Napakagulo ng isip ni Lin Che. Hindi na niya alam kung paano pa makakalabas ng bahay kinabukasan.
Sa huling pagkakataon ay tiningnan niya ang kanyang Weibo. Nagulat siya dahil bigla na namang dumami ang bilang ng kanyang fan count sa loob lamang ng ilang minuto.
Pero, hindi na niya kailangan pang hulaan na lahat ng mga ito ay puro haters. Huminga na lang siya nang malalim at ibinaba na ang kanyang cellphone.
Sumimangot naman si Gu Jingze na nasa tabi niya. "Kung gusto mong matulog, wag ka ng gumamit pa ng iyong cellphone."
"Tiningnan ko lang sandali. Matutulog na ako."
Humiga na siya nang nakaharap kay Gu Jingze. Nakapikit na ang mga mata nito. Kahit nakahiga ito, tuwid na tuwid pa rin ang katawan nito. Sa tuwing tititigan ito ni Lin Che, pakiramdam niya ay hindi talaga ito gumagalaw kapag natutulog.
Tiningnan ni Lin Che ang mukha nitong naliliwanagan ng ilaw. Kalahati lang ng katawan nito ang natatakpan ng kumot, kaya't ang matikas nitong katawan ay nahahati sa dalawa, isang maliwanag at isa namang madilim. Ang maliwanag na bahagi ay sumisilaw sa kariktan at kakisigan, samantalang ang bahaging madilim naman ay nag-aanyaya sa kanya ng werdong mga palaisipan. Para itong naliligo sa madilim ngunit mabulaklak na liwanag. Parang nanunukso ang larawang iyon sa kanyang mga mata.
Kapag nakapikit ang mga mata nito, mas lalong mahaba tingnan ang mga pilikmata nito na para bang nagtataglay ng kakaibang panghalina. Bahagyang nakataas ang perpektong hugis nitong labi at ang panga nito ay maayos na nakaguhit sa gwapo nitong mukha, nakadadagdag sa kagandahan ng kanyang mukha. Sa ibaba ng napakagwapong mukha ay bahagyang gumagalaw ang Adam's Apple nito. Sa mas ibaba pang bahagi ay kapansin-pansin ang kanyang collarbone. Kahit nakahiga ito nang ganoon, halatado pa rin ang hugis ng mga ito.
Pati sa ibaba pa nito…
Mabilis na inilayo ni Lin Che ang kanyang tingin. Hindi na ito tama.
Pakiramdam niya ay natutukso na naman siya sa kagwapuhan nito.
Kapag tinititigan niya ito nang ganoon, lalo itong nagiging kaakit-akit sa kanyang paningin.
Higit pa doon, bigla niyang naalala na asawa niya pala ito.
Bagama't kasal lang sila sa pangalan, asawa niya pa rin itong maituturing. Ito ang sinasabi ng batas.
Ngunit, nakakalungkot lang dahil may ibang babae na nasa puso nito.
Huminga muna siya bago tumalikod at humiga na nang maayos. Dahil magulo ang kanyang utak, hindi siya makatulog nang maayos. Bahagya lang siyang nakatulog sa buong gabi, pero ang mahalaga, hindi siya masyadong naging malikot.
Kahit si Gu Jingze ay hindi rin makapaniwala.
Sa una pa lang ay inaasahan na niyang magpapagulung-gulong na naman ito at maya-maya ay tatamaan ang kanyang katawan, ngunit pagkatapos ng ilang oras na paghihintay, ay hindi man lang ito gumalaw kahit kaunti.
Hindi siya natulog nang ilang oras dahil inaabangan niyang mabugbog na naman nito, pero, hindi iyon nangyari.
Hindi alam ni Gu Jingze kung paano siya nakatulog, pero na-realize niya na nakaramdam siya ng kaunting disappointment nang tuluyan na siyang mahimbing.
Sa sumunod na araw ay sabay silang umuwi sa bahay nang nakakotse. "Gusto ka nga palang imbitahin ng aking pamilya sa bahay para makasamang kumain."
"Huh?" Hindi makapaniwalang nilingon niya ito.
Dahan-dahan lang itong sumagot. "Pero tinanggihan ko na sila kaagad."
"Oh…" Kinabahan agad siya dahil doon. "Tama. Kung pupunta ako ngayon, tiyak na tatanungin nila ako tungkol sa isyu. Hindi ko rin alam kung ano ang sasabihin kaya mas mainam na hindi nalang pumunta."
Nilingon siya ni Gu Jingze, ang kanyang ekspresyon ay sing-itim ng isang pluma.
Sinulyapan niya ito saglit bago lumabi at tumalikod.
Pagkababa sa sasakyan, malalaki ang hakbang na pumasok sa loob si Gu Jingze.
Walang magawa si Lin Che kundi ang bumaba at mag-isang sumakay sa kanyang wheelchair.
Nang dumating ang isang katulong para itulak siya, inangat ni Lin Che ang kanyang ulo at sinabi dito, "Napakahirap talagang intindihin ng amo mo."
". . ." Napangiti nalang nang mapakla ang katulong, hindi alam kung ano ang dapat sabihin.
Pagkatapos mag-ayos ng kanyang sarili ay mabilis na umalis si Lin Che upang magpunta sa company.
Nang makita niya si Yu Minmin, kaagad siyang nagtanong. "Kumusta, Miss Yu? Naayos na ba ang problema?"
Nang makita naman siya ni Yu Minmin, nilapitan siya nito at sinabing, "Oo. Hindi mo na kailangan pang mag-alala nang sobra. Napansin kong tinatanggal na ang balitang ito. Sa ngayon ay ipinagbabawal na munang ipalabas ang anumang balita na may kinalaman sa'yo at kay Gu Jingyu. Ipinatanggal na rin ang mga balitang ipinalabas kahapon."
Hindi naman kaagad makasagot si Lin Che. "No way."
Nagpatuloy si Yu Minmin. "Mukhang gumawa nga ng aksyon ang panig ni Gu Jingyu. Kung tutuusin, hindi naman masiyadong makapangyarihan ang ating kompanya at wala ring bigating mga koneksiyon. Hindi nito kayang tanggalin ang mga balita, kaya malamang, ang kompanya ni Gu Jingyu ang dahilan nito."
Nagtataka pa rin si Lin Che. "Pero kahapon, si Gu Jingyu mismo ang nagsabi na huwag na itong pakialaman pa."
Nagulat at mabilis namang nagtanong si Yu Minmin. "Kailan niya sinabi iyan?"
"Kagabi, sa WeChat."
"Aiya, nagkakachat pala kayo ni Gu Jingyu", sabi ni Yu Minmin at tiningnan siya nito nang may interes.
Mabilis naman siyang pinigilan ni Lin Che. "Hindi ah. In-add niya lang ako kagabi sa WeChat. Baka dahil lang sa isyung iyon."
Tiningnan siya ni Yu Minmin na para bang mayroon siyang tinatago. Ngumiti ito sa kanya. "Hindi mo pa talaga kilala si Gu Jingyu. Hindi niya naman kailangang personal na ayusin ang ganitong mga problema. Pwede niya lang itong iutos sa kanyang mga tauhan."
"Uh, ganoon ba?" Siyempre, hindi siya katulad ni Yu Minmin na malalim na ang pagkakakilala sa mga sikat na artista sa kanilang industriya.
"Sa totoo lang talaga, hindi madaling malapitan si Gu Jingyu. Maraming tao ang nag-iisip na hindi siya madaling pakisamahan. At lalong-lalo na, kailanman ay hindi siya nakikipag-usap sa kahit sinong baguhan na artista."
"Uh… bakit ang layo-layo nito sa Gu Jingyu na kilala ko?" Nagpatuloy si Lin Che. "Sa tingin ko, okay naman siya at masaya siyang kausap. Medyo may pagka-pilosopo nga lang siya."
". . . " Sumagot si Yu Minmin, "Ganoon ba? So… i-enjoy mo na lang iyan."
Tinapik nito ang balikat ni Lin Che nang matapos na itong magsalita.
Pinagpag naman ni Lin Che ang kanyang balikat at hindi makasagot. Iniisip niya na dahil hindi pa nakakasama ng mga ito si Gu Jingyu kaya ganoon ang pagkakakilala nila dito.
Isa pa, tiyak na hindi pa nakakalapit si Yu Minmin kay Gu Jingyu noon. Narinig niya lang ang mga ito mula sa ibang tao. Mas lalong kumakalat ang mga tsismis na iyon, mas lalo ding lumalala ang mga sinasabi ng mga ito.
Ganoon pa man, naniniwala pa rin si Lin Che na kagagawan ito ng panig ni Gu Jingyu.
Dahil kung hindi, tiyak na hindi na nila ito maaayos pa kapag huli na ang lahat.
Kaya pagkatapos mag-isip nang ilang sandali, chinat niya ito sa kanyang WeChat. "Mukhang inayos mo na ang isyung ito. Pasensiya na talaga sa eskandalong ito at maraming salamat dahil inayos mo ito."
Hindi naman niya inaasahan na palaging may bakanteng oras itong si Gu Jingyu. Mabilis itong nagreply. Nabasa ni Lin Che ang sagot nito. "Ano ang inayos ko?"
"Hindi ba't ang iyong team ang nag-ayos ng isyung ito?"
"Siyempre, hindi. Oh no, saying naman. Gusto ko pa namang gamitin pa ito nang ilang araw. Pero, wala na pala ito?"
". . ." Gustong sumuka ni Lin Che ng dugo.
"Mamatay ka na nga lang! Salamat sa Diyos at natanggal na 'to."
"Wala ka talagang puso."
Pagkatapos makipag-chat kay Gu Jingyu, napasinghal si Lin Che at ibinaba na ang kanyang cellphone.
Pero nagtataka pa rin siya. Ano ba talaga ang nangyayari?
Samantala, sa panig naman ni Gu Jingze…
Iniyuko ni Qin Hao ang ulo at sinabi kay Gu Jingze na nakaupo sa isang executive chair, "Sir, naayos na po namin ang isyung iyon. Nabura na po ang lahat ng mga balita. At, sa ngayon ay wala na munang lalabas na mga balita na may kinalaman kay Third Young Master."
Tumango naman si Gu Jingze bilang pagsang-ayon.
Muling nagsalita si Qin Hao. "Kung ganoon, kailangan po ba naming magbigay-alam kay Third Young Master?"
Sa kasalukuyan, hindi pa rin alam ni Gu Jingyu ang tunay na pagkatao ni Lin Che, kung kaya nangyari ang ganoong bagay.
Nag-isip nang ilang sandali si Gu Jingze. "Huwag na. Kapag nalaman niya ito, hindi tayo nakatitiyak kung gagawa pa siya ng bagong problema. Marahil mas magiging tahimik ang lahat kung hindi niya alam ang tungkol dito."
Si Gu Jingyu ang pinaka-pasaway sa kanilang tatlong magkakapatid, at karaniwan na dito ang gumawa ng mga bagay na hindi ikasasaya ng ibang tao.
Sumagot naman si Qin Hao, "Kung ganoon po, Sir, maghihintay nalang ako ng muli niyong utos."
"Sandali lang." Nagsalita si Gu Jingze. "Pigilan niyo ang anumang balita tungkol kay Gu Jingyu sa loob ng dalawang buwan para lalo siyang magtino."
Pero sa kabila nito, hindi pa rin komportable si Gu Jingze na hindi ito bigyan ng kaparusahan.
Nang marinig ito ni Qin Hao, tumango nalang ito. "Yes, Sir."
Nang makalabas na si Qin Hao ay doon lamang yumuko si Gu Jingze para tingnan ang article.
Makikita sa article na iyon ang larawan ni Lin Che at Gu Jingyu na magkausap at masayang nagtatawanan. Masakit sa mata ang mga iyon.
Naiinis siya kapag nakikita ito.
Itinapon niya sa gilid ang article na iyon. Nakasimangot siya habang nagsasalita sa sarili. Wala bang mga mata ang mga taong iyon? Sa tingin ba nila ay pwedeng magsama ang dalawa?