Chapter 4
MABILIS ANG lakad ni Oddyseus habang papalabas na ng campus ng paaralan. Nagmamadali siya para hindi niya makasabay ang mga ibang estudyante na walang ginawa kundi ang laiitin siya palagi.
Hindi niya alintana ang mga mapang-usig na tingin ng kapwa niya estudyante habang nakakasalubong niya ang mga ito.
Tinuturing na lamang niyang parang wala siyang nakikita at nararamdaman. Sa ganoong paraan hindi siya masasaktan ng katotohanan. Noon pa man tanggap na niya ang sumpang iginawad sa kaniya ng diwata.
Nagpapasalamat parin siya rito dahil kahit papaano binuhay siya nito at hindi pinatay. Iyon nga lang para narin siyang pinatay dahil sa mga panlalait na kaniyang natatanggap araw-araw. Ngunit kahit na ganoon, masaya pa rin siya at nasaksihan at naranasan niya ang pagmamahal ng isang magulang.
Bigla lamang siyang napatigil nang mabunggo siya sa isang matigas na bagay. Umangat ang kaniyang tingin at pinakatitigan kung ano ang bagay na 'yon.
Ganoon na lamang ang pamumutla niya nang makita niya ito. Nanginig ang kaniyang buong katawan at ang maging mga lamang loob niya. Nanlalaki ang kaniyang mga mata at titig na titig lamang sa harapan nito.
"Tumitingin ka ba sa dinadaanan mo, Kuba?" tanong nito na nasa malalim na boses.
Tumango siya habang hindi niya inaalis ang tingin dito. Nagpuyos ito sa galit at nanlilisik ang mga matang nilapitan siya. Agad siyang sinunggaban nito sa kaniyang dibdib.
"Alam mo ba kung sino ang binangga mo, Kuba? Sa susunod kapag ako ang makakasalubong mo umiwas ka kaaagad, naiintindihan mo? Nakakadiri ka!"
Hinawakan nito ang kwelyo ng kaniyang uniporme at inilapit nito ang mukha sa kaniyang mukha at pinanlisikan siya ng mga mata. Binabantaan siya nito. Ganoon na lamang ang kabang dumaloy sa buo niyang katawan.
Isa ito sa pinakatatakutan niyang tao sa campus. Si Connor Esvares. Ang lalaking palagi siyang pinapahiya at inaapi. Maging sa babaeng pinakamamahal niyang si Olcea, ay karibal niya rin ito.
Gwapo ito at mayaman, makinis ang balat at normal. Kaya't ano nga ba ang laban niya rito pagdating sa usapang physical? Talong-talo siya. Wala siyang kalaban-laban rito.
"Kapag mangyari ulit ito sa susunod, hinding-hindi ko na papalampasin pa, Oddyseus. Naiintindihan mo? Kaya't kung ayaw mong mabugbog na wala sa oras. Mag-iingat ka na sa susunod."
Tatango na sana siya nang mapatigil siya. Ang boses na iyon. "Connor! Ano na naman ang ginagawa mo kay Oddyseus?!"
Agad siyang binitawan ni Connor at bumaling ito kay Olcea na nagsalita mula sa kaniyang likuran. Ngumiti si Connor ng pagkalaki-laki at agad na lumapit kay Olcea.
Siya naman napako sa kaniyang kinatatayuan at nagmasid na lamang sa dalawa.
"Olcea, naku. Wala kinakausap ko lang si Oddyseus." Pagsisinungaling nito sa dalaga.
Tinitigan naman ito ni Olcea na may pagdududa, saka siya bumaling kay Oddyseus na tahimik lamang habang nakatingin sa kanilang dalawa ni Connor.
"Totoo ba ang sinasabi ni Connor, Oddyseus?"
Nakita naman niyang napapalunok ng laway si Oddyseus. Mukhang alam na niya ang totoong nangyari. Tinapunan niya ng kakaibang tingin si Connor nang tumango si Oddyseus sa kaniyang tanong.
"Sa susunod huwag mo na ulit takutin si Oddy, para pagtakpan iyang kasamaan mo Connor. Dahil kahit magsinungaling siya tungkol sa ginawa mo hindi ako maniniwala. Sa sama ba naman ng budhi mo.."
Napatawa si Connor dahil sa kaniyang sinabi. "Olcea naman, mas kinakampihan mo ba ang kubang salot na 'yan kesa sa akin?"
Inirapan niya ito biglang uminit ang ulo niya nang marinig ang panlalait nito kay Oddyseus.
"Mas salot ka pa sa hayop, Connor. Ang sama ng ugali mo.."
Nginisihan lang siya nito. Hindi na niya ito pinansin at nilampasan. Hindi niya talaga naaatim ang ugali nito.
"Halika na Adeva," tawag niya sa kaniyang pinsan na kanina pa sa kaniyang tabi nakatayo.
Sumunod naman agad ito sa kaniya. Nang makarating siya sa harapan ni Oddyseus hindi na niya pinalampas ang pagkakataon. Hinawakan niya ang kamay nito.
"Halika na Oddy, sumabay kana sa amin ni insan.."
Wala naring nagawa pa si Oddyseus kundi sumunod kay Olcea habang lutang na lutang ang isip.
Kung panaginip man ang nangyayari ngayon sa kaniya ayaw na niyang magising pa. Sana habang buhay hawak ni Olcea ang mga kamay niyang kulubot na.