webnovel

Dahil Magaling Ka, Mahal

Kaunti lang ang dalang damit nila Amihan sapagkat dalawang araw lang sila sa Hong Kong. Sa tanggapan ng hotel na sila nagkita-kita nila Miguel at Abel. Si Sharon ay naroon din upang magpaalam sa kanila.

"Nasa iyo na ang aking mga numero, Amihan. Tawagan niyo lang ako kung kailan ang balik ninyo dito sa Hong Kong." Bilin ni Sharon habang hawak ang kamay ni Amihan.

"Salamat at ipinasyal mo kami, Sharon." Nakangiting sabi ni Amihan. "Makakaasa kang pagbalik namin ay magkikita tayong muli. Sana ay makapasyal ka din sa amin sa Pilipinas."

"Darating tayo diyan. Kung si Abel sana ay sang-ayon na samahan ako mamasyal sa Pilipinas, siguro ay magiging masaya ang pagdalaw ko sa inyong bansa." May laman ang mga salita ni Sharon. Sa kanyang malamlam na mga mata naunawaan ni Amihan ang nais niyang ipahayag.

Nginitian lamang siya ni Amihan. Kung may magagawa nga lang ang dalaga upang paglapitin si Abel at si Sharon ay gagawin niya iyon. Ngunit hindi niya lubusang kilala ang anak ng mayor. Isa pa iniiwasan na niya ang lalaking ito. Para kay Amihan, hindi magdudulot ng mabuti ang kanilang pagiging malapit. Mas nais niyang makasama si Miguel dahil matagal na silang magkakilala at alam niyang tapat ito sa kanyang damdamin sa kanya.

Nagpaalam na sina Amihan kina Leo at Ditas. May mga panauhin pa silang kakausapin kaya hindi na nila naihatid sina Amihan at mga kasama nito sa paliparan. Tanging ang tagapagmaneho ng kanilang kumpanya ang nagdala sa kanila doon.

Sa loob ng eroplano, magkakatabi sa upuan sina Miguel, Amihan at Odette. Sa "business class" nakaupo si Abel at ang kanyang kasamang personal na tagabantay.

"Naniniwala ka ba sa sinabi ng matanda sa templo?" Tanong ni Miguel sa katabi niyang si Amihan.

"Ikaw naniniwala ka?" ibinalik ni Amihan ang tanong. "Hindi kaya nagkamali lang ng turo ang matanda."

"Tumigil ka nga diyan! Ano ba'ng pinagsasasabi mo," marahang hinampas ni Odette ang braso ni Amihan ng magasin na hawak niya.

"Aray! Masakit yun ah." Himas-himas ni Amihan ang kanyang braso kahit hindi naman masakit ang pagkakadampi ng magasin dito.

"Ang gulo niyong dalawa." Napakunot ng noo si Miguel sa gawi ng mga katabi. "Ngunit sa totoo lang, nabigla ako sa sinabi ng matanda sa akin. Ang ipinagtataka ko, bakit ako ang kinausap niya at hindi kayo?"

"Huwag ka nang magtaka, Miguel. Hindi ako ang may gusto kay Amihan kaya hindi niya ako hinawakan." Sabad ni Odette habang binubuksan ang mga pahina ng magasin. "Mabuti na lang. Kung nagkagayon siguro ang lakas ng tili ko sa pagkakahawak niya sa akin."

Napatawa si Amihan at Miguel sa sinabi ni Odette.

"Basta ako masaya. Nabenta lahat ng mga nilikha kong sining." Hindi maalis ang ngiti sa mukha ni Amihan. "Sa kauna-unahang pagkakataon ng pagtatanghal ng aking mga gawa, marami ang nagkagusto."

"Dahil magaling ka, mahal." Matapos sabihin ito, hinawakan ni Miguel ang kamay ni Amihan at pumikit ng mata.

Ibig alisin ni Amihan ang kamay niya mula sa pagkakahawak ni Miguel subalit lalong hinigpitan ng lalaki ang pagkakahawak dito. Pinalo ng kamay ni Amihan ang mabilog na braso nito ngunit lalo lamang nilingkis ng lalaki ang mga daliri nila ni Amihan.

"Bitiwan mo nga ako, Miguel." Mahinang sabi ni Amihan na palinga-linga sa mga katabi. Nagaalala siya na baka makagambala siya sa ilan sa mga pasaherong natutulog. Gabi na nang makalipad ang eroplano sa himpapawid.

"Matulog ka na lang diyan. Mamaya darating na tayo sa Pilipinas." Sagot ng binata na hindi pinansin ang pagkasuya sa mukha ni Amihan.

Walang nagawa si Amihan kundi isandal ang ulo at manahimik. Pinabayaan na lamang niyang hawakan ang kamay niya ng mga maiinit na kamay ni Miguel. Bumuntunghininga siya at naalala ang kanyang mga panaginip. May kinalaman din kaya ang hula ng matanda sa Amihan noong sinaunang panahon? Bakit tila sigurado ang matandang iyon na siya ang nakatakda para kay Miguel at ito ang magpapaligaya sa kanya?

Kunsabagay, maging sa panaginip ay naroon silang dalawa ni Miguel. Noong pasinaya ni Amihan sa lumang panahon, sa dinami-dami ng mga lalaking mula sa magagandang pamilya, bakit si Miguel pa ang hindi inaasahang makakatagpo niya. At bakit naman gugustuhin ni Miguel si Amihan na isip bata, ulila at walang kayamanang ipagmamalaki na nakatira sa isang lumang bahay sa burol.

Napapakunot ng noo si Amihan at napapailing sa mga pumapasok sa kanyang isipan. Hindi pa rin siya makapaniwala na dalawa ang panahon kung saan siya nabubuhay, ang sinauna at ang kasalukuyan. Ngunit sa sinaunang panahon, ulila siya doon. Ang mga kasama niya ay pawang mga kamag-anak ng kanyang ama. Sa kasalukuyan, ang mga kamag-anak na malapit sa kanya ay mula sa panig ng kanyang ina. Nakapagtataka na hati ang mga kamag-anak ng mga magulang niya sa dalawang panahon. At bakit wala nang mga magulang ang lumang Amihan, samantalang sa kanya ay kumpleto. Iisa nga ba silang personalidad o namumuhay siya sa lumang panahon sa pamamagitan ng ibang tao?

Ngunit iisa lamang ang kanilang mukha. Magkaiba lamang ang ayos ng kanilang buhok at mga kasuotan. Maging ang Miguel noon ay taglay din ang pagmumukha ng Miguel ngayon. Silang-sila nga. Para lang sila humarap sa salamin.

Hindi nakatulog si Amihan sa eroplano samantalang ang mga katabi niya sa magkabilang panig ay himbing na himbing na.

Nang mga sandaling iyon, isang hugis ng lalaki ang tumambad sa kanya. Pinahina lang ang ilaw sa loob ng eroplano kaya hindi niya agad nakilala ang nakatayo sa may harap niya.

Nagsalita iyon ng malumanay na silang dalawa lamang ang makakarinig. "Amihan, may susundo ba sa inyo paglapag ng eroplano sa paliparan?"

Nagulat si Amihan sa tanong ni Abel. Nakilala niya ang boses at ang tayo nito. Nagtataka lamang siya kung bakit kailangan siyang puntahan nito sa kanilang upuan.

"Mayroon. Natawagan na ni Papa si Mang Roger." Sagot ni Amihan.

Napatingin si Abel sa magkalingkis na mga daliri nina Amihan at Miguel. Nakadama ng hiya si Amihan ng mapansing nakatingin sa kanilang mga kamay ang mata ng gurong mag-aaral. "Huwag na kayong mag-alala sa amin, G. Abel. Salamat na lang po."

Tumango lamang si Abel at mabilis na tumalikod. Nandilim ang mukha nito pabalik sa kanyang upuan. Mabilis ang paghinga at tikom ang bagang na naupo ito sa tabi ng bintana. 'Babalik ka rin sa pinanggalingan mo, Miguel.'

Sa isip ni Abel, kung magkahawak kamay na sina Amihan at Miguel, hindi kaya may relasyon na sila na higit sa magkapatid. Hindi kaya ganoon lamang sila magturingan bilang kinakapatid ni Miguel si Amihan. Ganoon nga kaya ang magkababata?

Naalala ni Abel si Sharon Chai. Halatang-halata niya na may gusto sa kanya ang magandang dalaga na taga-Taiwan. Mayaman, matalino at nag-aral sa ibang bansa. Ngunit bakit hindi niya magustuhan ito? Bakit si Amihan pa? Magaan ang loob niya sa dalaga na tila matagal na silang magkakilala.

Maraming binabalak si Abel. Liligawan niya si Amihan, ngunit liligawan niya muna ang kanyang mga magulang. Kapag nakuha na niya ang loob ng kanyang mga magulang, hindi na magdadalawang isip ang mga ito na ipagkatiwala sa kanya si Amihan. Ituturing niya si Amihan na pinakamahalagang kayaman. Ipagkakaloob niya dito ang lahat ng karangyaan. Wala itong ibang gagawin kundi magpinta o gawin ang anumang ibig niya sa buhay. Ibibigay niya lahat sa dalaga. Hindi kailangang makaranas ng sakit o paghihirap si Amihan. Proprotektahan niya ito ng kanyang buhay.

Napangiti lamang sa sarili si Abel sa mga balakin niya para kay Amihan, sa kanyang pagmamahal dito. Ngayon pa lang ay sigurado na siyang iibigin din siya ni Amihan.

Maraming salamat sa pagboto!

Sana patuloy niyong tangkilikin ang aking nobela.

Mabuhay kayong lahat!

Cancer_0711creators' thoughts