Chapter 29: Eidetic
Haley's Point of View
Hila hila ni Aiz ang sarili niyang rolling luggage niya habang suot suot ang malaki niyang beach hat. Naka spaghetti, shorts, at sandals. Para talagang pupunta sa outing.
Pinitik niya ang buhok niya noong tumapat sa kanya ang araw. "O.M.G. It's travel time ~!"
"Gusto ko lang I-inform sa'yo na hindi tayo magbabakasyon, Aiz." Paalala ni Rose.
"Pero malapit tayo sa beach!" Katwiran niya.
Hindi ko na lamang sila pinansin at dinala ko lang ang gamit ko sa labas ng compartment ng Van. 'Yung konduktor ng school ang maglalagay kasi nung mga gamit sa loob para mas maayos.
Hindi rin Bus ang gamit namin bilang pang transportation dahil ilan lang naman kami. "Hoy, Haley! Ano 'yang suot mo! Bakit balot na balot ka?" Taas-kilay na tanong ni Aiz kaya kunot-noo ko naman siyang nilingunan.
"O.A. Nakasuot lang ako ng jacket at jogging pants kasi malamig sa loob."
Paismid na ngumisi si Aiz at inilabas ang blanket niyang Hello Kitty. "Hindi ka handa. Pwede ka namang magdala ng kumot!" Tila parang bumagal 'yung paraan ng pag-alis niya nung kumot mula sa shoulder bag niya. "Behold! 100% cotton 'yan! Gawa sa napakamahal na materials at umaabot sa $1000 na iniregalo pa sa akin mula sa United States of America!" Napa-bored look ako ng wala sa oras. "Bakit mo 'ko tinitingnan ng ganyan? Inggit ka, 'no? Wala ka kasi nito!"
Lumapit sa kanya si Claire at tiningnan ang kumot na fine-flex sa akin ni Aiz. "Nakikita ko 'to sa Divisoria. Sigurado ka talagang mahal 'yan?"
Napahawak na lang ako sa noo ko't napabuntong-hininga.
Tumabi si Rose sa akin. "Pero sayang, hindi kasama si Nantin." Tinutukoy niya 'yung isang kaklase namin na ka-grupo ni Reed sa Short Music Video.
Nagpameywang ako na napatingin sa kung saan. "It can't be helped, she have to take care of her little brother after all." Nasabi kasi ni Nantin na maiiwan 'yong kapatid niya sa bahay. Eh, wala raw 'yung Dad niya dahil nagta-trabaho.
Hindi na niya sinabi kung nasaan 'yong Mom niya, at hindi na namin tinanong.
"Ma'am, pwede na po ba akong pumasok sa loob? Matutulog lang po." Napatingin ako sa gawi ni Reed na ngayo'y pinakiusapan ang titser namin sa Art Appreciation na si Miss Puccino. Siyempre kasama siya kaya walang klase ang iba naming blockmates at pwede na silang hindi pumasok.
Humarap sa kanya ang kaninang nakatagilid na si Ma'am Puccino. "Sige, tutal nakita ko ngang late ka na ring nakauwi kagabi." Rinig kong sabi niya at nilingon kami. "Pwede na kayong pumasok sa loob habang hinihintay pa natin 'yong dalawa." Tinutukoy niya si Caleb at Jasper. Nauna na ngang pumasok paakyat si Reed sa Van na sinundan ko naman ng tingin. Ang itim itim nanaman nung eye bags niya.
Tinapik ako ni Rose. "Ano pang hinihintay mo?" Tanong niya kaya napalingon ako sa kanya. Nakangiti siya at ginamit ang ulo pangturo sa bus. "Go. Baka mahirapan ka pa kapagka dumating na si Jin."
Umawang-bibig ako dahil sa sinabi niya at namula na umiwas ng tingin. "Mmh." Pagtango ko bago ko iniayos ang mini travel bag ko. "Thank you."
"Wow… We're pretty honest, huh?" Pang-aasar niya, eh paalis na nga sana ako.
Mas namula ang pisngi ko at salubong ang kilay na lumingon sa kanya.
"Shut the hell up!" Pero tinawanan lang niya ako kaya inirapan ko siya 'tapos pumasok na nga ako sa Van. At amoy na amoy kaagad 'yung Vanilla Pine Tree Car air freshener sa loob! Ugh. Ang baho-- este mabango pero ayoko ng amoy!
Lumapit na nga ako kung nasaan si Reed saka umupo sa tabi niya sa harapan. Naramdaman ko 'yung gaze niya pero ipinikit lang din niya kaagad ang mata niya kaya ako naman itong inilipat ang tingin sa kanya.
Medyo kinakabahan ako kasi ako na 'yong nagkusa na tumabi sa kanya. Noon, natatakot ako sa katotohanan na baka mamaya iba ang isipin niya. Pero ngayon, parang nawawalan ako ng pakielam. Kasi gusto ko rin naman talagang malaman niya na gusto ko siya. Hindi ko lang masabi ng diretsahan kasi nahihiya ako. Tsaka baka mamaya magkamali pa ako sa sasabihin ko, ayokong mapahiya sa harapan niya.
"Gusto mo ba sa tabi ng bintana? Para nakikita mo 'yung view." Tanong ni Reed kaya umangat ang nakatungo kong ulo para tingnan siya.
Umiling-iling ako. "Hindi. Okay lang." Inilayo ko ang tingin. "Kaya lang talaga ako tumabi sa 'yo para makahiga ka nang maayos kahit papaano." Sabay turo ko sa balikat ko. "D-Diyan. Pwede kang matulog diyan." Nakita ko sa peripheral eye view ko ang pamimilog nung mata niya kaya mas inilayo ko na nga ang tingin ko para 'di ko makita 'yong reaksiyon niya. Nakakahiya!!
"P-P-Pero kung ayaw mo naman, okay lang. Naisip ko lang kasi na baka mamaya, mabali leeg mo sa pagtulog m--" Hindi ko pa natatapos ay ibinagsak na niya ang kanyang ulo sa aking balikat.
Nakahalukipkip siya't nakapikit noong silipin ko siya. What's going on?
Ganoon lang? Wala na siyang ibang sasabihin?
Pumaharap ako ng tingin. Nagkakaroon na ba kami nang kaunting pagkakaintindihang dalawa? O sadyang pagod lang talaga siya kaya wala na siyang ibang sinabi?
Pumasok na sila Rose at Claire gayun din si Aiz na inirapan ako. "Gosh, umagang-umaga, naglalalandi ka riyan, Haley Miles Rouge." Kumento niya kaya may pumitik sa sintido ko. Balak ko pang magsalita pero bumuntong-hininga na lamang ako't naghintay pa ng ilang sandali habang nakikinig sa radyo na nakabukas.
Mayamaya pa noong dumating na sila Caleb at ngayon ko lang naisip na dapat may katabi ako!
Lumingon kaagad ako kay Rose na nakapikit na nakikinig ng tugtugin niya sa cellphone. Susubukan ko sana siyang kalabitin noong mabilis na tumabi si Caleb sa akin pagkapasok pa lang niya sa Van.
Ngiti siyang bumungad sa akin habang na sa leeg niya 'yung headphone. "Good morning, Hailes. Mukhang ang ganda ng araw ng katabi mo ngayon, ah?" Tinutukoy niya si Reed kaya umangat ang dalawa kong kilay sa pagka-flustered.
"Ah. Ahm--" Inilapit niya ang mukha niya sa akin.
"Mas gagalingan kong makuha ka." Sinasabi niya iyan ng hindi inaalis ang ngiti sa labi niya. Inilapit naman niya ang bibig niya sa tainga ko upang bumulong. "Humanda ka." Dagdag niya.
Wala akong nasabi dahil parang naurong 'yung dila ko, 'di ko alam kung saan ko pupulutin 'yung salita na pwede kong ilabas para ma-convince siyang tumigil. Ano ba'ng dapat kong gawin? Mukhang 'di naman tumatalab sa kanya 'yung salitang binabato ko sa kanya dahil mas nagkakaroon siya ng rason para gumawa ng paraan para makuha 'yong gusto niya.
Inalis ni Reed ang pagkakapatong ng ulo niya sa balikat ko at unti-unting binigyan ng masamang tingin si Caleb. 'Yung isa naman ay mas nilaparan ang ngiti. "Oh, gising ka na pala." Panimula ni Caleb na nawawala na 'yung mata sa sobrang pag ngiti. "Narinig mo 'yung sinabi ko?" Tanong nito at humagikhik. "Wala naman sigurong problema, ano?"
Malamig 'yung aircon pero parang nagsisimula na akong pagpawisan sa lamig lalo pa't nararamdaman ko 'yung nagbabagang tinginan nung dalawa.
Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni Claire sa likuran ko. "Haley, dito ka nga lang sa tabi namin. Hayaan mo na lang si Ma'am Puccino 'yung tumabi sa dalawa."
Hindi na ako umangal sa sinabi ni Claire at mabilis akong tumayo para lumipat sa tabi nila Rose. Wala tuloy nagawa sila Reed kundi ang magtabi.
Ibinaba ko 'yong upuan ko, daanan din kasi ito. Nang maibaba ko'y uupo na ako noong tingnan ko si Jasper sa likuran ko na nakasalong baba na natutulog pero kinukulit ni Aiz kaya kinuha ko 'yung phone sa bulsa ng jacket ko't kinuhanan ng litrato si Aiz kaya siya naman itong inis na tiningnan ako. "Bakit mo 'ko kinuhanan ng litrato?!" Iritable niyang tanong kaya pinakita ko sa kanya 'yong phone ko kung saan naglalaman iyon nung litratong kinuhanan ko sa kanya ngayon ngayon lang.
"Hindi ko 'to gawain pero mamili ka. Ise-send ko 'to kay Mirriam, o ipo-post ko 'to sa social media na mang-aagaw ka ng boyfriend."
"Are you threatening me?!" Hindi niya makapaniwalang tanong tsaka dumating si Ma'am Puccino. Pero nagulat kami dahil kasama rin pala si Sir Santos.
Na sa pintuan sila at sinilip kami.
"Maliban kay Nantin. Nandito na ba lahat?" Tanong ni Ma'am Puccino kaya sumagot naman kami. "Good. Mayroon tayong makakasama papunta sa HarBarn University. Si Mr. Santos dahil siya mag a-assist sa atin dahil doon siya nagta-trabaho noon bago siya maging titser dito sa E.U."
"Huweh? Sa HarBarn?!" Hindi makapaniwalang reaksiyon ni Rose pagkatanggal niya nung earphone niya. Narinig pa niya 'yon, eh 'no?
"Hindi nga?" Panghihinala namang tanong ni Aiz.
"Ang galing naman." Reaksiyon ni Caleb.
May sinabi lang si Sir Santos sa mga kaklase ko habang nakatinign lang ako sa kanya't ngumiti ng wala sa oras.
Nagsimula ng umalis ang Van. Ang pwesto namin ay na sa harapan nga si Reed at Caleb katabi si Ma'am Puccino. Samantalang na sa driver's seat naman si Sir Santos.
Kami naman sa gitna nila Rose at Claire habang na sa likod naman si Jasper at Aiz kaya talagang maluwag ang pwesto namin dahil kami-kami lang naman.
Iyong tipong nakakahiga na itong si Aiz sa pwesto nila Jasper.
Lumingon ako sa bintana para silipin ang labas kung saan sinasalubong namin ang sasakyan at gusali. Medyo nakaramdam ako ng deja vu dahil parang ganitong ganito 'yung scenario kapag aalis kami nila Kei para makapag bakasyon sa kung saan.
Ngunit sa pagkakataon na ito, mga kaklase ko ang kasama ko para sa isang school seminar.
Baka rito ko rin malaman kung ano talaga 'yung sagot na matagal ko ng tinatanong sa sarili ko.
Baka malamna ko na kung ano talaga 'yung gusto ko pagdating ng araw.
It scares me to think that I'm pursuing something that I don't really like, at mare-realize ko lang kapag tapos na. Kaya maganda rin 'to na nakasama ako-- pero iyon nga lang. Ang mahal lang talaga nung bayad namin para sa seminar na ito.
Ilang minutong biyahe. Tahimik ang lahat at nanatili pa rin akong nakatingin sa labas nang 'di ko mamalayan na nakatulog na pala ako.
Nagising lang ako, magtatanghali na. May napanaginipan ako-- hindi, sabihin nating bangungot mula sa napakasamang alaala na 'di ko rin maintindihan kung bakit bumalik pa ulit ngayon.
Isa-isang lumitaw ang litrato ng mga tauhan sa B.R.O. kung saan makikita na naliligo sila sa sarili nilang dugo. Putok ng baril, pagtalsik ng dugo at ang dilim na parang bumabalot sa kapaligiran. Sobrang linaw nung pangyayari, tipong parang mabago bago lang na pati petsa ay tandang tanda ko.
Nakatayo ako sa gitna at parang hindi alam ang gagawin pero makikitang takot na takot.
Napadilat lang ako't bumalik lamang sa realidad noong parang may hahawak sa balikat ko. Kinilabutan ako kaya napaupo ako nang maayos mula sa pagkakahiga ng ulo ko sa kandungan ni Claire. Doon ko rin narinig ang malakas na wangwang mula sa ambulansiya kaya ako naman itong mabilis na lumingon sa kanang bahagi kung nasaan iyon.
Katabi namin ngayon ang sasakyan ng ambulansiya. Na-stuck pala kami sa traffic kaya hirap na hirap makadaan 'yung ambulansiya.
Hingal na hingal ako dahil sa lakas ng pintig ng puso ko kaya tinawag ako ni Claire. "H-Hey, are you okay?" Nag-aalalang tanong niya kaya lumingon ako sa kanya. Nakatingin silang lahat sa akin na may pag-aalala sa kanilang mukha. "Namumutla ka. May masakit ba sa'y--" Aabutin pa lang ako ni Claire nang biglang lumakas ang tunog nung wangwang kung saan bigla ko ulit naalala 'yong mga pangit na imahe sa utak ko dahilan para mapahawak ako sa bibig ko.
Nakaramdam ako ng pagsusuka.
"Sino may plastic diyan?" Tanong ni Ma'am Puccino. Hindi ko alam kung kanino 'yong plastic pero kinuha ko na lang para roon isuka ang dapat na isuka.
***
NAG STOP OVER kami sa restaurant katabi ng kalsada. Dumiretsyo kaagad ako sa banyo para maghilamos. Samahan sana ako nila Rose pero sinabi kong kaya ko na at mauna na sila. Hindi naman na sila umangal at nauna na nga.
Pumasok ako sa banyo na hindi ganoon karami ang tao. Tumapak ako roon na may panghihina, nandoon pa rin 'yung feeling na parang bumabaliktad ang sikmura ko.
Tumapat ako kung nasaan ang gripo, nakatungo akong nakatingin doon nang tumingala ako para makita ang sarili sa salamin. "Haggard." Sabi ko sa sarili ko bago ko buksan ang gripo't magsimulang maghilamos.
Sa kalagitnaan niyon, iniisip ko pa rin 'yung alaalang panaginip.
Inner trauma?
Tanong ko sa isip ko habang kinukuha sa bag ko ang maliit na bimpo parang ipangpunas sa aking mukha.
O baka dahil sa narinig kong wangwang kanina kaya may na-trigger sa akin nang hindi ko namamalayan?
Humawak ako sa sikmura ko.
Hindi ko maiwasan na makaramdam ng pangangamba at takot. Paano kung may bumalik para patayin na talaga ako sa pagkakataon na ito? O paano kung napanaginipan ko iyon dahil may nangyaring 'di maganda kay Lara?
Yumuko ako. Sino ba niloloko ko? "Eh, alam ko naman na talaga sa sarili ko na mayroon talaga…" Mahina kong sabi sa sarili at nagsalubong ang kilay dahil biglang nakaramdam ng bigat ang mata ko. Nanlalabo rin ito kaya kaya napakagat-labi na ako.
Lumabas na nga ako sa banyo matapos ng ilang ulit na hilamos para lang magmukha akong okay.
Sa paglalakad ko para puntahan kung nasaan sila Reed ay huminto ako. Nandoon sa hindi kalayuan si Sir Santos at tila parang hinihintay talaga ako.
Umalis siya sa pagkakasandal niya para humarap sa akin. "Do you want to talk for a bit?"
*****