Bigla akong nakaramdam ng kaba at ang tibok ng puso ko ay unti-unting bumibilis. Parang nakalimutan kong huminga at napabuntong hininga ako ng malakas ng hinigit niya ang kalahati nung earphone. Last Flowers by Radiohead ang kasalukuyang tumutugtog.
"Oh," inabot niya sa akin yung PS Vita niya. Napalitan na ng pagkasabik ang kaba ko pero hindi kaagad binitawan ni Stan yung PS niya. "Pero kunin mo muna yung libro mo sa math. Baka mamaya, magspecial project ka na naman."
"Ang daya mo," reklamo ko sa kanya. Tumagilid ako para makita ko siya.
Oo, aaminin ko, sa mga oras na yon, hiniling ko na sana tumigil na lang ang oras. Gusto ko siyang yakapin at sabihin kung gaano ko siya namiss. Masyado ata akong nadala ng amoy ng pabango niya kahit may halo na itong konting amoy pawis. Hindi ko napansin na tinitigan ko na pala siya hanggang sa itinulak niya ang ulo ko gamit ang dalawang daliri niya.
"Dali, kunin mo na," utos niya.
Magrereklamo pa sana ako kaso hindi kinaya ng puso ko dahil tumagilid din si Stan at sa sobrang lapit niya, yung pisi ng kontrol ko ay malapit ng maputol. Naupo kaagad ako. Hindi pa ako nakakatayo, tumugtog ang chorus ng Last Flower. Kinuha ko naman kaagad yung libro ko sa table ko. Nang pabalik na ako sa kama, nakita ko si Stan na naka-indian seat ulit, nakaharap sa parte ng kwarto kung nasaan ang table.
Tumugtog naman ang Just One Yesterday ng Fall Out Boy at napangiti ako. Nakita ko din si Stan na nakangiti. Ihinagis ko sa kanya yung libro ko. Hindi ko na din napigilan mapaindak ng konti. Siguro sobrang lapad ng ngiti ko dahil pagkaupo ko sa kama, sinakmal ni Stan ang mukha ko.
"I really like this song," sabi ko sa kanya pagka-alis niya ng kamay niya sa mukha ko.
"Alam ko," tipid niyang sagot pero hindi pa din nawawala ang ngiti niya habang nagbubuklat siya ng pahina ng libro.
"I want to kiss and make love to this song." Lumabas yung inner thoughts ko at kung nagulat ako sa lumabas sa bibig ko, mas nagulat si Stan.
Napatigil siya sa pagbubuklat at napatingin sa akin. Medyo nanlaki ang mata ni Stan at nag-init ang pisngi ko. Sa sobrang hiya ko, napataklob ako ng mukha gamit ang dalawa kong kamay. Naramdaman ko na lang na yung braso ni Stan ay nakapalupot na sa leeg ko at hinila niya ako palapit sa kanya.
"Hoy, Mari Alyssa Reyes, napakabata mo pa para dun," sabi niya sa akin at halos manginig ang buo kong katawan dahil sa lapit ng bibig niya sa tenga ko. Ramdam ko ang paghinga niya.
"Alam ko, nadulas lang ako sa sinabi ko," pagdadahilan ko naman sa kanya. "At tsaka, someday yun. Someday."
"Oo, pag may asawa ka na." Hindi pa din niya inaalis ang braso niya. "Iperfect mo muna 'tong math exam."
"Yeah right," sagot ko sa kanya at natawa ako. Natawa din siya at wala na akong pakailam kung gaano siya kalapit sa akin basta masaya ako ng panahon na 'yon kahit bilang isang matalik na kaibigan lang.
Nang napansin na namin na nagbago na ang kanta, saka niya ako binitawan at nagsimula na ang aming study session. Itinuro ko sa kanya ang mga part na hindi ko lubusang naintindihan. Pagkatapos ng math, naaral din namin ng konti ang chemistry saka socsci naman ang inaral namin. Nagtanungan kami at ako naman ang tumatawa dahil hindi hamak na mas magaling ako sa kanya doon. Mayamaya ay may kumatok sa pinto.
Bumukas ito. Si ate pala. "Hindi pa kayo tapos? Lampas na ng ten, hindi ka pa uuwi Stan?"
Sabay kaming napatingin sa oras sa cellphone niya tapos nagkatinginan kami.
"Kasalanan mo pag na-late ako bukas," sabay naming sabi.
Umalis din si ate at hindi pa na-inggli si Stan mag-ayos ng gamit niya kaya tinanong ko na siya kung hindi pa siya uuwi. Ang sagot lang niya sakin ay hindi pa tayo tapos at alam naman daw sa kanila kung nasaan siya at hindi naman malayo ang kanila. Gusto ko pa sanang sabihin na kailan pa siya naging masigasig sa pag-aaral kaso hindi ko na itinuloy dahil ayoko pa naman talaga siya umuwi.
Ililipat ko sana yung kanta ng napansin ko na may text siya galing kay Denise at bumalik ako sa realidad. Ibinigay ko sa kanya yung cellphone niya. "Umuwi ka na Stanley. Gabing gabi na oh."
Napatingin siya sakin. "Hindi alam ni Denise na nandito ka no," dagdag ko.
Hindi siya sumagot. Napalunok ako. "Ayoko nang mag-away ulit tayo. 'Wag na nating uulitin 'to. Think about your girlfriend and all those times you picked her over me."