webnovel

CHAPTER 2: ATARGATIS HARBOR

''HAPPY 718th FOUNDING ANNIVERSARY! ATARGATIS HARBOR"

Ang nakasulat sa kulay puting telang nakasabit sa magkatabing poste na malapit sa arko kung saan may nakalagay ring Welcome to Atargatis. Maingay at makulay ang paligid. Mga banderitas na nakasabit sa bawat bubong ng mga bahay. Napangiti ako kasi ang mga damit na nakasampay rin ay mukhang mga banderitas.

Naglalakad ako ngayon sa bayan. Nakasuot ng isang mahaba at maluwag na damit. Mainit rin ngayong hapon kaya naman nanunuyo na naman at natutuklap ang aking balat. Kaya naman meron na akong dala-dalang bote ng tubig. Mahirap na baka maramdaman ko naman ang simptomas na iyon.

Habang tumitingin ako sa paligid ay hindi ko maiwasang maalala kung paano ako napunta rito.

Noong gabing iyon, simula nang magbago't maging tao ako ay tinulungan ako nina Sonata. Tinulak nila ang bangka palapit sa akin. Habang ako naman ay nahihirapang tumayo sapagkat hindi ako sanay gumamit ng binti.

Gumapang ako noon para makakapit sa bangka habang sina Sonata ay umaalalay rito. Saka ko lang naramdaman ang lamig ng hangin dahil sa wala akong ano mang saplot.

Hindi kasi namin nararamdaman ang lamig dahil sa ilalim kami ng dagat namamalagi. Nakasakay ako sa bangka, akala ko ay tapos na ang aking kalbaryo, ngunit 'di pa pala.

Isang malaking kumot na maraming butas ang nahigaan ko. Magaspang ito't lumusot saka pumulupot sa aking paa at binti. Hirap kong tanggalin ito kaya't hinayaan ko na lang.

''Babalikan ka namin Melodia, huwag kang mag-alala, pansamantala'y dadalhin namin ang binata sa dagat,'' sabi ni Undina. Narinig ko ang paghampas ng kanilang buntot, siguradong pumailalim na sila.

Napatingala ako sa malawak na kalangitan, maraming mga tala. Kay gaganda. Nang mapansin ko ang isang kulay lumot na telang nakasampay kaya pinilit ko itong abutin sabay hila. Ginawa ko itong pantakip sa aking katawan. Sadyang nanunuot sa buong kalamnan ang lamig. Hindi ko mapigilang mangatog.

Gaano ba kahaba ang gabi? Naitanong ko sa aking sarili. Hindi naman nagtagal ay unti-unti kong ipinikit ang aking mga mata.

Napamulat ako nang maramdaman kong gumagalaw ang bangka. Napapikit din ako agad kasi tumama sa aking mata ang sinag ng araw. Nasilaw ako ng kaunti. May humihila rin dito sa bangka, sina Undina kaya? Pero bakit hindi nila ako ginising? Iginalaw ko ang katawan ko't kumapit para silipin sila.

Nakakita ako ng isang pigura. Naniningkit ang aking mata dahil sa sinag ng araw nang silipin ko ito.

''Sonata...'' Nakita ko ang ginawang paglingon niya nang tawagin ko ito. Napapikit uli ako. Naramdaman ko ang matinding pagpintig ng ulo ko. Naramdaman ko rin ang paghinto ng bangka't pagtagilid nito. Napahawak ako sa ulo ko dahil nagsisimula na itong sumakit.

''What the heck! my innocent eyes!'' Narinig kong sabi niya. Hindi ko nga lang naitindihan ang ibig sabihin no'n.

Unti unti akong nagmulat ng mata. Iginala ko ang tingin sa kwarto kung nasaan ako. Nakahiga pa ako sa malambot na higaan, mayroon na rin akong suot na damit. Napatingin ako tumunog na bagay sa may bintana, naihahangin ang manipis na kurtina na may nakasabit na bituin.

Iyon siguro ang lumilikha ng tunog. Napansin kong maaliwalas at maluwag rin ang buong paligid. Mayamaya ay naramdaman ko uli ang sakit ng aking ulo. Napasabunot ako sa aking buhok. Tila nauubusan pa ako ng hangin dahil sumasakit ang aking dibdib. Hindi rin ako makahinga.

''T-tubig...'' Nauutal kong sabi. Pakiramdam ko'y kailangan ko ng tubig.

Bumangon ako sa pagkakahiga. Nakita ko ang lagayan tubig malapit sa aking higaan. Agad ko itong inabot at nilagok. Wala na akong pakialam kung may matapon pa sa aking katawan. Basta ang gusto ko lang ay makainom ng tubig.

Bigla namang nanlaki ang mga mata ko habang umiinom nang may taong pumasok dito sa kwarto.

''Gising ka na pala,'' sabi niya. Nakangiti siya sa akin at kumaway.

Napangiti ako nang makita ang taong iyon, tumatakbo siya papalapit sa akin. Si Indigo. Ang pangalan niya ay Indigo.

''Pasensiya ka na Melodia.'' Hinihingal niyang sabi.

''Napakarami kasing mga tsismoso at tsismosa ang nangulit sa 'kin paglabas ko sa bahay. Tinatanong kung sino ang buhat kong babae kaninang umaga. Ang akala nila ay kinidnap at ginahasa kita! Hay, mga tao nga naman.'' Nakapameywang pa niyang sabi. Pagkatapos ay sinuklay niya ang buhok gamit ang mga daliri.

''Ayos lang iyon, alam mo napakaganda rito sa Atargatis ngayon lang ako makakadalo ng pista kung sakali.'' Nakangiti kong sabi sa kanya.

''Alam mo ang ganda mo pala ngumiti no?'' Napatingin ako sa kanya dahil sa sinabi niya.

''Baka isipin mo nagbibiro ako, hindi no... bagay kasi sa iyo iyang kulot mong buhok, ang cute rin ng matangos at maliit mong ilong. At higit sa lahat ang labi mo, pouty... ang cute.'' Tinuturo niya isa-isa ang parte ng aking mukha habang sinasabi niya iyon kanina. Hindi ko alam ang isasagot ko.

''Sorry kung naiilang ka sa sinabi ko, ang totoo niyan pinalaki kasi ako ng mom ko na nagsasabi ng totoo.'' Kaya pala napakaprangka niya. Napakurap tuloy ako ng tatlong beses.

''Naku hindi naman, hindi ko lang alam ang isasagot ko,'' sabi ko.

''Pwede na ang simpleng thank you.'' Idinikit niya ang mga daliri sa kanyang baba pagkatapos ay ibinalik niya paharap ang kamay.

''T-Thank you,'' sabi ko naman. ''Ano nga pala iyong sinenyas mo kanina?'' Ang sinenyas niya noong nagsabi siya ng thank you.

''Iyon ba, sign language para sa thank you,'' sabi niya at namulsa.

''Tara na ipapasyal kita rito sa lugar namin, by the way... Welcome to Atargatis Harbor!'' Kumindat siya sa akin pagkasabi noon. Napangiti na lang tuloy ako.

Naglibot kami sa buong lugar. Napansin ko ring lahat ng mga sinasabi niya ay madali kong natatandaan. Ang mga kilos ng mga tao, ang kanilang pananalita ay rumerehistro ng maigi sa aking utak.

Ang mga bagay na hindi ko alam, ang mga hindi ko mabasang letra ay nababasa ko na. Totoo nga ang sinabi ni Undina, mabilis kaming matuto at madaling makatanda ng mga bagong bagay.

Napakaraming mga binebenta. May mga makukulay na kabibe. Pamaypay na hugis buntot ng sirena. Mga pagkaing hugis isda. Mausok man dahil sa mga iniihaw na pagkain ay ayos lang dahil namamangha ako sa lugar na ito, na hindi ko nararanasan sa ilalim ng dagat.

Binilhan ako ni Indigo ng isang pagkain na kulay tsokolate o brown tapos hugis isda. Nag-alangan pa muna akong kumagat kasi nga kakaibang isda iyon.

''Ayaw mo ba? Masarap to, tingnan mo,'' sabi ni Indigo sabay kagat sa isdang iyon. Tumingin siya sa akin pagkatapos niyang kumagat. Pagkatapos ay ngumiti siya habang ngumunguya. May kung anong pulang bagay pa ang dumikit sa gilid ng kanyng labi.

''M-may nakadikit sa gilid ng labi mo, dugo ba iyan?'' Tinuturo ko pa ang bagay na iyon. Ginamit niya ang dila sa pagsungkit nito at pumikit. Nilalasap siguro niya ang masarap na lasa noon.

''Red bean ang nakita mo, ang sarap kaya tikman mo na. Gusto mo ba subuan pa kita?'' Umiling ako sa sinabi niya. Tumingin myna ako sa kanya bago kumagat. Nakanganga siya at parang hinihintay talaga niya ang una kong kagat. Sige na nga.

Kinagat ko ang isda, nginuya-nguya ko ito pagkatapos ay nilunok. Grabe, ang sarap! Natigilan pa ako sandali pero hindi ko na uli napigilang mapakagat uli, ang tamis ng red bean na palaman. Hindi ko maipaliwanag pero natutunaw ito sa aking dila! Ang sarap.

''Base on your facial expression, masasabi kong nagustuhan mo iyang taiyaki.'' sabi niya habang binubuksan ang takip ng bote ng tubig.

''Ang sarap nito! Ngayon lang ako nakatikim ng ganitong pagkain! Taiyaki, simula ngaaon ay paborito ko na ito!'' Hindi ko alam ang nararamdaman ko, parang may mainit na dugong naglalakbay papunta sa aking puso.

''At alam mo rin simula ngayon gusto na kita tapos bukas at sa susunod, gugustuhin pa kita.'' Nakangiti pang sabi niya sabay kagat sa hawak niyang isda.

Hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin pero mukha siyang masaya.

Nang maubos ko ang kinakain ko ay hinila ko si Indigo sa iba pang tindahan ng mga pagkain. Paborito ko na rin ang ice cream na binili niya. Kinakain ko iyon habang naglalakad kami, hanggang sa makita ko naman ang mga malalaking hipon. Natakam ako at pumwesto sa tapat ng tindahan.

''Buttered shrimp, gusto mo ba n'yan?'' Tanong niya sa akin, agad naman akong tumango.

Nakangiti ang tindera nang iabot sa akin ang maliit na pinggang gawa sa papel. Napakabango ng amoy. Kinamay ko ito at kinain. Nakakaiyak sa sarap! Mas masarap pala ang lutong hipon kaysa sa hilaw.

Hindi ko naman naiwasang pagmasdan si Indigo habang kumakain din ng hipon, ang gwapo rin pala niyang nilalang. Maliit ang kanyang mga mata.

Ang kisig niya sa suot niyang tinatawag na sando at merong konting buhok ang kilikili niya. Natawa tuloy ako, ang mga sireno sa dagat ay walang buhok ang kilikili. Hindi ko tuloy maiwasang matawa, ngunit di ko pinahalata sa kanya.

Napakabango rin niya at gusto ko ang ayos ng kanyang buhok, nakababa na natatakpan ng bahagya ang kanyang noo, kulay brown ito at medyo wavy ang harap. Malaki rin ang umbok sa kanyang braso.

Maging ang kanyang dibdib ay parang sa mga sirenong matitikas. Hindi nakaligtas sa aking mata ang tatlong mahabang peklat sa kanyang likuran. Para itong kalmot ng kung anong nilalang.

Ilang saglit pa ay bigla akong napalingon sa babaeng umangkla sa braso niya. Nahulog pa ang hipon na sana'y kanyang isusubo.

''Baby!'' sabi ng isang babaeng may kulay pula at hanggang balikat na buhok. Mapayat din siya pati ang mga binti nito.

''Ano ba, nahulog tuloy iyong kinakain kong hipon! Sayang!'' Reklamo ni Indigo. ''Ano na naman bang kailangan mo Peachy?''

''Indigo baby, merong party sa house later, punta ka ha?'' Maarteng sabi nito. Matinis ang kanyang boses at masakit sa tenga.

''Meron akong gagawin mamaya, alam mo namang busy akong tao. Saka don't call me baby hindi kita girlfriend.'' Naiinis na sabi ni Indigo.

''Anong hindi? Boyfriend kaya kita! Hahahaha'' Tumawa pa siya na parang kinikiliti.

''Don't you remember baby? But wait, sino ba 'yang kasama mo? She's weird and... why she's wearing your shirt?'' Turo niya sa damit na suot ko. ''Don't tell me, you two made that thing?! No!'' Nanlilisik ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. Papalapit na rin siya sa akin kaya naman napaatras ako.

Hinarang ni Indigo ang kamay kaya naman hindi ako nalapitan ng babae.

''Huwag mo ng subukang lapitan si Melodia, kung ayaw mong paliparin kita sa dagat,'' sabi ni Indigo sabay subo ng huli niyang hipon.

''Ugh, I hate you! Ang panget mo namang babae ka. May araw ka rin sa akin. How dare you making lapit kay Indigo!'' sabi niya sa akin, pinandilatan niya ako ng mata. Nainis na ata talaga siya ng tuluyan kaya umalis.

''Don't mind her, she's crazy,'' sabi ni Indigo.

Niyaya na lang niya ako sa isang maliit na entablado. May kunwaring dagat na nakadikit sa dingding. Manonood daw kami ng isang play ang sabi niya.

Taon-taon daw ay ginagawa ito bilang pasasalamat sa unang sirenang napadpad dito sa Harbor. Ipinangalan nila ang Atargatis sa kanya gaya ng pangalan ng unang nilalang na naging sirena.

Ngunit meron akong napansin. Napansin kong hindi ko na nagagawang makita ang amoy ng mga puso ng tao. Hindi ko na tuloy malaman kung sino sa kanila ang mayroong pusong puno ng kasakiman.

▪▪▪🌸