"H-halika na..." Ani High saka kinuha iyong mga kinainan namin.
Tumango ako saka sumunod sa kanya pagbaba. Nasa palapag na kami kung nasaan ang classroom ko nang huminto siya.
"Sige na pumasok ka na." Aniya at nag-iwas ng tingin.
"Okay..." Sabi ko at naglakad na papuntang classroom ko.
Lumingon ulit ako sa kanya ngunit nakababa na yata siya. Ang nakita ko ay si Sir Migs kaya pumasok na agad ako ng classroom.
Sa klase ay naalala ko ang mukha ni High. Sa tinagal tagal naming magkasama ay ngayon ko lang yata siya natitigan ng ganoon. Napakalapit ng mukha niya kaya kitang kita ko lahat sa kanya.
Halos nakabisado ko ang galaw ng mukha niya. Mula sa pagkabigla noong nagkalapit ang mga mukha namin pati iyong pagkabalik balik niya ng tingin sa mga mata ko. Noong lumayo siya ay naalala ko ang pag-iwas niya ng tingin.
Natigil lang ako sa pag-iisip ng kinalabit ako ni Drei. May inaabot siyang papel at magki-quiz na pala. Pumikit ako ng mariin nang maalalang wala akong naintindihan sa pinag-aralan ngayon.
Mangongopya na nga lang ako...
Habang naglalakad kami pauwi ni High ay nakita namin ang mga estudyante sa labas na naghahanda para sa school festival. Dalawang linggo pa naman iyon ngunit nagpaplano na agad sila dahil magiging busy ang lahat sa paparating na examination next week.
"Punta tayo sa school festival, ha?" Narinig kong sinabi ni High.
"Syempre, kasama yata ako sa music club. Hindi pwedeng wala ako." Sinimangutan ko siya.
Saka ko lang naalala na wala nga pala siyang sinalihan na club. Hindi ko alam qng rason pero pinayagan naman siya ng school president namin.
"Hindi pa kayo nagpapractice?" Tanong niya.
"Kaninang tanghali. Tsaka yung grupo ko sa huli pa naman tutugtog... Baka after examination kami magpupuspos ng practice."
Hindi siya nagsalita kaya nagpahabol ako.
"Huwag kang uuwi agad ha!" Sinamaan ko siya ng tingin.
Ngumiti siya at tumango. Tinaasan ko siya ng kilay. "Mabuti naman..."
Nang nagbiyernes ay wala naman kaming masyadong ginagawa. Puro short discussion lang saka magdidismiss na agad ang mga teacher namin kahit marami pang oras. Ilaan nalang daw namin sa pagrereview dahil sa nalalapit na examination. Kaya kapag biyernes ay marami rin akong oras para umidlip, kung hindi ay niyayaya ako ni High pumunta ng canteen. Sa ngayong umaga ay hindi pa siya pumupunta rito. Siguro ay marami rin silang ginagawa.
Noong nagtanghali ay may short practice ulit kami sa music club.
Hinati kami sa tatlong grupo upang magperform para sa darating na school festival. Nasama ako sa pinakahuling grupo na magpeperform. Ako lang ang nag-iisang sophomore sa grupo namin. Puro senior ang mga kasama ko, si Ate Gran na vocalist namin, si Kuya Jig na drummer at si Joey na bassist. Ako ang guitarist nila.
Sinabi nila na kami ang magclosing dahil ito ang grupo na pinaka-inaabangan ng lahat. Kilala kasi si Ate Gran at Joey dahil sa mga mukha nila. Sumimangot ako. Si ate Gran, maganda talaga. Si Joey, hindi naman gwapo. Ewan ko ba sa mga babae ngayon. Ang bababaw ng taste.
Habang nagpapractice pa sa unahan ng room ang mga naunang grupo ay tinext ko muna si High.
Ako:
Kumain ka na?
High:
Opo!
Nagsend siya ng pagkain niya.
Bumuntong hininga lang ako. Isang linggo ko na yata siyang hindi nakakasabay kumain.
"Tayo na, Toy." Ani ate Gran.
Tumango ako saka pumunta na sa unahan upang magpractice.
Pagkahapon ay ganoon pa rin ang sitwasyon. Pinaalala lang sa amin ang mga dapat ireview saka nagpadismiss na.
Nakikinig lang ako sa mga daldalan nina Drei at Rate ngunit mga walang katuturan na naman ang pinag-uusapan nila. Umiling nalang ako saka umidlip.
"Hoy hoy, Toy!" Kinalabit ako ni Drei ngunit hindi ako nagpatinag.
"Hayaan mo na, Drei. Wala iyang interes sa sasabihin mo." Si Rate. Kaya mas gusto kong kausap minsan si Rate, e. May mas sense pa siya kaysa kay Drei.
"Porket gwapo talaga..." Ani Drei.
Humalakhak si Rate at may ginawa yatang kung ano kay Drei
"Tss. Stop that, Rate!"
Pinilit ko nalang umidlip.
"Ano ba, Rate!? Makapang-chics nga muna sa labas!"
Narinig ko ang mura ni Drei.
Mabuti naman at magiging tahimik na. Alam kong susunod din sa labas si Rate kay Drei kaya wala na akong maririnig na ingay. Ang haba na yata ng tulog ko, narinig ko nalang ang chime na alas-kuatro na.
Humikab ako at uminat. Pupunta naman dito si High kaya iidlip ulit ako sandali.
"Toy..."
Sinilip ko kung sino ang tumawag sa akin. Tinignan ko si Muse na nasa harap ko bago nilibot ang tingin sa buong classroom. Kaming dalawa nalang ang narito. Hindi ko alam kung ano ang kailangan niya at hinintay niya pa talaga ako rito.
Umupo ako ng maayos upang maharap siya.
"Ano sana... Sa saturday, ipapaalala ko lang?"
"Huh?"
Nakita ko ang saglit niyang pagngiwi ngunit nabawi ng kanyang hilaw na ngiti.
"G-group study?" Pagpapaalala niya sa akin.
Nag-isip pa ako saglit. Oo nga pala napilitan akong umoo dahil niyaya niya ako sa harap ng mga kaklase ko. Umoo ako pero wala akong balak pumunta. Wala naman akong gagawin doon.
"Okay..." Sabi ko.
Nakita ko ang pag-aabang niya ng sagot ko saka ngumiti ng malaki.
"Sa sabado ha?"
Tumango ako. Ang kulit.
"Aalis na 'ko." Aniya saka umalis ng tuwang tuwa.
Bakit nagpapaalam pa? Hindi nalang umalis agad.
Yuyuko sana ako sa aking upuan ng may narinig na hakbang papasok sa classroom. Narito na agad si High. Tinitigan ko siyang parang may nangyaring hindi maganda base sa itsura niya ngayon.
"Problema mo?" Sabi ko.
Lumapit siya sa akin at umiling. Kinuha niya ang bag ko ngunit binawi ko iyon.
"Sabihin mo."
Ano kayang nangyari? Hindi siya makatingin sa mga mata ko. Nakatingin lang siya sa bag ko na kinukuha niya ngayon.
"Ako na ang magbibitbit." Sabi ko at nauna ng lumabas.
Kabisado ko na siya. Alam kong sasabihin niya rin iyong problema niya kung magpapanggap akong galit sa kanya ngayon.
Pero umuwi nalang yata kami na hindi siya nagsasalita.