mga taong nakapalibot sa kanya.

Dinala papasok sa loob ng bahay si Lin Che nang nakatali ang mga kamay sa likuran.

Dumating ang isang make-up artist para ayusan si Lin Che. Samantala, galit na galit na nakabantay sa kanya si Han Caiying. "Isipin mo nga naman, tatakasan ako ng isang katulad mo? Maya-maya, kailangan mo ng magbihis para harapin si Cheng Tianyu." Pasinghal na sabi nito.

Nagngingitngit ang mga ngipin ni Lin Che sa pagpupumiglas ngunit wala itong naging saysay.

Nang maayusan na si Lin Che, nasabi ni Han Caiying sa kanyang sarili: Maganda nga naman ang babaeng ito pag nabibihisan; ang maamo nitong mukha ay sapat na upang makahalina ng kahit sinong lalaki.

Naisip niya na kailangang maikasal na ito sa mga Cheng sa lalong madaling panahon. Kung hindi, lagi lang itong nasa paligid ni Qin Qing. Kung magkataong mahulog si Qin Qing sa kanya, manganganib ang posisyon na dapat ay para kay Lin Li.

Mula sa labas ay may nagsabi na dumating na ang mga Cheng.

Ayon sa utos ni Han Caiying, kinalag si Lin Che mula sa pagkakagapos at itinulak ito papunta sa harapan. Sa pintuan pa lamang ay maririnig na ang masisiglang boses ng mga Cheng.

"Alam naman nating lahat na ang Third Miss ninyo ay isa lamang anak sa labas. Actually, hindi naman siya nababagay para sa aming Tianyu, pero maganda din naman siya sa mga litrato. Pag naikasal na siya sa anak namin, basta't maipagpapatuloy niya lang ang aming lahi, malaki ang kanyang matatanggap."

Maipagpatuloy ang lahi?

Umismid si Lin Che at napaisip. Gagamitin lang siya bilang kasangkapan sa pagpapadami ng lahi?

Napansin ni Lin Che ang isang lalaking nakatungo na may katamtamang tindig na 1.6 metro. Nangangatal ang katawan nito at manaka-naka ay manginginig ang ulo habang tinitingnan ang kanyang paligid. Parang isang paslit, nginangatngat nito ang daliri.

Napangiti si Han Caiying at nagsalita, "Tingnan mo, Lin Che. Iyan ang iyong mapapangasawa. Parating na ang iyong masasayang araw."

Talaga namang mahahalata sa boses ni Han Caiying ang pangungutya sa kanyang mga salita.

Nang bigla nalang umatake ang sakit ni Cheng Tianyu. Walang pakundangan itong nagwawala at sumisigaw nang napakalakas.

Nagkagulo ang lahat ng mga naroroon sa loob at pinalibutan nila si Cheng Tianyu upang hindi makalayo at makapanira pa ng ibang gamit.

Gulat at hindi makapaniwala si Han Caiying sa kanyang nakikita. Labis ang kanyang pandidiri habang tinitingnan ang hitsura ni Cheng Tianyu at halos magsuka na ito.

Sa loob-loob niya'y gusto niyang magpasalamat. Buti nalang at si Lin Che ang ipapakasal dito at hindi si Lin Yu. Dahil kung hindi, malamang mamamatay siya sa sobrang galit.

Kaya't lumingon siya at napansing wala siyang katabi...

"Si Lin Che, nasaan si Lin Che? Hanapin niyo siya! Bigyan niyo ng leksiyon pag nakita niyo siya!" Biglang nag-iba ang anyo ni Han Caiying dahil sa pagkakabigla.

Hindi alam ni Lin Che kung paano niya nagawang makatakas doon.

Ang alam niya lang ay halos sumabog na ang kanyang baga sa kakatakbo, nang marealize na mag-isa na lang siya.

Sa punto ding iyon, may nakita siyang nakaparadang kotse sa kabilang kalye.

Bigla siyang napahinto. Sa likod ng bintana ng sasakyan ay bumungad sa kanya ang mga matang mapagmataas ng isang Gu Jingze.