webnovel

COUPLE SHIRT

Nang matapos kumain nina Samarra ay agad nilang napagpasyahan na pumunta sa MK Shop, isa itong bilihan ng mga souvenir at mga damit. Pagkapasok pa lang nila ay dumiretso sila sa second-floor kung saan nakalagay ang mga damit. Humiwalay agad si Samarra at pumunta sa lady's wear. Kumuha siya ng isang t-shirt na crop top at isang short na tattered na maong na medyo maigsi ang tabas. Iniangat niya sa ere para makita ang details ng short nang masiyahan ay agad niyang tinanggal sa pagkaka-hanger 'yon.

"You're not supposed to wear shorts like that?"

Agad na napalingon si Samarra sa pinanggalingan na boses, kitang-kita niya ang salubong na kilay ni Zachary. Nakasimangot ito at kinuha ang short na hawak niya at ibinalik kung saan niya ito kinuha. Napamaang siyang sinundan ng tingin si Zachary. What the? Kailan pa naging bawal magsuot ng ganoong short? Huminga nang malalim si Samarra at kinuha uli ang short na agad naman siyang pinigilan ni Zachary.

"You're not allowed to wear that." Hindi niya pinansin ito at pumiksi siya sa pagkakahawak nito sa kaniyang braso. Sinamaan niya ito nang tingin ng hindi nito binibitawan ang kaniyang braso.

"Ara, isa?"

"What? Short lang 'yan, anong problema mo?"

"Masyadong maigsi, kaunting tuwad mo lang makikitaan ka na."

Napamaang si Samarra na napatingin kay Zachary. Seriously? 'Yon ang iniisip niya? At sinong matinong babae ang tutuwad? At bakit siya tutuwad? Naguguluhan na tiningnan niya si Zachary na nakahawak pa rin sa kaniyang braso.

"My, gosh! Cadden, short lang 'yan. 'Wag mong sasabihin na talagang pagtatalunan pa natin ito." Napasapo si Samarra ng kaniyang ulo. Hindi na niya kinakaya ang nangyayari, simpleng short lang mukhang hindi pa siya papayagan. Samantalang sa bahay nila naka-panty lang siya.

"Masyadong maigsi,"

"Gosh! Kaya short tawag dito kasi maigsi, kung mahaba ito pants na tawag doon," nawawalan na siya ng pasensiya kay Zachary dahil hindi pa rin binibitawan ang braso niya. Buti na lang wala masyadong tao sa kinaroroonan nila.

"Ara, listen to me, you're not allowed to wear that kind of short. Masyadong maigsi, ano ba ang hindi mo naiintindihan sa sinasabi ko." Sinundan na lang ni Samarra ng tingin si Zachary na ibinabalik ang short na hawak niya kanina.

"Since when? Kailan pa bawal? At isa pa, marami naman naka-short dito." Pinilit niyang kunin ang short na ibinalik ni Zachary.

"Hindi nga puwede, ayoko masyadong maigsi 'yan, makikitaan ka." Pinamaywangan niya ito habang hawak ang short at tiningnan niya ang pagngangalit ng bagang ni Zachary. Tulad niya nayayamot na rin ito.

"Alam mo, ikaw, short lang 'yan. Hindi naman big deal pero masyado mong pinalalaki." Kita niya ang pagsalubong ng kilay nito.

"Okay, sige, puwede ka nang magsuot ng ganiyan kung?"

"Kung ano?"

Napalunok si Samarra nang dahan-dahan naglakad si Zachary palapit sa kaniya na bagay na ikinaatras niya sa bawat paghakbang nito paabante ay siyang paghakbang niya ng paatras hanggang masukol siya sa isang gilid.

"I'm allowing you to wear that, pero dapat hanggang paa ang haba ng- t-shirt mo." Napakunot-noo siya habang nakatingin sa mukha ni Zachary. Ano daw? T-shirt na hanggang paa ang haba? Ano 'yon? Nababaliw na ba si Zachary? Huminga muna siya nang malalim.

"At saan ko naman hahanapin ang ganoong kahaba na t-shirt?" Nagkibit-balikat ito sa kaniya at medyo lumayo. Napasapo siya sa kaniyang ulo parang sasakit na ata ang ulo niya sa walang kuwentang pagtatalo nila.

"Kung wala kang makita, sundin mo na lang ang gusto ko or gusto mo umuwi na lang tayo 'pag ipinagpilitan mo sa akin 'yang short na 'yan." Napakunot-noo siya sa mga pinagsasabi ni Zachary sa kaniya. Uuwi sila nang dahil sa short? Gosh! Parang maha-high blood na siya.

"What did you say?"

"Uuwi na lang tayo kaysa naman magsuot ka ng ganiyan." Napabuga ng hangin si Samarra bago muling tiningnan si Zachary, nauubusan na siya ng pasensiya at naiinis na rin siya. Gosh! Short lang masyado ng pinalaki kung tutuusin hindi naman dapat maging big deal 'yon. Andaming naka-short na mas maigsi pa sa pinili niya.

"Okay, you win. Hindi ko na kukunin 'yan, 'wag lang tayo umuwi." Mabilis pa sa alas kuwatro na kumilos si Zachary at kinuha ng short na hawak niya at ibinalik ito kung saan niya kinuha.

Napaismid siya nang makita niya ang pagngisi ni Zachary na tilang tuwang-tuwa sa ginawa niyang pagsuko. Agad na kinuha ni Zachary ang mga hawak niyang damit at short, ito ang pumili sa kanilang susuotin. Habang siya sumusunod lang kay Zachary, hinayaan na rin niya ito na ang pumili ng damit. Kumuha ito ng dalawang khaki short brown at dalawang t-shirt na light blue, kumuha rin ng slipper na pareho sila. Nang makompleto ay agad nitong binayaran ang pinamili at iginaya na siya palabas ng store. Napasimangot siya dahil lahat ng binili nito ay magkapareho sila.

"Bakit ka nakasimangot?"

"Hindi kasi ako na-inform na dapat pareho ang suot natin." Napaismid siya nang tumawa si Zachary at inakbayan siya.

"Tawag dito couple shirt, pasalamat ka nga dahil pumayag ako at isa pa, first date natin kaya mag-enjoy ka na lang, kanina pa mainit ang ulo mo."

Hindi maiwasan ni Samarra na pagmasdan nang maigi si Zachary tila bang first time nitong makipag-date samantalang may naging girlfriend naman ito. Napangiwi siya nang maalala ang huling sinabi nito na siya 'yong mainit ang ulo, sino kaya sa kanilang dalawa ang galit na galit nang dahil sa short? Tsk.

Hindi na lang siya umimik hanggang sa makapasok sila ng spa, ang plano lang nila ay maligo, magpalit ng damit at iwanan doon ang mga kanilang personal na damit. Buti na lang ugali niyang magdala ng extra underwear sa kaniyang bag. Magkaiba ang babae at lalaki kaya ibinigay sa kaniya ni Zachary ang damit na binili nito sa kaniya.

"Ara, one-hour lang ang kailangan matapos ka na, hindi dalawang oras o tatlo. Isang oras lang, naiintindihan mo? At nakikita mo ba 'yong MK café na 'yon." Sinundan ni Samarra ang tinuturong coffee shop ni Zachary na nasa tapat lang ng spa. Bored niyang binalingan ng tingin si Zachary na hindi matapos-tapos sa mga pagbibilin sa kaniya.

"Love, can you please stop. Ako na bahala, promise wala pang one-hour nasa labas na ako." Tiningnan siya ni Zachary na punong-puno ng pagdududa, tila bang hindi ito naniniwala sa mga sinasabi niya. Kaya itinaas niya ang kanang kamay para lang maniwala ito.

"I swear, sandali lang ako." Na-off guard siya nang halikan siya ni Zachary sa labi at mabilis itong tumalikod. Wala tuloy siya sa sarili na napasapo sa labi habang sinusundan niya ng tingin si Zachary na nauna nang pumasok sa male entrance ng spa.

Nagkibit-balikat si Samarra habang hinayon niya ang female entrance ng spa, agad siyang dumiretso sa loob ng shower room area, pakiramdam niya sobrang lagkit at ang dumi niya pa. Para na rin maibsan ang init ng ulo niya ng dahil sa short, na hanggang ngayon hindi niya ma-gets kung bakit kailangan nila pagtalunan ang ganoong kaliit na bagay.

Nang matapos maligo si Samarra ay agad niyang kinuha ang slipper, t-shirt at short na binili ni Zachary sa kaniya.

"Hmm, mukhang okay rin naman pala ang binili ng mokong na 'yon," aniya habang sinisipat ang sarili sa salamin. Ang short niya na hanggang tuhod ang haba at ang t-shirt niya na tama lang din ang haba, nagsuklay lang siya ng buhok at inayos na niya ang mga damit na sout niya kanina at isinilid sa isang bag na binili rin nila kanina. Nang masiguro niyang wala na siyang naiwan ay agad niyang hinayon ang MK café para puntahan niya si Zachary.

Pagkalabas ni Samarra ng spa ay agad niyang pinuntahan ang MK café para tingnan kung nauna ba sa kaniya si Zachary. Nang hindi niya nakita ay napagpasyahan niyang antayin ito sa labas ng café, hindi alintana sa kaniya ang init masiguro lang niya na makikita siya agad ni Zachary sa tapat ng café.