Dear Diary,
Nandito ako ngayon sa kusina, diary. Nagluluto ng hapunan namin. Kung hinahanap mo si Kumareng Mirna mo, nandoon siya sa kwarto niya, borlog ang kumare mo, diary. Humihilik pa nga eh. Pagdating ko kanina dito, nasa sahig pa rin si Nanay. Humihilik.
Sabi ni Mumoy, dumating daw si Nanay kanina tapos hinahanap ako. Nung hindi niya ako makita, dumiretso daw siya sa kusina, naghahanap ng makakain, diary. Eh ano pa bang aasahan mo sa magaling kong kapatid? Anong aasahan mo sa kapatid kong parang pako na kung hindi mo pupukpukin hindi lulubog?
Oh, may pa-kasabihan ako, 'no? Well, naririnig ko lang naman kay Nanay 'yan diary, lalo na 'pag galit na galit siya dahil hindi pa kami nagtratrabaho.
So mabalik tayo, diary. Nahimatay daw si Nanay pagkatapos niyang pagalitan si Mumoy dahil gutom na daw siya at wala pa daw nalutong makakain. Wala pa daw yatang laman ang sikmura ni Nanay mula pa kaninang umaga. Kaya ayan, nahimbing siya.
Syempre dahil magaling ako, diary, nagluto na lang ako ng adobong sitaw. 'Yun na lang ang nasa ref naming luma eh kaya kiber lang. Potanis kasi si Mumoy, wala talagang kwenta. Kapag ako nainis diyan ipriprito ko itlog niyan. Kakagigil. Sarap ikutan ng eye balls, 360 degrees para bongga.
Kung tatanungin mo naman, diary, kung ano ang nangyari kanina kay Kuya Driver, ayun, muntik pa akong ma-high blood sa labas ng ospital dahil sa kaniya. Pero dahil nagmamadali akong umuwi, siya na lang din sinakyan ko.
Teka, ang pangit pakinggan 'nung 'siya na lang din sinakyan ko', let me rechase that. Rechase ba 'yun? 'Yung uulitin 'yung sinabi pero iibahin lang ang pagkakasabi? Basta 'yun na 'yun, ako ang nagsabi kaya tama 'yun.
So, diary, sa tricycle na lang niya ulit ako sumakay. Ayan, mas magandang pakinggan. Nagbayad na lang ako sa kaniya. Dahil maganda ako tapos mabait pa, nagbigay na ako ng 400 kay Kuya. Medyo naawa ako kaniya kahit na nabanas ako kanina sa kaniya.
Sinabihan ko na si Mumoy na gisingin si Nanay para makakain na. At ako naman diary, maliligo na. Kahapon pa yata ako hindi naligo. Medyo hindi na ako natutuwa sa amoy ko, diary. Amoy panis na ulam na ako, pero masarap pa rin.
Potanis ulit, umangal mabubungal.
Naghain na ako sa lamesa at pumunta na sa CR. Balak kong magbababad sa bath tub namin, diary. Kinuha ko na 'yung twalya ko diary saka pumasok sa CR. Pero pagpasok ko, agad akong nagtaka, diary.
Nasaan na 'yung bath tub namin? May nagnakaw ba sa bath tub namin? May nakapasok ba sa bahay namin 'nung wala kami dito? Hala, baka binenta na ni Mumoy, diary!
"Moy!" Sigaw ko. Maya-maya pa ay dumating na si Mumoy. Punong-puno pa ang bunganga ng hayop.
"Anyo 'yon Ache?" Bwisit na 'yan. Hindi ba niya alam 'yung kasabihang 'Don't speak if it's not your turn'? Kashungahan na naman ng kapatid ko eh.
"Nasaan 'yung bath tub natin? Bakit wala sa CR natin? Binenta mo ba?" Galit kong sigaw sa kaniya. Kasi nakakapagtaka talaga kung bakit wala dito 'yung bath tub namin.
Nilunok muna niya ang kinakain niya bago sumagot sa'kin. Muntik pang mabilaukan ang hayop. "Adik ka talaga Ate 'no?"
"Aba, bastos to ah! Nasaan nga kasi?" Pag-uulit ko sa tanong ko kanina. Nakakabwisit hindi na lang niya sabihin nang matapos na.
"Bahala ka nga diyan! Singhot kasi nang singhot ng ragbi ka ayan. Maghanap ka kung may mahanap ka diyan. Wala akong mabebenta kasi wala naman talaga." Nagwalk-out ang hayop, diary.
Bastos talaga. Sabihan ba naman akong adik? Siya kaya 'tong parang walang tulog at mukhang adik dito, duh. Pumasok na lang ulit ako sa loob ng CR, diary. Nang makapasok ako, may naalala ako, diary.
Wala nga pala kaming bath tub. Batya lang ang mayroon dito.
Napakamot na lang ako sa ulo ko, diary. Kaya pala ganoon ang sinabi ni Mumoy. Pahiya ako doon ah. Potanis, isang araw lang akong hindi naligo nakalimutan ko agad na wala kaming bath tub?
Baka nga nag-aadik ako, diary? Di kaya nag-i-sleep walk ako, diary saka ako sumisinghot ng ragbi? Di kaya ganoon ang nangyayari? Napatutop naman ako sa bibig ko, diary dahil doon. Paano kung ganoon nga?
Huwag na lang yata akong matulog? Para sana mabantayan ko sarili ko. Baka kung ano na naman ang gawin eh, mahirap na. Baka may mangyaring masama sa'kin o kaya ma-rape ako sa labas kapag nagkataon diary. Natakot naman ako sa naisip ko, diary. Naligo na lang ako diary para makalimutan ang pinag-iisip ko kanina. Bwisit kasi Mumoy eh!
Magsasabon na sana ako, diary nang malingon ako sa tiles ng CR dahil kulay itim na 'yung tubig na umaagos doon. Saan kaya galing 'yun? Ang dirty naman. Napatingin din ako sa sabon diary dahil kulay black na rin siya. Astig naman nito, nag-iiba-iba ang kulay. Ang astig, diary!
Nagpatuloy na lang ako sa pagligo. Habang naliligo ako, diary, hindi ko maiwasang maalala ang mga nangyari kanina sa ospital. Hindi pa rin ma-digest ng utak ko. Parang nasiksik sa utak ko lahat ng nalaman ko ngayong araw pati na rin 'yung kahapon. Hindi ko talaga kinikeri.
Hanggang ngayon, hindi pa rin halos magsink-in sa isip ko na si Klentong 'yung niligtas ko dati... na siya 'yung dahilan kung bakit ako na-comatose ng mahigit isang taon. May parte sa'kin na medyo masama ang loob dahil sa nangyari, dairy... pero mas lamang 'yung awa at kalungkutan na nararamdaman ko para sa kaniya. Parang hindi ko magawang magalit. Kasi gusto ko na maging payapa 'yung pakiramdam niya. Masaya ako na nakita ko ulit siya, at 'yun ang gusto kong maramdaman niya. Gusto kong maramdaman niya na sa kabila ng lahat ng nangyari, nangingibabaw pa rin ang saya, tuwa at pagmamahal ko sa kaniya.
Sabi ko nga di ba, wala namang may gustong mangyari 'yun. Siguro 'yung mga halang ang bituka, oo, pero sa mga normal na tao na may mabuting kalooban, hindi nila gugustuhin 'yun. Kaya hindi dapat ako magalit o magtamin ng sama ng loob, diary. Deserve niyang mahalin nang sobra... dahil sobra rin ang paghihirap na nararanasan niya ngayon.
Naiintindihan ko na rin si Nanay, diary. Pero hindi pa rin nawawala 'yung konting inis ko sa kaniya. Kahit na naiintindihan ko na siya, dapat pa rin siyang magpaliwanag sa'kin. Kaya siguro tinago sa'kin lahat ni Nanay dahil natatakot siya na baka maulit ulit ang nangyari noon... na baka mapahamak ulit ako. Medyo natuwa naman ako dahil doon kasi sa kabila ng magaspang niyang pakikitungo sa'kin, mayroon pa ring pag-aaruga at pagmamahal niya sa'kin, diary. Love love ako ni Nanay hihi.
Kwento rin sa'kin ni Asphyx na lagi raw kasi akong nasusugatan noon kapag naglalaro kami ni Klentong. Kaya pala puro ako peklat. Naalala ko nga dati na lagi akong napipingot ni Nanay kapag umuuwi ako dahil kung hindi bukol, sugat o pasa ang makikita sa katawan ko. Ang hilig ko kasing umakyat ng puno ng mangga noon. Doon din sa punong 'yun ako nakilala nila Asphyx at Klentong. Bwisit nga ako sa kanila noon kasi kinukuha nila 'yung bola sa'kin eh ako naman ang nakapulot doon. Nagkabukol pa nga ako dahil natamaan ako ng letcheng bola na 'yan. Pinagalitan na naman ako ni Nanay noon.
Dumagdag pa si Mimi saka 'yung mga barkadagmal niya. Paano kasi, sinabi ko lang naman sa mga nakakalaro niya noon na pangit si Mimi kahit saang angulo. Nagsasabi lang naman ako ng totoo tapos magagalit siya at susugurin ako. Eh wala namang laban sa'kin 'yun, diary. Mapapa-iyak ko 'yun dahil lang sa mga salita ko. Duh, magaling kaya ako, diary.
Sayang nga lang at lumipat na kami ng bahay. Malayo-layo na 'yun dito sa tinitirhan namin. Baka siguro kapag may oras ako babalik ako doon, diary. Isasama kita para naman hindi boring ang buhay mong gaga ka.
Medyo napahaba ang kwento ko diary. Hindi ko namalayan na tapos na pala akong maligo. Lumabas na ako at nagtungo sa kwarto kong maganda, parang ako.
Nagulat naman ako nang biglang nabasag 'yung salamin na nakadikit sa dingding. Aba, napaka-bitter naman nito. Ako lang ang may karapatang maging bitter dito, 'no, duh. Nagbihis na ako diary at pumunta sa kusina para kumain. Si Mumoh na lang ang nadatnan ko doon at wala na si Nanay.
Hindi pa rin tapos 'tong damuhong 'to? Nakaligo na ako't lahat lahat pero hindi pa rin siya nabubusog?
"Hoy Mumoy, magtira ka naman. Napakatakaw mong baluga ka." Hindi niya ako pinansin, diary at umalis sa hapag dala-dala ang plato niya. Hayop talaga, diary.
Hindi ko na lang siya pinansin, diary at kumuha na ako ng plato para kumain. Kumuha na ako ng kanin pero tutong na lang ang natira. Dahil no choice ako, kinuha ko na rin. Pero mas nagulat ako nang makitang wala na rin sng sitaw na niluto ko.
Potanis, diary.
Potanis.
Anong kakainin ko ngayon? Punyeta kasi si Mumoy eh!
Tinungo ko ang ref, diary at kumuha ng itlog. Magpri-prito na lang ako nito. Potanis ulit, itlog na naman. Pwede? Ibang itlog naman? Itlog ni Klentong o kaya itlog ni Asphyx, pwede pa. Pero charot lang, diary.
Nang maluto ko 'yung itlog, kumain na rin ako. Para akong presong kakalabas lang ng selda dahil gutom na gutom na ako. Kaninang umaga pa ako walang kain. Akala ko sulit ang kain ko ngayon pero hindi dahil kay Mumoy napurnada. Nakapaghapunan ako ng tutong at itlog dahil sa kaniya. Potanis.
Mabilis rin akong natapos na kumain diary dahil nga kakaunti, letche. Naghugas na rin ako ng pinggan dahil pagtingin ko sala kanina, tulog na si Mumoy. Walang hiya talaga. Potanis. May kanin pa sa labi at pisngi ang hayop. Ang sarap pa ng paghilik niya habang nakanganga. Dahil nga magaling ako, diary, binudburan ko ng asin at paminta ang bunganga niya, saka rin ako kumuha ng pot holder na siniksik sa bunganga ng damuhong 'to. Kala mo ah. Bawing bawi ako, diary. Apir!
Sigurado ako tulog na rin si Nanay, diary. Bukas ko na lang siguro siya kakausapin.
Bumalik ako sa kusina at naghugas na ng pinggan. Inabot rin ako ng bente minutos doon diary. Ang dami kasi, potanis na 'yan. Pagkatapos kong maghugas at pumunta na ako sa kwarto.
Magbu-beauty rest na ako diary.
Nagulat naman ako nang biglang humangin nang malakas dahilan para bumukas ang bintana ng kwarto ko. Potanis lahat na lang ba aangal? Nakaka-insulto na diary ah!
Hindi ko na lang pinansin 'yun, diary at nahiga na lamang. Kinuha ko 'yung selpon ko at nakitang may 69 missed call at 18 messages galing kay Taong Bagang.
Napatutop naman ako ng bibig dahil doon. Hala! May trabaho pa pala ako sa shop niya, nakalimutan ko na.
Binuksan ko 'yung mga messages niya ay nabwisit ako sa laman nito, diary. Puro panlalait ang natanggap ko sa taong bagang 'yon. Walang hiya talaga. Mantakin mo diary, ang nakalagay doon ganito,
'Hoy! Wala ka bang balak pumasok? Aba, hindi ka lang pala pangit at shunga, tamad ka rin!'
Bwisit siya. Ang lakas manlait eh siya nga 'tong bagang na tinubuan ng katawan eh.
Bukas na lang siguro ako papasok doon. Tapos sasaglit ako sa ospital kung saan naka-confine si Klentong, total malapit lang naman 'yun doon. Halos magkatabi lang eh. Subukan lang akong pigilan ng taong bagang na 'yun, hihilahin ko talaga pabalik 'yung ngipin niya. Ginigigil niya ako.
Matutulog na sana ako nang maka-receive ako ng text galing kay Asphyx.
From: Asphyx the Pogi
Thank you, Milan. Makakabalik ka ba dito bukas? Gusto ka kasing makita ulit ni Kuya. Pwede ka ba?
Buti na lang at may load pa ako, nareplyan ko pa siya.
To: Asphyx the Pogi
Sige. Pero baka tanghali at gabi lang. May trabaho kasi ako. Okay lang ba?
From: Asphyx the Pogi
Oo. Ang mahalaga makita ka niya. Sige , good night.
To: Asphyx thre Pogi
Sige. Goodnight.
Hindi na siya nagreply, diary. Baka naubusan ng load. So fure. In tagalog, mahirap. Duh.
Siya sige diary, bukas na lang ulit. Ngayon lang pala uli ako makakapag outro sa'yong gaga ka.
Maganda, Magalang, Cute, and Almost Perfect,
Milan.
***