Nilaro laro ko ang ballpen na hawak habang nag aantay sa labas ng infirmary. Ngayon ay medical test namin. Inaabangan ko si High na kasulukuyang nasa loob ng clinic.
Sa ngayong taon ay nasa 175.5 cm ako. Tumangkad ako ng 0.5. Ilan na kaya ang tangkad ni High? Last year ay nasa 169.7 lang siya. Sana ay mas mababa ang kanya. Hindi ko yata matanggap na sinasabi nilang magkasing tangkad na kaming dalawa.
Nang bumukas ang pintuan ay agad kong nakita ang pilit na ngiti sa mukha ni High. Sinimangutan ko siya. Tinaasan ko siya ng kilay at alam kong alam na niya ang ibig kong sabihin.
"175..." Medyo naaasiwa niyang sinabi.
"Ano!?" Sigaw ko. Lumapit ako sa kanya.
Tumango siya at yumuko. Kumunot ang noo ko dahil sa inaasta niya. Hindi ba dapat ay pinagtatawanan niya ako ngayon? O di kaya'y magyayabang na medyo malaki ang itinangkad niya sa loob ng isang taon. Kunsabagay last year ay apat na centimeter ang itinangkad niya. Halos hindi ako makapaniwala noon. Bakit ang bilis bilis lang sa kanya tumangkad samantalang ako ay halos millimeter lang ang dinadagdag sa bawat taon. Ano naman kaya ang iniinom nito?
"Halika na nga." Ani ko saka nauna maglakad papuntang canteen.
Mas matangkad pa rin naman ako kay High, iyon ang importante.
Habang naglalakad papuntang canteen ay may humarang sa amin na babaeng mukhang freshman palang. Halata kasi sa maliit niyang katawan at ribbon sa kaliwang bahagi ng buhok niya.
Cute.
"H-hello... A-ano..." Tumingin siya kay High na nasa tabi ko. Agad kumunot ang noo ko. Mukhang alam ko na naman kung ano ito.
Nakapamulsa akong tumingin sa reaksyon ni High na tumingin sa akin at mukha ring nagtatanong.
Inilabas ng maliit na babae ang tinatago niya sa kanyang likod. Isa iyong chocolate na binila niya yata sa may mini stop sa labas ng eskwelahan. Ngumuso ako at hinintay ang sasabihin ni High.
"Para sayo sana... Uh..." Bago pa ituloy ng cute na babae ang sasabihin ay nagsalita na si High.
"Salamat... pero hindi ko iyan matatanggap. Pasensya na." Aniya saka tumingin sa akin. Tinaasan ko siya ng kilay. Mukhang humihingi ng tulong ang kumag.
"Tara na, High." Ani ko sa naglakad na.
"Pasensya na..." Narinig kong sinabi ni High bago tawagin ang pangalan ko.
Umupo na agad ako sa madalas naming inuupuan sa canteen samantalang dumiretso na sa counter si High upang makuha na iyong order namin.
Nang dumating siya ay agad ko nang nilantakan ang pagkain na nilagay niya. Gutom na gutom ako!
Tahimik lang na kumakain si High. Mabagal talaga siyang kumain, parang hindi lalaki. Halos kalahati palang ang kanya samantalang tapos na ako.
Nakita ko ang paglingon niya sa plato kong wala ng laman. Agad siyang tumayo at umalis. Bumalik nang may hawak ng tray na may dalawang baso ng coke at isang tubig.
Nilagay niya sa tapat ko ang coke kaya ininom ko agad iyon.
"High..."
"Hmm?"
"Ang cute noong babaeng freshman."
"Oh..." Wala man lang reaksyon na matino?
"Sayang 'yong chocolate." Pati iyong cute na babae... Gusto kong matawa sa gusto kong idugtong.
"Gusto mo ba noon?"
Hindi ako sumagot. Hindi niya makuha ang punto ko.
"Gusto mo 'yon?" Tanong niya ulit.
"Ewan." Ani ko saka tumayo. "Mauna na ako."
"Sandali!"
Hindi ko na siya nilingon. Dumiretso nalang ako sa computer room na siyang sunod naming klase.
Saglit akong nagonline nang may matanggap na notification.
Facebook:
Klarisse Goron added you as a friend.
Kumunot ang noo ko at binuksan iyon.
"Toy naman..." Narinig kong daing ni High sa tabi ko.
"Hindi ka pa tapos kumain, ah?"
"Busog na 'ko."
Umismid ako. Ako nalang sana ang umubos.
"S-sino yan?" Tanong niya nakita kong nakatingin na siya sa cellphone ko.
"Huh?" Ani ko at tumingin na rin sa cellphone ko.
Halos malaglag ang panga ko nang nakitang ito iyong babaeng magbibigay sana ng chocolate kay High.
"Gusto... mo siya?" Mahinang sinabi ni High.
Lumingon ako sa kanya at nakita ang malungkot niyang mukha. Nanghihinayang ba siya na tinanggihan niya itong babae at iniisip na aagawin ko ito?
"Hindi 'no!" Mariin kong tanggi.
Nanatili ang tingin sa akin ni High.
"Punyeta hindi nga. Inadd niya ako. Tignan mo, tignan mo." Ani ko at iniharap sa kanya ang cellphone.
Tumango lang siya at inalis ang cellphone.
"Tsaka alam mo naman ang gusto ko sa babae di'ba? Maganda pumurma. Maliit at payat. Malaki ang ngiti-"
"Hindi ba ganoon siya?"
"Huh?" Sumama ang tingin ko. "Hindi naman. Ayoko ng sobrang payat."
"Mga chubby?"
Kumunot ang noo ko. "Ayoko naman noon. Siguro tulad ng..."
Lumingon lingon ako upang maghanap ngunit wala pang mga estudyante rito.
"Siguro katulad sa'yo..." Ani ko saka diretso ang tingin sa cellphone.
"Hmm..." Aniya kaya tinignan ko siyang lumungkot ulit ang mukha.
"Bakit? Problema mo?" Ani ko saka pinagtuunan na ng pansin ang cellphone.
"Ayoko nang tumangkad." Bulong ni High saka yumuko doon sa may keyboard ng computer.
"Huh?"
Hindi siya sumagot.
Hindi ko na siya pinansin. Pinundot ko ang 'ignore' sa request noong babaeng hindi ko naman tipo.