Para kay Miguel, isang pagkakataon ito na maranasan ang iba namang kultura. Tuwing pumupunta sila sa Hong Kong sa Disneyland sila at mga pasyalang pambata at pampamilya ang pinapasyalan nila. Hindi na nila nagawang puntahan ang mga lugar na nagpapakita ng tunay na kultura ng mga taga-Hong Kong.
Tuwang-tuwa naman sina Amihan at Odette. Sa kalahating araw na natitira hindi nila alam kung anong gagawin nila. Kaya nang magyaya si Sharon Chai ay pumayag sila kaagad. Iba naman ang pakiramdam ni Abel. Hindi na naman niya makakasama si Amihan nang sila lamang mag-isa. Ngunit dahil sasama si Amihan sa pamamasyal ay sasama na rin siya.
Nagpaalam sina Amihan kila Leo at Ditas na mamamasyal sila kasama si Sharon Chai. Nang pumayag sila, bumalik ang lahat sa kanilang silid sa hotel upang magpalit ng damit.
"Dapat lang na sa iba namang lugar tayo mamasyal dito sa Hong Kong. Lagi na lang sa mga pambatang pasyalan. Hindi na tayo bata," panimula ni Odette habang nagsusuot ng kanyang kamisetang puti.
"Basta ako, bata pa." Tugon ni Amihan na may pilyang ngiti. Sinisilip na lamang niya ang kanyang sarili sa salamin at handa na siyang lumabas ng silid.
"Isip bata kamo. Ayaw mo bang tumanda?"
"Ang sarap kaya ng bata. Lahat ng gusto mo ibibigay. At saka wala kang responsibilidad," patuloy na nakangisi si Amihan kay Odette na tila nanunukso. "Haay! Sarap talaga ng buhay bata!"
Nakasimangot na si Odette sa pagkasuya sa nakakalokong pinapahayag ng mukha ng kaibigan. Palibhasa nag-iisang anak si Amihan. Samantalang panganay siya sa tatlong magkakapatid at binigyan siya ng responsibilidad ng mga magulang niya na huwag pabayaan ang mga kapatid lalo na sa pag-aaral. May kaya din naman ang pamilya ni Odette. May-ari sila ng isang pang-mayamang subdibisyon sa Lungsod ng M.
"Tigilan mo nga ako diyan. Halika na at nang makapasyal na." Kinuha ni Odette ang kanyang maliit na bag at isinukbit ito sa kanyang balikat. Hinawakan niya ang kamay ni Amihan saka hinila palabas ng pintuan.
Sa labas ng pintuan, nakatagpo nila si Miguel na nakasandal sa labas ng kanyang silid. Hawak nito ang kanyang telepono at tila may nilalaro siya doon. Nang marinig niya ang dalawang babae sa labas na ng kanilang silid, tumingala ito at itinaas ang dalawang magagandang kilay.
"Ang tagal niyo naman magbihis. Inabutan na tayo ng pananghalian. Gutom na ako." Sabi ni Miguel habang naglalakad na sila sa pasilyo ng kanila palapag.
"Hindi ba kakakain mo lang sa pagtatanghal? Nakita ko kayo ni Odette na pinapapak na lahat ng pagkain doon, ah." Napataas din ang kilay ni Amihan.
Dahil sa haba ng mga binti at mabilis maglakad si Miguel, takbo-lakad ang ginawa ni Amihan upang makasabay dito. Nang isang hakbang na lang ang layo ni Miguel, hinawakan ni Amihan ang laylayan ng suot nitong kamiseta upang bumagal ito. Siya namang biglang hinto ni Miguel sa paglalakad nang maramdamang may humihila sa kanyang kamiseta. Dahil dito napasubsob ang mukha ni Amihan sa matigas na likod nito.
Napahawak si Amihan sa ilong niya na naluluha ang mga mata. Nang lingunin siya ni Miguel nag-alala ito sa kanya. "Anong nangyari sa iyo?"
"Bakit bigla kang huminto?" Napasimangot si Amihan kay Miguel. Pakiramdam niyang hindi man lang nag-iingat ang lalaki at nagkukunwaring wala siyang alam sa nangyari sa kanya.
"May humila kasi sa kamiseta ko. Malay ko ba na ikaw iyon." Kunwaring nag-aalala si Miguel ngunit sa katunayan ay nagkukunwari lamang itong inosente. May pilyong ngiti ito na hindi napansin ni Amihan.
Nang mga sandaling iyon ay nasa harap na sila ng elebeytor. Pinindot na ni Odette ang butones sa labas ng pinto upang magpahinto ng isang masasakyan.
Hinihimas ni Miguel ang ilong ni Amihan habang nakayuko ito sa dalaga at malapit ang mukha niya dito nang biglang may tumunog at bumukas ang pinto ng elebeytor.
"Ayan na. Sumakay na tayo," tawag ni Odette sa dalawa na tila naglalambingan sa kanyang likod.
Sa loob ng nakabukas na pinto ng elebeytor ay naroon si Abel. Kitang kita niya si Miguel na banayad na hinalikan si Amihan sa ulo nito upang mapawi ang inis at galit sa kanya ng dalaga. May anong kirot ang naramdaman ni Abel sa kanyang puso. Ibinaba niya ang kanyang tingin upang hindi siya mapansin ng dalawa. Matamis na ngiti naman ang isinukli ni Amihan sa halik ni Miguel.
Pumasok na si Odette sa elebeytor at binati niya ang guro nila sa sining ng may buong pag-galang. Nagulat si Amihan at Miguel nang makita na naroon din si Abel sa loob ng elebeytor. Binati rin nila ng may pag-galang ang lalaking mas matanda sa kanila ng apat na taon.
Sa may tanggapan ng hotel, naghihintay na si Sharon Chai sa kanila. Nakalugay ang mahaba at tuwid na itim na buhok nito. Nakasuot ito ng simpleng pulang damit na lagpas tuhod na nagpatingkad sa kulay gatas niyang balat. Napakaganda niyang tingnan kaya lahat ay napapalingon sa kanya. Nabighani man si Abel sa ganda nito ngayon ay hindi niya ipinahalata sa babaeng taga-Taiwan upang hindi na magkaroon ng dahilan ng hindi pagkakaunawaan.
"Handa na ba kayo?" Masayang tanong ni Sharon sa grupo. Sila lang ni Abel ang magkasing-gulang. Kung mayroon man itong bahagyang kalungkutan dahil sa malamig na asal ni Abel sa kanya ay hindi niya ito ipinahalata.
"Kanina pa. Tara na!" Sabay sabay na tugon ng tatlong tinedyer. Pagkasabi nito, lumabas na ang tatlo sa hotel. Nang nasa bangketa na sila napalingon sila kay Sharon, na may katanungan sa kanilang mukha. Maglalakad ba sila o sasakay ng taksi?
Nang makita ni Sharon ang pahayag ng kanilang mukha, natawa ito. Naunawaan niya ang iniisip ng mga kabataang ito. "Maglalakad muna tayo at kakain ng pananghalian sa isang kainan dalawang kanto mula dito."
"Ah. Ganoon ba? E di mauna na kayo at susunod na lang kami." Sabi ni Amihan. Pinauna nila si Sharon at Abel.
Wala sa loob na sumunod si Abel kay Sharon. Wala siyang magawa. May pinagaralan siya at mataas ang katungkulan ng kanyang ama sa Pilipinas. Kung magiging bastos siya kay Sharon, ano na lang ang iisipin nila Amihan at mga kasama nito. Minsan mahirap din ang kalagayan ng isang anak ng Meyor. Maraming rin dapat isaalang-alang katulad ng imaheng ipapakita sa publiko.
Kumain sila sa isang kilalang restawran. Si Abel Bonifacio ang umakong magbabayad sa kinain nila. Matapos kumain ay naglakad muli ang lima. Nangunguna pa rin si Sharon at Abel. Sumusunod lamang sina Amihan, Miguel at Odette.
Dumating sila sa isang malaking templo. Marami pa ring mga turista ang nasa loob nito. Maraming insenso ang nakasindi at mga pulang mga papel na nakasabit sa kisame nito. Ito ang Man Mo Temple. Isa sa mga pinakamatandang templo sa Hong Kong. Dalawa ang sinasamba nilang diyos dito, si Man Tai at Mo Tai. Maraming mga mag-aaral at mga pantas ang tumatangkilik sa dalawang diyos na ito upang magkaroon sila ng kaunlaran sa kanilang pag-aaral at mga pagsusulit.
Natuwa naman sila Amihan sa isinalaysay na kasaysayan ng templong ito ni Sharon Chai. Ginaya nila ang ginawa ni Sharon na pagsindi ng insenso. Nilibot din nila ang buong templo at namangha sila sa kanilang mga nakita.
Sa isang sulok ng altar ay may isang matandang babae na nakaupo malapit sa hagdan. Kulubot na ang balat nito ngunit matalas pa ang kanyang paningin. Nang mapadaan sila sa tabi ng matanda, hinawakan nito ang laylayan ng pantalon ni Miguel. Napahinto si Miguel sa paglalakad. Huminto din si Amihan at Odette sapagkat nakasunod lamang sila kay Miguel.
Akala ni Miguel na humihingi ito ng limos sa kanya kaya isinilid nito ang kamay sa bulsa ng pantalon upang kumuha ng barya. Ngunit wala siyang nakitang lata o baso man lamang sa tabi ng matanda na paglalagyan ng barya.
"Siya ang babaeng nakatakda sa iyo." Malumanay na sabi ng matanda na may kaunting nginig sa kanyang tinig habang nakaangat ang ulo nito at nakatingin kay Miguel.
Napayuko si Miguel upang harapin ang matanda at napakunot ang mga noo nito. "Ano po ang sabi ninyo?" Tanong ni Miguel sa salitang Ingles. Hindi niya nauunawaan ang salita ng mga Intsik.
Narinig ni Sharon ang sinabi ng matanda. Isinalin niya ang sinabi ni Miguel sa matanda saka lumapit sa may gawi ng binata. Napatingin din sina Amihan, Odette at Abel sa matanda at naghihintay ng sasabihin pa muli nito.
"Ang babaeng kasama mo." Nagsalita muli ang matanda. Hindi na ito nakatingin kay Miguel bagkus, nagsulat ito sa pamamagitan ng kanyang daliri sa lupa.
"Sinong babae ang tinutukoy ninyo?" Si Sharon na ang nagtanong sa matanda at itinuro si Amihan saka si Odette.
Hindi man nakataas ang ulo ng matanda, may itinuro ang kanyang baku-bakong hintuturo. Sinundan nila ng tingin ang itinuturo ng daliri ng matanda. Nakaturo ito kay Amihan.
Nagtaka silang lahat. Nagulat si Amihan at Odette. Maging si Miguel ay nagulat din subalit mayroong ligayang namuo sa kanyang puso. Tama ang itinuro ng matanda na babae. Napatingin ito kay Amihan.
Napakunot ang noo ni Abel. Tiim ang bagang nito at dumilim sandali ang paningin dahil sa panibugho. Tahimik niyang tinitigan ang matanda. "Naniniwala ba kayo sa sinasabi niya?" Madiin na tanong ni Abel sa mga kasama.
"Siya ang magpapaligaya sa iyo." Muling nagsalita ang matanda. Hindi niya pinansin si Abel bagkus may itinuro muli ito -- si Miguel.
Napatingin silang lahat kay Miguel.
"Ako? Ano daw ako?" pagtatakang tanong ni Miguel habang itinuturo niya rin ang kanyang sarili.
"Ang sabi ng matanda, si Amihan daw ang nakatakda sa iyo, Miguel. At ikaw naman Amihan, si Miguel daw ang magpapaligaya sa iyo," pagpapaliwanag ni Sharon sa Inggles.
Hindi makapaniwala ang lahat sa sinabi ng matanda. Nagkatinginan lamang sina Amihan at Miguel. May malaking katanungan sa kanilang mukha. Samantalang may namumuong maliit na ngiti sa labi ni Sharon, lumalalim naman ang pagkakakunot ng noo ni Abel na halos magsalubong na ang dalawang kilay nito. Mapapansing naninilim na rin ang mukha nito.
Nang makalabas na sila ng templo ay magtatakipsilim na. Sumakay na sila ng bus upang makarating agad sa hotel. Nang gabi ring iyon ay babalik na sila sa Pilipinas. Kailangan nang magimpake ng gamit sina Amihan.
Sana ay magkomento din kayo upang malaman ko kung natutuwa kayo sa aking nobela.
Maraming salamat sa inyong pagtangkilik. Sisikapin kong maging maganda ang mga susunod na kabanata.