webnovel

Chapter 5

Chapter 5

HANGGANG NGAYON hindi pa rin makapaniwala si Oddyseus na kasama niya si Olcea at ang pinsan nitong si Adeva kahapon. Lutang na lutang pa rin ang isip niya hanggang ngayon. Nangyari nga ba ang kahapon? Nakasabay nga ba niya talaga si Olcea pauwi? O, nanaginip lang talaga siya?

Pero napangisi siya ng ubod laki nang maalala niyang hindi pala siya nanaginip no'n. Totoo iyong nangyari, ang lahat ng nangyari.

Kasalukuyan siyang nag-aalmusal ngayon at kasabay niya ang kaniyang mga magulang sa hapag-kainan.

Hindi niya alam ang sasabihin sa mga ito ang tunay niyang nararamdaman. Baka mamaya sabihan lang siya ng mga ito na lumayo sa gulo. Lalo na't alam ng mga ito na delikado ang tatay ni Olcea.

Ayaw niyang mangyari iyon. Alam niyang iniisip lang ng mga magulang niya ang kaniyang kapakanan pero hindi niya rin maiwasan ang bugso ng kaniyang damdamin para kay Olcea. Mahal na mahal niya ito simula pa noong bata pa sila.

"Anak, ang laki yata ng ngiti mo? Maari mo bang ibahagi sa amin ang dahilan ng iyong pagkakangiti?"

Napaangat ang kaniyang tingin sa Inang si Victoria nang bigla itong magsalita ito sa kalagitnaan ng kanilang pagkain.

"Oo nga anak, mukhang ang saya ng gising mo ngayon. May maganda bang nangyari sa panaginip mo?" dagdag pa ng kaniyang Tatay Romulos.

Kumamot siya sa kaniyang batok saka sumubo ng kanin. Ninguya niya muna iyon bago nilunok. Sasabihin niya ba sa mga magulang niya ang totoo? Paano kung papalayuin siya ng mga ito kay Olcea? Paano na ang pag-ibig niya para rito?

Ito na ba ang sinasabi nilang hadlang sa pag-iibigan ng dalawang tao. Napabuga siya ng kanin nang marinig ang sinabi ng kaniyang isipan. Ang tanong gusto rin ba siya ni Olcea?

Dali-daling kumuha ang kaniyang Ina ng tubig saka iniabot ito sa kaniya. "Anak naman, dahan-dahan naman sa pagkain. Hindi ka naman namin uubusan ng Tatay mo."

Ngumiwi siya dahil sa sinabi ng Ina. Nahihiya siyang tumingin rito.

"Sorry, Inang. Nasarapan lang sa luto mo," ngiti niyang sagot rito.

"Kaya pala ang laki ng ngiti mo?"

Tumango siya kahit hindi naman iyon ang dahilan. Mahirap na at baka malaman ng mga magulang niya. Wala nang pag-asa pang makita niya si Olcea.

"Sus, hahaha. Kumain ka na nga diyan, Oddy. Binobola mo na naman ang Inang mo," suway naman sa kaniya ng kaniyang Tatay Romulos.

Napatawa na lamang siya nang makatanggap ito ng batok galing sa asawa. "Ayaw mo sa luto ko? Kaya hindi ka sumasang-ayon sa anak mo?" tanong nito.

"Mahal naman, hindi sa ganoon. Siyempre masarap ang luto mo," paglalambing ng kaniyang ama sa Ina niya.

Napailing na lamang siya sa nasasaksihan.

...

ABALA SA PAGKUHA ng gulay si Romulos nang bigla na lamang humangin ng malakas. Nabitawan niya ang hawak na malaking basket. Puno iyon ng mga pipino na kakakuha niya lang kani-kanina lang.

Iginala niya ang kaniyang paningin sa paligid saka inihanda ang sarili sa maaring mangyari. Napatingin siya sa bakuran ng kanilang bahay at nakita niya ang kaniyang asawang si Victoria na nagwawalis.

Umangat ang magkabilang sulok ng kaniyang bibig saka malapad na ngumiti. Mahal na mahal niya talaga ang asawa at maging ang kaniyang anak na si Oddyseus.

Ganoon na lamang ang panlalaki ng kaniyang mga mata nang biglang umihip ulit ng malakas na hangin. Mas malakas pa ito ngayon kesa sa una.

Biglang sumikdo ang kaba sa kaniyang dibdib. Hindi na ito normal na hangin. Hindi normal dahil sa kanilang parte lamang ang hinahangin ng malakas, samantalang sa kabilang panig ng kanilang lugar hindi manlang gumagalaw ang mga dahon ng puno. Sa kanila lang talaga.

Maya-maya ganoon na lamang ang panlalaki ng kaniyang mga mata nang makita ang isang ipo-ipo na papalapit sa kaniya. Anyong tao iyon at ayon sa nabubuong imahe isa itong babae.

Napalayo siya sa malaking ipo-ipo nang tuluyan nang makalapit ito sa kaniya. Hindi niya inaasahang mangyayari ito ngayong umaga.

Natanaw niya si Victoria na napatigil rin sa ginagawa dahil sa malaking ipo-ipong dumaan. Agad na pumunta ito sa kaniyang pwesto nang tumigil ang malaking ipo-ipo sa bakuran nila.

"Romulos!" tawag sa kaniya ng asawa. Hinawakan niya ito sa kamay nang tuluyan na itong makalapit sa kaniya.

Unti-unting nagpalit ng anyo ang kaninang malaking ipo-ipo sa katawang tao— isang diwata.

Nagulantang ang mag-asawa sa nasaksihan at nakita. Agad na hinila ni Romulos ang asawa saka ikinubli sa kaniyang likuran. Tiningala niya ang napakagandang diwata na walang mukha.

"Anong kailangan mo sa amin? Ano na naman ang pakay mo?" matapang niyang tanong rito.

Lumulutang ito sa hangin kung kaya't nakatingala silang dalawa ni Victoria rito.

"Nais ko lamang kayong dalawang balaan. Tungkol sa nalalapit na tuluyang pagiging kuba ng inyong anak na si Oddyseus. Dapat makahanap na siya ng babaeng iibig sa kaniya bago ulit sumapit ang kabilugan ng buwan, kung hindi. Habang buhay na siyang isinumpa."

"Sino ba naman ang magkakagusto sa anak namin, ha? Pinapangit mo siya! Alam mo namang mahirap iyon mangyari," hagulhol na iyak at sigaw ng kaniyang asawang si Victoria rito.

"Huwag kang mag-alala. Sisiguraduhin 'kong matatapos na ang sumpang ito. Bago sumapit muli ang kabilugan ng buwan. Makakawala rin ang anak ko sa sumpa mo, diwata," matapang naman niyang sagot rito.

"Bueno, mabuti na iyong maliwanag," sabi nito sabay lumaho sa liwanag.

Nagkatinginan silang dalawang mag-asawa. Agad niyang niyakap si Victoria habang walang humpay sa pag-iyak.

"Huwag kang mag-alala, mahal ko. Magiging maayos rin ang lahat."