Bea
19
Pampanga
Ang kwento nila, may namatay na pamilya sa bahay namin. Tatay, nanay, at ang sanggol nila. Abusado daw 'yung tatay, at eventually, pinatay niya 'yung asawa at anak niya, at nagbitay. Alam niyo kung saan lahat naganap 'yun? Sa kwarto ko.
The way na nakaposisyon ang bahay namin, ang kwarto ko ang nasa ibabaw ng living room. May terrace na maliit ang kwarto ko, at parati kong iniiwang nakabukas ang bintana at pintuan ko. Sa ilalim ng terrace ko ay ang wall-to-wall na open window ng living room namin, kaya rinig na rinig sa sala pag may galaw sa kwarto ko.
Take note: Townhouse ang tirahan namin. We only have 2 neighbors, sila Tita Ana (ko) and family, at sila Ate Mary and family na may tindahan. Pareho silang walang baby sa pamilya. Pati kami, dalawa lang kaming magkapatid. Grade 5 ako, grade 3 si Boyce.
One time, nasa bahay kaming lahat maliban kay Mommy. Nurse kasi siya, at madalas gabi siya nakakauwi, mga 9PM. Nanunuod kaming lahat sa sala. Umuulan ng malakas. July e. Tapos na ang school day. And since wala si Mommy, inuna na naming magkapatid manuod ng TV. Lahat kaming apat nasa sala: kaming dalawa ni Boyce, at mga yaya naming sila Ate Gie at Ate Eva. Si Ate Gie may hawak ng remote. Nanunuod kaming teleserye, 'di ko na maalala kung alin. May pagkalakas 'yung volume, kasi maingay rin 'yung bagyo sa labas. Nakabukas bintana namin. Kumikidlat at kumukulog. Biglang may umiyak na baby. Malapit 'yung iyak. Galing sa kwarto ko. Napatigil kaming lahat. Nagkatinginan kami, takot kumibo. Nilakasan ni Ate Gie 'yung TV. Lumakas rin ang iyak. Hininaan muli ni Ate Gie, at dun namin narinig ang hilaw na boses ng babae. Kinakantahan niya 'yung baby. Soft lullaby ang pagkatunog ng kanta niya, at maganda boses niya. Base sa narinig namin, siguro mga early 20s ang edad ng nanay. Nangilabot ako. Mamaya-maya, nawala mga boses ng mag-ina.
Hindi namin kinwento kay Mommy ang mga nangyari, dahil matatakutin siya. Marami na rin siyang mga sariling experience. Tutal, harmless naman 'yung mga spirit ng mag-ina.
Pero 'yung tatay hindi.
Talote ako noon. Even before we found out about the history of the house, nirequest ko na kasama ko sa kwarto matulog si Ate Eva. Madalas, nagsi-sleepover ako sa kaclose kong pinsan. Si Boyce din, sa isa pa naming pinsan na siya naman ang may kaclose. Sa kwarto ni Mommy natutulog si Boyce, so naturally, kapag wala kaming dalawa, naiiwan mag-isa si Ate Eva sa kwarto ko, at si Mommy sa kwarto niya. Given the history, tuwing wala ako, natutulog si Ate Eva ng nakabukas ang ilaw. One time, after nights of peaceful sleep alone, nag-decide siya na there's nothing to be afraid of, so she slept with the lights off for the first time. Since naninibago siya sa dilim, nahirapan siya makatulog. Pag nakaoff 'yung ilaw sa kwarto ko, syempre 'yung mga anino sa terrace ko nagrereflect sa pader ko. May poste ng ilaw kasi na malapit lang. Nakatitig lang si Ate Eva sa pader ng biglang may gumalaw na anino. Lalaki. Nagsimula ito maglakad palapit sa pinto, rinig na rinig 'yung mabigat na boots niya. Huminto siya sa pinto, wala na 'yung anino niya. Sa takot ni Ate Eva, humarap siya sa kabila at pumikit. Biglang may sumigaw ng sobrang lapit sa tenga niya: "UMALIS KA DITO." Tumakbo siya papunta sa kwarto ni Mommy, at dun na kami pareho natulog simulan noon.
Nakatira parin family ko sa townhouse. Madalas parin daw nagpaparamdam 'yung pamilya. Ako, sa Manila na'ko ngayon, nagtatrabaho. At si Ate Eva may sariling pamilya na.